12.6.03

Liwanag Ng Buwan

Liwanag Ng Buwan
By E.L. Minell



Pebrero taong 1950.
Magdadapit hapon na ng makarating sa Pampangga sina Juana at ang kanyang sampung taong gulang na pamangking si Nestor. Nakatingin sa labas ng bintana si Juana. Malamig ang hanging nanggagaling sa bintana ng bus. Pula ang kulay ng langit gawa ng namamatay na liwanag na nanggagaling sa lumulubog na araw. Masarap ang simoy ng hanging nanggagaling sa mga berdeng kabukiran. Nagsimula siyang magtungo sa Pampangga noong bagong kasal pa lamang ang kanyang Tiyuhin sa isang dalagang kapampangan. Mahirap man sapagkat ilang beses niya kailangang sumakay ng kalesa, tuloy pa rin ang kanyang pagbisita sa kanyang Tiyuhin. Madalang kung lumuwas mag-isa si Juana. Kadalasa’y kasama niya ang kanyang ama o kaya’y isang nakakatandang kapatid. Galing sila sa Maynila upang dalhan ng masasarap na prutas ang Tiyuhin niya at ang apat na buwang buntis na asawa nito. May kaya ang pamilya nila sa Maynila. Nanunuluyan naman sa Maynila si Juana sa pamilya ng kanyang kapatid, ang ama ni Nestor. Ginabi na sila sa daan. Wala nang tao sa paligid maliban sa mga kutsero.

Oras na ng orasyon nang makarating sila sa maliit na bayan ng Macabebe. Napalitan ang mga kulay pulang ulap ng puting liwanag galing sa buwang nagtatago rito. Niyakap ni Nestor ng mahigpit sa kamay ang kanyang tiyahin gawa ng pagkatakot nito sa gabi. Marami na kasing naikwentong nakakatakot na alamat at istorya si Juana sa kanya. Sanay na si Juana sa pagpunta sa malalayong lugar sa Pilipinas. Sa edad niyang bente anyos, nakarating na siya sa Cebu, Davao, Baguio at madalas naman sa lugar ng kanyang mga ninuno, sa Capiz. Alam na ng lahat ang mga kakaibang kwento o alamat tungkol sa probinsya ng Capiz ngunit hindi magpapatalo si Juana sa dami ng kanyang narinig na mga kwentong multo, manananggal, kapre, tikbalang, mangkukulam at aswang. Kanya naman itong ipinapasa sa pamangking si Nestor. Natatandaan pa ni Juana ang mga bilin ng kanyang Tito na huwag uugaliing dumating sa Macabebeng bukas na ang mga sulo sa mga poste ng kalye. Ngunit ang kinakatakot lamang ng dalaga ay ang mapagalitan ng kanyang tiyuhin sa pagdating nito ng gabi. Si Juana’y isang modernong Pilipina. Produkto ng impluwensya ng mga nagdadatingang kultura mula sa ibang bansa na pinangungunahan ng Amerika. Maganda ang wangis ng kanyang mukha. Kayumanggi naman ang kulay ng kanyang balat. Marami na siyang nalalaman ukol sa mga bagay bagay na kinakatakot ng karamihan ng kanyang mga kasing edad ngunit hindi niya pinaniniwalaan ito. Para sa kanya’y isang uri lamang ng libangan ng tao ang mga istoryang galing pa sa ating mga ninuno. Marami na siyang natutunan sa Unibersidad sa Maynila kung saan siya nagaaral.


Ang tanging ilaw na matatanaw sa maliit na bayan ng Macabebe ay ang mga ilaw sa poste, mga lampara ng mga kalesang dumadaan at ang mga lampara ng mga bahay sa kani-kanilang mga bintana. Nangingibabaw naman sa lahat ang liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan. Makakapiling mo ang kalikasan sa kanilang nadadaanan. Ang liwanag ng buwan na sumasagi sa mga dahon ng mga dambuhalang puno ng Acacia, mga luntiang taniman, at ang hamog ang nagpapaalala kay Juana sa kanyang mga karanasan sa Macabebe. Napakaliwanag ng sinag ng buwan. Ito’y tila isang liwanag na sadyang ipinagkaloob sa mga naglalakbay sa gabi. Nilapitan nila ang isa sa mga kalesang naka tabi sa likod ng simbahan. Natutulog ang kutsero at iidlip-idlip naman ang kanyang sulo. Kinalabit ni Juana ang kutserong natutulog upang gisingin ito. Sumakay naman agad sa karwahe si Nestor. Sa loob ng karwahe, sila’y nagbayad agad at sinabi kung saan sila tutungo. Bago sila lumarga, napansin ni Juana ang isang binata sa may kalayuan ng simbahan na naghahanap ng masasakyang kalesa. Ang binata’y naka damit na puti at pantalong kulay abo. Siya’y mukhang taga Maynila. Ang wangis ng kanyang mukha’y may halong kastila. Matulis ang kanyang ilong at may kaputian ang balat. Napansin na siya ni Juana doon pa lamang sa bus na kanilang sinakyan kaya’t agad niya itong napuna. Bumaba muna si Juana sa inuupuan at nagpaumanhin upang lapitan ang binatang naghahanap ng masasakyan.

“Nakakaintindi ka ba ng Tagalog?” ang tanong ni Juana sa binatatilyo.

“OO, ako’y taga Maynila”
“Kung gayon eh saan ka naman papunta? Mukhang wala na kasing dadaang kalesa dito at lumalalim na ang dilim.”
“Sa Batasan ako.”
“Makisabay ka na sa amin. Doon din ako papunta sa Tiyo Carding ko. Ako si Juana, kapatid ni Tiyo Carding ang aking ama. May kilala ka bang Carding na Tagalog?”
“Hindi ko siya kilala.”
“Siguro nga… kasi mag lilimang buwan pa lamang siya ditong tumira. Halika na para makarating tayo agad sa patutunguhan. Kasama ko ang pamangkin kong si Nestor.”
Nagtungo sila sa kalesa at sumakay agad. Mukhang pagod na pagod na ang kabayo ngunit napakabilis pa rin. Tuluyan nang namatay ang liwanag sa loob ng karwahe ngunit napakaliwanag pa rin ng kanilang dinadaanan gawa ng liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan. Pinapanood ni Nestor ang bawat bahay na kanilang nadadaanan. May napuna si Nestor na isang babaeng madumi ang suot at magulo ang buhok sa tabi ng duyang nakasabit sa Acacia. Mukhang may sinasabi ito sa kanya dahil mukhang nagsasalita ito. Nanlalaki ang mga mata nito’t nakatitig sa kanya. Lalo namang natakot si Nestor sa kanyang nakita. Gabi na kasi’t wala nang ibang taong nasa labas ng kani-kanilang mga bahay. Nakaupo sa kanilang harapan ang binata. Nakatitig rin ito sa kanila na parang may malalim na iniisip. Binulungan bigla ng bata ang kanyang tiyahin, “Tiya bakit siya nakatitig sa atin?”.
Binaliwala ito ni Juana at sa halip ay tinanong pa ni Juana ang binatang kasama nila, “Anong pangalan mo?” Sa una’y hindi ito kumibo ngunit nang huminto na ang kalesa upang siya’y bumaba, sinabi niya ang kanyang pangalan.
“Manuel," ang kinibo ng binatang mahiyain.
“Napakatahimik ng lalaking iyon. Manong kilala na po ba ninyo ang lalaking iyon? Kasi alam ninyo kung saan siya bababa.” ang tanong ni Juana sa matandang kutsero. Hindi agad sinagot ng kutsero ang kanyang tanong. Ang buong akala ni Juana’y hindi lamang ito nakakaintindi ng Tagalog. Sa hindi kalayuan sa bahay ng binata, nakarating din sila sa bahay ng Tiyo Carding. Bago sila bumaba ng karwahe, may ibininulong ang matandang kutsero sa kanila,
“Humihiwalay kasi iyan sa mga tao sa paligid. Hindi siya nakikipagusap. Hindi nakikipagsalamuha sa tao. Tuwing madaling araw ay umaalis siya at dumarating tuwing Gabi. Nagiisa lamang siya sa kanyang dambuhalang bahay ngunit natatakot ang sino mang manghimasok sa kanyang bahay. Mayaman kasi yang taong iyan. Marami nga ditong naniniwalang isa iyang bampira dahil sa kanyang mga kilos. Sa tingin ko nama’y napakabait ng batang iyan. Sige na’t ako nama’y mamamahinga na.” Mayroon pang sinasabi ito sa mahinang boses habang siya’y lumalayo ngunit hindi na nila ito inintindi.
Hindi naniwala si Juana sa sinabi ng matandang kutsero na si Manuel ay isang bampira sapagkat nakita na niya ito sa bus pa lamang noong bago sila sumakay. Totoo nga ang sabi nilang maraming mga tao sa lugar na iyon ang maraming pinaniniwalaang ala-alamat at kwentong bampira. Karamihan sa kanila’y naniniwala sa mga multo ng mga namatay sa Ikalawang Digmaan sa kamay ng mga Hapon. Nakikita raw ng mga tao roon ang mga sundalong pinahihirapan at pinapamartsa ng mga Hapon na tila’y naroon pa rin sila at buhay na buhay. Ang iba nama’y nakaririnig ng mga salitang Hapon sa paligid ligid ng mapunong daanan. May isa namang nakapagsabing may narinig siyang isang babaeng ginagahasa ng hapon, nagmamakaawa, habang siya’y tumutungo sa palikuran sa tabi ng puno ng niyog. Ngunit kapag ikaw raw ay nagtungo rito, wala kang makikitang tao. Lahat halos ng kanyang narinig ay mga kwentong multo. Ang lahat raw nito’y mararanasan lamang sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan. Iyan ay ilan lamang sa mga kaalaman ni Juana tungkol sa mga kakaibang karanasan ng mga tao sa lugar na iyon. Pilit niya itong idinidiin sa kanyang isipan bilang mga bagay lamang na ginawa ng tao upang mabigyan ng kulay ang buhay tuwing maghahating gabi. Nalilibang rin naman siya tuwing nakaririnig ng mga nakakatakot na kwentong multo.
Nasa ibaba ng hagdanan si Mang Carding at naninigarilyo. Kahit na maliwanag sa magaspang na daan, kina mang Carding nama’y ubod ng dilim dahil sa mga punong kahoy na naglalakihan. Nakaupo si Mang Carding sa hagdanan ng kanilang bahay. Siya’y nasisilungan ng mga dahon ng mga dambuhalang puno kaya’t ang tanging makikita sa kanya ay ang kanyang suot na puting damit at ang baga ng kanyang sigarilyo.
“Hindi pa po ba kayo matutulog Tiyo Carding?” ang tanong ni Juana sa kanyang tiyuhin. Hawak ni Juana ang kanyang daladalang mga prutas galing ng Maynila.
“Bakit kayo nagpagabi? Alam naman ninyong mapanganib sa daan. Iha huwag ka nang magpapagabi ulit sa lugar na ito, baka ika’y mapahamak. Hindi ko nga alam na kayo’y darating. Nandito ako sa labas dahil hinihintay ko ang tiya mo, doon siya sa kapitbahay nag orasyon.” ang pambating isinalubong ni Mang Carding sa mga taga Maynila.
“Ganun po ba? Pasensya na po kasi nasiraan kami ng sasakyan kaninang Hapon.” Binitawan muna ni Juana ang kanyang mga hawak na prutas at nagmano sa Tiyo. Nagmano rin si Nestor kay Carding. Samantala biglang dumating ang asawa ni Carding galing ng Orasyon. Nagmano si Nestor sa kanyang Lola Fatima. Sabay sabay na silang umakayat patungo sa loob ng bahay. Mataas ang bahay ni Mang Carding. Simple lamang ito at gawa sa kugon ang kanilang bubungan. May bukas na lampara sa gitna ng Mesa. Gawa sa Kawayan ang kusina ni Mang Carding. Ang mga kahoy naman sa kanyang mga dingding at kagamitan ay gawa sa mga matitibay na kahoy tulad ng Nara. Napakalamig talaga ng simoy ng hangin at malayang pumapasok ito sa loob ng kanilang bahay.
“Kumain muna kayo iha at sasamahan namin kayo ng Tita ninyo.” ang sabi ni Mang Carding. Umupo sila sa pahabang bangko at inulam nila ang Hinog na manggang dala nila. Mainam kumain si mang Carding. Ang kanyang asawa nama’y may pagka-mahiyain. Tinanong ni Juana ang kanyang Tita, “Kilala po ba ninyo yung binatang Manuel ang pangalan doon sa hindi kalayuan?”
“Hindi bakit?” ang sagot ng kanyang Tiya Fatima.
“Kasi taga Maynila raw siya at sabi ng mamang kutsero, siya raw ay isang bampira”
“Hindi ko nga alam na Manuel pala ang kanyang pangalan. Matagal na siyang nakatira diyan pero ang tanging alam ko lang ayon sa mga sabi sabi ng mga kapitbahay, negosyate raw ang binatang iyan at ang kanyang ama. Hindi nga raw kumikibo iyan kapag kinakausap! Sa tingin ko’y kinibuan ka niya. Mukhang mayaman, matangos ang ilong at magandang lalaki. Hindi nakakapagtakang itanong mo ang tungkol sa kanya,” napangiti siya at nagpatuloy. “Bakit mo ba siya naitanong Juana?”
“Naitanong ko lang po naman Tita. Wala po akong ibig sabihin doon. Nakasabay kasi namin sa kalesa patungo rito at hindi po siya umiimik. Tahimik po siya at mahiyain. Sumasagot lamang siya tuwing ako ay may itinatanong.” sagot ni Juana sa kanyang Tita. Nagsalita naman ang Tiyo Carding matapos uminom ng isang basong tubig.
“Iha, tama na nga iyang kakaisip mo sa mga bampira, aswang at mga halimaw na iyan. Pati ang pamangkin mo nadadamay sa mga walang kakwenta-kwentang pinagkakaabalahan mo. Ipahinga mo na lamang iyan at kalimutan mo na yung lalaking iyon. Huwag kang magkakamaling lapitan iyon! Mapanganib na.” Hindi kumibo si Juana kahit na alam niyang hindi naman talaga siya naniniwala sa mga ganitong nilalang.
“Carding naman, huwag mo namang pagsabihan ang pamangkin mo. Gusto lang niyang tanungin ang tungkol sa ating kapitbahay.” Napatingin si Fatima kay Juana. “Ang alam ko’y hindi ka naman naniniwala sa aswang di ba?” ang tanong ng Tiya. Tumango naman si Juana sa kanya. Nagpatuloy naman si Fatima sa kanyang nais sabihin at wari’y may gumambala sa kanyang isipan. Pabulong niyang inilahad ito. “Juana, alam mo ba kung ano ang usap usapan dito ng matatanda? Kapag may namamatay raw sa lugar na ito, ang kumukuha sa kanilang kaluluwa ay isang dambuhalang aso. Ang tawag naming mga kapampangan dito ay asung kukupak. Ang sabi ng kaibigan ko, may napakalaking tenga raw ito at paiba iba ang kanyang anyo. Minsan raw ay kasing laki ito ng kalabaw, minsan nama’y doble pa. Huwag mo raw siyang papansinin kung ito’y daraan sa iyong harapan at yumuko ka na lamang. Huwag ka raw titingin sa kanyang mga mata. Minsan raw ay maamo ito at minsan ay mabangis. Inaalagaan daw siya ng isang matanda. Dala raw nito’y isang sulat na naglalaman ng mga pangalan ng mga namamatay. Ang nakakatakot niyan ay mayroon akong malayong kamag anak na namatay matapos siyang pagsabihan ng matandang may alaga nito. Bihira mo lamang itong makikita. May ibang nagsasabing naninirahan raw iyan sa kabundukan. Ang iba naman ay naniniwalang nakalilipad iyan. Sabi ng iba aso raw ni kamatayan iyan. Pinupuntahan niya ang mga bahay ng mamamatayan. Sabi nga nila’y huwag mo raw dapat binabanggit ang pangalan nito sa mga tao. Naisipan kong ikwento sa iyo ito dahil alam kong gusto mong marinig ang tungkol dito. Hindi naman buo ang paniniwala ko sa nilalang na iyon sapagkat hindi ko pa ito nakikita. Si Tiyo Carding mo rin hindi naniniwala dito. Mailap raw iyon sabi ng may hawak sa kanya.” Nasindak si Juana sa kanyang narinig sapagkat ngayon pa lamang siya nakarinig ng kakaibang kwentong kababalaghan.
Si Nestor naman ay pinaglalaruan ang apoy sa lampara. Walang pakialam sa pinaguusapan ng mga matatanda sa kanyang paligid. Humikab siya. Nang medyo may katagalan, inantok na siya at nagyaya nang matulog. Habang nagpapalit ito ng damit pantulog, iniligpit naman ng Tita at ni Mang Carding ang mga pinagkainan. Naghugas sila ng kamay at dumiretso sa kwarto ng magasawa. Ang dalawang bisita’y pumuwesto malapit sa bintana ng kwarto. Ang magasawa naman ay natulog magkatabi sa kabilang kwarto. Naiwang bukas ang lampara sa kusina na siyang nagbibigay ng ilaw sa bawat kwarto. Bago tuluyang matulog, binuksan ni Juana ang bintana ng kwarto. Tumingin siya sa ibaba ng bahay at para bang nagsisimula na namang mapuno ng hamog ang ibabaw ng lupa. Malamig ang ihip ng hangin. Ang mga halaman sa munting hardin ay unti unti nang nawawala gawa ng hamog na nabubuo sa paligid. Tila umiilaw ang maputing hamog gawa ng liwanag ng buwan. Sinusuklay ni Juana ang kanyang napakahabang buhok at nagmamasid masid sa kapaligiran. Madalang ang mga bituwin sa langit at lubhang nakakaakit ang buwang sumasakop sa kadiliman. Nang isasara na niya ang binatana upang matulog, napansin niyang matatanaw pala ang bahay ng binata sa hindi kalayuan sa bintanang iyon. Isinara niya ng kaunti ang bintana at tumingin sa bahay ni Manuel. Nakabukas ang bintana ni Manuel at may isang lampara ang bukas sa kanyang mesa. Siya’y naroroon at tila’y may isinusulat. Tinititigan naman siya ni Juana at minamatyagan. Siya’y nagtataka kung bakit ayaw raw makipagsalamuha ng lalaking kanyang natatanaw. Sa mga mata ng dalaga, ang lalaking ito’y may maamong mukha ngunit misteryoso. Maaari’y napansin na siya nito habang siya’y nagsusuklay. Pinagiisipan niya kung ito’y kanyang pupuntahan sa kanyang bahay kinabukasan, para magkaroon naman siya ng kaibigan sa lugar na yun.
“Tiya tulog ka na, natatakot akong walang katabi.” ang sabi ni Nestor sa kanyang Tiya Juana. Umupo naman si Juana sa tabi ni Nestor at malakas na bumulong, “Sandali lang. Huwag ka ngang maingay diyan!” Nang tumingin muli si Juana sa bahay ng binata, tila’y nakatingin na si Manuel sa kanyang bintana. Alam niyang hindi siya maaaring makita nito sapagkat nakabukas lamang ng kaunti ang kanyang bintana, ngunit nagulat siya nang patayin ng lalaki ang kanyang ilaw. Nagdilim sa loob ng bahay ng binata. Isinara agad ni Juana ang kanyang bintana. Unti-unti niyang hinilang pakaliwa ang bintana para maisara ito ng tahimik. Siya’y nangambang baka makita ng binata habang ito nama’y nakatago sa dilim. Inilapag niya ang kanyang suklay sa bintana at tinabihan na lamang ang kanyang pamangkin.
Nang may katagalan, may narinig silang nagiingay na babae. Sumisigaw na parang nanggugulo. Sa dilim ng gabi, siya’y hindi pa natutulog. Isa siyang baliw na nagpapaligoy-ligoy sa daan. “Si Mariang baliw iyan! Huwag ninyo siyang papansinin. Matulog na kayo.” ang sabi ni Mang Carding sa kanyang higaan. Narinig na ni Juana ang tungkol sa kanya noon pa man. Ang babaeng ito raw ay nakatira sa bundok at bumaba sa kapatagan. Walang nakakaalam kung ito’y kapampangan o kaya’y tagalog. Araw araw ay ginagawa siyang katatawanan ng mga tao sa kanilang lugar ngunit para kay Juana, itong taong ito’y kahabag habag sa kanya lalo na’t may bali balitang ito raw ay ginahasa kaya ito nabaliw. Si Juana’y edukadong tao. Pinahahalagahan niya ang bawat tao maging si Mariang baliw. Hindi pa niya ito nakikita kailan man ngunit madalas niya itong marinig sa mga kwento. Parati silang pinagsasabihang layuan ang babeng iyon kung makakasalubong sa daan sapagkat minsa’y nanghahabol ito na may hawak na itak. Ipinikit na lamang ni Juana ang kanyang mga mata upang hintaying matulog si Nestor. Tahimik sana ang gabi maliban sa mga kuliglig at ang ingay na nanggagaling sa babaeng baliw. Hindi maiintindihan nino man ang mga salitang nanggagaling kay Mariang Baliw. Sumisigaw-sigaw ito sa gitna ng malubak na kalsada malapit sa tapat ng kanilang bakuran. Nakatulog na si Juana ngunit si Nestor ay hindi makatulog sa kanyang higaan.
Makalipas ang ilang oras, nakaramdam ng malakas na hangin sa maliit na siwang ng bintana si Nestor! Tila’y may dambuhalang ibon ang dumaan sa bakuran ni Mang Carding. Napabangon si Nestor sa kanyang narinig. Ginigising niya ang kanyang Tiya Juana ngunit ayaw nitong gumising. May naririnig siyang umuugong. Maliit na ingay na nagmumula sa ilalim ng bahay kung saan dumapo ang inaakala niyang dambuhalang ibon. Ang ugong ay tila isang ingay ng pinaghalong baboy, kabayo, uwak at aso. Tumayo si Nestor patungo sa bintana upang silipin kung ano mang hayop ang kanyang naririnig sa labas. Inalis niya sa pagkakaipit ang suklay ni Juana sa bintana at hinawakan niya ito. Hindi na niya natatanaw ang maingay na baliw. Wala siyang nakikitang ano mang hayop sa daanan dahil sa makapal na hamog roon. Sa ibabaw naman ng mataas na puno ng mangga’y may mga maliliit na paniking nagliliparan patungo sa malayong lugar. Natatakpan naman ng mga ulap ang kalahati ng buwan nang siya’y tumingala. Ipinatong niya ang kanyang mga siko sa balkonahe ng bintana at iniyuko ni Nestor ang kanyang kalahating katawan. Nang dumungaw siya, sa kanyang bandang ibaba, may nakita siyang likod ng isang dambuhalang aso na naglalakad ng mabagal patungo sa hagdanan ng bahay. Mahamog sa lupang nilalakaran ng nilalang. Kasing haba ng dalawang kalabaw ang likuran nito. Ito’y may mahaba, malaki at malapad na tenga! Napakahaba ng kanyang katawan. Ang buhok nito ay may kulay na pinaghalong puti at itim. Ang likod nito’t malapad na tenga ang tangi niyang nakita gawa ng napakakapal na hamog. Nasindak siya at natakot. Madali niyang iniatras ang kanyang katawan papaloob sa bintana. Sa takot na mapuna nito, isinara agad niya ang kanyang bintana. Ngunit ang hindi inaasahan ang nangyari. Habang isinasara niya ang kanyang bintana, nahulog ang suklay ni Juana sa bintana nang kanya itong isinara! Mabilis namang nagpunta si Nestor sa kwarto nina Mang Carding. Lumapit siya sa papag na pinaghihigaan ni Mang Carding at pabulong niya itong ginising. “Lolo Carding, may bumibisita sa ating parang malaking aso. Nakita ko po siya… malaki po. Gumising po kayo para makita ninyo. Dalian po ninyo gumising kayo… natatakot ako.”
Napagising si Mang Carding at pinatahimik siya nito, “Pssst huwag kang mag-ingay. Ang asung kukupak lang iyan. Bumalik ka na sa higaan mo, gabing gabi na.” Muling humiga si Mang Carding at hindi pinansin ang batang nanggigising. Mahimbing naman ang pagkakatulog ng kanyang Lola Fatima sa tabi ni Mang Carding. Ngunit nang marinig ni Mang Carding na may naglalakad sa tuktok ng kanilang bubungan, napabangon siya bigla! Tila’y may malakas na pumapaypay sa itaas ng kugon na bubong. May kadiliman ang loob ng bahay kaya’t lumabas ito sa kusina at agad dinampot ang lampara na naroroon sa mesa. Nakahawak sa kanyang damit si Nestor at sumusunod sa kanyang likuran. Sinindi naman niya ang isang kandila at iniabot ito kay Nestor. “Iho, ibigay mo ito sa Lola mo at pagkatapos gisingin mo si Tiya Juana mo. Dalian mo at kukunin ko lang ang aking tabak.” Nagtungo si Nestor sa pintuan ng kwarto. Nagulat siya nang nakitang nakatayo na sa pintuan ang kanyang Lola Fatima. Hawak nito ang kanyang buntis na tiyan. Nakatayo siya sapagkat nagising rin ito sa ingay nila. Ibinigay niya ang kandila sa kanyang Lola at pinuntahan ang kanyang Tiya Juana sa kabilang kwarto. Samantala, lumabas naman hawak ang kandila patungong kusina ang buntis upang puntahan ang asawa nito. Ginising naman ni Nestor ang kanyang Tiya Juana.
Agad agad nagmadaling pumunta sa kusinang gawa sa kawayan sina Juana’t Nestor. Tinanong ni Juana kung ano ang nasa bubungan ng bahay. Pinatahimik sila ng magasawa, “Huwag kayong kikibo” ang pabulong na sinabi ng Tita Fatima sa kanila, “Iyan na ang asung kukupak at siya’y dumalaw sa atin. Kung sakaling magpapakita man ito, huwag kayong titingin sa kaniyang mata, huwag ninyo itong kakausapin o papansinin. Yun ang sabi sa akin ng mga matatanda noong bata pa ako.” Napatingin siya sa kanyang asawa na wari’y sinasabi sa kanyang dapat na itong maniwala sa kanyang ikinukwento tungkol sa mga kakaibang nangyayari sa kanilang lugar. Mahigpit namang niyakap ni Nestor ang braso ng kanyang Tiya at sinabing, “Tiya natatakot po ako.” Samantala, biglang nawala ang ingay sa kanilang bubungan. Para bang umalis na ang dambuhalang nilalang sa kanilang bahay. Humiga silang magkakatabi sa kwartong tinutulugan nina Juana. Nagpalipas sila ng ilang oras. Si Juana’y nakapikit ngunit hindi siya makatulog. Sa talang buhay niya’y ngayon pa lamang siya totoong nakaranas ng ganitong klaseng pangyayari sa kabila ng kanyang mga karanasan, mga naririnig na alamat at paniniwala. Si Mang Carding nama’y hindi mapakali sa kanyang higaan. Alam niya ang kwento na may namamatay sa bahay na dinadalaw ng higanteng aso.
Tumayo siya buhat ang kanyang itak at sinabing, “Babalik ako, titignan ko lang ang labas ng bahay." Bumangon naman si Juana at binuksan ng dahan dahan ang bintana sa kwarto. Nagising naman si Nestor ng marinig nitong binubuksan ng kanyang Tiya ang bintana.
“Tiya huwag ninyong bubuksan ang bintana!” ang pabulong na sinabi ni Nestor sa kanyang Tiya.
“Wala na yung asung kukupak. Titignan ko lang si Tiyo sa ibaba.”
“Tiya, nakita ko po diyan kanina yung asung kukupak nasa ibaba diyan”
“Anong nakita mo?”
“Nakita ko po ang kanyang likod. Mahaba ang katawan niya pero malabo lang dahil mahamog kanina. Nagising kasi ako dahil sa ingay na narinig ko. Kakaibang ingay na parang malaking ibon.”
Napansin ni Juana na nawala na halos ang makapal na hamog sa paligid. May mga naririnig siyang ingay ng mga tao sa kalayuan. Dumungaw rin sa bintana si Nestor. Nagtanong ang bata sa kanyang Tiya, “Tiya ano po ba yung pinaguusapan nila sa malayo?”
“Parang nagkakagulo sila, Nestor. May narinig akong nagsasabing may nahuli raw silang pumapasok sa bahay ng kapit bahay.”
Sa kalye nagtipon tipon ang mga magkakapit bahay at may mga hawak silang sulo. Lumabas naman ng bakod si Mang Carding at nilapitan ang mga taong nasa labas. Narinig ng Tiya ni Juana ang boses ni Mang Carding kaya siya’y bumangon na rin sa hinihigaan at dumungaw rin ito sa bintana. Naguusap usap ang mga tao sa labas.
“Tiya ano po ba ang pinaguusapan nila? Kapampangan po kasi. Ano po ba ang nangyayari?” ang tanong ni Juana sa kanyang Tiya.
“Si Tiyo Carding mo, tinatanong kung ano ang nangyari kung bakit nagsisilabasan sa bahay ang mga kapitbahay.”
“Bakit po ba may hawak silang mga buho at mga patalim? May aswang po ba?”
“Sabi ng isang lalaki nakita raw nilang pumasok si Mariang Baliw sa kanilang bahay. Napagkamalan nga nilang aswang ito dahil narinig nilang may lumilipad na malaking bagay bago pumasok sa kanilang bahay si Mariang baliw. Sabi naman ni Tiyo mo, yung asung kukupak raw ang narinig nilang lumilipad, hindi si Maria at tignan raw nila ang hagdanan nito kung saan ito umihi. Yung umiiyak naman na babae sa tabi ng Tiyo mo ay namatayan raw ng asawa. Binangungot daw bigla ang kanyang asawang si Amando matapos dumaan ang asung kukupak. May isa naman ang sabi patayin daw nila si Mariang Baliw bago raw ito mag anyong aswang. Pinipigilan sila ni Tiyo mo. Naghahanap lang daw ng makakain na tirang pagkain si Mariang Baliw kaya pumasok ito sa mga bahay. Hindi raw ito aswang. Tagapagdala lang raw ng mensahe kung sino ang malapit nang mamatay ang asung kukupak, ayon naman sa isang matanda. Hindi raw ito pumapatay ng tao.”
Biglang may dumadating na kalesa. Ang kutsero nito ay siya ring kutserong naghatid kanina kina Juana at Nestor. Nakasakay rito ang isang lalaking may bitbit na kandila. Bumaba ito at nagsalita ng kapampangan sa mga taong nagpupulong. Ipinaliwanag ng Tita kay Juana ang sinasabi nito.
“Huwag raw mababahala. Ang asung kukupak ay nagpadala ng liham sa matandang tagapag-alaga nito. Ang mensahe raw ay may tatlo na mamamatay sa araw na ito. Ang dalawa sa kanila’y may pangalan at isa raw ay wala." Biglang pinawisan ang buntis at sumakit bigla ang kanyang tiyan pagkatapos na pagkatapos lamang niyang magsalita. Hinawakan niya ang kaniyang tiyan at dahan dahan siyang napaupo. Biglang dinugo ang buntis at napasigaw ito sa sakit. Nabitawan ni Mang Carding ang kanyang itak nang marinig ang sigaw ng kanyang asawa sa itaas ng bahay. Mabilis namang nagtungo papasok sa loob ng bahay si Mang Carding. Binuhat ni Mang Carding ang kaniyang asawa at dinala ito sa labas. Sumama sa labas si Nestor at si Juana upang alalayan si Mang Carding. Nakiusap naman si Juana sa Kutsero na dalhin si Mang Carding at ang kanyang Tiya sa pinakamalapit na ospital o manggagamot at ipatingin agad ito. Agad namang sumunod ang matandang kutsero sa dalaga matapos niya itong bigyan ng bayad. Mabilis nitong pinatakbo ang kalesa. Awang awa si Juana sa sinapit ng kanyang tiyahin. Naniniwala siyang may kinalaman ang pagdalaw ng asung kukpak sa bahay ng kanyang Tiyo sa pagdudugo ng buntis niyang tiyahin. Kung dati’y ang parati niyang naririnig ay manananggal sa bubungan na may mahabang dila na siyang pumapatay at kumakain sa mga nasa sinapupunan, ang nasaksihan naman niya’y isang kakaibang nilalang na dumadalaw sa mga namamatay kaya namatay ang sanggol na dala ng kanyang tiyahin.
Biglang nilapitan si Juana ng binatang kilala niya sa ngalan na Manuel. Inilapit nito ang kanyang bibig sa tenga ng dalaga at siya’y may ibinulong, “Umalis na kayo sa lugar na ito hangga’t maaga pa. Naniniwala akong mapanganib ang lagay ninyo dito. Nakita kong nakatingin sa iyo ang asung kukupak na nasa inyong bubungan kanina habang ika’y nagsusuklay. Masamang senyales, pinapanood ka niya. Kailangan na ninyong umalis ngayon din! Huwag kayong papahalata sa mga tao. Dumaan kayo sa likod ng bahay sa may kahuyan. Sa matataas na puno ng Acacia… sa madilim na gubat… dumiretso kayo doon lalabas kayo sa simbahan kung saan ninyo ako nakita kanina. Bago mag-umaga, kailangan na ninyong makaalis. ”
“Samahan mo kami. Samahan mo kami palabas dito.”
Samantala biglang sinunggaban ni Mariang baliw si Nestor. May sinabi ito sa kanya sa salitang hindi maintindihan. Agad siyang hinatak ng mga tao at inilayo kay Nestor. Nagwawala si Mariang baliw. Natakot naman ng lubos si Nestor sa nangyari. Kasama si Manuel, hinawakan siya sa kamay ng Tiya Juana niya at palihim silang tumakbo patungo sa likod ng bahay habang ang mga tao sa kalye ay abala sa panggu-gulong ginagawa ni Mariang baliw. Tumakbo sila ng matulin hanggang umabot sa gitna ng matataas na puno. Maliwanag pa rin ang liwanag na nanggagaling sa buwan. Puno naman ng sukal ng mga tuyong dahon ang kanilang nadadaanan. Huminto si Nestor upang magpahinga at nagsalita habang siya’y umiiyak sa takot, “Tiya, sabi sa akin ng baliw na babae mamamatay raw tayo ngayon. Sinabi raw sa kanya ng asong dambuhala.” Sumagot naman ang kanyang Tiya,
“Paano mo naintindihan ang sinabi niya? Hindi naman siya nakakaintindi at baliw siya. Huwag kang maniwala sa sinabi niya.”
“Tiya totoo po ang sinasabi ko! Sinabi niya iyon sa akin. Kanina pa lang papunta dito sa bahay ni Lolo Carding napansin ko na siya na parang may gustong sabihin sa akin. Parang galit siya sa akin.” Labis pa rin ang takot ni Nestor at pagkahingal. Hinawakan na lamang siya ni Juana at sila’y nagpatuloy maglakad. Habang sila’y naglalakad, narinig nilang sumusunod si Mariang Baliw sa kanilang likuran! Pagod na sila’t tumakbo pa rin ng matulin. Ilang puno na ang kanilang nadaanan, biglang nawala sa kanilang harapan si Manuel sa tulin ng kaniyang pagtakbo. Si Nestor nama’y napabitiw sa pagkakahawak sa kanyang tiyahin. Nang dumaan sila sa madilim na lugar, sila’y nagkawalaan. Sumisigaw sila’t naghahanapan sa isa't isa.
“Nestor! Nasaan ka?!” ang nanginginig na boses ni Juana.
“Tiya nandito ako nasaan ka?” ang takot na takot namang boses ni Nestor. Nang marinig niyang sumigaw ng malakas ang kanyang Tiya Juana, tumakbo siya patungo sa maliwanag na lugar kung saan walang anino ng mga puno. Tumatakbo siya ng matulin. Hanggang sa mabangga niya si Manuel ng hindi namamalayan. Hinawakan siya sa kamay nito at tumungo sila papalapit sa simbahan. Maguumaga na at naroon si Juana sa tabi ng pinto ng Simbahan. Niyakap ni Nestor ang kanyang Tiya. Tumungo si Manuel sa kalesang nakaantabay sa tabi ng bilihan ng bigas, habang si Juana at si Nestor ay naghihintay sa tapat ng simbahan. Tila’y kinakausap niya ito. Sa kalayuan, kapansin pansin na umiiling ang kutsero at nakikiusap naman si Manuel dito. Ngunit hindi nila napansin na si Mariang baliw ay nasa gilid lamang ng simbahan at may hawak itong itak! Agad tumakbo patungo kay Manuel si Juana at si Nestor.
Hinawakan naman ni Manuel ang mga kamay ni Mariang Baliw upang pigilan ito at sumigaw ito kay Juana, “Sumakay na kayo sa kalesang iyan at umalis na kayo dito! "
Biglang nakawala ang isang kamay ni Mariang baliw na may hawak na itak at tinaga niya ang binata sa isa nitong kamay. Mukhang napakalakas ni Mariang baliw. Wala silang nagawa kundi sumakay sa kalesa at pinatakbo agad ng kutsero ang kanyang kabayo ng napakablis. Nang sila ay nasa may kalayuan, pinanood na lamang nila si Manuel habang ito’y tinataga at unti unting pinapatay ni Mariang baliw. Nakita rin nilang nagdatingan ang mga taong may hawak na sulo at hinampas nila si Mariang baliw hanggang ito’y di makakilos. Kaunting sandali lang, malayo na sila at hindi na nila natatanaw ang lugar kung saan nila iniwan si Manuel. Sila’y nagtungo sa ospital kung saan dinala ng Tiyo ni Juana ang kanyang Tiya Fatima. Naroon ang kanyang Tiyo Carding at pawang hinihintay sila. “Nasabi sa akin ng matanda na inihatid raw ng kanyang alaga ang suklay na ito sa kanyang bahay. May isa raw sa inyo ang nakakita sa asung kukupak ".
Iniabot ni mang Carding ang suklay ng kanyang pamangkin. Kinuha naman nito ni Juana at sinabi sa kanyang Tiyo, “Tiyo Carding, naaalala pa ba ninyo si Manuel? Yung lalaki sa malaking bahay? Niligtas niya ang buhay namin ni Nestor. Inilayo niya kami at muntik na kaming napahamak kung hindi niya nilabanan si Mariang baliw. Nagwawala si Mariang baliw. May hawak na itak at hindi mapigilan. Sinakripisyo ni Manuel ang buhay niya.”
“Juana, ang lalaking iyon ayon sa mga nandito kanina ay isa raw pipi. Hindi siya maaaring magsalita. Sinabi mong nagsasalita ito at sinabing Manuel ang kanyang pangalan, ngunit hindi siya maaaring magsalita.”
“Paano ho nangyari iyon? Nagsasalita ho siya sa amin. Hindi ko po maintindihan Tiyo. Ang alam ko po ay kinausap rin siya ng kutserong ito.” Itinuro ni Juana ang kutsero ng kalesa.
“Hindi ko siya maintindihan. Sumesenyas lang siya sa akin.” ang sabi ng kutsero sa kanila.
May bagong paparating na kalesa, sakay ang binatang galing sa matandang tagapag-alaga ng asung kukupak. Huminto siya sa tapat ng ospital. Dala nito’y liham na naglalaman ang pangalan ni Manuel, ang kanilang kapit bahay na binangungot na si Amando at ang bata sa sinapupunan ng asawa ni Carding. Ang kanilang nalalaman ay hindi dapat ipinagsasabi. Sapagkat ang kapalaran ay maaaring magbago. Dahil dito ang dapat isa sa mga namatay ay naging tatlo. Matapos ang nangyaring pagpatay kay Manuel, wala nang tao sa lugar ng Macabebe ang naglalahad ng kwento tungkol sa asung kukupak na sinasabing nangunguha ng kaluluwa ng mga nangamamatay. Nilisan nina Juana at Nestor ang Macabebe at hindi na muling nagbalik sa lugar na iyon.


July 12,2003 08:05



http://www.kwento.100megsfree5.com
Mga Maikling Kwento © E.L. Minell