18.6.03

Cubicle

Cubicle
By E.L. Minell


Mayo Taong 1985.
Ang pangalan ko ay Sammy. Isa akong senior high school student. Parehong abogado ang mga magulang ko kaya't ubod naman sila ng istrikto sa akin. Minsan lang ako kung lumalabas ng bahay tuwing weekends. Kadalasan kasi nasa bahay lang ako tuwing Sabado't Linggo. Isang Sabado, niyaya ako ng bestfriend kong si Jay na kumain sa labas kasama ang ibang kaibigan. Si Jay, ang kaibigan kong napakakwela. Walang nagdatingan kaya't kaming dalawa lang ang magkasamang maghapon. Nakakapagod ang paglalakad kaya't naisipan naming pumasok sa isang sinehan. Hapon na nang kami'y pumasok sa loob ng sine. Kaunti lang ang tao sa sinehan. Karamihan sa kanila'y mag nobya o kaya nama'y magbabarkada. Maiinip lang ako sa bahay kaya't pumayag akong sumama kay Jay. Sa sinehan, tawa ng tawa si Jay at panay ang kwento sa akin. Hindi siya nauubusan ng kinukwento. Samantalang ako naman ay pagod sa paglalakad. Hindi ko siya pinapansin. Marami na siyang naikwento sa akin at hindi ko man siya naiintindihan kahit na pinamumukha ko sa kanyang nakikinig ako. Napansin niya yatang medyo pagod ako't inaantok kaya siya'y nagsimulang tumahimik. Nang may katagalan sinuot ko na lang ang aking walkman. Binabaliwala ko ang palabas sa sine upang makapag-pahinga ng maayos. Pagod ako sa kakalakad at gustong makapahinga. Bago ako antukin ng tuluyan, naisipan kong pumunta sa CR at umihi. Binuksan kong dahan dahan ang pintuan ng CR. Malinis sa loob at maliwanag. Hindi tulad ng ibang CR, ito'y mabango at napakalinis. Puting-puti ang dingding at mga tiles sa paligid. Kulay skyblue naman ang kisame at ang pinto ng mga cubicles. Wala akong nakikitang tao sa loob. Habang binubuksan ko ang gripo upang maghugas ng kamay, napansin ko sa reflection ng salamin na gumagalaw ang pinto ng isa sa nakahilerang cubicles. Tatlo ang cubicle ng toilet at yung sa gitna ang aking tinutukoy. Inalis ko ang earphone ng walkman sa aking taenga at may narinig akong umiiyak. Boses ng isang babae ang umiiyak. Mukhang nagkukulong siya sa loob. Sa una'y inisip kong baliwalain na lang ito at umalis na lang ngunit kailangan ko ring umihi. Pumunta ako sa katabing cubicle sa kanan at doon ako umihi. Narinig niya akong umiihi at pumipito kaya't huminto sa pagiyak ang babae. Biglang nagsalita ang babae. Nanginginig pa nga ang kanyang boses,

"Sino ka? Anong ginagawa mo dito? Alam mo bang nasa CR ka ng babae?"


"No miss kayo ang nasa CR ng lalaki. Ano bang ginagawa mo dito at umiiyak ka? Eh nakakatawa naman ang palabas sa sinehan?" ang sagot ko sa kanya.

Tumahimik lang siya at hindi sumagot. Alam kong nasa CR ako ng lalaki dahil nakita ko ang sign sa pintuan. Nag flush na ako ng toilet at lumabas ako sa loob ng cubicle at pumunta malapit sa kanyang pintuan. Kinausap ko siya ulit.

"Wala ka bang balak lumabas diyan, lumipat man lang sa CR ng babae o bumalik sa sinehan?"


"Hayaan mo ako dito. Please hayaan mo na lang ako dito," ang kanyang malambing na tugon.

Panay pa rin ang pagiyak niya. Kinatok ko naman ang pintuan niya.
"Hay nako sabihin mo sa akin ang problema mo, kakausapin kita... please lumabas ka na diyan. Sino ka man."

Sa aking palagay siya'y isang malambing na babae, at tila'y kasing edad ko lang. Kung maririnig mo lang ang kanyang tinig.


"Please guy, sino ka man, hayaan mo na lang ako dito. Pakiusap lang." ang sabi niya sa akin.


"Oh sige kung yun ang gusto mo eh."


Lumabas ako sa C.R. at bumili ng makakain. Pumunta ako sa bilihan ng popcorn sa may entrance ng sinehan na parang magulo ang isip. Bumili ako ng popcorn at dalawang softdrinks in can. Mabilis na naibigay sa akin ang popcorn at wala akong sukli. Mabilis akong naglakad patungong pintuan papasok sa dilim. Ganon kasi ako kapag naglalakad parating mabilis. Didiretso sana ako sa aking upuan ngunit naalala ko yung babae sa CR kaya't naisipan kong yayain siya sa sine. Pumasok ako ulit sa loob ng CR. Nilapag ko ang dalawang softdrinks in can sa tabi ng lababo. Hawak ang popcorn, kinatok ko ang pinto ng gintnang cubicle dahil ito'y nakakandado. Naroon pa yata siya. Wala na akong naririnig na umiiyak.

"Hello? Nandiyan ka pa ba? Hello.... Miss? Lumabas ka na man na oh... Gusto mo sama ka sa akin sa loob? Manood ka na lang ng sine matatanggal ang lungkot mo. Miss heto oh may dala akong popcorn."

Sinubukan ko siyang makumbinsi. Wala akong idea kung bakit ko ginagawa ito. May narinig akong nagflush sa loob. Biglang may lumabas na lalaki sa cubicle. Nagtaka ang lalaki dahil may hawak nga akong popcorn. Nakakahiya dahil nagmukha akong wala sa sariling pag-iisip. Nagpaumanhin na lang ako matapos mapahiya sa lalaking nasa loob ng toilet room. Lumabas na siya ng CR. Akala ko'y lumabas na rin ng CR ang babae nang nakitang pumasok ang lalaking iyon kanina. Biglang nagsalitang muli ang babaeng umiiyak. "Hoy! Ikaw ba yan? Nandito ako."

Narinig ko ang kanyang boses sa kaliwang side na cubicle na nasa dulo. Maaring lumipat siya doon upang hindi na siya ulit mapapansin. Pumasok ako sa gitnang cubicle at sumampa sa toilet bowl. Napakalinis ng toilet bowl. Dumungaw ako sa itaas ng cubicle na pinaglalagyan niya. Nakita ko siya na nakaupo at umiiyak ng mahina. Inalok ko siya ng popcorn.

"Miss, popcorn oh. ..Wag ka nang umiyak. Gusto mo bang pumasok sa loob? Join us... o kung gusto mo naman pagusapan na lang natin ang iyong problema. Wag ka nang magkulong diyan. Mahirap naman ang ganito, nakatayo ako sa toilet bowl. Lumabas ka na diyan please."

Hindi ko maisip kung bakit ko siya inalok ng popcorn. Tumingala siya't tumingin sa akin. Napansin ko agad ang maganda niyang mukha. Nakabibighani ang kanyang mga mata. Tumayo na siya, inalis ang kandado ng kanyang pinto at lumabas. Bumaba naman ako sa tinutungtungan at lumabas ng cubicle. Nakatayo siya't nakatingin sa akin.

"Kilala ba kita? Bakit ka nagmamalasakit sa akin?"

"Hindi mo ako makikilala kung hindi ka magpapakilala. Lahat naman ng taong magkakilala, magkaibigan, o ano man ang relasyon nila, lahat naman sila'y hindi magkakilala bago sila nagpakilala sa isa't isa di ba?" ang sagot ko sa kanyang may pabiro't may halong lambing, kung makakatulong man iyon.

Hindi siya umimik. Tinanong ko siya,

"Bakit ka ba umiiyak? Ano ang dahilan? Baka makatulong ako."

Napakaganda talaga niya. Suot niya'y puting blouse at itim na palda. Mahaba't malambot ang kanyang diretsong buhok, maputi ang kutis at matangkad. Ngunit ang mukha niya'y nababalot ng kalungkutan. Namumula ang kanyang mga mata. Para bang sampung oras na siyang iyak ng iyak. Tumingin muna siya sa paligid ng kwarto, nagbuntong hininga't sinabing, "Masyadong komplikado ang problema ko eh. "

"Gaano kakomplikado?"

"Kung sasabihin ko sa iyo mapagkakatiwalaan ba kita?"

"Ikaw ang bahala. Gusto lang kitang tulungan kung may maitutulong man ako. May kinalaman ba yan sa pag-ibig? Boyfriend mo ba ang problema mo?"

Inilayo niyang bigla ang kanyang tingin sa akin at tumingin sa salamin. Siguro'y iniisip niyang inaalam ko lamang kung siya'y may nobyo na o wala pa. Sa totoo lang nakakainlove talaga siya sa unang tingin pa lang ngunit hindi iyon ang dahilan kung bakit ko naitanong sa kanya kung tungkol ba iyon sa nobyo. Siya'y may dugong intsik kung pagmamatyagan mo siya ng mabuti. Matagal siyang hindi umimik at bigla siyang umiyak ng kaunti. Tumingin siya ulit sa akin at nagsalita ng mahinahon.

"Nakita mo ba akong pumasok sa CR ninyo kanina? Nandito ka ba sa paligid nang makita mo akong umiiyak at pumasok sa CR?"

"Hindi. Bakit mo naman naitanong yun? Ano... sasagutin mo ba yung tanong ko sa iyo? Tungkol ba sa pag-ibig iyan? Tungkol ba sa boyfriend? Ok lang ba sa iyong itanong ko yun o baka nakukulitan ka na sa akin? Lalabas na lang ako kung gusto mo."

"Wag kang lumabas. Dito ka lang para may kasama muna ako. Tinanong ko sa iyo kung nakita mo ako bago pumasok dito para malaman ko kung sinadya mo lang pumasok dito para makilala lang ako. Kalimutan mo na yun. Gusto mo ba talagang malaman ang problema ko? Sasabihin ko sa iyo, promise me not to tell anyone ha."

"Sure. Hindi ko sasabihin kahit kanino. Wala naman siguro akong kilalang taong kilala mo."

"Well, ang kasama ko kasing pumasok dito sa sine ay yung boyfriend ko eh. Pumasok ako dito sa CR dahil tinatakasan ko siya. Ayaw ko nang umuwi sa amin."

Bigla ulit siyang umiyak na para bang hirap na hirap siya. Hinawakan ko siya sa balikat at tinanong ko siya. "Hindi ka ba pwedeng lumabas ng sine? May makakakita ba sa iyo? Saan ka uuwi kung hindi mo na gustong umuwi sa inyo? Pwede mo bang sabihin sa akin ang detalye kung bakit ayaw mo na sa boyfriend mo?"

"Hindi sa ayaw ko na ang boyfriend ko. Ayaw na ayaw ko na siya simula pa lang naming maging mag-boyfriend. Lintik na buhay ito!"

"Ha? Paano mo siya naging boyfriend kung ayaw mo sa kanya?" ang gulat kong itinanong sa kanya.

"Isang buwan ko siyang tiniis. Ipinilit kasi siya sa akin ng Mama ko eh. Alam mo kasi, pilit gustong maging milyonarya ng Mama ko. Nagtataka ako dahil siya ang may hawak ng buhay ko samantalang hindi nga siya ang nagpalaki sa akin. Ang Tito ko ang nagpalaki sa akin simula pa noong nawala ang Papa ko. Dahil nalaman ng Mama ko kung nasaan ako, inagaw niya ako sa Tito. Mahabang istorya. Magulo talaga ang buhay ko."

Tumahimik siya at kinakagat ang dulo ng kanyang mga daliri na tila'y nagiisip. Inabutan ko naman siya ng Pepsi Cola upang guminhawa ang pakiramdam niya. Kinuha niya ito at sa una'y nahirapan pa siyang buksan. Parang lumilipad ang kanyang isipan. Mukhang mabigat nga yata ang kanyang problema. Nanginginig pa ang kanyang mga kamay at pansin ang mga luhang dumadanak sa maganda niyang mukha.

"Miss, anong gagawin mo kung pumasok ang boyfriend mo dito sa CR ng lalaki? Makikita ka niya dito."

"Bahala na. Teka, paano na ang pinapanood mo sa sine? ....At saka.... Huwag mo na nga akong tawaging Miss, alam mo may name naman ako, tawagin mo na lang akong Marie. Ikaw?" Tinuro niya ako at itinaas ang kanyang kilay.

"Sammy. Sammy ang name ko. Huwag kang mag-alala sa mga problema mong iyan, parati namang may paraan para malutas ang problema di ba? I guess kaya ka umiiyak dahil sa hindi mo alam kung saan ka tutuloy pag-uwi mo. Wala ka bang kamaganak na matutuluyan? Huwag kang mag-alala sa akin, balak ko nga matulog lang sa sine dahil inaantok ako. Hindi ko naman gusto ang movie." Ngumiti ako ng kaunti.

"Bihirang bihira nga lang akong makalabas ng bahay sa sobrang higpit ni Mama," tugon niya. "Takot nga akong sumakay ng pampublikong sasakyan. Mahigpit siya sa lahat ng bagay pera lang kapag ang boyfriend ang nagsabing ilalabas ako. Ayaw ko talaga sa kanya, Sammy. Sinabi ng Mama na magpropropose na raw siya ngayon at dapat sagutin ko siya. Nakita ko sa bag ni Mike, ang boyfriend ko, kanina ang hinanda niyang singsing. Natatakot ako lalo na't 17 years old pa lang ako eh. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ito lang ang chance para makatakas sa bahay. Hindi ko naman alam kung saan ako ngayon pupunta. Hindi ko alam."

Nagulat ako nang isinandal niya ang kanyang noo sa aking balikat. Nakakaawa naman talaga siya. Gusto ko siyang tulungan ngunit ano naman ang maitutulong ko? Siya'y nagpatuloy sa paglalahad ng kanyang kwento.

"Sa bahay, wala akong kakampi. Lahat sila'y sunod sunuran sa Mama. Dati nga'y naisipan ko nang lumayas pero naalala ko ang sinabi ng Tito na maraming ahas sa daan. Mahirap ang mabuhay ng ganito. Pakiramdam ko'y wala akong laya. Gusto kong mabuhay nang wala sila pero mukhang hindi ko naman kaya. Hindi pa sapat ang nalalaman ko sa buhay. Ginagamit ako ng Mama ko at ang masakit pa doon ay walang naniniwala sa akin. Kapag nasa harap siya ng iba naming kamag-anak, siya'y tila anghel. Napipilitan lang ako sa lahat ng ginagawa ko. Pakiusap, huwag mo muna akong iiwan. Ayaw ko lang mag-isa. Pasensya na sa iyo dahil magulo talaga ang isip ko sa ngayon."

Kinuha niya ang kanyang panyo sa kanyang shoulder bag at pinunasan ang mga luha sa kanyang pisngi. Siguro'y magulo nga ang kanyang isip dahil nagbago bigla ang kanyang desisyong makapagisa. Siguro naman ay mayroon nang nabubuong kaunting tiwala mula sa kanya. Nagulat naman ako nang kanyang sinabing,

"Anong laman ng Walkman mo?"

"Van halen." ang sabi ko sa kanya.

"Di ba maingay yun? Akala kong gusto mong matulog sa sine?"

"Maingay nga pero di mo ba kayang matulog ng maingay? Di mo ba kayang gawing malamig sa taenga ang nakakabinging musiko? Alam mo Miss mas maganda kung minsan mag cheer up ka kahit malungkot ang nangyayari sa iyo. Hindi lang naman ikaw ang taong namomroblema ng ganiyan. Tulad lang yan ng maingay na tunog." Uminom ako ng pepsi at nagpatuloy. "Baka kaya sinama ka ng boyfriend mo sa sine para libangin ka niya dahil mukhang malungkot ka everytime na kasama mo siya? Tama ba ako?"

"Sammy naman sabi ko sa iyo tawagin mo na lang akong Marie. Alam mo, hindi mo naman kilala ang boyfriend ko eh. Tulad nga ng sabi ko kanina komplikado rin ang problema ko. Pakiramdam ko, parang nakaposas ako at hindi makakilos o makahinga man lang ng maayos. Hirap na hirap ako eh." Bigla na naman siyang umiyak na parang may naalala. "Bakit nangyayari sa akin ito? Bakit hindi nila nirerespeto ang desisyon ko sa sarili kong buhay? May isip din naman ako ah. Minsan nag-away na kami ni Mama dahil dito. Hindi ako nakikipagaway kahit sa mga kalaro ko lang noong bata pa ako, pero minsan hindi ko na matiis. Hindi ko alam ang gagawin ko Sammy. Hindi ko alam." Iyak pa rin siya ng iyak na parang gulong gulo ang isip.

Naniniwala naman ako sa sinabi niyang hindi siya sanay makipag away kahit kanino dahil mapapansin mo sa kanyang salita't kilos na siya'y tipong mahinhin at malambing. Magulo ang kanyang isip. Halata sa kanyang mga sinasabi. Kapag nakatingin ako sa kanya'y parang nahuhulog nga ng mabilis ang loob ko. Sa kabila ng kanyang mga problema, parang nagugustuhan ko siya ng ganun kabilis. Ngunit napag-isipan ko rin namang may malaki siyang problema at ang kailangan lamang niya sa ngayon ay isang tunay na kaibigang masasandalan. Mahirap makakuha ng tiwala ang ibang tao at parang pinagkatiwalaan niya ako agad. Hindi ka rin magtataka sapagkat maaaring magulo lang ang isip niya sa ngayon. Siguro kapag nagtagal na at hindi na niya iniisip ang kanyang problema baka isa na lamang akong stranger sa kanya. Nagkwentuhan pa kami ng paulit ulit. Sa unang tingin ay parang matagal na kaming magkakilala. Nagdisisyon akong maging malapit sa kanya imbes na hayaan ko na lang siya sa kanyang sarili. Pakiramdam ko'y matagal ko na siyang kilala. Hinawakan ko siya sa kanyang balikat at sinabing, "Halika ako ang bahala sa iyo, lumabas na tayo dito sa CR kasi baka mamaya lang ay may pumasok na dito."

Lumabas naman kami ng CR at naglakad patungong Entrance. Ngunit nang kami'y nakalabas na sa pintuan ng sinehan, nakita niya si Mike na nagtatanong sa lalaking nagtitinda ng popcorn. Naka blue jeans at jacket siya. Mukhang 30 na ang kanyang edad.
Hinawakan ako ni Marie sa braso.

"Sam, si Mike yun. Itago mo ako dali!"

Mabilis akong hinatak ni Marie papasok sa kabilang pintuan ng sinehan at tinulak sa loob ng CR, sa CR ng babae. Sinabi niya sa aking, "pasensya na pero kailangan kong gawin yun".

Mukhang kinakabahan siya ng lubos. Hinatak niya ako ulit at pumasok kami sa isang cubicle sa dulo ng CR. May narinig kasi kaming mga babaeng nagkwekwentuhan at nagtatawanan patungong CR. Sa loob ng cubicle, kinandado ko ang pinto. Nakaka-ilang din dahil alam kong lalaki akong nasa comfort room ng mga babae. Rinig sa loob ng cubicle ang mga nagkwekwentuhan at nagtatawanang mga kababaihan sa loob ng Ladies Comfort Room. Magkaharap kami ni Marie sa loob ng cubicle. Tinitigan naman niya ako sa aking mga mata at siya'y bumulong, "Sammy, salamat sa lahat ha. Pasensya na sa lahat ng mga problema ko. Huwag ka na lang magpapa-apekto. Kung gusto mo pagkatapos lumabas ng mga tao, bumalik ka na sa inuupuan mo sa sine. Huwag mo sana akong kalimutan ha. Hayaan mo na lang ako dito. Hindi ko inaakalang may makikilala akong tulad mo. Napakabait mo naman sa akin ..."

Magsasalita pa sana siya ngunit may pumasok sa tabing cubicle. Tinitigan niya ako at bigla niya akong hinalikan sa labi. Hinawakan niya ako sa buhok habang hinahalikan at isinandal ang kanyang ulo sa aking balikat pagkatapos. Niyakap ko naman siya at hinaplos ko ang kanyang buhok. Nakakagulat ang pangyayaring iyon ngunit matamis ang kanyang mga halik. Medyo nagtagal ang mga tao sa loob ng CR. Hinalikan niya akong muli at sa pagkakataong ito, tinagalan namin ng kaunti. Mukhang nahulog nang tuluyan ang aking puso sa kanya. Kakaiba kasi talaga siya kung iisipin. Nang lumabas na lahat ng tao sa CR, inalis na niya ang kandado ng aming pinto. Umiyak siyang muli at nagsalita, "Sammy, huwag mo akong kalimutan ha. Hindi ko pa rin alam kung ano ang gagawin ko matapos ang lahat ng ito. Huwag mo na lang akong alalahanin. Magpapaalam ka na ba?"

Lumabas na kami ng cubicle. Pinunasan ko ang luha sa kanyang mga pisngi.
"Hindi kita iiwan Marie."

"Hindi ko maintindihan kung bakit kita hinalikan."

"Siguro ang nararamdaman ang mahalaga. Napakaganda mo, alam mo ba yun? Hindi ka nga nababagay sa akin. Huwag ka nang umiyak. Gusto ko ang nakikita kong lahat ng katangiang nasa iyo. Mabuti kang tao at hindi nababagay sa mundong ginagalawan mo. Alam mo pakiramdam ko, matagal na kitang kilala. Parang may koneksyon tayo sa isa't isa. Siguro'y iyon ang dahilan kung bakit mo ako hinalikan."

"Anong balak mo ngayon?"

"Halika, pumasok tayo sa loob ng sine. Naroon ang kaibigan kong si Jay, ipapakilala kita. Hindi na ako natatakot ngayong makilala ka ng lubos. May nagsabi sa akin, hindi mo makikilala ang isang babae kung hindi mo siya hahalikan. Hawakan mo ang aking mga kamay at huwag ka na ring matakot."

"May kasama ka pala! Bakit ngayon mo lang sinabi."

"Huwag kang mag-alala hindi naman siya nakaka-ilang kasama. Madaldal nga lang. Umupo tayo sa tabi niya, kung ayos lang sa iyo. Si Jay ang bestfriend ko. Nagsine lang kami dahil gusto kong magpahinga."

"Ayos lang sa akin. Gusto kitang makasama ng matagal. Gusto kong maramdaman ang nararamdaman mo. Gusto kitang kilalanin," ang sabi sa akin ni Marie.

Lumabas kami sa CR at naglakad na magkahawak ang mga kamay. Nawala ang aming takot kahit na makita man kami ni Mike magkahawak. Dumiretso na kami sa lugar kung saan naroon dapat si Jay. Wala na sa kanyang inuupuan si Jay. Siguro'y hinahanap niya ako. Umupo na lang kami sa bandang likuran at kaming dalawa lang ang tao sa parteng likuran. Kaunti lang kasi talaga ang mga nanonood ng sine. Sumandal siya sa akin at niyakap ko siya. Hindi namin inintindi ang pinapanood. Kami'y nagkwentuhan lang. Natapos ang palabas at naroon pa rin kami't magkayakap. Inihayag niya lahat ng kalungkutan sa kanyang buhay. Nakakaaliw rin naman siyang kasama dahil napakalambing niya. Mahigpit niya akong niyakap. Nakakatawang isipin sapagkat ngayon lamang kaming nagkakilala. Kung kami'y iyong papanoorin, parang matagal na kaming magnobyo. Ikinuwento rin niya sa akin lahat ng mga nangyari sa buhay niya matapos mamatay ang kanyang Papa. Nagbabasahan kami ng mga iniisip. Nalaman nga niya agad ang mga sekreto ko sa buhay. May mga pagkakataong hindi siya malungkot o umiiyak. Pinipilit ko siyang libangin. Hinawakan ko ang malambot niyang mga kamay at hinahalikan ko ito. Ayaw ko siyang makitang malungkot. Ginagawa ko ang lahat upang maiayos ang kanyang nararamdaman. Natapos muli ang palabas at magkasama pa rin kami. Parang ayaw na naming umalis sa kinalalagayan. Nang maisipan na naming lumabas, muli siyang nalungkot. Habang nasa lakaran kaming patungong entrance, hinalikan niya akong muli at hinawakan niya ako. Sinabi niya sa aking, "Huwag mo akong iiwan. Ayaw kong magisa na hindi ka kasama."

"Hindi kita iiwan. Gagawa ako ng paraan para hindi tayo magkahiwalay." Niyakap ko siya ng mahigpit at nagpatuloy na kami sa paglabas. Gabi na sa labas. Laking gulat ko nang makitang nasa labas si Jay.

Ninapitan kami ni Jay at pagulat niyang sinabing, "Pare, kanina pa kita hinahanap sa loob kaya dito na lang ako pumunta. Saan ka ba nanggaling? Tumawag ako sa bahay ninyo nag-aalala na nga ang mga magulang mo." Biglang napataas ang kilay niya sa pagkagulat na may kasama akong babae sa aking tabi. "Sino siya? Hindi ko alam na may kasama ka pala at nawala ka na lang bigla."

"Jay, pasensya na dahil iniwan kita sa loob. Siya si Marie, saka ko na sasabihin kung bakit ko siya kasama." Takang taka siya nang makitang magkahawak ang aming mga kamay.

"Hindi ko alam na may girlfriend ka pala," ang sabi ni Jay. Habang nagpapakilala si Jay kay Marie, sa hindi inaasahang pagkakataon biglang lumitaw si Mike. Masama ang kanyang timpla. Lumapit siya sa amin at binigyan niya ako ng masamang tingin.

"Bakit kani-kanino ka na lang sumasama Marie? Halika na at umuwi na tayo!" Ang pagalit na sinabi ni Mike kay Marie.

"Hindi na ako sasama sa iyo."

"Hindi ikaw ang masusunod. You are my fiancée! Don't make me mad, I'll drag you all the way home. Sa tingin mo magugustuhan ng Mama mo ito kung malalaman niyang sumasama ka kahit kanino? You don't wanna see me mad Marie!"

"Ang kapal ng mukha mo! I don't like you at hindi mo ako magiging fiancée kahit sa panaginip lang!" ang sinigaw ni Marie sa kanyang mukha.

"I'm sorry. Siguro lumabas na lang tayo ng sine at doon natin ito pagusapan," ang mahinahon ko namang pakiusap sa galit na galit na Mike. Pagkatapos, sinuntok niya ako sa mukha na parang tinamaan ako ng bloke ng semento. Matapos nito'y bumagsak ako sa lupa at tinadyak tadyak pa niya. Ang tanging naaalala ko ay ang tinig ni Marie na nakikiusap kay Mike. Napansin ko ring hinahatak niyang pilit sa braso si Marie at siya'y nasasaktan. Hindi na ako makatayo. Nang pinipigilan siya ni Jay, itinulak niya ito at biglang naglaban. Nasuntok naman si Jay sa kanyang tiyan. Nakita kami ng mga taong naglabasan sa kabilang sinehan. Para akong nahilo sa pagkakasipa sa akin at bigla akong nahimatay sa sahig.

Gumising na lamang ako sa likod ng kotse ni Jay at katabi ko si Marie. "Anong nangyari?" Ang tanong ko sa kanila. Si Jay ang nagpapatakbo ng sasakyan. Umuwi na pala siya at kinuha ang sasakyan upang sunduin ako kanina pa. Ayon sa kanya, naawa ang mga taong nakakita sa amin dahil mga mukha kaming high school kaya't ginulpi nila si Mike. Nagparagdag pa rito nang makita nilang sinasaktan si Marie. Isinama naman ni Jay si Marie sa sasakyan at binuhat nila ako. Biniro pa ako ni Jay na suntok lang pala ang makakapagpatulog sa akin. Hindi kami nagpaligoy ligoy pa at inihatid namin si Marie sa aking Tita upang doon muna manuluyan. Pagkauwi ko sa amin, ako'y pinagalitan at nagrounded pa ng aking mga magulang. Ikinuwento ko ang nangyari sa akin ngunit lalo lang akong pinagalitan. Sinabi ko rin ang tungkol kay Marie at napagsabihan lang ako na napakabata ko pa raw para umibig. Linggo ko sana kukunin si Marie sa aking Tita ngunit sabi sa akin ni Jay nang bumisita siya doon, Linggo pa lang nang lumayas si Marie doon at hindi man lang nag iwan ng sulat. Sa loob ng dalawang buwan, hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa kanya. Parati kong iniisip na kung ako'y kanyang iniisip pa rin. Ngayon ko pa lang kasi naramdaman ang umibig ng tunay. Hindi ko inaakalang mangyayari sa akin ito. Ayaw ko siyang mawala nang tuluyan sa akin. Ngunit isang araw, binalikan ko ang sinehan at ang banyo kung saan ko siya unang nakita. Binuksan ko ang cubicle sa kanan, sa gitna, at nang buksan ko ang kaliwa, nakita ko ang petsang "August 3" at may nakasulat na, "I'm fine and I'm with my Uncle. I'll be here." sa malinis na pader ng CR. Kaya nandito ako ngayon ay para hintayin ang pagdating niya. Kung may makita ka mang babaeng may kagaya niya sa labas, pakisabing nandito ako sa loob at hinihintay siya.

June 18,2003
3:20 am

http://www.kwento.100megsfree5.com

Mga Maikling Kwento © E.L. Minell

Impyerno Sa Lupa

Impyerno Sa Lupa
By E.L. Minell


Abril taong 2034. Maynila.
Tanghaling tapat. Ang init ng araw ang gumising sa akin. Halos di na rin makaihip ng malamig na hangin ang aking Electric Fan. Masakit ang ulo ko dahil sa puyat na inabot sa overtime. Wala akong magawa kaya't binuksan ko na lang ang radyo sa tabi ng aking kama. Naalala ko na sira pala ang aking radyo. Sa sobrang inis, ibabato ko na lang ang radyo ng may marinig akong ingay galing sa dingding ng aking maliit na kwarto. Ang ingay ay di maiihalintulad sa ingay ng dalawang taong nagtatalo ngunit ito'y ingay na parang may batang nagmamakaawa. Inilapit ko ang aking tenga sa dingding upang marinig ng mabuti ang nangyayaring gulo sa tabi ng bahay. Narinig kong may munting tinig ng isang bata ang tila'y hinahalay ng matandang Lalaki! Narinig ko ring may isa pang batang lalaki ang umiiyak at nagmamakaawang pakawalan ang kanyang kapatid.

"Tumahimik ka! Tumahimik Sabi!" yan ang sinisigaw ng Lalaki.

"Wag po... maawa kayo sa akin. Mama! Papa! Huhuhu," ang iyak ng batang kawawa.

Agad akong pumunta sa pintuan para lumabas at humingi ng tulong sa mga kapit bahay. Wala akong telepono. Nang nabuksan ko ang pintong kahoy, ang pintong bakal ay naka-kadena na't naka-padlock. Ang rehas sa pintong bakal na kumukulong sa akin ay napakatibay. Natatakot naman akong sumigaw ng tulong sa labas baka bigla na lang patayin ng Lalaki ang dalawang bata sa kabilang bahay. Maaari ring maisipan na rin niya akong patayin sa dahilang siya ang pinakamalapit na makakarinig kung ako'y sisigaw at sapagkat kung gagawin niya ito'y napakadali lang dahil nasa sulok ang aking apartment at hindi mapapansin ng sino mang gustong magtangkang tumingin. Hindi rin ako pwedeng maghintay na lamang ng kasama dahil ako'y nagiisa lamang sa inuupahang apartment. Sa boses pa lang niya'y mukhang mamamatay tao siya. Hindi ko hahayaan ang mga hayop na tulad ng lalaki sa kabilang bahay na makagawa muli ng kanyang kahayupan. Naisipan kong pumunta sa banyo kung saan naroon ang fire exit. Ang pinto ng fire exit ay may kalumaan na't kinakalawang. Sinubukan kong lumabas sa fire exit, kumapit patungo sa kabila at sumilip sa kanilang bintana. Wala akong maaninag anuman sa labo ng salamin ng bintana, ngunit napansin kong plywood lamang ang tumatakip sa dating pinaglagyan ng Air Conditioner. Tinanggal ko ito at pumasok sa kanilang banyo ng dahan dahan. Narinig kong muli ang iyak ng mga bata nang ako'y nasa banyo nila. Wala akong dalang ano mang armas sa aking kamay. Ang alam ko lang ay kailangang magawa ko ang aking makakaya upang matulungan ang mga batang biktima ng isang taong walang kaluluwa! Kinuha ko ang salamin sa itaas ng lababo para gamitin sanang armas kung sakaling aatakihin ko ang mamang ito. Inisip ko rin na nangangailangan ng kaunting pasensya at tamang oras ang pag-atake upang magawa ko ito ng tama. Napansin kong bukas ng kaunti ang pintuan ng banyo kaya't ang salamin ay nagsilbing gamit upang makita ko ang nangyayari sa sala. Kasalukuyang tinatali at pinipiringan ng lalaki ang dalawang bata. Nakahubad at pawis na pawis ang lalaking ito at pinagpatuloy ang kanyang kahayupan sa batang babae. Hindi ko na mapigilan ang galit sa loob ngunit nangingibabaw ang aking takot. Lalabas na sana ako't lulusob nang may bigla akong narinig na ugong ng isang sigaw galing sa labas!

"Rico! Rico! Nandidiyan ka ba? Hello!"

Boses iyon ng aking nobyang bihira lang kung bumisita na si Ella sa labas ng bahay at hinahanap niya ako sa aking apartment. Natakot ako na baka pati siya'y madamay sa nangyayari! Narinig rin ng Lalaki ang kanyang boses kaya't dumampot ito ng patalim. Malaki ang kanyang patalim at simula na akong nataranta sa loob ng banyo. Nararamdaman ko ang lamig ng sahig sa aking hubad na paa. Nanginginig ang aking mga laman sa pinagsamang takot at galit. Nang palapit na sa pinto ang lalaki upang buksan ito, nagmadali na akong lumabas at nakadampot ako ng bakal na tubo! Inihampas ko ito sa ulo ng lalaki at siya'y natumba sa sahig. Hinampas ko pa siya ng paulit ulit hanggang magdugo't mawasak ang kanyang mukha.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, ako'y biglang nahagip sa aking binti ng kanyang patalim. Nagdugo ang binti ko at duguaan ang aking pantalon. Hinampas kong paulit-ulit ang kanyang kamay na may hawak na patalim. Nagdilim ang aking paningin na para akong masamang tao. Dinampot ko ito't hiniwa ang ari ng lalaking nakahubad. Pakiramdam ko'y sadista na rin akong tulad niya. Siya'y duguan at di na makakilos. Siya na ngayon ang umiiyak at nagmamakaawa.

Sumigaw ako, "Ella, tumawag ka ng pulis dali!!! May rapist dito!!! Ella si Rico ito dalian mo tumawag ka na ng pulis!"

Si Ella nama'y hindi sumasagot sa labas ng pinto. Pinilit kong tumayo at binuksan ang front door. Tumambad sa aking harapan ang .38 caliber na baril ng isang pulis at nakatakip ang isang kamay niya sa bibig ni Ella.


"Bitawan mo ang kutsilyo kung ayaw mong paputukin ko ito," ang sabi ng Pulis sa akin.

Siya'y naka uniporme, naka-jacket na itim at naka baseball cap na itim. Ako nama'y duguan at basang basa sa pawis. Wala akong nagawa kundi bitawan agad ang kutsilyong hawak ko. Binulungan niya si Ella na wag sumigaw dahil kung siya'y sisigaw, papatayin kaming dalawa. Ipinasok si Ella ng Pulis sa loob ng apartment at nagulat sa nakitang duguang mukha ng lalaki sa sahig malapit sa pinto.

"Anong nangyari dito?" ang sabi ng pulis.

"Parang awa mo na paalisin mo na lang kami," ang pagmamakaawa kong sinabi sa pulis.

"Tumahimiiiik kaaa.." ang sabi ng pulis sa akin.

Pumunta sa gawing kwarto ang pulis at inalis ang kumot ng kamang puti. Lumantad ang bangkay ng isang babae na walang saplot sa katawan. Gulat na gulat naman si Ella sa itsura ng lalaking duguang nakahalindusay sa sahig. Basag ang ilong ng lalaki at tapyas ang ibabang labi nito. Nagawa ko yatang basagin ang kanyang bungo. Ibinulong ko kay Ella na ang lalaking iyon ang rapist ng batang nakapiring.
Naghahalungkay ang pulis sa ilalim ng kama. May nakuhang makakapal na pera ang Gago. Inilagay sa bag ito at napatingin sa amin. Inilagay naman niya sa kanyang mga bulsa ang nakakalat na 50 peso coins. Nagpatuloy siya sa paghahalungkat at nang buksan ang closet, naroon naman ang bangkay ng isang lalaking teenager. Maliban sa bangkay ng teenager, may mga kilo-kilo ng bawal na gamot ang closet. Nilagay din ng pulis ito sa kanyang itim na bag. Pumunta sa refrigerator ang pulis at kumuha ng beer in can. Kinausap niya kami.


"Ikaw ba yung nakatira sa kabila," ang sabi niya.


"Oo ako"

"Ako yung naglock ng pintuan mo, babala para hindi ka na manghimasok pa sa hindi mo buhay! Bakit ginawa mo pa ring pumasok sa apartment na 'to ha? Matapang ka rin ha! Nagawa mong labanan ang mamang ito. Ahhhh Halika nga dito".


Lumapit ako. Iniharap ang kanyang rebolber sa akin at sinabing, "Papatayin ko itong bebot mo kapag sumunod ka! Tigas kasi ng ulo mo eh!"

Hinawakan niya ng mahigpit sa kamay si Ella. nagmakaawa naman akong wag niyang tangayin ang aking nobya.

"Pakiusap wag mo siyang sasaktan, pakawalan mo siya."

Si Ella nama'y iyak ng iyak sa akin at nakakapit ng mahigpit at sinabing, "Rico, don't let him take me! Pleaasee!! Parang awa niyo na.. Oh God Please.... Please..."

Samantala, tila'y may napansin sa labas ang tiwaling pulis kaya't binitawan niya ang kamay ng aking nobya. Si Ella nama'y napaluhod at umiiyak. Niyakap ko siya't sinabing "God is with us sweetheart. God is with us."

Nagsasalita ang lalaki sa lapag kaya't laking gulat namin nang makitang pinaputukan sa ulo ng pulis ang lalaking nasa sahig. Lalong dumanak ang dugo sa sahig ng apartment. Laking gulat ko nang binaril din niya sa ulo ang dalawang bata! Nang itututok na sa amin ang baril, akala ko'y katapusan na namin ngunit bigla siyang napaisip at tumingin sa labas. Nagmasid masid siya habang panay ang inom sa beer na hawak. Tinignan nito ang kaniyang baril. Maaaring siya'y nagtitipid ng bala at may natunugan siyang kaaway sa labas. Lumabas ang pulis bitbit ang kanyang itim na bag at rebolber. Madali ko namang dinala si Ella sa Banyo kung saan ako pumasok. Bumaba kami sa hagdanan ng fire exit at tumakbo sa kanto. Sa may di kalayuan, nasaksihan namin ang pulis na sumasakay ng sasakyan nang siya'y paputukan ng apat na kalalakihan. Dinampot ang dala niyang bag at sinipa pa ito sa ulo. Kinapkapan ang jacket ng pulis at may nakuha silang pitaka.

"Wallet ko yun!" ang pabulong na sinabi sa akin ni Ella.

Lumipat kami ni Ella sa ibang direksyon. Habang nasa gawi kaming kanluran, tila'y umiinit ang sinag ng araw. Nalaman kong napakapanganib ng buhay sa mundo at ang kaunting oras kong kasama ang aking mga mahal sa buhay ay napakahalaga. Bawat kanto'y tila ang layo ng agwat. Mabagal ang aming takbo dahil sa duguan kong binti. Nanghihina na rin ako at nahihilo. Umupo ako sa isang bangko sa hindi kalayuan at si Ella ay pumunta sa phone booth upang tumawag ng tulong. Ngunit hindi pa siya nakakarating, hinarang na agad siya ng apat na kalalakihang pumatay sa pulis. Hindi ko alam kung paano nila kami natagpuan. Hindi na ako makakilos sapagkat namamaga na ang aking binti. Lumapit ang dalawang lalaki, pinosasan ako't piniringan. Tinangay kami sa isang van. Sa van ako'y nagmamakaawang wag kaming sasaktan ngunit tuwing ako'y nagsasalita'y hinahambalusan ako sa tiyan. Nasubukan ko ring sapakin sa mukha. Nanlalamig ang aking paa't nanginginig ang aking kalamnan. Taimtim na lang akong nagdasal na matapos na ito. Hindi ko inaakalang ganito na kasama ang mga tao sa paligid. Iniisip kong maraming sanhi ang mga kademonyuhan. Maraming dahilan kung bakit nangyayari ito at mas lumalala pa. Iniisip ko ring minsan binabaliwala ko lamang ang mga nakikitang karahasan sa tv at walang pakialam sa mga nangyayari sa ibang tao. Ngayon ako na ang nasa kalagayan ng mga minamalas. Nagsisisi akong inubos ang oras ng aking buhay na walang kabutihang idinudulot sa kapwa tao. Malamang patuloy na magwawagi ang kasamaan kung hindi kikilos ang bawat isa para matugunan ang pangangailangan ng lahat, ang kapayapaan. Maraming tao ang naghihintay lamang na mangyari sa kanila ang ganitong sitwasyon bago nila seseryosohin ang kanilang paligid. Inisip ko ang dalawang batang pinatay ng isang tiwaling pulis. Nagpaluha naman sa akin ang boses ni Ella na nasa kabilang dulo ng van; siya'y umiiyak. Huminto ang van at lumakas lalo ang kanyang iyak. May narinig akong boses na nagsabing, "Kahit sumigaw ka ng malakas walang makakarinig sa iyo dito! Umiyak ka kung gusto mo!"


Naguusap usap sila at pinaupo ako sa bangkong kahoy na walang sandalan. Tinanggal ang piring sa aking mga mata at ako'y nasilaw sa liwanag ng bumbilya sa aking itaas. Madilim ang paligid at ang ilaw sa aking itaas ay ang nag-iisang ilaw ng kwarto. Umiiyak na ako sa takot.

May nakita akong dalawang lalaki sa aking harapan. Isang nakatayo at isang nakaupo at lima pang iba sa aking kanan. Wala si Ella sa paligid. Simula nang bumilis ang pintig ng aking puso sa takot. Isang lalaking tinatawag nilang Sarge ang nagsalita, kausap ang lalaking naka salamin na medyo may katandaan.


"Sir, Nakita namin ang picture niya sa bahay. Nasangkot siguro dahil ang sugat sa binti't paa niya'y parang gawa ng kutsilyong hawak ni Ipong. Nakatira yan sa tabi ng apartment. Hawak din namin ang laman ng wallet ng babaeng kasama niya. Siya iyon dahil may picture. Ella ang nakalagay sa kanyang I.D. Nakuha namin iyan sa bulsa ni Danny boy. Traydor sa atin yung gago sinolo niya ang mga nakuha ni Ipong. Balak din niyang solohin..."

Bigla siyang pinatid ng lalaking nakasalamin at sinabing, "Nasaan ang babae? Anong ginawa ninyo sa kanya?"


"Nasa interrogation room din po Sir."
ang sagot sa kanya.


"Narinig mo ba yun bata? Nasa maayos na kalagayan ang girlfriend mo. Nasa interrogation room. Tinatanong lang din siya at kinakausap. Mga pulis kami. Makinig kang mabuti sa mga sasabihin ko." Ang sinabing madiin ng lalaking nakasalamin sa akin.

Mahirap paniwalaang lahat silang naroon sa kwartong madilim ay mga pulis dahil dalawa lamang silang naka-uniporme at mga di mukhang pulis ang iba. Nilapag ni Sarge ang pitaka ni Ella, ang mga pictures na nakita sa aking apartment, ang baril ng patay na pulis na tinatawag nilang Danny boy, at mga baryang 50 pesos sa mesa sa aking harapan.


"Makinig kang mabuti. Wala kang magagawa kung ayaw ka na naming mabuhay pa. Wala kang magagawa kung ano man ang gusto naming gawin sa iyong girlfriend. Kung mabubuhay ka lang, kakasuhan ka namin ng murder at rape. Kami ang mga pulis at nasa kapangyarihan." ang sabi ng nakasalamin.

Binunot nito ang kanyang automatic pistol, tinganggal ang safe upang ipakita sa aking gagamitin niya ito. Siya'y nagpatuloy magsalita.

"Ang bangkay ng tatay ng mga bata ay nasa kwarto mo na. Hindi ka makakalusot sa amin kung mabubuhay ka man. Dahil sa iyo, lumaki ang problema namin! Dahil sa iyo, malaki ang butas na tatakpan namin! Kung ayaw mong walang mangyaring masama kay Ella, may ipag-uutos kami sa iyo na dapat mong sundin. Ipapadala namin sa iyo ang isang kilo ng shabu sa Boss ni Ipong at humingi ka ng tawad sa pagpatay mo sa kanya. Kapag nagawa mo ito, papakawalan namin si Ella. Tanggalin ang posas niya!"

May nagtangal ng posas sa aking mga kamay. Biglang may kumatok sa pintuan at sila'y napatingin dito. Binuksan ang pinto ng isang lalaki sa tabi. Si Ella, buhat buhat siya ng isang lalaking tauhan ng nakasalamin. Siya'y wala nang malay at walang pang-itaas na suot!. Sa isang kisap mata, bigla ko na lamang dimanpot ang rebolber ni Danny boy at binaril sa ulo ang lalaking nakasalamin! Mabilis ko ring isinunod si Sarge at ang dalawang nasa pintuan. Bumubunot ng baril ang isa sa aking kanan ngunit huli na siya sapagkat binunot ko naman sa kaliwang kamay ang baril sa lalaking nakasalamin na nasa aking harapan at binaril silang isa-isa. Binaril ko sa ulo ang nagbubuhat kay Ella. Hinayaan ko lang siya sa tabi. Kinuha ko ang baril ng dalawa sa mga patay sa sahig. Mabilis akong lumabas ng interrogation room. Nasa police station ako at lahat ng pulis ay nagulat sa aking paglabas. May anim na katao sa loob ng police station at ang isa sa kanila'y sibilyan. Isang babaeng pulis ang unang bumunot ng baril sa akin. Nakita ang hawak kong baril kaya't silay nagbunutan ng baril. Sa labis kong pagkagulat, binaril ko silang isa-isa na di ko nalalaman kung paano ko ito nagawa. Walang natirang buhay sa kanila. Hindi ko na alam kung sino ang masama sa kanila at ang hindi. Ang alam ko lang ay hindi na ako mabubuhay pa kung hindi ko gagawin iyon. Binalikan ko agad si Ella at niyakap siya ng mahigpit. Dinala ko siya sa labas ng interrogation room. Umiiyak ako't takot na takot. Napansin ko rin na ang isang binatang sibilyang nagtatago sa mesa ay tumakbo palabas at maaaring tumawag siya ng tulong sa malayong lugar. Tulong mula sa masasamang pulis o mabubuting pulis. Wala na akong pakialam doon. Ang tanging alam ko ay nasira ang buhay ko ng isang iglap lang. Yakap ko pa rin si Ella at di ko na man lang namalayan na nawala na ako sa aking kamalayan.


Pagkagising ko, ako'y nasa ospital na at nakaposas. Malamig ang hanging galing sa air con ng ospital. Payapa na akong nakahiga. Doon ko na lang rin nalaman na ako ay may tama ng bala sa kaliwang balikat. Nakita raw nila akong yakap yakap ng mahigpit ang aking Ella. Buhay pa raw siya at nasa rehabilitation. Hindi ko alam kung ako ay may nagawang kasalanan o wala. Bahala na kayo sa akin. Ang alam ko lang sa ngayon ay ang aking kapalaran ay nasa inyong mga kamay.

June 11,2003

http://www.kwento.100megsfree5.com

Mga Maikling Kwento © E.L. Minell

12.6.03

Liwanag Ng Buwan

Liwanag Ng Buwan
By E.L. Minell



Pebrero taong 1950.
Magdadapit hapon na ng makarating sa Pampangga sina Juana at ang kanyang sampung taong gulang na pamangking si Nestor. Nakatingin sa labas ng bintana si Juana. Malamig ang hanging nanggagaling sa bintana ng bus. Pula ang kulay ng langit gawa ng namamatay na liwanag na nanggagaling sa lumulubog na araw. Masarap ang simoy ng hanging nanggagaling sa mga berdeng kabukiran. Nagsimula siyang magtungo sa Pampangga noong bagong kasal pa lamang ang kanyang Tiyuhin sa isang dalagang kapampangan. Mahirap man sapagkat ilang beses niya kailangang sumakay ng kalesa, tuloy pa rin ang kanyang pagbisita sa kanyang Tiyuhin. Madalang kung lumuwas mag-isa si Juana. Kadalasa’y kasama niya ang kanyang ama o kaya’y isang nakakatandang kapatid. Galing sila sa Maynila upang dalhan ng masasarap na prutas ang Tiyuhin niya at ang apat na buwang buntis na asawa nito. May kaya ang pamilya nila sa Maynila. Nanunuluyan naman sa Maynila si Juana sa pamilya ng kanyang kapatid, ang ama ni Nestor. Ginabi na sila sa daan. Wala nang tao sa paligid maliban sa mga kutsero.

Oras na ng orasyon nang makarating sila sa maliit na bayan ng Macabebe. Napalitan ang mga kulay pulang ulap ng puting liwanag galing sa buwang nagtatago rito. Niyakap ni Nestor ng mahigpit sa kamay ang kanyang tiyahin gawa ng pagkatakot nito sa gabi. Marami na kasing naikwentong nakakatakot na alamat at istorya si Juana sa kanya. Sanay na si Juana sa pagpunta sa malalayong lugar sa Pilipinas. Sa edad niyang bente anyos, nakarating na siya sa Cebu, Davao, Baguio at madalas naman sa lugar ng kanyang mga ninuno, sa Capiz. Alam na ng lahat ang mga kakaibang kwento o alamat tungkol sa probinsya ng Capiz ngunit hindi magpapatalo si Juana sa dami ng kanyang narinig na mga kwentong multo, manananggal, kapre, tikbalang, mangkukulam at aswang. Kanya naman itong ipinapasa sa pamangking si Nestor. Natatandaan pa ni Juana ang mga bilin ng kanyang Tito na huwag uugaliing dumating sa Macabebeng bukas na ang mga sulo sa mga poste ng kalye. Ngunit ang kinakatakot lamang ng dalaga ay ang mapagalitan ng kanyang tiyuhin sa pagdating nito ng gabi. Si Juana’y isang modernong Pilipina. Produkto ng impluwensya ng mga nagdadatingang kultura mula sa ibang bansa na pinangungunahan ng Amerika. Maganda ang wangis ng kanyang mukha. Kayumanggi naman ang kulay ng kanyang balat. Marami na siyang nalalaman ukol sa mga bagay bagay na kinakatakot ng karamihan ng kanyang mga kasing edad ngunit hindi niya pinaniniwalaan ito. Para sa kanya’y isang uri lamang ng libangan ng tao ang mga istoryang galing pa sa ating mga ninuno. Marami na siyang natutunan sa Unibersidad sa Maynila kung saan siya nagaaral.


Ang tanging ilaw na matatanaw sa maliit na bayan ng Macabebe ay ang mga ilaw sa poste, mga lampara ng mga kalesang dumadaan at ang mga lampara ng mga bahay sa kani-kanilang mga bintana. Nangingibabaw naman sa lahat ang liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan. Makakapiling mo ang kalikasan sa kanilang nadadaanan. Ang liwanag ng buwan na sumasagi sa mga dahon ng mga dambuhalang puno ng Acacia, mga luntiang taniman, at ang hamog ang nagpapaalala kay Juana sa kanyang mga karanasan sa Macabebe. Napakaliwanag ng sinag ng buwan. Ito’y tila isang liwanag na sadyang ipinagkaloob sa mga naglalakbay sa gabi. Nilapitan nila ang isa sa mga kalesang naka tabi sa likod ng simbahan. Natutulog ang kutsero at iidlip-idlip naman ang kanyang sulo. Kinalabit ni Juana ang kutserong natutulog upang gisingin ito. Sumakay naman agad sa karwahe si Nestor. Sa loob ng karwahe, sila’y nagbayad agad at sinabi kung saan sila tutungo. Bago sila lumarga, napansin ni Juana ang isang binata sa may kalayuan ng simbahan na naghahanap ng masasakyang kalesa. Ang binata’y naka damit na puti at pantalong kulay abo. Siya’y mukhang taga Maynila. Ang wangis ng kanyang mukha’y may halong kastila. Matulis ang kanyang ilong at may kaputian ang balat. Napansin na siya ni Juana doon pa lamang sa bus na kanilang sinakyan kaya’t agad niya itong napuna. Bumaba muna si Juana sa inuupuan at nagpaumanhin upang lapitan ang binatang naghahanap ng masasakyan.

“Nakakaintindi ka ba ng Tagalog?” ang tanong ni Juana sa binatatilyo.

“OO, ako’y taga Maynila”
“Kung gayon eh saan ka naman papunta? Mukhang wala na kasing dadaang kalesa dito at lumalalim na ang dilim.”
“Sa Batasan ako.”
“Makisabay ka na sa amin. Doon din ako papunta sa Tiyo Carding ko. Ako si Juana, kapatid ni Tiyo Carding ang aking ama. May kilala ka bang Carding na Tagalog?”
“Hindi ko siya kilala.”
“Siguro nga… kasi mag lilimang buwan pa lamang siya ditong tumira. Halika na para makarating tayo agad sa patutunguhan. Kasama ko ang pamangkin kong si Nestor.”
Nagtungo sila sa kalesa at sumakay agad. Mukhang pagod na pagod na ang kabayo ngunit napakabilis pa rin. Tuluyan nang namatay ang liwanag sa loob ng karwahe ngunit napakaliwanag pa rin ng kanilang dinadaanan gawa ng liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan. Pinapanood ni Nestor ang bawat bahay na kanilang nadadaanan. May napuna si Nestor na isang babaeng madumi ang suot at magulo ang buhok sa tabi ng duyang nakasabit sa Acacia. Mukhang may sinasabi ito sa kanya dahil mukhang nagsasalita ito. Nanlalaki ang mga mata nito’t nakatitig sa kanya. Lalo namang natakot si Nestor sa kanyang nakita. Gabi na kasi’t wala nang ibang taong nasa labas ng kani-kanilang mga bahay. Nakaupo sa kanilang harapan ang binata. Nakatitig rin ito sa kanila na parang may malalim na iniisip. Binulungan bigla ng bata ang kanyang tiyahin, “Tiya bakit siya nakatitig sa atin?”.
Binaliwala ito ni Juana at sa halip ay tinanong pa ni Juana ang binatang kasama nila, “Anong pangalan mo?” Sa una’y hindi ito kumibo ngunit nang huminto na ang kalesa upang siya’y bumaba, sinabi niya ang kanyang pangalan.
“Manuel," ang kinibo ng binatang mahiyain.
“Napakatahimik ng lalaking iyon. Manong kilala na po ba ninyo ang lalaking iyon? Kasi alam ninyo kung saan siya bababa.” ang tanong ni Juana sa matandang kutsero. Hindi agad sinagot ng kutsero ang kanyang tanong. Ang buong akala ni Juana’y hindi lamang ito nakakaintindi ng Tagalog. Sa hindi kalayuan sa bahay ng binata, nakarating din sila sa bahay ng Tiyo Carding. Bago sila bumaba ng karwahe, may ibininulong ang matandang kutsero sa kanila,
“Humihiwalay kasi iyan sa mga tao sa paligid. Hindi siya nakikipagusap. Hindi nakikipagsalamuha sa tao. Tuwing madaling araw ay umaalis siya at dumarating tuwing Gabi. Nagiisa lamang siya sa kanyang dambuhalang bahay ngunit natatakot ang sino mang manghimasok sa kanyang bahay. Mayaman kasi yang taong iyan. Marami nga ditong naniniwalang isa iyang bampira dahil sa kanyang mga kilos. Sa tingin ko nama’y napakabait ng batang iyan. Sige na’t ako nama’y mamamahinga na.” Mayroon pang sinasabi ito sa mahinang boses habang siya’y lumalayo ngunit hindi na nila ito inintindi.
Hindi naniwala si Juana sa sinabi ng matandang kutsero na si Manuel ay isang bampira sapagkat nakita na niya ito sa bus pa lamang noong bago sila sumakay. Totoo nga ang sabi nilang maraming mga tao sa lugar na iyon ang maraming pinaniniwalaang ala-alamat at kwentong bampira. Karamihan sa kanila’y naniniwala sa mga multo ng mga namatay sa Ikalawang Digmaan sa kamay ng mga Hapon. Nakikita raw ng mga tao roon ang mga sundalong pinahihirapan at pinapamartsa ng mga Hapon na tila’y naroon pa rin sila at buhay na buhay. Ang iba nama’y nakaririnig ng mga salitang Hapon sa paligid ligid ng mapunong daanan. May isa namang nakapagsabing may narinig siyang isang babaeng ginagahasa ng hapon, nagmamakaawa, habang siya’y tumutungo sa palikuran sa tabi ng puno ng niyog. Ngunit kapag ikaw raw ay nagtungo rito, wala kang makikitang tao. Lahat halos ng kanyang narinig ay mga kwentong multo. Ang lahat raw nito’y mararanasan lamang sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan. Iyan ay ilan lamang sa mga kaalaman ni Juana tungkol sa mga kakaibang karanasan ng mga tao sa lugar na iyon. Pilit niya itong idinidiin sa kanyang isipan bilang mga bagay lamang na ginawa ng tao upang mabigyan ng kulay ang buhay tuwing maghahating gabi. Nalilibang rin naman siya tuwing nakaririnig ng mga nakakatakot na kwentong multo.
Nasa ibaba ng hagdanan si Mang Carding at naninigarilyo. Kahit na maliwanag sa magaspang na daan, kina mang Carding nama’y ubod ng dilim dahil sa mga punong kahoy na naglalakihan. Nakaupo si Mang Carding sa hagdanan ng kanilang bahay. Siya’y nasisilungan ng mga dahon ng mga dambuhalang puno kaya’t ang tanging makikita sa kanya ay ang kanyang suot na puting damit at ang baga ng kanyang sigarilyo.
“Hindi pa po ba kayo matutulog Tiyo Carding?” ang tanong ni Juana sa kanyang tiyuhin. Hawak ni Juana ang kanyang daladalang mga prutas galing ng Maynila.
“Bakit kayo nagpagabi? Alam naman ninyong mapanganib sa daan. Iha huwag ka nang magpapagabi ulit sa lugar na ito, baka ika’y mapahamak. Hindi ko nga alam na kayo’y darating. Nandito ako sa labas dahil hinihintay ko ang tiya mo, doon siya sa kapitbahay nag orasyon.” ang pambating isinalubong ni Mang Carding sa mga taga Maynila.
“Ganun po ba? Pasensya na po kasi nasiraan kami ng sasakyan kaninang Hapon.” Binitawan muna ni Juana ang kanyang mga hawak na prutas at nagmano sa Tiyo. Nagmano rin si Nestor kay Carding. Samantala biglang dumating ang asawa ni Carding galing ng Orasyon. Nagmano si Nestor sa kanyang Lola Fatima. Sabay sabay na silang umakayat patungo sa loob ng bahay. Mataas ang bahay ni Mang Carding. Simple lamang ito at gawa sa kugon ang kanilang bubungan. May bukas na lampara sa gitna ng Mesa. Gawa sa Kawayan ang kusina ni Mang Carding. Ang mga kahoy naman sa kanyang mga dingding at kagamitan ay gawa sa mga matitibay na kahoy tulad ng Nara. Napakalamig talaga ng simoy ng hangin at malayang pumapasok ito sa loob ng kanilang bahay.
“Kumain muna kayo iha at sasamahan namin kayo ng Tita ninyo.” ang sabi ni Mang Carding. Umupo sila sa pahabang bangko at inulam nila ang Hinog na manggang dala nila. Mainam kumain si mang Carding. Ang kanyang asawa nama’y may pagka-mahiyain. Tinanong ni Juana ang kanyang Tita, “Kilala po ba ninyo yung binatang Manuel ang pangalan doon sa hindi kalayuan?”
“Hindi bakit?” ang sagot ng kanyang Tiya Fatima.
“Kasi taga Maynila raw siya at sabi ng mamang kutsero, siya raw ay isang bampira”
“Hindi ko nga alam na Manuel pala ang kanyang pangalan. Matagal na siyang nakatira diyan pero ang tanging alam ko lang ayon sa mga sabi sabi ng mga kapitbahay, negosyate raw ang binatang iyan at ang kanyang ama. Hindi nga raw kumikibo iyan kapag kinakausap! Sa tingin ko’y kinibuan ka niya. Mukhang mayaman, matangos ang ilong at magandang lalaki. Hindi nakakapagtakang itanong mo ang tungkol sa kanya,” napangiti siya at nagpatuloy. “Bakit mo ba siya naitanong Juana?”
“Naitanong ko lang po naman Tita. Wala po akong ibig sabihin doon. Nakasabay kasi namin sa kalesa patungo rito at hindi po siya umiimik. Tahimik po siya at mahiyain. Sumasagot lamang siya tuwing ako ay may itinatanong.” sagot ni Juana sa kanyang Tita. Nagsalita naman ang Tiyo Carding matapos uminom ng isang basong tubig.
“Iha, tama na nga iyang kakaisip mo sa mga bampira, aswang at mga halimaw na iyan. Pati ang pamangkin mo nadadamay sa mga walang kakwenta-kwentang pinagkakaabalahan mo. Ipahinga mo na lamang iyan at kalimutan mo na yung lalaking iyon. Huwag kang magkakamaling lapitan iyon! Mapanganib na.” Hindi kumibo si Juana kahit na alam niyang hindi naman talaga siya naniniwala sa mga ganitong nilalang.
“Carding naman, huwag mo namang pagsabihan ang pamangkin mo. Gusto lang niyang tanungin ang tungkol sa ating kapitbahay.” Napatingin si Fatima kay Juana. “Ang alam ko’y hindi ka naman naniniwala sa aswang di ba?” ang tanong ng Tiya. Tumango naman si Juana sa kanya. Nagpatuloy naman si Fatima sa kanyang nais sabihin at wari’y may gumambala sa kanyang isipan. Pabulong niyang inilahad ito. “Juana, alam mo ba kung ano ang usap usapan dito ng matatanda? Kapag may namamatay raw sa lugar na ito, ang kumukuha sa kanilang kaluluwa ay isang dambuhalang aso. Ang tawag naming mga kapampangan dito ay asung kukupak. Ang sabi ng kaibigan ko, may napakalaking tenga raw ito at paiba iba ang kanyang anyo. Minsan raw ay kasing laki ito ng kalabaw, minsan nama’y doble pa. Huwag mo raw siyang papansinin kung ito’y daraan sa iyong harapan at yumuko ka na lamang. Huwag ka raw titingin sa kanyang mga mata. Minsan raw ay maamo ito at minsan ay mabangis. Inaalagaan daw siya ng isang matanda. Dala raw nito’y isang sulat na naglalaman ng mga pangalan ng mga namamatay. Ang nakakatakot niyan ay mayroon akong malayong kamag anak na namatay matapos siyang pagsabihan ng matandang may alaga nito. Bihira mo lamang itong makikita. May ibang nagsasabing naninirahan raw iyan sa kabundukan. Ang iba naman ay naniniwalang nakalilipad iyan. Sabi ng iba aso raw ni kamatayan iyan. Pinupuntahan niya ang mga bahay ng mamamatayan. Sabi nga nila’y huwag mo raw dapat binabanggit ang pangalan nito sa mga tao. Naisipan kong ikwento sa iyo ito dahil alam kong gusto mong marinig ang tungkol dito. Hindi naman buo ang paniniwala ko sa nilalang na iyon sapagkat hindi ko pa ito nakikita. Si Tiyo Carding mo rin hindi naniniwala dito. Mailap raw iyon sabi ng may hawak sa kanya.” Nasindak si Juana sa kanyang narinig sapagkat ngayon pa lamang siya nakarinig ng kakaibang kwentong kababalaghan.
Si Nestor naman ay pinaglalaruan ang apoy sa lampara. Walang pakialam sa pinaguusapan ng mga matatanda sa kanyang paligid. Humikab siya. Nang medyo may katagalan, inantok na siya at nagyaya nang matulog. Habang nagpapalit ito ng damit pantulog, iniligpit naman ng Tita at ni Mang Carding ang mga pinagkainan. Naghugas sila ng kamay at dumiretso sa kwarto ng magasawa. Ang dalawang bisita’y pumuwesto malapit sa bintana ng kwarto. Ang magasawa naman ay natulog magkatabi sa kabilang kwarto. Naiwang bukas ang lampara sa kusina na siyang nagbibigay ng ilaw sa bawat kwarto. Bago tuluyang matulog, binuksan ni Juana ang bintana ng kwarto. Tumingin siya sa ibaba ng bahay at para bang nagsisimula na namang mapuno ng hamog ang ibabaw ng lupa. Malamig ang ihip ng hangin. Ang mga halaman sa munting hardin ay unti unti nang nawawala gawa ng hamog na nabubuo sa paligid. Tila umiilaw ang maputing hamog gawa ng liwanag ng buwan. Sinusuklay ni Juana ang kanyang napakahabang buhok at nagmamasid masid sa kapaligiran. Madalang ang mga bituwin sa langit at lubhang nakakaakit ang buwang sumasakop sa kadiliman. Nang isasara na niya ang binatana upang matulog, napansin niyang matatanaw pala ang bahay ng binata sa hindi kalayuan sa bintanang iyon. Isinara niya ng kaunti ang bintana at tumingin sa bahay ni Manuel. Nakabukas ang bintana ni Manuel at may isang lampara ang bukas sa kanyang mesa. Siya’y naroroon at tila’y may isinusulat. Tinititigan naman siya ni Juana at minamatyagan. Siya’y nagtataka kung bakit ayaw raw makipagsalamuha ng lalaking kanyang natatanaw. Sa mga mata ng dalaga, ang lalaking ito’y may maamong mukha ngunit misteryoso. Maaari’y napansin na siya nito habang siya’y nagsusuklay. Pinagiisipan niya kung ito’y kanyang pupuntahan sa kanyang bahay kinabukasan, para magkaroon naman siya ng kaibigan sa lugar na yun.
“Tiya tulog ka na, natatakot akong walang katabi.” ang sabi ni Nestor sa kanyang Tiya Juana. Umupo naman si Juana sa tabi ni Nestor at malakas na bumulong, “Sandali lang. Huwag ka ngang maingay diyan!” Nang tumingin muli si Juana sa bahay ng binata, tila’y nakatingin na si Manuel sa kanyang bintana. Alam niyang hindi siya maaaring makita nito sapagkat nakabukas lamang ng kaunti ang kanyang bintana, ngunit nagulat siya nang patayin ng lalaki ang kanyang ilaw. Nagdilim sa loob ng bahay ng binata. Isinara agad ni Juana ang kanyang bintana. Unti-unti niyang hinilang pakaliwa ang bintana para maisara ito ng tahimik. Siya’y nangambang baka makita ng binata habang ito nama’y nakatago sa dilim. Inilapag niya ang kanyang suklay sa bintana at tinabihan na lamang ang kanyang pamangkin.
Nang may katagalan, may narinig silang nagiingay na babae. Sumisigaw na parang nanggugulo. Sa dilim ng gabi, siya’y hindi pa natutulog. Isa siyang baliw na nagpapaligoy-ligoy sa daan. “Si Mariang baliw iyan! Huwag ninyo siyang papansinin. Matulog na kayo.” ang sabi ni Mang Carding sa kanyang higaan. Narinig na ni Juana ang tungkol sa kanya noon pa man. Ang babaeng ito raw ay nakatira sa bundok at bumaba sa kapatagan. Walang nakakaalam kung ito’y kapampangan o kaya’y tagalog. Araw araw ay ginagawa siyang katatawanan ng mga tao sa kanilang lugar ngunit para kay Juana, itong taong ito’y kahabag habag sa kanya lalo na’t may bali balitang ito raw ay ginahasa kaya ito nabaliw. Si Juana’y edukadong tao. Pinahahalagahan niya ang bawat tao maging si Mariang baliw. Hindi pa niya ito nakikita kailan man ngunit madalas niya itong marinig sa mga kwento. Parati silang pinagsasabihang layuan ang babeng iyon kung makakasalubong sa daan sapagkat minsa’y nanghahabol ito na may hawak na itak. Ipinikit na lamang ni Juana ang kanyang mga mata upang hintaying matulog si Nestor. Tahimik sana ang gabi maliban sa mga kuliglig at ang ingay na nanggagaling sa babaeng baliw. Hindi maiintindihan nino man ang mga salitang nanggagaling kay Mariang Baliw. Sumisigaw-sigaw ito sa gitna ng malubak na kalsada malapit sa tapat ng kanilang bakuran. Nakatulog na si Juana ngunit si Nestor ay hindi makatulog sa kanyang higaan.
Makalipas ang ilang oras, nakaramdam ng malakas na hangin sa maliit na siwang ng bintana si Nestor! Tila’y may dambuhalang ibon ang dumaan sa bakuran ni Mang Carding. Napabangon si Nestor sa kanyang narinig. Ginigising niya ang kanyang Tiya Juana ngunit ayaw nitong gumising. May naririnig siyang umuugong. Maliit na ingay na nagmumula sa ilalim ng bahay kung saan dumapo ang inaakala niyang dambuhalang ibon. Ang ugong ay tila isang ingay ng pinaghalong baboy, kabayo, uwak at aso. Tumayo si Nestor patungo sa bintana upang silipin kung ano mang hayop ang kanyang naririnig sa labas. Inalis niya sa pagkakaipit ang suklay ni Juana sa bintana at hinawakan niya ito. Hindi na niya natatanaw ang maingay na baliw. Wala siyang nakikitang ano mang hayop sa daanan dahil sa makapal na hamog roon. Sa ibabaw naman ng mataas na puno ng mangga’y may mga maliliit na paniking nagliliparan patungo sa malayong lugar. Natatakpan naman ng mga ulap ang kalahati ng buwan nang siya’y tumingala. Ipinatong niya ang kanyang mga siko sa balkonahe ng bintana at iniyuko ni Nestor ang kanyang kalahating katawan. Nang dumungaw siya, sa kanyang bandang ibaba, may nakita siyang likod ng isang dambuhalang aso na naglalakad ng mabagal patungo sa hagdanan ng bahay. Mahamog sa lupang nilalakaran ng nilalang. Kasing haba ng dalawang kalabaw ang likuran nito. Ito’y may mahaba, malaki at malapad na tenga! Napakahaba ng kanyang katawan. Ang buhok nito ay may kulay na pinaghalong puti at itim. Ang likod nito’t malapad na tenga ang tangi niyang nakita gawa ng napakakapal na hamog. Nasindak siya at natakot. Madali niyang iniatras ang kanyang katawan papaloob sa bintana. Sa takot na mapuna nito, isinara agad niya ang kanyang bintana. Ngunit ang hindi inaasahan ang nangyari. Habang isinasara niya ang kanyang bintana, nahulog ang suklay ni Juana sa bintana nang kanya itong isinara! Mabilis namang nagpunta si Nestor sa kwarto nina Mang Carding. Lumapit siya sa papag na pinaghihigaan ni Mang Carding at pabulong niya itong ginising. “Lolo Carding, may bumibisita sa ating parang malaking aso. Nakita ko po siya… malaki po. Gumising po kayo para makita ninyo. Dalian po ninyo gumising kayo… natatakot ako.”
Napagising si Mang Carding at pinatahimik siya nito, “Pssst huwag kang mag-ingay. Ang asung kukupak lang iyan. Bumalik ka na sa higaan mo, gabing gabi na.” Muling humiga si Mang Carding at hindi pinansin ang batang nanggigising. Mahimbing naman ang pagkakatulog ng kanyang Lola Fatima sa tabi ni Mang Carding. Ngunit nang marinig ni Mang Carding na may naglalakad sa tuktok ng kanilang bubungan, napabangon siya bigla! Tila’y may malakas na pumapaypay sa itaas ng kugon na bubong. May kadiliman ang loob ng bahay kaya’t lumabas ito sa kusina at agad dinampot ang lampara na naroroon sa mesa. Nakahawak sa kanyang damit si Nestor at sumusunod sa kanyang likuran. Sinindi naman niya ang isang kandila at iniabot ito kay Nestor. “Iho, ibigay mo ito sa Lola mo at pagkatapos gisingin mo si Tiya Juana mo. Dalian mo at kukunin ko lang ang aking tabak.” Nagtungo si Nestor sa pintuan ng kwarto. Nagulat siya nang nakitang nakatayo na sa pintuan ang kanyang Lola Fatima. Hawak nito ang kanyang buntis na tiyan. Nakatayo siya sapagkat nagising rin ito sa ingay nila. Ibinigay niya ang kandila sa kanyang Lola at pinuntahan ang kanyang Tiya Juana sa kabilang kwarto. Samantala, lumabas naman hawak ang kandila patungong kusina ang buntis upang puntahan ang asawa nito. Ginising naman ni Nestor ang kanyang Tiya Juana.
Agad agad nagmadaling pumunta sa kusinang gawa sa kawayan sina Juana’t Nestor. Tinanong ni Juana kung ano ang nasa bubungan ng bahay. Pinatahimik sila ng magasawa, “Huwag kayong kikibo” ang pabulong na sinabi ng Tita Fatima sa kanila, “Iyan na ang asung kukupak at siya’y dumalaw sa atin. Kung sakaling magpapakita man ito, huwag kayong titingin sa kaniyang mata, huwag ninyo itong kakausapin o papansinin. Yun ang sabi sa akin ng mga matatanda noong bata pa ako.” Napatingin siya sa kanyang asawa na wari’y sinasabi sa kanyang dapat na itong maniwala sa kanyang ikinukwento tungkol sa mga kakaibang nangyayari sa kanilang lugar. Mahigpit namang niyakap ni Nestor ang braso ng kanyang Tiya at sinabing, “Tiya natatakot po ako.” Samantala, biglang nawala ang ingay sa kanilang bubungan. Para bang umalis na ang dambuhalang nilalang sa kanilang bahay. Humiga silang magkakatabi sa kwartong tinutulugan nina Juana. Nagpalipas sila ng ilang oras. Si Juana’y nakapikit ngunit hindi siya makatulog. Sa talang buhay niya’y ngayon pa lamang siya totoong nakaranas ng ganitong klaseng pangyayari sa kabila ng kanyang mga karanasan, mga naririnig na alamat at paniniwala. Si Mang Carding nama’y hindi mapakali sa kanyang higaan. Alam niya ang kwento na may namamatay sa bahay na dinadalaw ng higanteng aso.
Tumayo siya buhat ang kanyang itak at sinabing, “Babalik ako, titignan ko lang ang labas ng bahay." Bumangon naman si Juana at binuksan ng dahan dahan ang bintana sa kwarto. Nagising naman si Nestor ng marinig nitong binubuksan ng kanyang Tiya ang bintana.
“Tiya huwag ninyong bubuksan ang bintana!” ang pabulong na sinabi ni Nestor sa kanyang Tiya.
“Wala na yung asung kukupak. Titignan ko lang si Tiyo sa ibaba.”
“Tiya, nakita ko po diyan kanina yung asung kukupak nasa ibaba diyan”
“Anong nakita mo?”
“Nakita ko po ang kanyang likod. Mahaba ang katawan niya pero malabo lang dahil mahamog kanina. Nagising kasi ako dahil sa ingay na narinig ko. Kakaibang ingay na parang malaking ibon.”
Napansin ni Juana na nawala na halos ang makapal na hamog sa paligid. May mga naririnig siyang ingay ng mga tao sa kalayuan. Dumungaw rin sa bintana si Nestor. Nagtanong ang bata sa kanyang Tiya, “Tiya ano po ba yung pinaguusapan nila sa malayo?”
“Parang nagkakagulo sila, Nestor. May narinig akong nagsasabing may nahuli raw silang pumapasok sa bahay ng kapit bahay.”
Sa kalye nagtipon tipon ang mga magkakapit bahay at may mga hawak silang sulo. Lumabas naman ng bakod si Mang Carding at nilapitan ang mga taong nasa labas. Narinig ng Tiya ni Juana ang boses ni Mang Carding kaya siya’y bumangon na rin sa hinihigaan at dumungaw rin ito sa bintana. Naguusap usap ang mga tao sa labas.
“Tiya ano po ba ang pinaguusapan nila? Kapampangan po kasi. Ano po ba ang nangyayari?” ang tanong ni Juana sa kanyang Tiya.
“Si Tiyo Carding mo, tinatanong kung ano ang nangyari kung bakit nagsisilabasan sa bahay ang mga kapitbahay.”
“Bakit po ba may hawak silang mga buho at mga patalim? May aswang po ba?”
“Sabi ng isang lalaki nakita raw nilang pumasok si Mariang Baliw sa kanilang bahay. Napagkamalan nga nilang aswang ito dahil narinig nilang may lumilipad na malaking bagay bago pumasok sa kanilang bahay si Mariang baliw. Sabi naman ni Tiyo mo, yung asung kukupak raw ang narinig nilang lumilipad, hindi si Maria at tignan raw nila ang hagdanan nito kung saan ito umihi. Yung umiiyak naman na babae sa tabi ng Tiyo mo ay namatayan raw ng asawa. Binangungot daw bigla ang kanyang asawang si Amando matapos dumaan ang asung kukupak. May isa naman ang sabi patayin daw nila si Mariang Baliw bago raw ito mag anyong aswang. Pinipigilan sila ni Tiyo mo. Naghahanap lang daw ng makakain na tirang pagkain si Mariang Baliw kaya pumasok ito sa mga bahay. Hindi raw ito aswang. Tagapagdala lang raw ng mensahe kung sino ang malapit nang mamatay ang asung kukupak, ayon naman sa isang matanda. Hindi raw ito pumapatay ng tao.”
Biglang may dumadating na kalesa. Ang kutsero nito ay siya ring kutserong naghatid kanina kina Juana at Nestor. Nakasakay rito ang isang lalaking may bitbit na kandila. Bumaba ito at nagsalita ng kapampangan sa mga taong nagpupulong. Ipinaliwanag ng Tita kay Juana ang sinasabi nito.
“Huwag raw mababahala. Ang asung kukupak ay nagpadala ng liham sa matandang tagapag-alaga nito. Ang mensahe raw ay may tatlo na mamamatay sa araw na ito. Ang dalawa sa kanila’y may pangalan at isa raw ay wala." Biglang pinawisan ang buntis at sumakit bigla ang kanyang tiyan pagkatapos na pagkatapos lamang niyang magsalita. Hinawakan niya ang kaniyang tiyan at dahan dahan siyang napaupo. Biglang dinugo ang buntis at napasigaw ito sa sakit. Nabitawan ni Mang Carding ang kanyang itak nang marinig ang sigaw ng kanyang asawa sa itaas ng bahay. Mabilis namang nagtungo papasok sa loob ng bahay si Mang Carding. Binuhat ni Mang Carding ang kaniyang asawa at dinala ito sa labas. Sumama sa labas si Nestor at si Juana upang alalayan si Mang Carding. Nakiusap naman si Juana sa Kutsero na dalhin si Mang Carding at ang kanyang Tiya sa pinakamalapit na ospital o manggagamot at ipatingin agad ito. Agad namang sumunod ang matandang kutsero sa dalaga matapos niya itong bigyan ng bayad. Mabilis nitong pinatakbo ang kalesa. Awang awa si Juana sa sinapit ng kanyang tiyahin. Naniniwala siyang may kinalaman ang pagdalaw ng asung kukpak sa bahay ng kanyang Tiyo sa pagdudugo ng buntis niyang tiyahin. Kung dati’y ang parati niyang naririnig ay manananggal sa bubungan na may mahabang dila na siyang pumapatay at kumakain sa mga nasa sinapupunan, ang nasaksihan naman niya’y isang kakaibang nilalang na dumadalaw sa mga namamatay kaya namatay ang sanggol na dala ng kanyang tiyahin.
Biglang nilapitan si Juana ng binatang kilala niya sa ngalan na Manuel. Inilapit nito ang kanyang bibig sa tenga ng dalaga at siya’y may ibinulong, “Umalis na kayo sa lugar na ito hangga’t maaga pa. Naniniwala akong mapanganib ang lagay ninyo dito. Nakita kong nakatingin sa iyo ang asung kukupak na nasa inyong bubungan kanina habang ika’y nagsusuklay. Masamang senyales, pinapanood ka niya. Kailangan na ninyong umalis ngayon din! Huwag kayong papahalata sa mga tao. Dumaan kayo sa likod ng bahay sa may kahuyan. Sa matataas na puno ng Acacia… sa madilim na gubat… dumiretso kayo doon lalabas kayo sa simbahan kung saan ninyo ako nakita kanina. Bago mag-umaga, kailangan na ninyong makaalis. ”
“Samahan mo kami. Samahan mo kami palabas dito.”
Samantala biglang sinunggaban ni Mariang baliw si Nestor. May sinabi ito sa kanya sa salitang hindi maintindihan. Agad siyang hinatak ng mga tao at inilayo kay Nestor. Nagwawala si Mariang baliw. Natakot naman ng lubos si Nestor sa nangyari. Kasama si Manuel, hinawakan siya sa kamay ng Tiya Juana niya at palihim silang tumakbo patungo sa likod ng bahay habang ang mga tao sa kalye ay abala sa panggu-gulong ginagawa ni Mariang baliw. Tumakbo sila ng matulin hanggang umabot sa gitna ng matataas na puno. Maliwanag pa rin ang liwanag na nanggagaling sa buwan. Puno naman ng sukal ng mga tuyong dahon ang kanilang nadadaanan. Huminto si Nestor upang magpahinga at nagsalita habang siya’y umiiyak sa takot, “Tiya, sabi sa akin ng baliw na babae mamamatay raw tayo ngayon. Sinabi raw sa kanya ng asong dambuhala.” Sumagot naman ang kanyang Tiya,
“Paano mo naintindihan ang sinabi niya? Hindi naman siya nakakaintindi at baliw siya. Huwag kang maniwala sa sinabi niya.”
“Tiya totoo po ang sinasabi ko! Sinabi niya iyon sa akin. Kanina pa lang papunta dito sa bahay ni Lolo Carding napansin ko na siya na parang may gustong sabihin sa akin. Parang galit siya sa akin.” Labis pa rin ang takot ni Nestor at pagkahingal. Hinawakan na lamang siya ni Juana at sila’y nagpatuloy maglakad. Habang sila’y naglalakad, narinig nilang sumusunod si Mariang Baliw sa kanilang likuran! Pagod na sila’t tumakbo pa rin ng matulin. Ilang puno na ang kanilang nadaanan, biglang nawala sa kanilang harapan si Manuel sa tulin ng kaniyang pagtakbo. Si Nestor nama’y napabitiw sa pagkakahawak sa kanyang tiyahin. Nang dumaan sila sa madilim na lugar, sila’y nagkawalaan. Sumisigaw sila’t naghahanapan sa isa't isa.
“Nestor! Nasaan ka?!” ang nanginginig na boses ni Juana.
“Tiya nandito ako nasaan ka?” ang takot na takot namang boses ni Nestor. Nang marinig niyang sumigaw ng malakas ang kanyang Tiya Juana, tumakbo siya patungo sa maliwanag na lugar kung saan walang anino ng mga puno. Tumatakbo siya ng matulin. Hanggang sa mabangga niya si Manuel ng hindi namamalayan. Hinawakan siya sa kamay nito at tumungo sila papalapit sa simbahan. Maguumaga na at naroon si Juana sa tabi ng pinto ng Simbahan. Niyakap ni Nestor ang kanyang Tiya. Tumungo si Manuel sa kalesang nakaantabay sa tabi ng bilihan ng bigas, habang si Juana at si Nestor ay naghihintay sa tapat ng simbahan. Tila’y kinakausap niya ito. Sa kalayuan, kapansin pansin na umiiling ang kutsero at nakikiusap naman si Manuel dito. Ngunit hindi nila napansin na si Mariang baliw ay nasa gilid lamang ng simbahan at may hawak itong itak! Agad tumakbo patungo kay Manuel si Juana at si Nestor.
Hinawakan naman ni Manuel ang mga kamay ni Mariang Baliw upang pigilan ito at sumigaw ito kay Juana, “Sumakay na kayo sa kalesang iyan at umalis na kayo dito! "
Biglang nakawala ang isang kamay ni Mariang baliw na may hawak na itak at tinaga niya ang binata sa isa nitong kamay. Mukhang napakalakas ni Mariang baliw. Wala silang nagawa kundi sumakay sa kalesa at pinatakbo agad ng kutsero ang kanyang kabayo ng napakablis. Nang sila ay nasa may kalayuan, pinanood na lamang nila si Manuel habang ito’y tinataga at unti unting pinapatay ni Mariang baliw. Nakita rin nilang nagdatingan ang mga taong may hawak na sulo at hinampas nila si Mariang baliw hanggang ito’y di makakilos. Kaunting sandali lang, malayo na sila at hindi na nila natatanaw ang lugar kung saan nila iniwan si Manuel. Sila’y nagtungo sa ospital kung saan dinala ng Tiyo ni Juana ang kanyang Tiya Fatima. Naroon ang kanyang Tiyo Carding at pawang hinihintay sila. “Nasabi sa akin ng matanda na inihatid raw ng kanyang alaga ang suklay na ito sa kanyang bahay. May isa raw sa inyo ang nakakita sa asung kukupak ".
Iniabot ni mang Carding ang suklay ng kanyang pamangkin. Kinuha naman nito ni Juana at sinabi sa kanyang Tiyo, “Tiyo Carding, naaalala pa ba ninyo si Manuel? Yung lalaki sa malaking bahay? Niligtas niya ang buhay namin ni Nestor. Inilayo niya kami at muntik na kaming napahamak kung hindi niya nilabanan si Mariang baliw. Nagwawala si Mariang baliw. May hawak na itak at hindi mapigilan. Sinakripisyo ni Manuel ang buhay niya.”
“Juana, ang lalaking iyon ayon sa mga nandito kanina ay isa raw pipi. Hindi siya maaaring magsalita. Sinabi mong nagsasalita ito at sinabing Manuel ang kanyang pangalan, ngunit hindi siya maaaring magsalita.”
“Paano ho nangyari iyon? Nagsasalita ho siya sa amin. Hindi ko po maintindihan Tiyo. Ang alam ko po ay kinausap rin siya ng kutserong ito.” Itinuro ni Juana ang kutsero ng kalesa.
“Hindi ko siya maintindihan. Sumesenyas lang siya sa akin.” ang sabi ng kutsero sa kanila.
May bagong paparating na kalesa, sakay ang binatang galing sa matandang tagapag-alaga ng asung kukupak. Huminto siya sa tapat ng ospital. Dala nito’y liham na naglalaman ang pangalan ni Manuel, ang kanilang kapit bahay na binangungot na si Amando at ang bata sa sinapupunan ng asawa ni Carding. Ang kanilang nalalaman ay hindi dapat ipinagsasabi. Sapagkat ang kapalaran ay maaaring magbago. Dahil dito ang dapat isa sa mga namatay ay naging tatlo. Matapos ang nangyaring pagpatay kay Manuel, wala nang tao sa lugar ng Macabebe ang naglalahad ng kwento tungkol sa asung kukupak na sinasabing nangunguha ng kaluluwa ng mga nangamamatay. Nilisan nina Juana at Nestor ang Macabebe at hindi na muling nagbalik sa lugar na iyon.


July 12,2003 08:05



http://www.kwento.100megsfree5.com
Mga Maikling Kwento © E.L. Minell