23.6.08

Guni-Guning Tao

Guni-guning Tao
By E.L. Minell


Ika-13 ng Augusto taong 1998.
Nakaluklok sa upuang kahoy si Jasmine, abalang abala sa pagkwenta ng mga nabentang produkto sa kanyang munting tindahan. Siya ay may malinis at maamong mukha; normal naman ang hugis ng kanyang pangangatawan. Mapaglaro at aktibong babae si Jasmine. Siya ay dalaga’t bata pa pero naisipan na niyang magtayo ng simpleng negosyo para may pang-gastos siya sa kanyang mga luho. Umuupa siya ng isang maliit na pwesto sa isang maliit na gusali sa Cubao at nagtitinda sila ng mga palamuti sa katawan kagaya ng hikaw, kwintas at iba pang nasa uso. Parati siyang abala at may ginagawa sa buhay. Kakumpitensya niya ang mga nagtitinda sa mga mas sikat na gusali kagaya ng mga Malls. Nagtratrabaho siya sa isang kumpanya sa umaga at sa gabi naman ay nasa kanyang tindahan para maginspeksyon ng nangyayari sa kanyang negosyo. Umaga at wala siyang pasok sa opisina kaya’t ang mga trabaho niya dapat kagabi ay isinagawa niya ngayon sa kanyang munting tindahan.


Nakikita niya sa screen ng monitor ang kanyang katiwala na taga tinda ng kanyang produkto. Nakaupo kasi siya sa maliit na kwarto sa tindahan. Hindi naman niya kailangan itong high tech na hidden camera pero ginamit na rin niya para sa kanyang tindahan dahil alam niyang regalo ito ng kanyang Papa. Nagtataka nga siya kung bakit ang camera na yun ang niregalo sa kanya ng kanyang Papa, sa dami dami ng kanyang mga gustong mabili. Ayon kay Jasmine, nabili ng kanyang Papa ang ganitong camera sa America dahil isa itong Seaman. Nakatago sa isang pusang figurine ang camera na nakadisplay sa labas ng maliit na kwarto kasama ng mga produkto doon. Ang mga tinitindang produkto ni Jasmine ay hindi bababa sa halagang limampung piso lang bawat isa pero ginagamit niya ang hidden camera o spy camera dahil lang daw sa nalilibang siya dito. Madalas kasi siyang maaliw tuwing may pumapasok na customer kapag siya ay nakakulong sa kwarto niya at nagbibilang ng kanyang kita. Sino bang makakaisip na ang simpleng tindahan ay may nakalagay na hidden camera. Ikinatutuwa rin niyang nakikita ang kanyang nag-iisang katiwala na si Orly sa monitor na may ginagawang kahihiyaan sa kanyang sarili sa harap ng mga costumer.


Namimilipit at pinapawisan ang matabang mukha ni Orly dahil may mga magagandang babae ang kumakausap sa kanya. Pagkatapos magbayad ng mga babae, sumilip sa pinagtataguan ni Jasmine si Orly at sinabing, “Ang ganda ng isa Jas, type niya ako. Ano sa tingin mo? Sayang di ko nakuha ang telepono. Kung cellphone naman, wala pa akong pambili mahal kasi baka mapahiya lang ako.” sabay ngiti na parang payaso. Sumagot naman si Jasmine, “Baka type niya ang bilbil mo!” at natawa sila sa isa’t isa. Bumalik na sa kanyang pwesto si Orly.


Madalas silang maglokohan at kahit na hindi sila gaanong nagkikita, parang malapit sila sa isa’t isa. Makalipas ang ilang minuto, nainip na si Jasmine sa kanyang kinauupuan. Sumigaw si Jasmine, “Orly Porky Dear, anong oras na sa bago mong relo? Masyado kasing advance ang relo ko, mamaya pa dapat ako nandito.” Habang minamatyagan siya ni Jasmine sa monitor, tumingin si Orly sa kanyang bagong relo at sumagot sa nagtatanong, “9:35 na ng umaga Ma’am. Pahinga ka muna, akong bahala dito.”


“Hmm.. Orly Porky Dear,” ang sabi ni Jasmine sa kanyang isip. “Di ko dapat siya tinawag ng ganun, corny mo talaga Jas, at masipag naman siyang trabahador. Nagawa ko naman ang kalahati ng trabaho ko buti na lang.” Inayos niya ang mga nakakalat na papel at pinagpatong patong ito. Umidlip muna ng sandali si Jasmine sa kanyang maliit na lamesa; gawa ng napaaga siya sa trabaho kaya naiinip siya ng todo.


Pagmulat ng kanyang mata, inaantok antok pa siya ng makita niyang 10:03 na pala sa kanyang digital watch. Katulad ng kanyang nakasanayan na, nag-aayos siya ng kanyang buhok at tumingin sa salamin. Hinanap naman niya ang kanyang pulbos sa kanyang hand-bag. Tatanungin sana niya ulit si Orly kung tama ang oras na binigay niya pero may umagaw ng kanyang pansin. Naririnig niyang nagsasalita si Orly na parang may kausap na mamimili. Tumingin siya sa monitor at napansin niyang hawak-hawak ni Orly ang bago niyang relo sa kanyang kaliwang braso ng mahigpit habang mahinahong kinakausap ang isang lalaking ubod ng puti. Ang di kilalang tao ay may mahabang mukha at ang kanyang ilong ay matangos. Ang lalaking kaharap ni Orly ay mahinahong nakatayo at nakalagay ang mga kamay nito sa bulsa. Siya ay kalbo, naka itim na coat at siya’y naka itim at bilog na sunglass. Wirdo siyang tignan dahil kakaiba ang kilos niya na parang nanginginig at di mapakali. Umaambon sa labas, humahangin at medyo malamig naman ang klima. Walang maririnig na sound sa monitor pero naririnig ni Jasmine ang usapan dahil malapit lang ang kanyang pinagtataguang lungga sa kinatatayuan ni Orly at ng misteryosong lalaki. Parang kumakalaskas naman ang nakikita niya sa monitor screen. Nagtatakang pinanood ni Jasmine ang nangyayari sa kanyang tindahan.


“Ilagay mo ang Relo mo sa kamay ko,” ang sabi ng misteryosong lalaki sa parang nanginginig at iniipit na boses. Tinapik ng isang beses ni Jasmine ang screen ng monitor dahil mukhang malikot ang lalaki at nagiging doble ang nakikita, isang bagay na hindi pa nangyari. Biglang narinig ni Jasmine si Orly na nagsasalita.


“Bigay ito ng Daddy ko na nasa abroad, factory worker siya dun. Original yan, $150. Heto sa iyo na,” ang sabi ni Orly sa pawang napakabagal na boses. Kinuha ng lalaki sa kamay ni Orly ang binibigay sa kanyang relo. Tinignan ng lalaki ang relo saka ito sinuot, tumingin ulit siya kay Orly at umalis agad.


“Orly! Sino yun ha?” ang tanong ni Jasmine sa kanya.


“Ha? Alin?” ang sagot naman ni Orly na parang walang nangyari. Binuksan ni Jasmine ang maliit na pinto at lumabas siya para puntahan si Orly.


“Yung lalaking maputi. Bakit binigay mo ang Relo mo?” ang takang takang tanong ni Jasmine.


“Anong Relo?”


“Yung Relo mong imported. Yung binigay ng Daddy mo. Hala ka susumbong kita sa Daddy mo. De-deny mo pa na binigay mo sa lalaking yun ang relo mo. Inuulit-ulit mo sa aking bigay ng Daddy mo yun eh. Teka sino ba yun? Kahapon lang nai-ilang kang ipasulyap man lang sa akin ang relo mo dahil sabi mo bago ang relo mo, ngayon di mo naman inaamin na may pinamigay kang relo. Nakita kita sa monitor, ano ka? Hinoldap ka ba nung lalaki?”


“Sinong lalaki?”


“Yung Kausap mo kanina, yung lalaking puti na naka-itim at naka-sunglass. Di ba tinanong ko pa sa iyo kanina kung anong Oras na, sabi mo 9:35 ng umaga? Orly Porky Dear, hello? Remember na? Tinawag kitang Orly Porky Dear di ba?”.


Nagtataka si Orly sa kinikilos ng kanyang Ma’am Jas kaya’t nagparamdam na ito at ginawa niya ang isang bagay na alam lang niyang gawin.


“Ayos ka lang ba Ma’am? Baka may hang-over ka pa sa pagtulog mo. Gutom lang yan, hihi,” ang pabirong sinabi ni Orly sa kanyang Ma’am Jas na may kasamang ngiti at kaway ng kamay sa harap ng mukha na para bang nanghihinala kung nananaginip pa si Jasmine, ngunit totoong takang taka na rin siya sa kakaibang kinikilos ng kanyang amo.


“Halika Orly, samahan mo ako, i-rewind natin ang tape.” Tinignan ni Jasmine at ni Orly ang laman ng tape pero di na makikita dito ang lalaking tinutukoy niya, puro si Orly na nakatayo at nagbabasa ng maliit na libro ang nasa tape. Nanlaki ang mata ni Jasmine sa nakita.


“Nagbabasa ako ng libro. Oo tama… nagbabasa nga ako ng libro kanina,” ang sabi ni Orly ng makita niya ang nasa tape.


“Sigurado ka ba na yan ang naaalala mo kanina?” ang tanong ni Jasmine. “Mali ito, nagbago ang tape. ’Pano nangyari…” Hindi na tinapos pa ni Jasmine ang sasabihin at lumabas agad siya. Hinabol ng kanyang mga mata ang lalaking tinutukoy niya. Nakita niya itong pumasok sa isang convenient store, suot suot sa kanyang kanang kamay ang relo ni Orly. Hindi na ito mukhang nanginginig ng tinignan ni Jasmine ang lalaki sa sariling mata. Masyadong malayo si Jasmine kaya hindi siya napansin ng lalaking sinusundan.


“Nabura ang tape… nanginginig siya sa monitor… kumakalaskas… bakit kaya? Paano nya nagawa yun…” ang paulit ulit na iniisip ni Jasmine habang naglalakad patungo sa lalaking puti.


Pasimpleng pumasok si Jasmine sa loob ng convenient store at nagkunwaring pumipili siya ng mga bibilhing school supplies sa bandang ilalim ng shelves para makatago at magmatyag sa pinanghihinalaan niyang lalaki. Inabutan niya ang walong tao sa loob, kasama na rito ang dalawang crew at security guard ng convenient store. Nagmadali siyang pumunta sa bandang likuran habang nakayuko ang lalaking puti. Nakahanap siya ng magandang pwesto kung saan walang tao at doon niya mamanmanan ang lalaking puti.


“Obserbahan ko muna kaya siya bago ko kausapin,” ang sabi ni Jasmine sa isipan. “Kailangan di niya ako mapansin. Malakas ang kutob ko na dapat di niya ako pansinin. Wag ka lang kabahan Jas, kaya mo yan. Di ka naman siguro niya sasaktan ’pag nahuli ka n’yang sinusundan mo siya. Bakit kaya binigay ni Orly ang relo niya dito? Ano itong nangyayari?”


Habang tinititigan ni Jasmine sa malayo ang lalaki, namukhaan niya ang lalaking ito na may kutis intsik at medyo mamutla mutla ang balat. Kapansin pansin ang kanyang matangos na ilong. Nakita na niya ito dati pa. Hindi niya makalimutan ang kalbo at maputlang balat nito dahil naalala niyang nakita na niya ito sa isang bookstore matagal na panahon na ang nakalipas; sa isang siwang ng mga dikit dikit na libro niya napansin ang lalaking ito na madalas magpunta sa kinatatayuan at nakikipagkita sa sa mga kakilala. Ngunit nung mga panahong iyon, hindi niya ito pinansin. Naalala rin niya bigla na hindi ito ang unang beses niyang nakita ang lalaki, maraming beses na at para bang parating malayo sa kanya. Naalala pa niya na minsa'y nakita niya ang lalaking ito sa isang panaginip. “Taga rito siguro ito.” ang sabi ni Jasmine sa sarili.


Hindi niya mapaniwalaan ang nakikita ng kanyang mga mata. Ang lalaking ito ay kumuha ng tatlong tsokolateng nakalagay sa shelves ng convenient store at ibinulsa ito sa kanyang pantalon. Dumampot rin ang lalaking misteryoso ng Nachos, binuksan niya ito at mainam niyang kinain habang binabasa niya ang laman ng Dyaryo na kinuha lang niya bigla sa pinaglalagyan. Hindi niya ito binabayaran habang nakikita siya ng lahat ng nasa loob at hinahayaan siya ng lahat sa kanyang ginagawa, pati mismo ng gwardya ng tindahan. Nakabangga pa siya ng isang lalaking estudyanteng pumasok sa loob at nagpasintabi lang ito sa kanya. Umatras pa ng kaunti si Jasmine upang hindi mahalata ng lalaking puti dahil tumitingin-tingin ito sa paligid at paminsan minsan parang hindi siya mapakali. Pagkatapos niyang kumain ng icecream, kumuha siya ng Coke in can sa lalagyanan ng mga malalamig na produkto, binuksan niya at ininom ito sa harap mismo ng security guard. Hindi siya binawal ng gwardya sa ginagawa. Hindi niya nagustuhan ang ininom kaya’t pinalitan niya ito ng mas malamig. Tinapon niya ang dalawang lata ng Coke at kumuha naman siya ng gatas sa bote at tinikman lang ito bago itapon sa basurahan ang nasayang na buong bote ng gatas. Hindi siya nagbabayad at ginagawa niya ang lahat ng gusto niyang gawin sa loob ng tindahan na walang pumipigil sa kanya. Binulsa pa niya ang iba pang natipuhan niyang pagkain sa tindahang ito. Parang hindi siya nakikita, pero pinapansin nilang lahat siya. Nang sumilip siya sa kanyang coat, napansin ni Jasmine ang isang kwintas na nakasabit na tinitinda niya sa kanilang tindahan.


Walang pumupuna sa kakaibang ginagawa ng lalaking puti na animo’y siya ang may ari ng kilalang convenient store na ito. Kung may dinaraanan siyang tao, parang normal lang na tao ang dumaraan sa harap nila. Walang nagtataka sa kanyang itsura at anyo maging sa kanyang kakaibang kinikilos. Kadalasan, sa karanasan ni Jasmine kapag may ganitong itsurang tao, pinagtitinginan at pinaguusapan ito ng mga tao sa paligid pero hindi ang taong ito. Ang lalaking puti ay nagpatagal pa ng kaunti sa loob ng convenient store. Pagkatapos niyang magbasa, kumain at uminom, sinoli niya ang Dyaryo sa lalagyan at tinapon niya ang lahat ng iba pang basura. Hinawakan niya ang kanyang tyan sa pagkabusog, humikab siya at tumingin-tingin ulit sa buong paligid. Nagtago na ng husto si Jasmine dahil tumitingin na ito sa kanyang pinagtataguan. Pagsilip ulit ni Jasmine sa maliit na siwang ng shelves, pumasok ang lalaking puti sa lugar ng mga Cashier, dumampot ng mga kaha ng sigarilyo at lighter. Lumabas siya sa lugar ng mga empleyado at tinitigan ang isang magandang babaeng nakapila para magbayad ng ilang segundo. Dinampot rin niya ang mga choco-caramel bar sa kamay nito bago siya lumabas ng convenient store. “Paborito ko yan, masarap.” ang sabi ng babae. Paglabas niya, lumingon siya sa bawat dako bago tuluyang umalis sa tapat ng pintuan. Nakikita lang siya ni Jasmine sa isang maliit na siwang kung saan siya nagtatago.


Noong malayo na sa sakop ng kanyang nakikita ang lalaki, tumayo na si Jasmine sa kanyang lugar. Lumapit na si Jasmine sa Cashier. Ngumiti siya at nagtanong kung may naka stock pa silang choco-caramel bar na kagaya ng kinuha ng lalaki sa babaeng nakapila. Sinabihan siyang, “Ma’am, pasensya na po, kanina pang umaga out of stock yun. Ang dami nga pong nagtatanong wala kaming mabigay mamaya pa po darating, idedeliver dito.” Tinanong naman niya ang nakapilang babae kung nakabili na ito ng binanggit niyang tsokolate at sinagot siyang, “Di ako mahilig sa caramel, nananakit ang ngipin ko.” Nagsalita naman ang kasama ng Cashier at sinabi sa kanyang, “Ma’am, pila na lang po kayo. Wala po talaga kaming chocolate caramel simula kanina.”


“Sigurado ka?” Tanong ni Jasmine.


“Opo, may listahan kami at dito nakalagay rin na out of stock na kanina pang umaga. Wait na lang po kayo mamaya.”


Nanghihinala na si Jasmine na may kakaibang kapangyarihan ang lalaking kumuha ng relo ni Orly ngunit gusto pa rin niyang manigurado. Alam niyang hindi nauubusan ng chocolate-caramel bar na tulad ng tinutukoy niya sa tindahang ito dahil parati rin siyang bumibili nito sa tindahan. Tinanong niya ang gwardya, “Manong, napansin po ba ninyo yung lumabas na naka-itim na jacket, nakasalamin siyang itim na bilog at kalbo ang buhok?”


Sumagot ang Security Guard, “Hindi eh. Ako lang ang lalaki dito at yung nasa Cashier.”


“May camera dito di ba? Kasi alam kong mahilig mag shop lift ang lalaking nakita ko, baka mahuli natin sa akto, parang nakita ko kasi na nasa loob eh.”


“Naku Ma’am, pasensya na. Naaalala kong sinabihan kami ng mahigpit ng boss namin na huwag ipapakita ang tape ng camera na yan sa kahit kanino lalo na sa costumer.”


“Ha?” Ganun na lang ang pagkataka ni Jasmine sa reaksyon ng Security Guard. Wala silang naaalalang lalaking kalbo na pumasok sa loob at tila’y nagbago ang kanilang ala-ala. “Sinabihan kaya talaga siya ng boss?” Ang sabi ni Jasmine sa sarili. “Baka ang tape burado at nabago rin kagaya ng sa amin.”


Wala na siyang oras pa para mag-isip kaya lumabas na si Jasmine at hinanap ang lalaking puti. May tumutulak sa kanyang damdamin at nararamdaman niya sa kanyang loob na dapat niyang sundan itong lalaki para malaman ang nangyayari. Mabuti at nakita niya ang maputi nitong ulo bago lamang niya agawin ang sombrerong itim ng isa pang naglalakad sa daan. Katulad ng inaasahan, hindi man lang nagsalita o nagalit ang lalaking kinuhanan ng bagay na malinaw na kanya. Sinundan pa rin ni Jasmine ang lalaki ng hindi nagpapahalata.


Pumunta sa Farmer’s Market ang lalaking puti at kumuha ito ng mga manok at baboy. Inilagay niya sa plastic na puti ang mga karne at hindi pa rin talaga siya nagbabayad habang nginingitian pa siya ng mga nagtitinda. Kumuha ng nakaplastic na dugo ang isang lalaking malinis manamit at inagaw ito ng lalaking puti sa kanya at inilagay rin ito sa plastic. Tinanong ng nagtitinda ang mukhang mayamang lalaki, "Dugo gusto mong bumili?" sumagot naman ito sa kanya, "Hindi na ako kumakain ng dinuguan." Umalis na sa tapat ng nagtitinda ng karne ang lalaking puti, iniwan silang nag-uusap magkaharap. Hindi nagsasalita ang lalaking puti, simula kanina sa convenient store, hindi niya ito nakitang kumausap sa tao ngunit paminsan minsan kinakausap nito ang kanyang sarili na para bang isang baliw. Hindi humihinto ang malikot na ulo ng lalaking puti sa kanyang pagmamatyag sa paligid. Naglakad ito papalayo sa Palengke at patuloy siyang palihim na sinusundan ni Jasmine.


Mga labing-limang metro ang layo ni Jasmine sa sinusundang lalaki. Hindi inaalis ni Jasmine ang kanyang mga mata dito. Tinanong ni Jasmine ang isang matandang lalaking nakasabay niyang naglalakad. “Lo, pasensya na po, malabo po kasi ang mata ko eh, pwede po ba ninyo akong tulungan? Nakikita ba ninyo yung lalaking maputi na nakaitim doon?” Sabay turo ni Jasmine sa lalaki. Sumagot naman ang lalaking matanda, “Sandali, malabo rin ang mata ko eh. Teka… oo, yung nakaitim ba at nakasumbrerong itim rin?” Nagpasalamat si Jasmine at binilisan niya ng bahagya ang kanyang lakad para mahabol ang lalaking nawawala sa dami ng tao sa bangketa.


“Nakikita nga siya ng iba,” ang sabi ni Jasmine sa kanyang isip. “Bakit kaya ganito, parang sumusunod na lang ang lahat sa gusto niya at parang di siya nakikita? Nakikita naman siya ng tao, binabati pa siya ng mga ito. Parang nakarinig na ako ng ganito ah, di ko lang maalala.” Napakamot ng ulo si Jasmine at patuloy siyang nag-isip.


“Baka dahil sa nakikita ko siya pero ako hindi niya ako nakita kaya hindi niya ako naaapektuhan ng kanyang mahika? Hindi naman ako siguro nananaginip. Siguro naapektuhan niya ang iba tuwing nakikita niya kaya siya lingon ng lingon pero hindi lang niya ako nakita. Kailangan malaman ko ang nangyayari! Hindi alam ng gwardya kanina na nasa loob siya ng convenient store! Sa di ko malamang dahilan, napalitan din ang record ng mga tinitinda doon. Ano pa kaya ang pwede niyang gawin? Baka marami pa siyang biktimahin at di malalaman ng biktima niya na biniktima sila. Walang kamalay malay ang mga ninanakawan niya. Baka may iba pa siyang Krimen na gawain, nakakatakot na.”


Habang sinusundan niya ito, iniisip ni Jasmine ang lahat ng posibleng dahilan, isa dito ay baka magaling lang itong magmanipula ng isip ng tao o kaya’y isa itong engkanto o ano man pero nalilito siya dahil mukha itong dayuhan. Mas pinagtataka niya ay kung paano nagbago ang laman ng tape sa kanyang hidden camera.


Dumaan muna ang lalaking puti sa bookstore kung saan siya unang nakita ni Jasmine ng kanya itong maala-ala. Sumimple sa gilid ng gusali si Jasmine habang inoobserbahan ang lalaki sa salamin ng gusali. Tinignan ng lalaki lahat ng tao sa loob ng gusali habang bitbit ang mga dalang karne at dugo ng baboy sa plastic. Dinampot ng lalaking puti ang dalawang magasin at nilagay sa kanyang kanang bulsa ng kanyang suot na coat. Sumigaw pa ito sa salitang hindi maintindihan ni Jasmine na sa sobrang lakas, narinig rin ng ibang nasa labas. Ang isa sa mga nakarinig ay pulis at pumasok sa loob, ngunit nung makita na siya ng lalaking puti, lumabas ulit ito na parang walang nangyari. Malikot ang galaw ng ulo ng lalaking puti. Kinakausap nito ang sarili at pinagpapahid ang kanyang palad. Nagkukunwaring nagpupulbos si Jasmine sa likod ng haligi ng gusali habang pinapanood niya sa kanyang salaming hawak ang lalaking puti. Nilapitan ng lalaking puti ang isang babaeng nagbabasa na may kulay ang buhok at galit na galit nitong sinabunutan at inamoy ang buhok. Tinitigan niya ang babae sa mata at pagkatapos ay normal lang naglakad papalayo ang babae na parang walang nangyari. Pagkatapos, kinamot ng kinamot ng lalaki ang kanyang matangos na ilong at nagmamadaling lumabas ng gusali na tila ba’y di niya gusto ang pabango ng babae.

Pinunasan naman agad ng Janitor ng gusali ang tumutulong basa na galing sa plastic ng karne. Nagtago agad sa isa sa mga haligi ng gusali si Jasmine habang lumalabas ang lalaki sa pintuan ng bookstore. Umikot ulit ang ulo ng lalaki at tumingin sa bawat paligid pati sa itaas ng mga gusali na parang may hinahanap. May ibinahid ito sa kanyang ilong. Naglakad ang lalaking puti ng mabilis sa daan. Tumitingin tingin siya sa likod kaya’t medyo lumayo si Jasmine at nagtatago sa matangkad na naglalakad. Tumawid ito papunta ng lumang sinehan ngunit bumalik rin agad gawa ng may mga mabibilis na sasakyang dumadaan.


Sinundan ulit ni Jasmine sa paglakad ang lalaki na nagkakamot ng kanyang namumulang ilong. Nung nasa tapat na ito ng Coliseum, binitawan nito ang bitbit na dalang plastic at tumakbo ito ng napakabilis sa hindi nalalamang dahilan. Tumawid ito kahit na mabilis ang mga sasakyan. Nahulog rin sa daan ang kanyang suot na sombrero. Nagulat lang ng bahagya si Jasmine ngunit di niya ito pinabayaang mawala at hinabol niya ang lalaki.
May isang bata sa bangketa ang nagsabi sa isang matandang babaeng naglalakad, “Ale, nahulog po ninyo ang pinamalengke ninyo.” Sumagot naman ang matandang babae, “Salamat ha. Buti napansin mo.” Pinulot ng babae ang nabitawang plastic ng lalaking puti.


“Biglang naging kanya ang bitbit ng lalaki? Anong nangyayari sa mundo?” Ang tanong ni Jasmine sa sarili nung makita niya ang nangyari.


Pumasok ang lalaking puti sa madilim na Carnival sa tapat ng Coliseum. Tinanong ni Jasmine ang mga nakatayo sa bangketa, “Nakita ba ninyo ang dumaang maputing lalaki sa harap ninyo? Saan siya lumiko?,” ngunit umiling lang sila sa kanya. Ilang sandali pa at pumasok na rin si Jasmine sa loob. Madilim sa loob at may kakaunting tao lang. May kaunting kabataan sa loob na nagpapakasayang nakasakay sa Carousel kasama ang mga magulang. Tumingin sa bawat sulok si Jasmine at hinanap ang lalaki. Dahan dahang tumatahimik ang buong paligid, dumilim lalo ang buong lugar at kapag tumitingin siya sa labas na pinanggalingan, kung saan malapit sa daan, parang lumalabo ang kanyang paningin, nahihilo siya at lumalayo ang pinagmumulan ng liwanag.

Nagising si Jasmine sa kanyang higaan na walang naaalala sa buong pangyayari. Nagring ang telepono at sinagot niya ito. “Jas, Ma’am, Orly ito, punta ka pa ba dito? Mag-gagabi na”. Sinagot niya si Orly, “Oo pupunta ako maliligo lang ako.” Dinampot niya ang twalya at pumunta sa shower room. Habang siya ay naliligo, napansin niya ang tattoo na nakalagay sa kanyang pusod. Isa itong compass kung saan may nakalarawang bungo sa Hilaga at susi sa Timog. Laking gulat niya ng makita ito sa kanyang katawan dahil alam niyang hindi kailan man siya nagpatattoo o magpapatattoo sa kanyang katawan. Hinihilod niya ito ng sabon at hindi niya matanggal. Ang unang pumasok sa kanyang isip ay ang naaalala niyang lumang cabinet ng kanyang Papa noong siya ay sampung taong gulang pa lang na kung saan may nakaukit na desenyo sa kahoy na tila compass na kahawig mismo ng nakaguhit na tattoo sa kanyang balat. Sa itaas ng compass ng cabinet ng kanyang Papa ay ang lalagyanan ng pera. Sa ilalim naman ang kinapaparoonan ng susi na nadiskubre niya at ginagamit niya para mangupit ng pera sa kanyang Papa noong bata pa siya. Bumalik ang ala-ala pero binaliwala lamang niya ito. Ang iniisip niya sa ngayon ay kung sino-sino ang mga tatawagan niya para tanungin kung paano siya nagkaroon ng tattoo sa kanyang pusod.


Sa kanyang pagkakaalam ay nagpunta na siya kaninang umaga sa kanyang maliit na tindahan at umuwi lang siya ng bahay para matulog dahil inaantok siya doon. Iba ang kanyang naaalala kung paano siya nakauwi. Sa kanyang pagkakaalam, dumiretso siya sa bahay pagkatapos. Hindi na niya naaalala ang kinuhang relo kay Orly pati ang lalaking puti. Pumunta siya sa kanyang cabinet para kumuha ng bagong damit pambihis. Sa ilalim ng kanyang mga damit ay may nakita siyang susi na hindi niya naaalalang inilagay. Inisip niya kung ito ba ay may kinalaman sa kanyang tattoo sa pusod na may nakaguhit na susi. Naghanap siya ng butas na papasakan ng susi sa pinakaitaas ng kanyang cabinet kagaya ng kanyang ginagawa sa cabinet ng kanyang Papa ngunit bigo siyang makakita. Hindi siya tumigil hanggang maisipang hatakin ang cabinet para mausog niya ito.


Naiusog niya ang cabinet hanggang sa may napansin siya sa likurang bahagi. Nasa likod pala ang kanyang hinahanap. Binuksan niya ang sekretong kahong nakapasok sa loob ng kahoy ng cabinet gamit ang susing nakita niya. Ang laman ng kahon ay isang lumang libro na may mga nakadikit na mga larawan. Ang librong napakakapal at napakalaki ay mukhang pinasadya. Binuklat niya ito ng mabilisan lang. Nagtataka siya sa mga pictures ng mga taong hindi niya kilala na nakadikit sa mga pahina. May nahulog na liham galing sa pagkakaipit sa libro, may nakalagay sa sobreng “Jasmine”. Pinunit niya ang gilid at binasa ang nakasulat:


“ Jasmine,
Naiintindihan mo siguro ang sulat kamay ko dahil ako ikaw. Naintindihan mo ang compass kaya mo ito binabasa. Sa ngayon, ang nasa isip mo ay bumalik sa karaniwang gawain mo sa araw araw, magtrabaho, maglinis ng bahay at magpakasaya pero marami kang hindi alam dahil nabura na ang iyong memorya. Ang librong ito ay napakahalaga at ingatan mo ng buong buhay mo. Naisipan kong gumawa ng sulat na ganito, para mapaikli ang laman ng Libro at malaman mo agad ang buong katotohanan. Kung hindi mo naaalalang sinulat mo ito marahil dahil sa nakita ka na naman niya! Binura niya ang laman ng isip mo na may kinalaman sa kanya, at pinalitan niya ang naaalala mo sa mga oras na nakita mo siya. Siya ay ang nasa mga larawang inabutan ko na rin sa librong ginawa ko na ito pero hindi ko rin siya naaalala, kagaya mo. Ang lahat lang ng ala-ala mong nakita mo siya ang binubura niya, at wala nang iba. Ginawa natin ang librong ito para di natin makalimutan ang mga nangyari kung sakaling burahin ang ating memorya. Siya ang kalbong lalaking nakasalamin sa mga picture na kinuha ko, mo, natin ng palihim, matagal na ang panahon na ang nakalipas. Nakalagay sa librong ito lahat ng pag-aaral na ginawa mo o ako sa loob ng maraming taon tungkol sa kanya. Siya ay isang kaaway! Sa hindi ko malamang dahilan, ang nakasulat lang sa libro natin ay “Z” ang tawag sa kanya dahil sa isang pahina na may larawan niya ang may arrow at nakaturo nga ang pangalan niya. Ikaw, ako, Jasmine ang bumuo nitong libro na hindi mo maalala. Pinagaralan at sinusundan ko siya pero parati niya tayong nakikita. Kailangang mahinto ang kanyang ginagawa dahil nilalapastangan niya ang ating utak at ang iba pa niyang binibiktima. Kapag nakita ka niya makakalimutan mo na siya at lahat ng tungkol sa kinuha o binago niya sa iyo. Maski ang tape ng mga video camera ay napapalitan niya, pero hindi ang still camera na gamit ay film at kapag sa malayo mo kinuha ang litrato. Madalas siyang magpunta sa bookstore kung saan siya nagbabasa at nakikipagkita. Kakaiba ka dahil may kaunting ala-ala ang bumabalik at naaalalang nakita mo na siya dati pa kahit na nabura na niya ang memorya mo tungkol sa kanya. Isipin mong mabuti, nakita mo na siya sa bookstore na pinupuntahan niya di ba? Parang kilala mo siya di ba?


Higit sa lahat, nakita ko na lang sa unang pahina na siya pala ang pumatay kay Papa. Sinulat ng unang Jasmine ang lahat ng nangyari. Oo magugulat ka dahil pati yun ay akala mo hindi totoo. Isang gabi, pumasok siya sa Electronic Store ng Papa at di niya napansing pinalo siya ng malakas ni Papa sa ulo sa pag-aakalang nagnanakaw ito. Tinignan lang niya si Papa at hindi na ito kumilos. Tinakpan niya ang ilong at bibig ng Papa kaya hindi ito nakahinga. Dahil siya mismo ang pumatay kay Papa kaya siguro akala mo, pagpalit ng iyong memorya, ang Papa ay buhay pa nasa ibang bansa lang. Hindi ko alam kung paano ka niya nakita kaya nabura ang memoryang ito, pero naisulat mo na sa Libro ang nangyari bago niya burahin ang memorya mo. May mga kulang ding detalye sa libro. Hindi niya maaaring baguhin ang Libro dahil hindi niya alam ang tungkol dito. Ang hidden camera mo ay tinatago mo dahil sa ito ang ginagamit ng Papa sa kanyang Electronic Store noong siya ay pinatay. Kung mahilig kang pumwesto sa likuran ng tindahan mo, dahil sa dati pa lang nasa likuran ka rin ng tindahan. Doon natin nasaksihan ang nangyari. Ang lahat ng detalye ay nasa libro kung saan ko nabasa ito. Hindi ka dapat nagtyatyaga sa maliit mong tindahan dahil may malaking negosyo ang Papa mo.


Kinuha niya ang lahat ng sa atin. Ilang beses na tayong naburahan ng memorya at parating ang oras lang ng lahat ng nakita mo siya ang binabago niya o kaya niyang burahin at baguhin. Nakasulat ito sa libro natin ng maraming beses. Ang hidden camera mo ay hindi mo natanggap bilang regalo ng Papa na Seaman. Hindi Seaman ang Papa. Ang orihinal na Jasmine ang nakasaksi ng pagpatay sa kanya gamit ang Camera na yun na nakatago. Walang naniwala sa kanyang may lalaking ganito ang itsura ang pumatay sa Papa dahil nagbago ang laman ng Tape nung ipakita niya ito. Ang orihinal na Jasmine rin ang nakadiskubre kung paano niya kukunan ng litrato ang lalaking si Z at nadiskubre niya ang mga kakayahan nito. Naniniwala siyang hindi pa siya naburahan ng memorya bago ang pagpatay ni Z sa mahal mong Papa. Huwag mong isuko ang labang ito. Nakasulat lahat ito sa libro.
Huwag mong hahayaang makita niya ang librong ito! Ikaw lang ang nakakaalam na siya ay tunay. May nakilala ako at naging kaibigan ko siya, si Orly. Sa kanya galing ang pera na pinagpatayo mo ng Tindahan. Kayong dalawa ay magkasosyo sa Tindahan mo at hindi mo siya trabahador. Kung nabura niya ulit ang aking memorya, babalik ulit sa iyo ang unang akala mo na pinagipunan mo ang negosyong ito, yun ay maling memorya dahil sa totoo, sa mga panahong iyon, abala ka sa pagimbestiga kay Z at kapag nasulyapan ka lang ni Z, pumapalit ang memoryang ito kapalit ng memoryang iniimbestigahan mo si Z. Bigla kang nagiging Manager at si Orly ay trabahador mo lang. Isa lang ito sa madalas na nagbabago tuwing binubura ang memorya mo. Kaya siguro naisipan nating magpalagay ng tattoo sa pusod dahil hindi ito madaling makita at maintindihan. Hindi pa siguro tayo nadidiskubre ng taong si Z tungkol sa pag-iimbestiga natin sa kanya dahil kung makita ka niya, aksidente lang at hindi niya alam na pinag-aaralan natin siya.


Hanapin mo si Orly at pagusapan ninyo ito, ngayon na! Malaki ang naitulong ni Orly sa akin. Nakasubok na rin ng maraming pagbura ng memorya si Orly. Dati, siya ay maraming kaibigan, ngayon nabura na sa kanyang memorya ang dating siya. Nang hanapin ko ang mga kaibigan ni Orly, hindi na rin siya kilala ng mga ito. Ang mas naunang Jasmine sa akin ay niregaluhan siya ng magandang Relo ayon sa kanyang sulat pero siyempre hindi ko na naalala yun dahil kagaya mo, iba ang laman ng isip ko—pekeng memorya. Sinusundan namin ang mga kilos ng lalaking puti na si Z sa loob ng anim na buwan pero minalas kami ng nakita si Orly ng harap harapan sa hindi sinasadyang nakasalubong niya sa daan. Inobserbahan ko si Orly at nabago nga ang lahat ng memorya niya simula noong nakita niya ang lalaking puti. Simula noon, di raw ako ang nagbigay ng Relo niya. Nag-iba rin ng bahagya ang ugali niya, naging makulit siya. Tinanong ko siya kung naaalala niya ang ginawa niya simula noong sabihin ko ang tungkol kay Z hanggang sa oras na nakita siya nito, iba na ang kanyang naaalala. Nakalimutan na rin ni Orly ang lahat ng pagtulong na ginawa niya sa akin na may kinalaman kay Z kahit ang mga oras na kaming dalawa lang at pinagaaralan si Z o pinaguusapan siya sa pribadong lugar. Ang pinakamalaking misteryo ay hindi natin alam kung paano niya nagagawa ang lahat ng ito. Saka na natin problemahin kung paano niya nagagawa ang mga ito, ang dapat mong malaman ay ang kahinaan niya. Ang sa akin lang, tuwing binubura at pinapalitan niya ang aking ala-ala, parang pinapatay na rin niya ako. Dapat mauna mo siyang makita bago ka niya makita para maiwasan mo ang kanyang mga mata. Nadiskubre ko ang tattoo sa pusod at naisip ko rin ang naisip mo kaya nadiskubre ko ang libro. Pareho lang tayong nagsimula ulit . Simula noong Enero ng taong 1998 ako nagsimula ulit malaman ang katotohanan. Parati kang magsisimula sa simula, kaya maging maingat kay Z, huwag kang papakita sa kanya. Sa libro, nakalagay ang unang date ay 1988 pa! Simula noong 20 anyos ka o tayo, ilang ulit ka ng binura at binago ng taong ito.


Kung nagtataka ka kung saan at kailan mo nakuha ang tattoo mo sa pusod, ako rin hindi ko alam. May nakita lang akong picture sa loob ng Libro ng tattoo na yan pero walang nakasulat na patungkol dito. Hindi niya maaaring burahin ang memorya mo simula noong bata ka pa hanggang sa unang beses ka niyang nakita, noong panahong iniimbestigahan mo siya na pumatay sa Papa noong taong 1988. Sa unang beses at sa mga sumunod, hindi natin alam kung paano niya tayo nakita at kailan tayo naburahan ng memorya. Mag-ingat ka dahil posibleng alam na niyang nagiimbestiga tayo sa kanya. Simula noon ang librong ito na hindi alam ni Z ay nadaragdagan ng laman tuwing nadidiskubre mo. Ang lahat ng kailangan mong malaman ay nasa librong ito. Ito lang ang patunay na totoo siya. Ingatan mo ito.


Jasmine August 12, 1998


Natakot si Jasmine dahil bigla siyang nagkaroon ng mabigat na responsibilidad ngunit di siya nahirapang paniwalaan ang nakasulat dito. Nagulat rin siya na sa sulat na ito ay kahapon lang ang petsa ng pagkakagawa pero iba ang naaalala niyang ginawa niya kahapon. “Sulat ko ito. May tattoo akong di ko naaalalang pinagawa ko. Totoo ito. Dapat totoo ito,” ang sabi niya sa kanyang sarili.


May nagring ng doorbell ni Jasmine kaya agad agad niyang isinilid ang libro sa ilalim ng mga kahon ng sapatos sa isa pang cabinet, sinusian pa niya ito at tinago ang susi sa ilalim naman ng sofa. Nagmamadali siyang lumapit sa pinto.


“Sino po sila?” ang tanong ni Jasmine sa tabi ng pintuan.


“Dr. Mary ito Jasmine. Phychiatrist mo. Buksan mo ang pinto tignan natin kung may progress. Nagsho-short term memory loss ka pa rin ba? Gumagawa ka pa rin ba ng mga ilusyon sa isip mo? Pagusapan natin ang mga kinwento mo sa akin kahapon.”


“Ah ganun ba? Ilang sigundo lang po at bubuksan ko ang pinto.” Ang sabi ni Jasmine sa babaeng kumakatok. Dinampot niya ang pantalon at polo shirt at sinuot ng mabilis.


Binuksan ni Jasmine ang pinto. Si Z pala ang nasa kabila ng pinto. Hindi nagulat si Jasmine. Hindi man lang tumaas ang kanyang mga kilay o pumikit ang mata. Kalmado lang siyang nakatayo sa kanyang pintuan. Nakatulala siya ng ilang segudo, nakatitig sa salaming bilog na humaharang sa mga mata ni Z. Nakahawak sa doorknob si Jasmine habang nakatitig sa bisita.


“Hello Jasmine,” ang sabi ng taong puti.


“Tuloy po kayo,” ang sabi naman ni Jasmine. Pumasok sa silid si Z at isinara ang pinto.


“May mga ibibigay ka ba na para sa akin?” tanong ni Z.


“Opo, meron po. Sandali kukunin ko lang.”Nakayukong tumalikod si Jasmine at naglakad papalayo.


Ganadong ganadong pumunta si Jasmine sa may sofa, kinuha niya ang susi at inilabas ang Libro sa cabinet. Iniabot ni Jasmine ang Libro at ang sulat sa sobre sa taong puti. Binuksan ni Z ang libro, isinara ang pinto at mabilis niyang nilikas ang tirahan ni Jasmine. Nagbuntong hininga si Jasmine at binuksan ang pinto. Tumingin siya sa labas at walang tao. “Ang mga bata talaga dito, talaga naman oh. Ipapatanggal ko na talaga ang doorbell ko pinaglalaruan lang nila eh,” ang sabi ni Jasmine sa sarili. Nabura na naman sa isip niya ang lahat ng tungkol sa lalaking si Z.


Matapos ang ilang minuto, nagring ang telepono ni Jasmine at dinampot niya ito.


“Hello Jasmine, si Orly ito pupunta ka pa ba dito o magsasara na ako? Bilisan mo may ipapakita ako sa iyong napaka-importante. Makinig kang mabuti. Naaalala mo yung sinasabi mo sa akin kaninang umaga, yung tape na nagbabasa ako ng libro? Hahanapin ko sana ulit, pasensya na alam kong sa iyo yun, baka magalit ka, baka pwede ko kasing i-rewind doon sa part na kausap ko yung babaeng crush ko. Sa lalagyanan natin ng mga tapes, may mga disk dun akala ko pelikula dahil may mga pamagat ng pelikula. Kinuha ko yung isang CD na sci-fi pero nung pinanood ko sa VCD player mo, iba ang nadiskubre ko! Tayong dalawa ang nandoon at kausap natin ang sarili natin! Wala akong naaalala sa mga recordings na yun, pero tayo talaga ang gumawa! Di ka maniniwala sa sasabihin ko sa iyo! Marami pang tulad nito, pati yung ibang pelikula karamihan sa mga Science Fiction mo. Ang ibang disk na pelikula naman normal lang na pelikula, pero lahat ng pelikula na may pabalat na kakaibang Science Fiction yun ang may recordings natin! Di ko pa pinanood ng buo, pero mukhang importante ito. Nagkaka-amnisya ka ba? Tama nga bang amnisya ang tawag dito, teka, parang mali ako. Parang may sinasabi tayo tungkol sa memorya, mahina kasi ang sound at maingay ang ulan. Paano natin nagawa ito, di ko naaalala at wala tayong recorder? Paano nangyari ito? Imposible pero totoo, pinapanood ko pa ngayon. Basta pumunta ka na lang dito at magingat ka! Bye!”


Napailing na lang si Jasmine at sinabing, “Ha, talaga? Sandali! Ano yan? Puro ka talaga… hmp sige paalis na ako.” Binaba agad niya ang telepono. Napagisip isip ni Jasmine na kapag seryoso si Orly sa sinasabi, seryoso talaga siya. Dinampot ni Jasmine ang susi at lumabas ng bahay.


Pagbaba ni Jasmine ng kanyang apartment, may nakita’t narinig siyang nagkakapulong na tao sa daang hindi kalayuan sa kanyang lugar. May isang kalbong lalaking maputi ang nakatihaya sa daan. Kumalat ang kanyang dugo sa daanan ng mga tao at wasak ang kanyang mga binti. Napatakip ng bibig si Jasmine sa kanyang nakita. Nagtataka ang ilan kung bakit kulay abo ang mga mata ng lalaki. Nasagasaan raw ito ng isang SUV na sasakyan. Sinundan ni Jasmine ang mga tanod na nagtatalo at nagtataasan ng boses sa isa’t isa. Dinampot nila ang lalaki na sinasabing nakasagasa sa lalaking tumatawid. Tinanong siya ng mga tanod, “Bakit mo tinakbuhan ang nasagasaan mo, alam mo bang bibigat lang ang kaso mo niyan?”


Sumagot ang lalaking nakaposas, “Hindi ko po talaga nasagasaan yan. Malinaw na malinaw kong naaalala, ang dugo sa harap ng sasakyan ko sumayad yan sa nagbubuhat ng karne sa daan kanina sa trapik. Matandang babae, nabutas ang pinamalengke niya. Nainis pa nga ako eh. Malinaw na malinaw ko pong naaalala. Wala po akong nasagasaan kaya hindi ako huminto. Pasensya na po, di ko po ugali ang tumakbo kung may kasalanan akong nagawa.” Nasasaktan ang lalaki sa pagkakahawak sa kanyang mga kamay.


Sumisigaw naman ang nagpakilalang saksi, “Hindi! Hindi! Hindi, sinungaling ka! Nakita kita, nandoon ako sa malayo pero nakita ko ang sasakyang yan, sinigawan ka pa ng lalaking kalbo pero dirediretso ka lang na tumakas na parang nakasagasa ka lang ng pusa. Buti trapik, huli ka tuloy!” Sa gawing kalayuan, parating naman ang isang kotse ng pulis na sobrang lakas ng tunog ng sirena at busina nito. Ang mga tanod ay hinahanapan ng pitaka ang biktima at wala silang nakitang anuman sa kanyang mga bulsa. Marami ang nakakalat sa daan, kabilang na dito ang mga tsokolate, iba’t ibang pagkain, sunglass na bilog, kwintas at iba pa.


“Orly!” Ang isinigaw ng isang tanod. Bagay na kinagulat ni Jasmine dahil kamukha ng Relo ni Orly ang hawak ng mga tanod. “Orly ang pangalan niya!” Ang
sabi naman ng batang tanod. Lahat sila ay nakatingin sa magandang relo na inalis sa kamay ng lalaki.


Habang abala sila sa pagdepensa ng suspek sa kanyang sarili, naapakan ni Jasmine ang isang libro na may bahid ng dugo na may bakas ng mga paa ng mga taong dumaan sa pinangyarihan ng aksidente. Natatabunan ito ng iba pang nakakalat sa daan. Sulat kamay niya ang pangalan niyang nakalagay dito na hindi natatakpan ng dugo. Pinulot niya ito at binuksan sa huling pahina at ang nakita niya ay isang picture ng kanyang Papa at mga kamag-anak sa isang kasal na ngayon pa lang niya nakita. May bilog na guhit sa gawing malayo ng larawan at napansin niya sa loob ng bilog ang mukha na kamukha ng lalaking nakahilata sa daan—ang lalaking kalbo at may matang kulay abo. Nagmamadali siyang nawala sa eksena at sumakay sa loob ng kanyang kotse na nakaparada sa daan. Binuksan niya ang air-con. Siya ay pinapawisan at kinakabahan. Nakatitig lamang siya sa daan, punong puno siya ng pagkataka at takot.

Nagbuntong hininga siya, lumalaki ang kanyang mga mata, humawak sa manibela at nag-iisip isip dahil sa mga nangyari. Hindi pa siya nakakita ng taong namatay at kakaiba pa ang mga mata. Nag-isip isip siya. “Ano ang nangyayari, bakit may picture ni Papa sa Libro. Sa kanya ba itong librong ito? Mukhang akin dahil sulat kamay ko.” Kinuha niya ang Libro at binuksan niya sa bandang gitna. May isang ginupit na pahina ng pahayagan ang nakaipit dito. May larawan at nakabilog sa pulang guhit ang picture ng tatlong tao sa malayo, may petsa, at may maikling sulat na nakasulat kamay sa ibaba. Naintindihan niya ito at naalalang sulat kamay ni Orly ang nakasulat dito. Binasa niya ang sulat: “May dalawa pang katulad ni Z. Nadiskubre kong hindi pala siya nag-iisa. Kakampi mo ako, hinahanap ko rin sila. Wag kang magtiwala sa iba. Huwag kang magtiwala sa sarili mo. Huwag kang matakot. Hindi ka rin nag-iisa.”


Hindi ito naintindihan ni Jasmine at nagmadali siyang umalis.


June 23,2008 06:15

http://www.kwento.100megsfree5.com

Mga Maikling Kwento © E.L. Minell