4.6.08

Langit Sa Lupa

Langit Sa Lupa
By E.L. Minell

Septiembre taong 1974.
Si Alex, isang tahimik na binatilyo, ay nagtatanong sa nars kung saan tutungo papuntang kapilya ng ospital, “Miss, saan yung chapel dito?” itinuro naman ito ng nars sa kanya ng hindi umiimik. Lumiko siya sa kanan gaya ng itinurong direksyon sa kanya ng nars na pinagtanungan niya. May nakikita siyang mga halaman at sinag ng araw sa gawing kalayuan. “Mukhang nasa labas na yata ako.” ang sabi ni Alex. Pagdating niya sa dulo, ang labasan ng ospital ang kanyang nakita.

“Mali. Tsk!” ang sabi ni Alex ng madismayang wala doon ang kapilyang hinahanap niya. Kinamot niya ang kanyang ulong may napaka-kapal at medyo may kahabaang buhok. Nagtaka naman siya dahil hindi niya naaalalang may mga halaman sa labas ng ospital na kaniyang pinasukan. “Siguro ibang Entrance ito.” ang bulong niya sa sarili. Bumalik siya sa pinanggalingan at naghanap siya ng taong mapagtatanungan. Hindi na niya mahagilap ang nars na pinagtanungan niya kanina. Nagtataka rin siya na parang may nagbago sa kanyang paligid dahil sa mga halamang nasa paso na hindi niya naaalalang nakita niyang naroon kanina. Nagtanong siya sa information area, “Excuse me nurse, saan po ba ang kapilya ng hospital 'nyo?” Sinagot naman siya ng nars na nasa telepono ng isang senyas paturo sa gawing kaliwa.

“Ha? Hindi pwede yun,” ang sagot ni Alex. “Sa dulo ho, kwarto na ng kuya ko.”

Nagpaalam muna na may kakausapin ang nars sa kausap niya sa telepono bago siya sagutin nito. “I’m sorry, ano ho yun?” tanong ng nars kay Alex.

“Ang sabi ko ho, sa dulo na tinuro ninyo, doon naka-confine ang kuya ko. Wala po akong nadaanang kapilya dun.”

Napailing lang ang nars at bumalik sa kanyang kausap sa telepono. Ikinapagtaka naman ito ni Alex.

Naisipan na lamang niyang bumalik sa kinaroroonan ng kanyang kuya para doon magdasal kasama ng kanyang Lolo. Pagliko niya sa kaliwa, naramdaman niyang iba ang kanyang naaalala. Hindi ito ang ospital na pinanggalingan niya. Hindi niya maalala kung kailan at paano siya naligaw dito, subalit ang kanyang naaalala’y kaninang unang beses pa lang siyang nagtanong sa nars ay nasa ospital pa siya ng kanyang kuya. Paunti unting nagbabago ang paningin niya sa paligid.

Nakita nga niya ang isang kapilya sa dulo ng kaliwang direksyong itinuro ng nars sa kanya. Nakita niya roon ang nagdaraang babaeng Doktor sa kapilya kaya hinabol niya ito. “Doktora, sandali po!” ang sigaw ni Alex at saka nilapitan ang Doktor. “Ano po bang Hospital ito?”

“Philippine General Hospital.” ang sagot ng Doktor.

“Sigurado po ba kayo? Hindi po ba Makati Med dapat?”

“PGH. Hindi ito Makati Med, wala ka sa Makati.” Ngumiti na lang sa kanya ang Doktor at saka ito umalis.

Nagtaka naman siya at tumingala sa itaas. Mataas nga ang mga kisame at mukhang luma ang gusali na parang naaalala niyang hindi ganito ang ospital ng kanyang kuya. May mga nakapaskil pa ngayong mga lumang larawan sa pader ng gusali. Malaki ang pinagkaiba ng loob ng ospital ngayon kaysa kaninang nagtatanong siya sa nars. Hindi niya namalayang napunta siya sa ibang lugar sa hindi nalalamang dahilan. “Pano nangyari ito?” tanong ni Alex sa sarili.

“Alex,” ang sabi ng isang lalaking nakaupo sa loob ng kapilya at saka nagpatuloy, “Alex, ikaw ay si Alex.”

Kinilala muna ni Alex ang mukha kung ito ba’y kakilala niya ngunit wala siyang naaalalang kilala niya na ganito ang wangis ng mukha. “Sorry po, kilala ko ho ba kayo?”

“Hindi, hindi mo ako kilala at di rin kita kilala. Maupo ka. Ako si Adriel. Ang pangalan mo nga ba ay Alex?”

“Opo.”

“Sigurado ka?”

“Opo, ako si Alex bakit ho ba? Paano nyo nahulaan ang pangalan ko?”

“Ang sabi mo kasi kay Doktora, nasa ospital ka sa Makati at biglang hindi mo naalalang nandito ka ngayon, tama?”

“Opo. Ganun nga po. Bakit ho?”

“Alex, dinala ka rito ng isang anghel.”

“Paano nyo ho nasabing isang anghel ang nagdala sa akin dito eh wala namang nagdala sa akin dito bigla na lang ho akong napunta dito?” tugon ni Alex. “Alis na po ako at alamin ko lang paano ako napunta dito baka kasi hinahanap na ako ng Lolo.”

Siniyasat ni Adriel ang mukha ng kausap kung ito ba’y binibilog lamang ang kanyang ulo at pinapapaniwala siyang Alex nga ang pangalan nito. Si Adriel, ang mamang nakaupo sa kapilya ay isang apatnapu’t limang taong gulang na. Parati niyang ginagalaw ang malaking salamin sa kanyang mata sapagkat ito’y nahuhulog sa pagkakapit sa kanyang ilong. Nakasuot siya ng asul na polo na may naglalakihang kwelyo sa gilid ng kanyang nagsisimula nang magka-kulubot na leeg.

“Sandali lang Alex, wag kang umalis." sabi ni Adriel kay Alex. "Gusto kong marinig mo ito. Alam kong naligaw ka at alam ko ring kapag nakausap mo ako makakauwi ka na. Ipapaliwanag ko sa iyo ito pero kailangan mo munang malaman ang buong detalye kung bakit ako nagsasalita ng ganito. Sana intindihin mo, ako ma'y naguguluhan din. Simula nang sumakabilang-buhay ang aking asawa, hindi ko pa nasubukang makaranas ng isang bagay na papatotoo sa aking mga nakikita. Nakakaranas ako ng mga ala-ala sa dati kong buhay, mga nakikita ko kapag ako ay nag-iisang nakapikit o kapag nananaginip. Nang pumanaw ang aking mahal na asawa nagsimula akong makaranas makakita ng mga bagay na ako lang ang nakakakita. Walang naniniwala sa akin maging ang mga kilala kong mga nagtratrabaho sa simbahan. Ang mga kaanak at kaibigan naman ay natatawa lang sa mga sinasabi ko, kaya’t sinarili ko na lang ang lahat ng aking nakikita sapagkat wala rin akong matibay na ebidensya na magpapatunay na totoo ang mga ito. Dalawampung taon na akong nakakaranas ng ganito, ngayon pa lang ako nakaranas ng pwedeng pumatotoo sa aking mga nakikita at ikaw ang tinutukoy ko. ”

“Ano ho ang sinasabi ninyo? Hindi ko ho kayo maintindihan, pasensya na po.”

“Ang sinasabi ko ay ganito, hindi ko basta hinulaan ang iyong pangalan. Nakita ko ito sa isang panaginip. Gusto mo bang simulan ko sa pinakasimula o sa bandang huli kung saan ko nakita ang iyong pangalan?”

“Simulan po ninyo sa simula at makikinig lang ako.” tugon ni Alex. Pumasok at umupo naman si Alex sa loob ng kapilya sa bandang likuran ni Adriel, habang si Adriel ay nakapatong ang siko sa sandalan ng kanyang inuupuan at nakatingin siya sa kausap.

“Salamat sa pagsangayong makikinig ka. Nagsimula ito noong kami’y bagong kasal. Doon pa lang parang may mga nagpaparamdam sa akin kapag ako ay mag-isa at nakapikit ang mga mata. Matapos ang tatlong linggong aming pagsasama, nalaman namin na ang aking asawang si Irena ay nagdadalantao na. Walang kapantay ang ligaya naming dalawa noong kami’y nagsasama. Ngunit nabigo kaming ilabas sa mundo ang aming anak maging ang magsama kaming dalawa habang buhay ay hindi rin natupad. Kinuha ng Diyos ang asawa ko sa akin. Pagkatapos malaglag ng aming anak, sunod-sunod siyang nagkasakit. Matapos niyang gumaling sa isa, nagkakaroon siya ng dalawa at nadaragdagan parati ang mga karamdaman niya kahit na ako ay parating nagdarasal. Wala akong magawa para iligtas si Irena. Ikinamatay niya ang sakit sa kanyang atay. Dalawangpung taon na ang nakakalipas noong siya’y pumanaw ngunit para sa akin parang kahapon lang ang pangyayari.” sandaling huminto si Adriel, nagbuntong hininga at nagpatuloy,

“Ang kapilyang ito ay pansamantalang iniayos bilang kapilya habang nagkukumpuni ang mga tao sa kapilya ng ospital; ngunit ito ay dating kwarto ng mga may sakit at inaalagaan. Ito ay kwarto ng nasira kong kabiyak, ang pinakamamahal ko, kung saan ko siya hinawakan upang magpaalam. Ang Doktorang kausap mo kanina ay aking kaibigang Doktor dito, si Doktora Alma. Isa lang siya sa mga mababait kong kaibigang tumutulong sa akin at nagmamalasakit. Tumutulong rin siyang magpaliwanag kung ano ang maaaring sanhi ng mga nakikita ko. Sinabihan ko siya sa telepono tungkol sa aking panaginip kagabi, tungkol sa isang Alex na magpapakita sa akin, kaya’t nagduda akong ikaw ay kanyang kasabwat dahil isa si Doktora na nangungumbinsi sa aking ibaba ang pagluluksa ko sa aking mahal na nawala. Hindi rin kasi siya naniniwala sa aking mga sinasabi tungkol dito ngunit kahit papaano nakikinig siya. May gumawa na kasi nito sa akin dati, nagkukunwaring naniniwala sa sinasabi ko. Buti at nadiskubre kong niloloko lang niya ako, dahil seryoso ako sa aking mga sinasabi. Hindi ko rin magawang baliwalain ang aking mga nakikita o visions kung sa aking pakiramdam ay totoong-totoo ang mga ito, na parang ala-ala ng matagal na nakaraan. Gusto ko ring malaman sa sarili kung totoo ba ito o isang problemang medikal. Sabihin mo sa akin ang totoo, talaga bang lumitaw ka dito galing ng Makati at ang pangalan mo ay Alex? Hindi ba kayo magkasabwat lang ng Doktora? Sumasakay lang ba kayo sa mga istorya ko? Ang sinabi sa akin ng isang anghel sa aking nakita ay maliligaw ka Alex, ngunit makakauwi ka kung kakausapin kita. ”

“Opo, nagsasabi po ako ng totoo. Hindi ko pa rin ganap na maintindihan ang sinasabi nyo. Kayo po ano ang pangalan ninyo ulit?”

“Kung ganun eh, ipagpapatuloy ko ang aking kwento. Ako si Adriel Santos, nagtapos ako ng Industrial Engineering pero isa akong Pintor na nagtratrabaho sa isang Museo tuwing umaga. Kailangan ko kasing bumalik dito sa ospital para mapalapit lang ako kahit papaano. Nagtratrabaho rin ako sa isang kumpanya, sa isang pabrika sa hapon, malayo dito. Pero hindi ang tungkol sa aking gawain ang gusto kong sabihin sa iyo na tungkol sa akin. Tingin ko mahalaga ang pagpaparito mo kaya kailangan nating malaman ang dahilan. Nakakakita kasi ako ng mga bagay sa aking pag-iisa at tuwing ako ay nananaginip simula noong sumakabilang buhay ang aking mahal na asawa. Ang mga vision na ito ay parang totoo tuwing nararanasan ko. Sa mga naunang beses, nakita ko ang tungkol sa mga anghel na nasa langit. Parang tunay ang aking mga nakikita at napakalinaw ko itong nakikita. Ang iba sa kanila ay piniling manirahan sa lupa, sila’y naging tao sa laman, sa dugo at sa kaluluwa.”

“Paumanhin pero patirin ko lang sana kayo,” patid ni Alex, “Ako po kasi ay isang sakristan sa aming barrio. Narinig ko na po dati na ang mga anghel ay nasa langit lang, ang mga nagrerebelde naman sa kanila ay napupunta raw sa impyerno. Nakarinig na po ako ng tungkol sa mga anghel dela guardia, ngunit hindi ang anghel na naging tao.”

“Alex, hindi ko sinasabing totoo itong sinasabi ko. Yan ang dahilan kung bakit kita kinakausap. Hindi ko rin alam kung ang mga ito ba'y problema o tunay na may sinasabi sa aking mahalaga. Pinapaalam ko lang sa iyo ang mga nakikita ko at kasama ka kasi doon, kung ikaw nga ang Alex sa aking mga nakita.” Sinusuri ni Adriel si Alex sa kanyang mga mata at nagpatuloy, "May tatlong paraan para ang isang anghel ay pumasa-lupa. Ang una ay kapag siya ay may tungkuling dapat ganapin sa loob ng maikling oras at ang tungkuling ito ay may kinalaman sa kaligtasan ng sangkatauhan. Pangalawa, ang mga tinatawag nating anghel dela guardia na nandito ngunit hindi natin sila nakikita. Pangatlo, kung gusto ng isang anghel na makasubok kumain sa hapag-kainan ng mga tao, makisalamuha sa kanila, makasubok ng personal na ugnayan sa mga tao, kailangan niyang ipanganak bilang isang tao. Sapagkat, maging ang Anak ng Tao na siyang pinakasasamba ng lahat ay dapat sundin ang batas na itinalaga ng Maykapal dito sa lupa. Kaya maski Siya ay dapat mabinyagan rin at dapat nakalapag ang mga paa sa lupa. Walang sinomang galing sa langit ang maaaring mamuhay sa lupa kasama ng mga tao ang hindi magiging tao na may dugo’t laman na sumusunod sa batas ng Diyos dito sa lupa. Ang sinomang tao na pinanganak ng sinomang babae ay dapat tanggapin ang katotohanang dito sa lupa, kung may nais kang mangyari na babaluktot sa batas ng lupa ay dapat mo muna itong idasal sa itaas. Halimbawa, hindi mo maaaring gawing alak ang tubig ng walang pahintulot na galing sa itaas o ilipat ang isang bundok sa ibang lugar sa pamamagitan ng pananampalataya ng hindi dinarasal sa itaas. Hindi ka rin maaaring mamuhay na gaya ng tao kung hindi ka tao. Mas perpekto nga ang buhay ng mga anghel ngunit may iba’t ibang dahilan kung bakit ang iba sa kanila ay pinipiling maging tao. Yan ang mga nakikita ko, karamihan ay hindi ko ganap na maintindihan. ”

“Kung sila ay tao na at hindi na anghel, sa laman at kaluluwa gaya ng sabi mo, paano nila masasabing sila pa rin yun?” tanong ni Alex.

“Kaya may naiiwang gapatak ng kanilang kapangyarihan na dati’y kasing dami ng tubig sa dagat. Naiiwan ito bilang pagkilala sa kanilang sila pa rin kung sino sila dati ngunit iba na ang kanilang buong anyo maski ang pag-iisip. Hindi nila magagamit ang kapangyarihang ito na walang kasamang dasal. Hindi nila katulad ang Anak ng Tao na kaisa-isang pumarito’t pinanganak at nakisama sa tao nang hindi nawala ang kanyang buong anyo’t kapangyarihan na nasa langit. Lahat ng pinanganak ng tao ay dapat manalangin kung may nais siyang mangyari na hindi sumusunod sa kaayusan ng mga elemento sa mundo, kagaya ng milagro. Ang iba sa mga anghel na pumarito, ang pinipili nilang maiwang kapangyarihan at abilidad ay ang makaramdam ng mga pangyayaring mangyayari pa lang, ang iba naman ang abilidad na nakakaramdam ng damdamin at isip ng iba, ang iba nama’y iba ang pinipiling kapangyarihan. Lahat sila ay walang malay na may kakayahan silang ganito at lahat sila’y hindi alam ang tunay na kaanyuan nila dati.

Ako ay isa sa kanila, Alex. Nakakailang banggitin ito dahil nagmumukha akong isang taong wala sa sariling pag-iisip tuwing sasabihin kong 'Dati akong anghel'. Intindihin mo sanang ito'y pahirap sa akin. Ayon sa aking mga visions, ang maalala raw ang lahat ng ito ang tanging naiwang kapangyarihan sa akin na aking pinili. Kaya sa akin mo lang maririnig ang mga ito dahil ang iba'y hindi nila alam ang kanilang kakayahan at lahat ng tungkol sa dating sila dahil hindi ito ang kanilang piniling kakayahan. Kung kami ay mapalad at makababalik ng langit, magbabalik at mabubuo ulit sa amin ang lahat ng aming mga ala-ala na tunay na amin ngunit hindi ang aming pagka-anghel. Karamihan sa mga nahuhulog sa impyerno na iyong tinutukoy, ay mga tao na at may espiritu ng tao, na galing dito sa lupa. Ang mga nakita ko ay ala-ala ng dating ako noong ako’y naninirahan pa sa ibang kaharian. Hindi buo bagkus napakaliit lamang ang mga ala-alang aking mga nakita sa mga visions na ito. Karamihan ay paulit ulit ko lang nakikita. Sa una’y tinatawanan nila ako tuwing binabanggit ko ito sa mga tao, ngunit ngayon, kung totoo man ang iyong sinasabi, maaaring mapaniwala ko na sila kung ikaw ang magpapatunay. Nakita ko kasi kagabi lang sa aking pagtulog ang isang anghel na walang mukha, siya’y may hawak na dalawang bituin sa kanang kamay at sa kaliwa ay isang bato kung saan nakaukit ang iyong pangalan. Kilala ko ang anghel na iyon, siya ay isang anghel na pinili ang kapangyarihang makapagdala ng isang bagay sa ibang lugar na nasa malayo. Ang sabi mo, napunta ka dito ng hindi mo nalalaman. Bago pa man ito, dalawangpung taon ko nang nakikita ang iyong pangalan, ngunit hindi ko maintindihan ang mga nakikita ko. Ang anghel na yun siguro ang nagdala sa iyo dito.”


Iniisip ni Alex na nagsasabi ng totoo si Adriel dahil napag-isip isip niyang hindi siya nagmamalikmatang lumipat ng ibang lugar na nasa magkabilang lungsod at lalong hindi siya nananaginip lang. Napansin rin niya ang maletang hawak ni Adriel at ang ayos ng kanyang pananamit at buhok. Napagisip-isip ni Alex na si Adriel ay isang seryosong tao ngunit mukhang may problema nga siya. Siniyasat muna ni Alex ang kausap bago nagtanong,

“Paano ho ang ordinaryong mga tao, kagaya ko, wala po ba kaming kapangyarihang kagaya ninyo? Tunay ho ba itong nakikita ninyo na pwedeng maging tao ang isang anghel? Naniniwala po ba kayo dito?

Higit sa lahat, ano ho ba ang itsura ng langit?”.

“Huwag mong isiping hindi patas ang kahalagahan ng mga nilalang dito sa lupa.” sagot ni Adriel sa nagtatanong na binatilyo at saka nagpatuloy, “Pantay pantay lahat ng taong pinanganak. May kapangyarihan ka rin Alex, tuwing may nagagawa kang kabutihan sa kapwa tao mo at nagpapakita ka ng mabuting gawa sa Diyos kahit walang nakakakita, ito ay isa nang milagro. Ang pagiging mapagkumbaba ay isang kapangyarihan dahil naaagaw mo ang pansin ng mga anghel sa langit. Ang lahat ng tao ay kayang magpakumbaba kung pipiliin lang nila. Alam ko yun dahil isa sa mga ala-alang bumabalik sa akin ay ang ala-alang napapanood ng mga anghel ang ginagawa ng mga tao sa lupa, maski ang mga damo, halaman, insekto, mga hayop at mga ibon. Ang mga anghel na pumarito ay hindi na anghel, ganap na tao rin sila kagaya mo lang. Hindi rin nila magagamit ang kanilang kapangyarihan ng walang tulog sa itaas. Naalala kong ipinagdasal ko noon na sana may paraan para malaman ko kung nasaan si Irena noong siya ay pumanaw, kaya siguro doon nagsimula ang aking mga nakikita, ngunit dalawangpung taon na at wala pa akong malinaw na sagot. Kung may kaunting kapangyarihan man kami na wala sa inyo, may kahinaan naman kami o kaya’y may katumbas na kapalit ito. Sa aking lagay, ang maagang pagkamatay ni Irena ang naging kapalit ng aking mga nakikita.

Naitanong mo ang langit, yan rin ang madalas tanungin sa akin ng bawat taong makakausap ko tungkol dito, Alex, bagamat alam kong hindi sila naniniwala sa akin, sinasabi ko pa rin ang nalalaman ko. Ang langit bilang isang lugar, ayon sa mga nakita ko, hindi ito maipapaliwanag sa salita at hindi ito maiintindihan ng mata ng tao. Kung susubukan ko man itong ipaliwanag sa iyo, lalong lalayo ang iyong pagkakaintindi sa langit. Ito ang napakakapal na pader na humaharang sa lahat ng kaalaman ukol sa langit, sapagkat ang mga nararapat lamang ang makakapasok dito at tunay na makakakita sa buong kaanyuan ng langit. Ang tao ay dinidiktahan ng kanyang nakikita sa mata, ngunit sa langit, ang espiritu ay may mata rin na siya lang ang makakaintindi ng lahat ng nakikita roon. Ang masasabi ko lang, ang langit ay parang pinong puting asukal, bawat butil ay kay tamis at kay puti. Walang hanggang ligaya at kadakilaan ng Diyos ang iyong madarama kapag ikaw ay naroon. Kung ang iba sa amin ay masaya sa pagiging kumpleto na nila, kung sila'y gustong nasa langit, ang mga tulad namin ay gustong maging buhay na tao. Tungkol sa mga visions o mga nakikita ko, tungkol sa anghel na nagiging tao, hindi pa rin ako ganap na kumbinsado na ito ay tunay. Nagkaroon lang ako ng kaunting hinala ngayon sa posibilidad na tunay nga ito dahil ikaw nga ay biglang lumitaw sa araw na ito kung kailan ka dapat lilitaw. Ano man ang dahilan ng iyong paglitaw dito ay hindi ko alam. Maaaring aksidente lamang o hindi, basta sa aking pagkakaalam ay hindi ka nararapat dito ngunit nandito ka!

Tungkol naman sa iyong tanong sa pagiging tao ng mga anghel, ang mga anghel ay nararapat lamang sa langit ngunit mayroon talagang mga bagay bagay na hindi pinapaalam sa mga tao. Pinayagan kaming magkatawang tao sapagkat walang hiling na hindi pinapakinggan ng Ama natin sa langit, kung ito ay iyong hihilingin at idarasal dahil walang imposible sa Kanya. Kung dito sa lupa, sanay tayong limitado ang lahat ng kailangan natin kagaya ng pagkain at lakas na galing sa iyong katawan, doon sa langit ang kasanayan namin sa kaginhawaan ay walang hanggan maski hilingin mong ikaw ay maging tao ay ibinibigay. Ayon sa aking mga nakita, kung ito ma’y totoo at hindi gawa-gawa ng aking isip kapag ako’y tulog, ang aking dahilan upang maging tao ay para patunayan ang pagmamahal ko sa Diyos. Ang tao ay ang nilalang na pinakamamahal ng Diyos, sila ay malayang gumawa ng tama at mali, at sila ay pwedeng patawarin sa kasalanan kung magsisisi sila. Hindi ito ang aking dahilan, ang dahilan ko ay para maipakitang kaya kong labanan ang mga pagsubok at mga tukso ng daigdig, dito sa katawang napakarupok alang alang sa pag-ibig sa Panginoon. Mahirap na desisyon ito para sa isang espiritu ngunit ito ang aming pinili, nakita ko ito sa aking mga panaginip ng napakalinaw. May dalawang anghel doon na malapit sa akin, sila lang ang aking naaalalang nakikilala ko ng bahagya na para bang ala-ala mo na matagal nang nakalipas. Ngunit, kagaya ng aking sinabi kanina, maski ako ay hindi ganap na naniniwala rito, sa aking mga nakikita. Sabi nila, kaya ko raw ito nakikita dahil raw sa malubhang kalungkutan ko sa pagpanaw ng aking asawa. Sa tagal ng panahong aking hinintay, sila na ang aking pinakinggan, kaya nawala rin ang aking pananampalatayang dati’y malakas. Wala na rin akong tiwala sa aking sarili, maging sa sarili kong isip na gumagawa ng mga ganitong imahinasyon.”

Huminto sila sa paguusap sapagkat may dalawang babaeng pumasok sa loob ng kapilya upang doo’y magdasal. Ang isa rito’y ang Doktora na kakilala ni Adriel. Yumuko papalapit sa kanya si Alex at ito'y bumulong sa kanya.

“Alam ho ba ninyo, takot rin ako sa kamatayan.” ang sabi ni Alex “Ngunit dahil sa naniniwala ako sa buhay pagkatapos, hindi ko po ito kinalulungkot. Namatay na po kasi ang aking butihing ina noong bata pa ako. Sumunod naman sa kanya ang aking ama na isang aktibista. Malungkot rin ang mga pangyayari sa buhay namin. Isang gabi may dumampot sa tatay sa aming bahay, may nagsabi na lang sa aming patay na rin daw siya at tanggap na namin ito kahit hindi na nakita ang kanyang labi. Hindi naman po masamang alalahanin sila dahil yun po ang gusto nila ngunit ako ay naniniwalang nasa langit sila dahil sa aking mga dasal at pagkakakilala sa kanila. Tiwala po ako sa pananampalataya ko kaya hindi ko na po ikinalulungkot pa ang pagpanaw nila kung ang makakasama naman nila ay ang poong Diyos. Sa akin lang, sana kung malalim talaga ang pagmamahal mo sa asawa mo, ang masayang ala-ala niya ang tanging ilagay mo sa puso’t damdamin mo. Sabi kasi sa amin sa simbahan, ang Diyos dapat ang ating mahalin na higit sa kahit ano. Kung mahal ho ninyo ang Diyos dapat wala ho kayong duda sa mga salita niya. Sa tingin ko, ito ang dahilan kung bakit ako lumitaw dito, para masabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko pa rin alam kung paano makakauwi sa pamamagitan ng pakikipagusap sa inyo. ”

“Naniniwala naman akong may langit, Alex, pero kung siya ma’y ligtas ay hindi ko alam. Ang alam ko lang, makitid ang lagusan patungong langit. Maitanong ko lang sa iyo Alex, sino ba sa tingin mo ang nagmamahal sa iyo? Siya ang nagdala sa iyo dito, Alex. Siya ang anghel na ngayo’y ganap na ganap na tao na, ipinagdasal ka niya para mapunta dito! Siya ang anghel na walang mukha na nakita ko sa aking ala-ala.”

“Sa tingin ko po, diyan ho kayo nagkamali. Hindi ako nakakaramdam ng pagmamahal sa amin.” sagot ni Alex. “Hindi ako gusto ng aking mga kamag-anak, mga kapatid at mga kaibigan.”

“Bakit mo naman nasabi yun Alex? Mukhang ayos ka naman.”

“Kasi po ganito, ang palagi nilang sinasabi sa akin na dapat raw ay gayahin ko ang aking kuya dahil siya ay maraming tagumpay na nakamit na. Sa kolehiyo na po siya nag-aaral, sa La Salle. Malaki ang pakinabang niya sa kanila kaysa sa akin. Siya’y nasanay dito sa buhay Maynila at ako naman ay hindi rito nasanay. Naniniwala po silang lahat na siya ay magiging mayaman at matagumpay pa lalo pagkatapos ng kolehiyo. Marami siyang kaibigan, parating mataas ang kanyang mga grado sa iskul, maraming nagkakagustong mga kababaihan sa kanya kaya marami rin siyang naging nobya, captain siya sa kanilang basketball team at marami pang ibang pwede niyang ipagmayabang kaya nga po siya ay napakayabang at mapagmataas lalo na sa akin na ibang iba sa kanya. Isa lamang po akong mahiyain at mahina ang loob. Madalas niya akong batukan tuwing tumatanggi ako sa mga kagustuhan niya kagaya ng sumubok ng alak para raw maging tunay akong lalaki, maski na ang bawal na gamot ay pinapasubok rin niya sa akin minsan, tumatanggi lang ako. Hindi niya ako gusto kung hindi ako tutulad sa kanya. Maabilidad po siya at aktibong tao, kaya’t nakarating na siya sa iba’t ibang lugar. Sa aming Lolo na isang mayaman kasi siya lumaki, ako naman sa aking mga magulang. Nagkahiwlay kami noong bata pa dahil hindi kami kayang palakihing sabay sabay ng aming magulang na mahirap lang. Noong pumanaw ang aking mga magulang naging magkasama na kami sa iisang bubong, kasama ang kapatid naming babae na mas bata sa akin.

Ang kapatid ko namang babae, parating nakakulong sa kwarto, may kausap sa telepono at nagpapaganda sa harap ng salamin. Masama rin ang kanyang ugali sa akin dahil isa siyang laki sa layaw. Kinse anyos po ako at siya ay katorse anyos pa lang. Hindi kami malapit sa isa’t isa na parang hindi kami magkakapatid. Mas malapit kasi sila sa mga pinsan namin na nakatira malapit lang sa bahay ng Lolo, samantalang kaming magkakapatid, dati'y isang beses lang isang taon kung magkita. Ngunit gusto kong baguhin sana ito. Kagabi, sumama ako sa isang inuman ng mga barkada ng aking kuya para masubukan ko ang kanyang buhay. Nilasing po niya ako at pinakilala niya sa iba’t ibang babaeng kanyang kinaibigan sa eskwelahan. Ako na ang nagyayang umuwi dahil madaling araw na. Paguwi namin, napansin kong nawawala na sa sarili ang aking kuya sa pagkalasing. Sa takot na mapagalitan ng aming Lolo, ako na lang ang nagpumilit magmaneho ng kotse maski na may pagkalasing rin ako. May sumunod na pulis sa amin sa daan kaya’t inutusan ako ng kuya kong magpatakbo ng mabilis. Ito po ang huli kong naaalala, masakit kasi ang aking ulo sa kalasingan. Noong tumanggi akong bilisan ang pagmamaneho, inapakan niya ang aking paa para bumilis ang sasakyan. Nabunggo ang kotse sa poste kaya ang kuya ay naaksidente at dinala sa ospital, kung saan malinaw kong naaalalang naroon lang ako kanina lang. Galit na galit sila sa akin at sa akin lahat ang sisi. Walang nagmamahal sa akin sa amin, kaya alam kong hindi pwede ang sinasabi mo.”

“Alam mo Alex, napakabata mo pa para mamroblema ng ganyan. Maniwala ka sa akin, siguradong may nagmamahal sa iyo. Marami sa ngayon, hindi lang nila alam sa kanilang puso ang tunay na dahilan kung bakit mahal nila ang tao. Ang iba sa kanila, hindi lang nila ito sinasabi. Mahalagang sabihin mo sa tao na mahal mo siya bago huli ang lahat. Medyo lumilinaw na sa akin at naiintindihan ko na kung bakit ka nandito pero kulang pa rin. Hindi masama ang maging mabait, tatagan mo lang ang iyong loob at magpakagaling ka. May sasabihin ako sa iyo, isa sa mga madalas ko ring makita sa aking mga panaginip. Hindi ko naiisip ang kabuluhan nito, dahil madalas ko itong makita simula noong nagsimula ang mga visions na ito. May iba’t ibang mga anghel kasi ang tumitingin sa bawat nilalang na nasa lupa. Kami ay mga nilalang rin na kagaya mo, punong puno ng pagkasabik sa mga bagay na hindi pa namin nalalaman, ngunit mahalagang malaman mo na ang mga anghel ay nakakataas na nilalang sa mga tao. Hindi ko alam kung ito man ay may kinalaman sa iyo ngunit sasabihin ko na rin. Madalas ko kasing makita itong tatlong uri ng daga sa aking mga visions. Isang dagang siyudad na magaling at marunong maglambitin sa kawad para maabot ang tinapay sa lamesa, isang dagang marsupial naman o dagang sa mga damuhan nakatira na gumagawa ng maliit na pugad sa kanyang mga anak at isang dagang kosta na malinis at maputi, nakita ko itong nakakulong at naghihintay ng pagkain. Dito ko siguro maihahambing kayong magkakapatid. Alin sa tingin mo ang mas interesado ka sa tatlo?”

“Yung dagang sa Australia galing, yung marsupial na daga. Nakita ko po yun sa Magazine, sa National Geographic.” sagot ni Alex.

“Tignan mo? Ikaw na tao na nakakataas na nilalang sa mga daga, alam mo kung alin ang aagaw ng iyong pansin. Ganun din ang mga anghel sa langit, pati ang Diyos na mas mataas sa lahat. Sa mga populasyon ng mga daga, alin ba ang nakararami? Di ba ang dagang kalye o dagang kanal? Sila ang mga mas agresibo, oportunista, matatalino, mabibilis kumilos at mas mabilis dumami. Kung maglalagay ka ng katulad nila sa isang palayan na may mga dagang palay, di ba mauubos lang ang mga dagang palay dahil aagawin sa kanila ng mga dagang ito ang kanilang tirahan at pagkain? Ngunit mas interesado ka ba bilang tao sa kanila kaysa sa mga dagang palay? Nasa dami ba ng populasyon, lakas, bilis, talino ng mga dagang ito sila nagiging interesado para sa mga nag-aaral ng mga ito na nakikita mo sa Magasin? Sila ba ay kumikilos na tunay sa kanilang likas ayon sa mga nakakataas na nilalang, ang mga tao? Ang kapatid mong babae ay parang puting dagang kosta. Nakakulong naman siya sa kulungang hindi nakikita ng mata, ang mga kagaya niya ay mga taong madalas magsinungaling sa kapwa lalo na sa kanilang sarili. Naghihintay na lamang sila ng pagkaing ibibigay sa kanila ng mga taong mas mataas na nilalang sa kanila.

Nabubuhay sila sa mundong kanilang ginawa at hindi ang mundong ginawa para sa kanila ng Diyos. Ang mga tulad nila ay hindi alam ang tunay na kaligayahan, pati ang kanilang tunay na gusto at kailangan. Sila’y mga bulag sa tunay nilang likas bilang nilalang. Ang mga tao na kagaya ng dagang kosta ay naghihintay lamang ng biyaya sa itaas kahit na wala silang ginagawa na kagustuhan ng nasa itaas. Ang mga taong kagaya ng dagang siyudad naman, namumuhay sila sa pagkaing hindi nila tunay na pagkain. Hindi rin natin sila masisisi dahil naging matatag lang sila at sumusunod sa mundong ginagalawan nila. Ang mga taong maitutulad mo sa mga kakaunting marsupial na daga, sila man ay kaunti, sila ay may tunay na kalayaan at tunay na buhay ng isang daga. Nakakakain sila ng tunay na pagkain at hindi sila nakakulong sa sarili nilang mundo. Maliban sa mga dagang bukid na minsan ay dumarami at nagiging peste na rin. Ang ibig kong sabihin ay, ang mga kaunting dagang ito, sila ang mga tunay na daga. Hindi naman biscuit, keso, tsokolate o tirang pagkain ang tunay na kinakain ng mga daga di ba? Hindi naman kulungan ang tunay na tirahan nila di ba? Ganun din ang tao, dapat alamin ng bawat tao kung alin ang tunay na sa tao ayon sa mata ng Diyos. Ang tunay na pagkain ay ang salita ng Diyos at ikaw bilang isang maka-Diyos nakakakain ka nito, hindi mo ito kailangang baguhin. Hindi mahalaga ang tingin sa iyo ng kapwa mo tao, ang mahalaga ay ang tingin sa iyo ng mga nasa itaas. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ka narito, para lumabas sa akin ang mga kaalaman kong ito. Naiintindihan ko na rin ang halaga ng kapangyarihang ibinigay sa akin.”

“Salamat po at naluwangan na ang aking pakiramdam. Ang problema ko po kasi ay hindi nila nakikita ang pagiging tunay na tao ko sa kanila. Mahalaga rin palang isipin ko kung ano ang iniisip ng mga nilalang na mas mataas sa akin at lalo na ang iniisip ng Diyos higit pa sa iniisip ng kapwa ko tao.” tugon ni Alex. “Sana po, kayo rin magbalik na ang matibay ninyong pananampalataya sa Kanya. Wag kayong mag-alala naniniwala po ako sa mga sinasabi ninyo. Sana po magkaroon rin kayo ng oras para makapagbasa ng Bibliya kung hindi nga po kayo nakakapagsimba at nakakarinig ng Salita ng Diyos sa misa. Naniniwala po ako sa mga sinasabi ninyo, sana po minsan magtiwala rin kayo sa sinasabi ng inyong sarili. Kung lahat po ng nilalang ay dapat gawin kung ano ang lahat ng kabutihan, kagaya ng sinabi ninyo, maski na ang Anak ng Diyos ay dapat mabinyagan, siguro kayo rin dapat mas mapalapit pa kayo lalo sa Diyos. Nabanggit nyo po na ang kapalit ng inyong kapangyarihan na maalala ang lahat at inyo ngang naalala pati ang kapalit nito- ang pagkamatay ng maaga ng inyong asawa. Kung nawala man siya ng maaga dahil sa pinili ninyong maging isang tao, maaari ka namang maging sanhi ng pagkabuhay ng iba kung maniniwala kang kaya mo. Maaari pong ito ang inyong piniling buhay para patunayan na kaya ninyong mahalin ang Diyos na higit sa lahat, maging sa asawa ninyo. Lahat ho tayo ay may problema, kagaya ng sabi mo, dapat malaman natin ang tunay na likas ng tao. Kasama po sa likas ng tao ang nakikipagugnayan sa kapwa nila. Sana po, pakinggan nyo rin ang sinasabi ng iba, baka hindi po ninyo alam na kagaya nyo siya na bumaba galing sa langit. Huwag po kayong matakot, mayroon parating paraan para mahanap mo ang katotohanan kung hindi ka lang susuko.”

Napangiti naman si Adriel sa sinabi ng kausap. Napag-isip isip niyang ito nga ang Alex sa kanyang mga nakikita. Hinawakan ni Adriel ang kanyang malaking singsing at sinabi ng pabulong sa binata, “Napakabata mo pa para magsalita na parang matanda na. Alam mo Alex, ang singsing na ito ay binigay sa akin ng asawa ko bago siya mamatay. Binigay ko ito sa kanya noong kami’y napakabata pa, napulot ko lang ito. Binalik niya ito sa akin kasi dapat ko raw siyang maalala at dapat hindi ako malulungkot sa pag-alis niya. Hindi ko kayang tanggapin ang sinasabi niya, hindi ko kaya ngunit nagsinungaling ako sa kanya. Masakit pa hanggang ngayon sa akin ang pagkawala niya maski dalawampung taon na ang nakakalipas.” Napaluha ng bahagya si Adriel at tumalikod nang kanya itong inamin sa kausap. Pinunasan niya ang kanyang luha ng kanyang kamay. Lumingon siyang muli para kausapin si Alex.

“Nakita ko ang singsing na ito Alex,” ang patuloy ni Adriel, “hawak ito sa kaliwang kamay ng isang anghel na wala ring mukha. Iba pa ito sa tinutukoy kong anghel na nagdala sa iyo rito. Siya’y may hawak na tatlong bituin sa kanyang kanang kamay. Ang anghel na ito ay tao ring ganap na kasabayan kong bumaba sa lupa, ang kanyang kapangyarihan ay ang magpalitaw ng espiritu ng mga namatay para makausap ng mga taong buhay. Hinihintay ko ang espiritu at umaasa, baka si Irena ang magpakita sa akin. Ngunit siyempre, hindi ko katulad ang mga anghel na ito dahil hindi niya alam ang kapangyarihan niyang ganito.”

Nilapag ni Adriel ang singsing ng kanyang mahal na asawa sa ibabaw ng lapagan ng mga gamit sa luhuran; siya’y tumingin kay Alex at nagpatuloy, “Sa aking ala-ala nagkasundo kaming papanoorin niya ako dito sa lupa at babantayan ko rin siya. Ngunit sa aking panaginip nang siya’y magpakita muli sa aking ala-ala, tinanong ko siya kung ang aking asawa ba ay nasa langit, ang tanging sinabi sa akin ng anghel na may tatlong bituin ay ‘kung magkakatagpo tayo sa lupa’. Kung totoo ito, wala na akong pag-asang makuha ang kasagutan dahil alam kong sila, hindi nila alam ang kanilang kapangyarihan at hindi nila alam na sila’y dating anghel. Kung ganito, hindi ko alam kung nagkatagpo na kami ng anghel na ito o hindi o kung magkakatagpo pa kami. Ang tanging hiling ko lang naman sa langit ay malaman kung nasa langit ang aking asawa o hindi.”

“Tatagan po ninyo ang pananampalataya ninyo isipin na lang ninyong mabuti ang Diyos at siya'y nasa maayos na kalagayan na. Pero hihilingin ko pa ring sana po mahanap ninyo ang sagot na hinahanap ninyo.” tugon ni Alex. “Siguro po magpapaalam na ako sa inyo, baka hinahanap na ako ng Lolo ko.”

“Alex, yung isang anghel na may dalawang bituin na tinutukoy ko sa iyo, alamin mo kung sino siya. Siya lang ang maaaring nagdala sa iyo dito dahil yun ang kanyang kakayahan…”

“Shhhhh,” ang sabi ng Doktora na nakaluhod sa harapan nila sa kapilya. “We are praying.” Kasabay nito ang senyas ng hintuturo sa kanyang labi. Napatingin sa harapan si Adriel, sa kanyang kaibigang Doktora at sa babaeng katabi nito. “Sorry Doc.” ang paumanhin ni Adriel . Napansin ni Adriel ang panyo sa kanang kamay na ginamit sa pagsenyas sa kanya ni Doktora. May nakaguhit na tatlong bituin sa kanyang panyo. Hawak naman ng Doktor ang singsing ng kanyang asawa sa kaliwang kamay at nagsabing, “Adriel, nahulog mo itong singsing mo.” at saka inabot ito kay Adriel. Napangiti naman si Adriel dahil naisip niyang si Doktora pala ang anghel na may tatlong bituin sa kamay na kanyang nakita sa panaginip. Hindi niya inaasahang si Doktora Alma lang pala ang anghel, kagaya ng nakita niya sa kanyang panaginip ngunit hindi rin niya inaasahang sa panyo pala nakalagay ang tatlong bituin. “Sino ang espiritu na kanyang pinalitaw?” ang tanong ni Adriel sa sarili. Paglingon niya sa likuran, wala na sa kinauupuan si Alex. Lumabas pa si Adriel upang hagilapin si Alex sa labas ng kapilya. Tinanong niya ang isang lalaking naglalakad at hindi raw nito napansin si Alex. Bumalik si Adriel sa kanyang kinauupuan. Ngayon ay nabunutan na siya ng tinik sa kanyang lalamunan, alam niyang ang kanyang mahal ay nasa langit kagaya ng pangako ng anghel sa kanyang panaginip.

Samantala, sa malayong dako, sa ospital na Makati Medical Center, ang Lolo ni Alex ay mataimtim na nagdarasal nang dumating ang isang lalaking doktor sa kanila at sinabing “I’m sorry, he didn’t make it. Time of Death is 3:00 pm. I’m sorry for your loss. Nagtagal pa siya ng ilang oras bago tuluyang huminto ang tibok ng puso niya. I'm sorry.” Umalis lang ng nakayuko ang doktor na nagsabi nito. Hindi lumuluha ang Lolo ni Alex. Tinititigan lamang ng matandang lalaki ang larawan ng kanyang anak na babae at ang hawak nitong apo niyang si Alex.

“Kasalanan ko ang lahat Lolo, hindi ko dapat pinag-drive mag-isa si Alex.” ang sabi ng kanyang kuya sa matanda na naroon sa tabi niya.

"Ipinagdasal ko na lang siya," ang sabi ng Lolo, "na sana, mahanap niya ang daan papuntang langit."

Samantala, sa kapilya, nakaupo si Adriel at nakapikit na parang may nakikita. Tumayo sa pagkakaluhod si Doktora Alma at lumapit siya kay Adriel.

“Kamusta ka na diyan Adriel? Bakit di ka pa rin umuuwi?” ang tanong ng Doktor sa kaibigan. Binuksan ni Adriel ang kanyang mga mata sa kumakausap.

“Pwede ko bang malaman kung ano ang pinagdasal mo Alma?” tugon ni Adriel. “Kung maaari lang.”


“Ipinagdasal ko na sana mahanap mo ang mga kasagutan sa tanong mo, yung binanggit mo sa akin na gumugulo sa isip mo. Parati kong sinasama sa dasal ko yun, bakit?”


“Wala Doc. Ok na ako. Pwede bang isali mo na rin sa iyong dasal ang aking kaibigan? Hindi ko pa siya nakikita pero sana makita niya ang nawawala niyang mahal sa buhay na iniwan sila. Sigurado akong malungkot siya ngayon. Uwi na pala ako. See you again.”


“Wag kang mag-alala Adriel,” sagot ng Doktora, “gagawin ko ang pabor mo, magkikita pa naman tayo ulit.”


Iniwan ni Adriel ang singsing ng kanyang asawa sa harapan ng altar. Nagpasalamat siya sa isang maikling dasal at umuwi na si Adriel ng may ngiti na sa kanyang mukha.


July 04, 2008 16:22

http://www.kwento.100megsfree5.com

Mga Maikling Kwento © E.L. Minell