8.11.14

Solo

Solo
By E.L. Minell

I


Isang milyong taon mula ngayon.


Isang lalaki, isang binatang iika-ika, ang nagmamadaling tumakbo salungat sa liwanag ng papalubog na araw. Pinanonood niya ang kanyang anino at paminsan minsa'y tinatanaw niya ang gawing kalayuan. Siya ay nasa malawak na disyertong mabato at mabuhangin. Halong pula at kulay abo ang buong kalupaan. Saan man siya tumingin ay walang maaaninag na kakaiba sa paligid. Nagkalat rin ang mga maitim na bato sa paligid. Ang lahat ay gawa sa buhangin, bato, maliliit na burol, mga yungib o kaya'y mga bangin, ngunit kadalasa'y patag na kalupaan lang na milya-milya ang haba ng natatanaw niya sa bawat direksyon. Saan man siya dalhin ng kanyang paningin ay walang-hanggang kawalan. Sa ibang dako naman ay mga nabubuong ulap ng alikabok. Tinatakpan ng hamog na alikabok ang lahat ng madaanan. Maliban sa huni ng hangin, ang buong paligid ay napakatahimik, walang senyales ng buhay.


Madungis at may mga punit ang maruming kulay asul na suot niya-- ang gawa sa makapal na telang pang itaas na may mahabang manggas at pantalon. Siya ay bumubulong na tila'y kausap ang sarili habang hawak ang kaliwang siko nito. Tinignan niya at hinipan ng bahagya ang sugat sa siko sa butas ng manggas ng kanyang damit dahil sa hapding ramdam sa pagkakagasgas nito. Ang kaniyang mukha'y nababalot ng pagkayamot. Siya'y duguan at pagod na.


Sa may kalayuan, sa dakong hilagang-silangan, natatanaw niya ang kanyang binansagang "kulisap"-- isang maitim at malaking bato. Tinawag niya itong kulisap sapagkat sa unang beses niyang nakita ito, natuwa siya at inakala niyang isa itong kulisap. Siya'y natuwa muli nang makita ito, ngunit may halong simangot sa kanyang mukha. Sa tagal ng kanyang nilakad, sa loob ng anim na oras, siya ay nakabalik na at nagmamadali siyang makaabot dito. Ang kulisap ay kanyang palatandaan dahil sa umpisa'y ito ang kanyang batayan ng kalayuan, ang unang pinakamalayong lugar na inabot ng kanyang paa. Ang tinatawag niyang kulisap ay gawa sa pitong pinagpatong patong na naglalakihang patag na bato, kung saan ang anim na talampakang haba na pinakamaitim at pinakamalaki ang nasa itaas. Sa malayo ay hugis insekto itong nakadapo. Mula rito, sa bandang ibaba sa kinatuturukang lambak ay matatanaw sa kalayuan  ang isang munting asul at berdeng bahay na nakatalikod sa gilid ng maliit na burol na tinapyas ng hangin. Mga tatlumpung talampakan lang ang nagsisilbing pader na libis ng lilim sa likuran ng bahay sa bahaging silangan nito, isang paala-ala sa kanyang hindi niya makikita ang pagsibol ng araw sa umaga mula sa bahay na iyon. 


Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman niya noong makita niya ang bahay sa kanyang pagbalik. Halos labinglimang minuto pa ang kanyang lalakarin bago siya makararating sa bahay na asul. Siya ay umuuwing hinihingal sa nag-iisang silungang kanyang kinikilala, ang tanging tahanang alam niya.


Ang bahay na asul ay walang pinto, butas ang bintana, maalikabok naman ang bubong at maski ang looban nito'y hindi nakatakas sa lakas ng hangin na may dalang alikabok. May alikabok sa kusina hanggang sa banyo nito. Pumasok siya rito at walang humpay na pinagpag ang kulay maputlang asul na ternong damit at pantalon niyang nababalot ng alikabok. Siya ay pagod na pagod sa paglalakad ng mahabang oras. Binuksan niya ang zipper ng damit niya. Agad niya itong hinubad. Siya ay may puting sando at puting short na panloob. Pawisan siya at nananakit ang katawan. Sinuri niyang muli ang madugong siko niya. Dumiretso siya sa lababo, dahil sa matinding uhaw, uminom siya ng napakarami gamit ang kamay at naghilamos pagkatapos. Muli, tumingin siya sa paligid kung may nagbago, umaasa siyang may dumating at ginalaw ang mga gamit sa loob, ngunit gaya ng inaasahan, wala. Sapagkat, kung walang ibang naroon, alam niyang tanungin sa sarili kung saan galing ang lahat ng ito-- ang bahay, kagamitan at siya mismo. Hindi niya alam kung nasaan siya at saan siya galing ngunit alam niyang magtanong ng kadahilanan sa lahat ng bagay. Wala siyang alam kung paano siya pumarito. Saan siya patungo mula rito, ang siyang misteryong mas mahalaga sa kanyang isipan.


Dumidilim na ang paligid. Binuhat niya ang isa sa dalawang puting upuan papalabas ng bahay. Umupo siya rito at pinanood ang kulisap, ang itim na bato sa malayo. Nagsasalita siya na para bang kinakausap ito.


Matindi ang lungkot na kanyang nararamdaman. Hindi na siya makaiyak dahil sa totoo lang, siya'y apat na araw nang humagulgol sa iyak. Hinahaplos niya ang tiyan niya gawa ng matinding gutom.


Napalitan ng mga bituin ang mga huling sinag ng araw sa kalangitan ng dapithapon. Sa pagdilim ng paligid, hindi na niya naaaninag ang kulisap. Ito ang hudyat niya sa sarili upang matulog. Siya ay inantok hanggang sa makatulog sa bangkong niluluklukan niya. 


Makalipas ang ilang oras, bago pa man basagin ng liwanag ang kadiliman, siya'y ginising ng kumakalam niyang sikmura. Napakalamig na ngunit binali-wala lang niya ito sa kabila ng suot niyang pambahay. Dumiretso siya sa loob ng bahay at umihi sa palikuran. Kiniskis ng kamay niya ang giniginaw na balikat. Dinampot niya sa lamesa ang metal na plato at galit niyang inihampas ito ng paulit-ulit sa lamesa. Napaiyak siyang muli na tumutulo ang laway at siya'y napaupo sa sahig. Sumigaw siya ng napakalakas ng maraming beses. Wala siyang ginawa kundi isipin ang unang araw niya sa lugar na ito.


Isang umaga'y nagising siya sa isang malambot at maputing sofa, apat na araw na itong nakalipas. Pagbangon niya, may dinatnan siyang pagkain sa lamesa. Ang mga narito ay oatmeal, tinapay, beans, mansanas, saging at gatas. Hindi niya maintindihan kung saan galing ang mga ito, ngunit alam niya na kinakain ito. Dinampot niya ang baso ng gatas, inamoy at inilapag din ito. Lumabas siya suot ang short at sandals. Takang taka siya, paulit ulit na tinatanong sa sarili kung nasaan siya. Siya ay sumisigaw ng saklolo sa pinaka malakas na sigaw na kaya niya, naghahanap siya ng kasama. Umiikot siya sa buong paligid ng bahay. Takang taka siya sa nangyayari. Ilang oras pa bago siya uminahon at tumigil sa pag-ikot. Pumasok at kinain niya ang kalahati sa mga pagkain sa lamesa. Alam niyang hinahalo sa oatmeal ang gatas pero mas pinili niyang inumin ito sa baso, inihalo niya ang kalahati sa platong metal at inubos ang oatmeal.


Inaral niya ang loob ng bahay pagkatapos. May hile-hilerang hugis kwadradong board na nakaipon sa lalagyan ang umagaw ng kanyang pansin. Binuklat niya na parang aklat ang magkakadikit na mga boards, narito ang backgammon, chess board at iba pang board games. Isang kahong mala-kahoy naman ang naglalaman ng playing cards, mga dice, at iba pang gamit ng board game gaya ng piyesa ng chess.


May refrigerator, lababo, mga gripo na may tubig, banyo at hiwalay na palikuran. May isang kwarto na may kama, ilaw, at kabinet na may sampung pares ng maputlang asul na damit, pantalon at sapatos. Gawa sa puting heksaganong tiles naman ang sahig. Sa sala nama'y gawa sa makinis na semento ang sahig. May mga basahan at babasahing magasin na hindi niya maintindihan ang nakasulat ngunit naglalaman ng mga larawang naiintindihan niya. May lampara, flashlight, gunting, gamit sa kusina,  telebisyong kwadrado na hindi gumagana, lumang radyo na hindi gumagana, pekeng sunflower na nasa paso, picture frames na may larawan ng mga di kilalang tao, at maliit na estatwa ng nakapiring na babaeng may hawak na timbangan na nakapatong sa maliit na mesa. Ngunit ang umagaw ng kanyang pansin ay ang isang itim na kahong may music box sa loob na nasa ilalim ng munting patungan. Hinipan niya ang alikabok na bumalot sa ibabaw nito. Gawa sa ginto at itim na kahoy ang music box na ito. Kapag pinihit ang kalawit, sumasayaw ang imahe ng babaeng balet dancer at tumutugtog ang tono ng twinkle twinkle little star, pagkatapos nama'y susundan ng tonong happy birthday.


Binitbit niya ang music box, inikot ang susi nito at tumugtog. Matagal niyang nilaro at tinitigan ang itim na musicbox na ito. Sa bandang tanghali, lumabas siya para tuklasin ang ibabaw ng munting lambak sa gawing itaas ng kinatuturukan ng bahay niya. Inakyat niya ang hugis kulisap na bato bitbit ang music box. Hinawakan niya ang batong kulisap at namangha siya rito. Mula doon, siniyasat niya ang napakaluwang at walang lamang ispasyo ng buhangin at disyertong tanawin. Sinilip niya sa butas na ginawa niya sa kanyang kanang kamay ang kanyang asul na bahay sa malayo, sa gawing ibaba. Bumalik lang siya paibaba sa bahay at umasang may mga dadalaw sa kanya upang alisin sa sa malungkot, masalimuot at tahimik na lugar na ito. Naisip niyang hindi lumayo sapagkat saan galing ang lahat ng gamit at bahay kung walang naglagay nito dito?


Ikalawang araw nang unang beses siyang makaranas ng gutom, tiniis niya ito at uminom na lang ng tubig sa gripo. Noong hindi niya kayanin, inubos na niya ang natitirang tinapay sa lamesa. Umaga nang kainin niya at ubusin ang mga prutas. Nakaramdam rin siya ng matinding kalungkutan sa pag-iisa sa unang pagkakataon. Unang araw pa lang, hindi na niya matiis ang pag-iisa. Ngunit ngayon, hindi niya matiis ang inip. Inilatag niya ang chess board. Alam niyang kaya niyang gamitin ito kaya't isinaayos niya ang mga piyesa nito sa tamang pormasyon, sa tamang pwesto pero wala siyang kalaro. Nainis siya sa pagkabagot at hinampas ng unan ang mga piyesang nakatayo. Lumabas siyang muli ng nakasimangot ang mukha at sinubukan niyang takbuhin ang iba't ibang direksyon habang sumisigaw ng saklolo sa abot ng kanyang makakaya. Naghahanap siya ng sinoman, ngunit bawat direksyon ay natatakpan ng maliit na lambak. Nakatingala siya sa ibabaw ng lambak, nakatanaw sa mala-abong kalangitan at tinatanong niya ng paulit ulit ng pasigaw kung nasaan siya. Ang masaklap para sa kanya ay alam rin niya na sa bawat pintig ng puso niya, may kasiguraduhang hindi siya sasagutin nino man. Sa sobrang tahimik, ang bawat pintig ng puso niya'y rinig sa paligid. Nanatiling patay at tahimik ang kapaligiran. Puro batuhan at lupang mapula lang ang paligid sa labas ng bahay. Hindi siya nakatulog pagsapit ng gabi. Takot naman siyang umakyat ng lambak at lumayo. Siya'y humagulgol na lamang sa iyak ng magdamag, sapagkat hindi niya alam ang nangyayari.


Ikatlong araw ng hanapin niya sa ilalim ng lababo ang balat ng saging, maitim na ito at hindi na makakain. Siya ay gutom na gutom na. Lumabas siya suot ang balabal at umakyat. Tatlong oras niyang nilakad ang dakong malayo pa sa palatandaan niyang kulisap. Takot man siya sa ano mang makita sa kalayuan ngunit pinagpatuloy niya ang pagtuklas. Walang katapusang disyertong mabato ang natagpuan niya at bumalik rin. Lalo lang siyang nagutom sa pagod. Pagbalik niya, namumuo na ang alikabok sa loob ng bahay. Sa bawat sulok ng bahay, naghahanap siya ng pagkain na tulad sa kinain niya kamakailan lang, ngunit nabigo siya. Maalikabok man ang katawan niya, hindi niya tinigilan ang paghalungkat ng gamit sa paghahanap ng makakain.


Siya ay humagulgol sa kadiliman ng gabi gawa ng sakit ng sikmura. Abot ang iyak niya hanggang sa kalayuan, ngunit walang sinoman ang makaririnig sa kanya. Alam niyang nasa gitna siya ng kawalan. Alam niyang nag-iisa lang siya sa napakaluwang at tuyong disyerto. Naglinis siya ng katawan, naligo at nagpalit ng suot. Nakatulog siya ng gabing iyon. Sa kanyang panaginip, siya ay lumayo, naghanap ng makikita ngunit nabigo siya. Pagbalik niya, wala na ang bahay, natakot siya at biglang bumangon mula sa bangungot. Siya ay natabunan ng kumot sa kamang puti. Naging mas matindi ang ramdam niyang takot. Balik sa katotohanan na rin siya, nakahawak ang kamay niya sa sikmurang kumakalam. Ito ang mga kaganapan kaya't siya ay nagtitiis sa gutom at kalungkutan.


Ikaapat na araw noong siya'y nakasisiguradong nag-iisa lang siya at kailangan talaga niyang tuklasin ang kalayuan. Pag-akyat niya sa lambak, natapilok siya at sumadsad sa mabato at matirik na daan, nagpagulong-gulong siya paibaba. Doon niya nakuha ang mga sugat niya sa siko at pilay sa paa. Hindi dito nagtapos ang araw niya, anim na oras siyang naglakbay para lang matutunang walang matatagpuan sa kalayuan, hanggang siya nga'y umuwi at abutan ng antok sa puting upuan.


II


Ikalimang araw na ngayon. Siya ay nakadapa sa maalikabok na sementong sahig ng bahay at nakatunganga. Hindi siya gumagalaw. Tumutulo ang laway niya't tulala ang mga mata niya. Gutom, kalungkutan at pagkataka sa nangyayari ang laman ng isip niya. Suko na siya, hindi na niya ninanais pang akyatin at tuklasin ang kabilang lugar, sa likuran ng bahay, sa itaas ng libis ng lilim, doon sa gawing silangan. Hindi na, suko na.


Bukas ang ilaw ng buong bahay. Mag-uumaga na ngunit napakadilim pa sa labas. Nakadapa siya sa sahig na maalikabok, kung saan nasa sahig rin ang metal na plato na pinaghahampas niya kanina. Maalikabok ang kaliwang mukha niyang nakabagsak sa sahig. Nakatitig siya sa itim na piyesa ng chess, ang King, na nakatayo sa sahig kasama ang ibang piyesa na nagkalat. Biglang may narinig siyang malakas na pagsabog sa malayo! Nayanig ang bahay at bumagsak ang malaking frame ng isa sa mga larawan sa lakas ng pagyanig ng lupa. Nabasag bigla ang katahimikan. Napatayo siya at takot na tinakpan ng braso niya ang kanyang mga mata, gawa ng nakakapuwing na alikabok na dulot ng hangin at ng napakaliwanag na ilaw na nanggagaling sa labas.  Napakaingay sa labas, para bang may ginigiling na naglalakihang mga bato. Dahil sa malakas na hangin, pinapasok ng alikabok ang bintana at pintuan ng bahay.


Siya ay inubo at nagtago sa banyo. Binuksan niya ang shower at tinakpan niya ang kanyang tenga. Takot na takot siya sa nakabibinging ingay sa labas at sa nakabubulag na liwanag.


Matapos ang kalahating oras, tumahimik bigla, dumilim ang paligid. Naging putik ang alabok na nakapasok sa loob ng banyo, habang siya nama'y nakasalampak sa sahig nito at nakasiksik sa sulok. Dahan dahan siyang tumayo at pinatay ang shower. Binuksan niya ang pinto ng banyo at siya'y lumabas ng basang basa.


Laking gulat niya ng matanaw sa kaunting sinag ng araw ang napakataas na tila'y toreng itim doon sa itaas ng lambak, malayo ng bahagya sa batong tinawag niyang kulisap. Ang Tore ay tila isang nakatindig na anino. Ito ay may kataasan. May patag na pabilog at dambuhalang bagay sa tuktok nito ang sinusuportahan ng pahabang pundasyong hugis silindriko.


Mabilis niyang sinuot ang pantalon at itinirintas ang tali ng kanyang sapatos. Basa man ang damit panloob, sinuot niya ang pangitaas na may mahabang manggas ng hindi isinasara ang zipper at dumiretso sa kwarto. Dinampot niya ang flashlight at tumakbo palabas, papalapit sa itim na bagay. Siya ay nanlalambot na ngunit kailangan niyang makalapit dito. Habang umaakyat siya sa gilid ng mataas na libis palapit dito, nakikinita niya ang makintab na pagkakagawa ng itim na tuktok sa paunti-unting liwanag na umuusbong mula sa silangan. Kapansin pansin ang papilipit na desenyo nito. Bahagya itong bumabagal sa pag-ikot.


Hawig sa piyesang "rook" ng chess ang toreng itim, ngunit labis ang lapad ng tuktok nito. Nakalapit na siya rito ng hinihingal matapos ang ilang minuto. Itinutok niya ang flashlight dito. Ang mas kaagaw-agaw ng pansin ay ang itim na modulang bilog sa tuktok. Hindi niya abot ang tila'y hagdan paakyat dito. Itinutok niya ang ilaw sa pundasyong palipit. Tumatalbog ang ilaw nang itutok dito ngunit ang puting ilaw ay napapalitan ng iba't ibang kulay paglabas. Hinawakan niya ang madulas, makintab at itim na pundasyon nito. May naiiwang liwanag sa bawat haplos niya sa misteryoso at higanteng poste. Bumabakas ng bakas na liwanag ang kamay at mga daliri niyang dumidikit dito. Napansin rin niyang nakabaon ang pundasyon at gumawa ito ng mga biyak sa lupa. Hugis tornilyo ang buong istraktura. Palipit ang hugis ng pundasyon, hawig sa tornilyo maging ang napakalaking modulang sinusuportahan nito sa tuktok ay palipit din ang hugis. Mga dalawampung metro ang taas ng toreng itim. Ang modulang itim na hugis bilog na umiikot sa itaas ay may lapad na halos limampung metro. Kaunting sandali pa ay huminto sa pag-ikot ang bilog at patag na tuktok.


Sa itaas, siya'y tumingala at may nakita siyang bumubukas na lagusang pabilog. Lumiwanag ang  bilog na pintuan mula sa looban nito at pansing may bumababa sa riles ng hagdan. Labis ang pagkataka niya at pagkasabik sa nangyayari. Napangiti siya ngunit may takot at duda sa kanyang dibdib. Sumisibol naman ang araw sa gawing likuran, sa itaas ng burol kung nasaan ang bahay na asul, kaya't lalong kita na ang hugis ng bumababa. Pinatay niya ang flashlight. Sisigaw sana siya sa bumababa ngunit siya'y paos na pala. Natakot siya sa nangyayari sa kanya, napaatras siya at sinuri ang lalamunan, hinimas niya ito. Tumingala siyang muli at nangangalahati na ang bumababa. Naaaninag na ang wangis nito, hugis tao ito ngunit hindi ito tao. Isa itong maitim na robot na walang mukha. Mataas ang itim na dayo. May bitbit itong puting bagahe sa kanyang likuran. Kulay pilak ang makintab nitong katawan na may halong kulay asul ngunit nangingibabaw ang itim na kulay. Sa itsura nito, alam ng lalaki na isa itong nilalang na gawa sa metal, isang robot. Sa paos na boses, sinabi ng lalaki sa bumababa, "Sino ka? Sino ka?" ngunit hindi siya sinagot nito at patuloy ang pagbaba sa riles ng hagdan.


Pagdating sa dulo ng hagdan, ang robot ay nakalambitin, dahil may dalawampung talampakang taas ang dulo mula sa lapag. Nayanig ng bahagya ang kalupaan nang bumitaw siya at nagpahulog. Nang tumayo ito, lantad na mataas lang siya ng bahagya sa lalaki. May taas na anim na talampakan ang dumayong robot. Mukhang tao ang katawan nito maliban sa kapansin-pansing blangkong itim na mukha nito na may sumasayaw na liwanag. Tumayo lang ito sa kanyang harapan ng ilang segundo. Natakot man ang lalaki, napaatras lang siya ng bahagya at nanatiling nakatayo.


"Hello, Solo. Pril ang itawag mo sa akin." ang biglang iniwika ng robot na may boses lalaki. "Isa akong Bargaan, Sitrarya. Nandito ako para sa iyo. Naghintay ako ng matagal na panahon para dito. Ipapaliwanag ko ang lahat sa iyo, huwag kang mabahala. Makakasama mo ako ng matagal na panahon, mahaba pa ang oras natin." Sinuri ng robot ang lalaki, mula paa hanggang ulo. Takang-taka namang nakatitig ang lalaki sa nagpapalit na ilaw sa mukha nito. Nagsalita muli ang robot, "Samahan mo ako sa barracks. May ibibigay ako sa iyo". 


Habang nagsasalita ang robot, nagbabago ang liwanag sa madilim na tila'y pakurbang salaming mukha nito. May tumatatak sa mukha nito na animo'y sumasayaw na ilaw sa tuwing nagbabago ang tono at lakas ng boses. Maliban sa tono, siya ay hugis lalaking tao rin, may ulo, bilugang balikat, may limang daliri sa bawat kamay na may kahabaan, maging sa paa, ngunit ang mukha niya ay gawa lang sa itim na makinis na salaming pakurba at pabilog na may liwanag na parating nagpapalit anyo. Gawa sa makintab na metal ang mala-kaliskis na balat niya. Batid din ang pagkilos na normal nito na wangis sa tao.


"Sasabihin ko na ang totoo. Ang wika na lumalabas sa iyong bibig, ang lahat ng iyong kaalaman at naiintindihan ay galing sa akin," ang tugon ng robot. "Ikaw mismo ay galing doon, ginawa ka galing sa itaas". Tinuro ng robot na si Pril ang pabilog na tuktok ng tore. "Ang salita natin, ang wikang naiintindihan mo ay natatangi, ginawa lang para sa iyo. Tayong dalawa lang, sa ngayon ang nakaiintindi ng salitang ito. Ikaw, Solo ay kakaiba. Ikaw ay natatangi at hindi ako makapaghintay na ipaliwanag sa iyo ang iyong pagparito. Sa ngayon tanggapin mo ito."


Inabot ng misteryosong robot ang isang banig ng tsokolate sa lalaki. Agad naman itong inagaw ng lalaki at kinain. Nagmamadali itong lunukin ang unang pagkain na kinain niya sa loob ng ilang araw. "May mga dala pa akong pagkain, sa bahay ko na lang ibibigay, hindi dito." Sinabi ng robot ito sapagkat matirik ang mabatong dinaraanan nila paibaba. Sumangayon lang ang lalaki at magiliw itong tumakbo papalayo, papuntang bahay.


Tumakbo ang lalaki, paminsan minsa'y lumilingon pabalik at pansin niyang parang tao lang kumilos ang naglalakad na robot pababa ng lambak. Binilisan pa niya ang takbo hanggang makauwi siya, ibinato ang flashlight sa puting sofa. Nagmamadali siyang naglinis ng lamesa at mga plato habang pinapanood sa bintana sa buong pagkasabik ang paparating na robot. Nasasabik siya at hindi nag-aalangan, gawa ng matinding gutom. Maalikabok ang bahay mula labas hanggang sa loob. Sa labas, nakikita na ang bubong nito sa pagsibol ng araw ngunit natatakpan pa rin ito ng anino ng burol sa likuran nito.


Sa wakas, nakaabot na sa pintuan ang robot. Siya ang nakikitang lunas ng kumakalam na sikmura ng lalaki.


Binuklat ng robot ang puting bag nito at inilabas ang hamon, keso, letsugas, mga tinapay at isang bote ng gatas. Mabilis na inagaw ng lalaki ang tinapay. Mainam na kumain ang lalaking gutom na gutom. Masayang masaya siyang kumakain ng walang imik.


Samantala, ang robot na si Pril ay nakaharap lang sa kanya, nakaupo sa kabilang dulo ng lamesa. Nakalapag naman ang mga kamay nito sa mesa. "Pasensya na, hindi ko alam." ang sinabi ng robot sa lalaki habang pinapanood siya ng masinsinan.


"Hindi alam? Alin?" ang sagot naman ng lalaki sa paos at mahinang boses.


Napalitan ng berdeng liwanag ang nagpapalit-palit na ilaw sa pakurba at madilim na mukha ng robot, at sinagot ang tanong ng kausap, "Hindi ko alam na gugutumin ka bago ako bumalik."


"Bakit? Hindi ba't sabi mo ginawa mo lang ako? Galing ka dito, sa bahay, tama? Saan ka ba pumunta? Bakit ako nagugutom?" sagot ng lalaki habang kinakagat ang malambot na tinapay.


"Sa totoo lang, hindi kita ginawa. Nabuo ang katawan mo at memorya mo dahil sa akin, pero hindi kita ginawa." ang sagot ng robot. "Marami akong hindi alam sa katawan mo, nangangapa lang tayo sa dilim. Hindi ko alam na gugutumin ka. Hindi mo rin alam na kaya mo tinanong ito dahil ang abot ng aming kaalaman lang ang maibibigay namin sa iyo. Sa totoo lang, ang alam ko lang ay ikaw ang misyon ko. Ang tore sa labas, ay ang tinatawag na Reca, ang sasakyan na nagdala sa akin sa disyertong planetang ito. Hindi ito ordinaryong sasakyan, Solo, nagtataglay ito ng mga kahuli-hulihang impormasyon ng nakaraan na matagal nang nawasak at naglaho. 


Kaya nitong baguhin ang mga elemento, ayusin sa tamang pormasyon ang mga atomo ng mga materyal sa kalikasan gaya ng bato at mga mineral upang makabuo ng bagong anyo. Ang bahay na ito, ikaw, at ang pagkaing kinakain mo ngayon ay binuo gamit ang makinarya at kasangkapang programa ng Reca, pitong araw na ang nakakaraan. Ikaw ang huling inilabas nito.


Matapos kang ilabas ng pentagonong kristal, doon sa loob ng Reca, binuhat kita rito paibaba, hanggang barracks at iniwan kita ng walang malay sa puting sofa na nasa likod ko. Sinuri ko ang pulso, tibok ng puso at pag-hinga mo bago kita nilisan. Iyon ang mga unang oras ng paghinga mo bilang tao.  Hindi na kita hinintay magising dahil alam kong matatakot ka lang kapag nakita ako. Iniwan ko ang pagkaing inakala kong sobra pa sa iyo. Ang nag-asemblo at nag-sugo sa akin ay walang alam sa kaselanan ng katawan ng tao sa ugnayan nito sa kinakain niya. Ulitin ko na lubos akong humihingi ng paumanhin, Solo."


May tinititigan ang lalaki sa maliit na mesa sa tapat ng sofa, tumatango lang siya bilang sagot sa kausap. Nagpatuloy naman ang robot matapos ibalik ng lalaki ang atensyon sa kausap.


"Sa totoo lang, ang lahat ng alam mo, lahat ng nakikita mo sa bahay na ito, ang suot mong damit, ang memorya at kaalaman mo, ang bahay na ito ay nakabase sa mga kaunting natitirang kaalaman ng kabihasnan ng Quilax tungkol sa buhay ng makalumang sangkatauhan.


Inaasahan kong mahihirapan kang makita ako sa unang pagkakataon. Maaaring likas sa taong pagkatiwalaan ang unang makita ng kanilang mata, o kaya'y dahil sa gutom kaya sumubok kang magtiwala. Wala kang kailangang ipangamba, hindi kita sasaktan."


Saglit na huminto sa pagkain at tumayo ang lalaki, uminom ng tubig sa lababo at siya ay umupo, habang ngumunguya. "Kilaks?" ang tugon niya.
 

"Naniniwala ang iba sa mga Quillians, Solo, na ang mga tao, gaya mo ay ang gumawa ng lahi nila, ngunit hindi nila ito mapatunayan." ang patuloy ni Pril. "Ang lahat ng pamamaraan sa pagbuo ng tao, sa eksakto, natural, malinis, walang bahid at purong detalye, maging ang mga bagay na kailangan ng nilalang na ito para mabuhay ay nakalagay sa utak ng Reca, sa aking sasakyan. Walang nakahalo rito sa bahay ang hindi konektado sa tunay na nakaraan ng kabihasnan ng tao. Ako ang tagabantay at tagapangalaga ng sasakyang Reca. Kaya nitong mabuo ang ano mang bagay na alam nitong gawin gaya ng mga pagkain mo. Ang sangkap lang na kailangan ay instruksyon sa pagpapalit anyo at pagsasama ng mga atomo upang mapalabas ang ano mang nais nating isalin mula sa nakaimbak na kasulatang instruksyon hanggang sa mabuo ito sa aktwal na bagay, buhay man ito o hindi. Nandito tayo para ilabas ang mga sekreto ng Reca, Solo. Kapag ikaw ay handa na, ikaw ang magmamana ng Reca. Sa ngayon, nandito ako para sagutin ang lahat ng katanungan mo. Nandito ako para turuan at sanayin ka. Napakarami ng ating gagawin. Magpahinga ka muna, kawawang nilalang. Marami kang hindi nalalaman."


Napahinto ang lalaking kumakain na marumi ang kamay at bibig nito. Napatitig siya sa mukha ng robot, inilabas ang dinaramdam nito at paos na nagtanong, "Ki-Kilans? Kilaks? Anong Kilans? Anong lahi? Bakit sumakit ang tyan ko noong hindi nakakakain? Ano ka, Pril? Bakit, teka, paano tayo nakakapag usap? Bakit hindi ko maintindihan, napakarami kong alam, pero wala akong naalala kundi yung nagising ako dito, sa bahay na ito?" pinunasan niya ang sipon na tumutulo sa kanyang damit at nagtanong muli sa hirap at paos na boses. "Sabi mo iniwan mo ako, saan ka pumunta?"


Nakakunot ang ulo ng lalaki habang sinisinok ito. Nalunasan nga ang gutom ng nananakit na tyan niya, siya nama'y uhaw pa rin sa katotohanan.


"Noong iniwan kita, lumipad patungong buwan ng planetang ito ang Reca, may binalikan ako doon na kakailanganin mo. Sa ngayon, hindi kita masasagot sa lahat ng tanong mo, bukas kita sasagutin. Magpahinga ka, kakailanganin mo ang lakas mo. Ang masasabi ko lang sa ngayon, kailangan mong ipahinga ang katawan mo."


"Saan, ito?" Sabay kaway ang dalawang kamay ng lalaki, pinahihiwatig na tinutukoy niya ang lahat sa paligid.


 "Solo, ikaw ay nasa planetang Ares, planetang napakalayo sa pinagmulan. Planetang nakatutok sa bituing nakatago, at di kayang abutin ng mga instrumento ng mga Quillians at Penttos. Pinangalan ang planetang ito sa isang dakilang Quillian na siyang nakadiskubre nito. Siya rin ang nangarap at nagplanong ibalik ang lahi mo. Ang buwan ng planetang ito ay tinawag na Trewui, ipinangalan naman sa kanyang anak na babae, ang nagpatuloy ng kanyang pinaglalaban. Naniniwala ang dakilang si Ares na ang kanilang lahi, ang Quillians ay nanggaling at nagsimula sa tao. Naniniwala silang maging ang Penttos, mga naunang nilalang sa Quillians ay naunang ginawa ng mga tao sa kanilang makalumang laboratoryo. 


Naniniwala siyang marami sa mga tuklas na prinsipyo sa matematika at agham ay galing lamang sa mga tao, libo-libong taon bago lumitaw ang mga organikong nilalang gaya ng Penttos, Quillians at maging mga mekanikal na nilalang tulad ko. Ang lahat ay galing sa tao. Ito ang dahilan ng pagparito mo, maaaring pagtanaw ng mga mabuting nilalang ng utang na loob sa mga tao. Ang mga Quillians ay mga mukhang tao rin, kaparehas mo, gaya ng mga Penttos, pero mas matatangkad, mas maliliksi, at mas matatalino sila sa tao. Ang mga Quillians ay mas simpatiko sa mga tao. Mas mataas ng limampung pursyento ang utak nila sa iyo, sa mga tao. Sapagkat dinesenyo silang ganito, hindi gaya ng mga agresibo't oportunistang mga Penttos. 


Ayon sa turo ng dakilang Ares, ang mga Quillians umano ang huling nilalang na ginawa ng tao na base rin sa henetiko ng tao. Pakay nilang gawing tagapagtanggol ang mga Quillians laban sa Penttos at sa iba pang mapanganib na mga nilalang rin ng tao. Ang dugo, ang pinagmulang henetikong binago ng mga Penttos at Quillians ay galing rin sa tao, pinabuti pa ito sa kalagayang higit sa ano mang binuo ng tao sa kasaysayan. Kaya't ang mga sinaunang Penttos at mga makabagong Quillians ay mas malaki sa tao, hindi nagkakasakit, matatalino at hindi humihina. Mga mukha silang tao ngunit mahaba ang kanilang mga ulo. Hindi sila mahina at marupok gaya ng mga tao. 


Upang paikliin ang napakahabang kasaysayan, sa bandang huli, ang mga tao ay ginawang alipin sa loob ng apat na libong taon. Pinalaya sila ng isang Quillian, ang maawaing si Yuki Alrasing. Isa siyang dakilang Quillian sa mga tao ngunit kinamumunghian ng mga kapwa niya Quillian at maging mga Penttos na nakakakilala sa kanya. Ilang daang taon lang ang nakalipas, matapos ang pagpapalaya, inubos ang lahi ng mga tao ng mga Penttos. Inubos, pinatay lahat ng tao matapos matalo sa digmaan ang huling siyudad ng mga Quillians na nagsilbing huling tahanan nila. Saan man sila nakatago ay nahanap sila’t inubos. Naubos na ang sangkatauhan, Solo. Makalipas ang libo-libong taon, binago ang paniniwala ng lahat ng buhay sa ilalim ng Von-gorg, ang nag-iisang kaharian na namumuno sa bawat kolonya. Lahat ng Penttos at Quillians ay obligadong maniwala sa kasaysayang dikta ng Von-gorg. Binubura nila ang lahat ng bakas ng nakaraan na kaya nilang abutin. Matapos ang libo-libong taon, napadali ang pagpapalit ng tanggap na katotohanan sa sangkalahatan. May bagong kasaysayan na itinuturo sa lahat na taliwas sa katotohanan. Ngunit isang siyudad ng kabihasnan ng Quillax ang may ibang sinasabi, naniniwala silang ang extinct, ang ubos na lahi ng mga tao ang siyang gumawa sa mga Quillians at maging ang mas matandang lahi na Penttos.


Libong taon lang matapos mamatay ang huling tao, limot na halos ang kasaysayan nila. Ang alam ng lahat, ang mga Penttos ang pinanggalingan ng mga Quillians at ng mga tao. Hindi ito ang katotohanan ngunit bawal itong kontrahin. Isang siyudad-kolonyal ang nag-iisang ligtas na tahanan ng kasaysayang pinaniniwalaan naming tunay."


"Saan galing ang tao? Anong ibig sabihin nito?" tanong ng lalaki.


"Ang lahat ay galing sa tao, base ito sa matandang aral ng sinaunang Quillian, na isang Ares ang pangalan. Siya ay nanirahan sa planetang Soel. Sa kanya pinangalan ang disyertong planetang ito, ang planetang Ares. Namuhay si Ares sampung libong taon na ang nakalipas ng maubos ang mga taong niligtas ni Yuki Alrasing." sagot ng robot.  "May ina-angkin ang isang siyudad, higit sa dalawang libong taon na ang nakalipas sa panahon naman ng paslangin si Ares. Siyudad ito na matagal na ring nawasak. Siyudad na tinatawag na Hiitan, na matatagpuan sa buwan ng Zad-ark. Ang buwan na ito ay pinangalan sa isang Hari ng Penttos. Binuo ng mga Quillians ang Hiitan. Ang buwan na Zad-ark kung nasaan ang sagradong lungsod ng Hiitanites ay libo-libong taong tinatawag na Titan bago baguhin ang pangalan nito sa dikta ng mga Penttos. Isa ito sa mga buwan ng planetang Saturn. Ang mga Hiitanites ang nagsilbing tagapangalaga ng sekreto ni Ares. Ito ang lahat ng kanyang mga tuklas, kasama rito ang DNA ng tao, maging ang mga natitirang impormasyon tungkol sa buhay at kabihasnan nila. Ang lahat ng ito ay nakatago sa isang Lungsod-kolonyal na Hiitan. Gumawa sila ng maraming kopya ngunit lahat ay nawasak nang sa bandang huli ay wasakin ang kabihasnan nila. Isang kopya lang ang natitira at ito'y nasa pangangalaga ng Reca! Ang Tore sa labas kung saan mo ako nakitang lumabas. Ako ay nakasisiguradong nag-iisa na lamang ito. Ang hiyas ng kabihasnan ng lahi mo ang dinala ng aking sasakyan sa karagatan ng mga bituin, ang antikong buhay na ala-ala ng sangkatauhan, ala-ala ng nakaraang halos alamat na lamang kung turingin. Burado na sa kasaysayan ang lahi at kabihasnan ng mga tao, marami ang duda kung tunay ang kwento ng nakaraan nila. Napakarami ng nasawi, Solo, nag-alay ng buhay maprotektahan lamang ito. Itong inaalagaan ng Reca sa loob ng daan-daang libong taon sa kaluwangan ng kalawakan ay mahigpit kong binantayan. Hanggang sa marating natin ang planetang ito, ang Ares, ang ating pakay."


"Wala akong maintindihan." sagot ng lalaki.


Mula sa bag, nilabas ni Pril ang toothpaste, toothbrush, sabon at shampoo. Biglang nag iba ang kulay ng liwanag sa mukha ng robot mula berde hanggang maging asul, "Heto, maligo ka na, ipagpatuloy mo na muna sa ligo iyan." tinuro ng robot ang putikang damit ng lalaki. 


"May dala kang toothpaste?" tugon ng lalaki.

Humagakgak sa tawa ang robot sa reaksyon niya. Mukhang hindi nakikinig ang lalaki. Napalitan ng pakurbang liwanag ang sumulat sa mukha nito. Tumawa rin ang lalaki, para bang nadala sa reakyon ng robot. Tumayo na siya, humikab at agad na nagtoothbrush at naligo pagkatapos.




III



Matapos maligo ng lalaki, nasurpresa siya sa malinis na paligid sa labas ng banyo. Hindi na maalikabok ang bahay. Nakita niya sa labas na kinukumpuni ng robot na si Pril ang pintuan, nilalagyan niya ito ng pintong salamin. May salamin na rin ang bukas na bintana. May dalawang bilog na dilaw na ilaw ang gumuhit sa mukha ni Pril na animo'y mga mata habang nagkukumpuni ito mula sa labas. Maliwanag na rin sa labas. Ang sinag ng araw ay paunti-unting nakakapasok sa lambak na kinatitirikan ng bahay.



Napansin rin niya ang pulang twalya sa puting sofa. May mga bagong gamit naman sa kusina. Dinampot ng lalaki ang twalya at pumasok sa loob ng kwarto. May mga iba't ibang uri ng damit sa kabinet, napatingin siya sa labas kung nasaan ang robot bago damputin sa kama ang dilaw na t-shirt at isuot ito. Humiga at natulog ang lalaki ng ilang oras.



Pumasok sa loob ang robot, siniyasat niya ang pinto. Patuloy itong nangumpuni at bumabalik paakyat ng lambak, paakyat ng tore ng Reca at ibinababa ang mga gamit mula rito.



Makalipas ang ilang oras, lumabas ng kwarto ang lalaki. Ibinabalik ng robot sa pwesto ang malaking painting ng babaeng may pigil na ngiti na nabasag ang salamin sa pagyanig ng lupa kagabi. Maayos na itong nakasabit na para bang walang nangyari. Inilipat niya sa tabi ng imahe ng babaeng nakapiring ang musicbox na nakabagsak sa sahig. Tila'y nagbuntong hininga itong parang tao at umupo sa upuan sa tabi ng mesa.



Samantala, tumingin naman ang lalaki sa isa sa mga maliit na kwadro, may larawan ng dalawang lalaking nakaputi na nagpapaligsahan sa larong fencing. Ang isa sa dalawa ay walang suot na proteksyon sa mukha. Ang isa naman ay nababalot ng itim ang mukha nito na hawig ng robot.



Tumingin sa paligid ang nakaupong robot at nagsalita, "Halika, tuturuan kitang magluto." tumayo ito, kumuha ng itlog sa refrigerator at binuksan ang lalagyan ng gamit sa kusina.



Siniyasat ng binatilyong tao ang kanyang memorya, habang ito'y nagkakamot ng ulo. Natuklasan niya na may kaunting alam siya sa pagluluto. Siya'y napatingin sa malayo at napa-isip. Nakatingin ang robot sa kanya, kinuha ang sandok at nagprito siya ng itlog habang nanonood ang lalaki.



"Teka," sabi ng lalaki, "paano ko alam ang lahat ng ito, ang salita ko, ang itlog na niluluto mo, ang kahulugan ng salitang luto, ang pabrika kung saan galing ang itlog" lumapit siya, napakamot ng ulo at nagpatuloy, "paano ko alam gamitin ang sabon at sipilyo kahit pa wala akong naaalala na tunay na gumamit na ako nito dati? Naisip ko ito kanina sa loob ng banyo. Paano nangyari ito? Hindi ko maintindihan ang nangyayari." Nangangamba ang lalaki sa maaaring maging reaksyon ng robot sa mga tanong na inilalabas niya.



Humarap sa kanya ang robot na may bilog na kulay orange naman na liwanag ang gumuguhit sa kanyang mukha at nagsalita, "Itinanim sa iyong utak ang mga yan ng diwa ng Reca, siya ay si Sliin, makikilala mo siya balang araw. Wala siyang pisikal na katawan di gaya ko at naroon siya sa itaas ng Reca." sabay turo sa toreng itim sa malayo na kita sa bintana gamit ang sandok.



"Pwede mo bang sabihin sa akin kung sino ako?" tanong ng lalaki.



"Ah... Ikaw ay tao. Solo... ang tawag sa iyong uri. May napakahabang kasaysayan ang pagparito mo, ang alam ko lang, kailangan kitang buhayin. Ang unang kabanata ng misyon ay naganap na, buhay ka. Ngayon, tuturuan kitang mabuhay."



"Sino ako? Ikaw si Pril, ako, sino ako? Anong pangalan ko? Ano ang nakaraan ko? Saan ako galing? Tinatanong ko ito sa sarili ko sa unang araw ng paggising ko. Sino ako? Makakahanap ba ako ng sagot sa iyo?"



"Hmmm sandali," sagot ng robot at humarap ito sa kanya. "Hindi madaling sagutin iyan sa salitang maiintindihan mo. Ang kasangkapan ng iyong katawan, ang bawat molecules sa katawan mo ay galing sa buwan ng planetang ito, ang Trewui. Ngunit ang instruksiyon at detalye ng paggawa sa iyo ay galing sa Soel, planeta na dati'y tinatawag na Mars. Doon din nakatira ang dakilang Ares na ikinuwento ko sa iyo."



"Anong pangalan ko Pril? Saan ako galing? So-el?"



"Hindi ka nakikinig, Solo. Wala kang pangalan. Kung gusto mo, ikaw, gumawa ka ng pangalan mo. Nakaraan? Ang DNA mo, ang henetikong instruksyon ng pagbuo sa iyo, ang dugo mo, ang pinagmulan mo ay isinaayos at inalagaang purong DNA ng tao sa pulang planetang Soel, daang taon matapos mamatay ang dakilang si Ares. May mga Quillians noon na naniniwala sa teorya ni Ares, ngunit hindi lahat. Matagal na panahon na yun simula noong namatay ang kahuli-hulihang tao. Ang lahat ng katotohanan tungkol sa kabihasnan ng tao ay hindi na malinaw at tiyak, kaya't nilikom nila sa Soel ang lahat ng relika ng nakaraan na inaral pa ng dakilang Ares. May mga kumpletong instruksiyon na nakasalin sa wika ng matematika ng pagbuo ng tao ang nailigtas ng mga tagasunod ni Ares.



May panahon sa malayong nakaraan, sa pagitan ng taong 2140-2195, may umaapaw na impormasyon tungkol sa buhay ng tao. Panahon kung kailan naging kasanayan sa planetang Earth na ang mga mayayaman, mga maimpluwensyang tao at ang mga tinuturing na may halaga sa kasaysayan ay nagpapadala ng sonda o probe na may instruksiyon ng pagbuo ng kanilang katawan. Ang iba ay may taglay na ala-ala ng kilalang taong namayapa. Pinalilipad ito palabas ng Solar System, ang sistemang pinagmulan. Nagkalat ang mga Sonda na ito. Ang Solar System ay ang sistema ng bituwin na tinatawag na araw kung nasaan ang Earth, ang pinagmulan ng lahat ng mga nilalang. Sa Earth nagmula ang mga sinaunang uri ng robot na katulad ko. Ngunit mas nauna pa sa panahon ko ang mga sonda ng mga taong ikinalat ang mga ito palabas ng sistemang bituin. Ginagawa nila ito sa iba't ibang kadahilanan, karamihan dito'y may kinalaman sa pagbigay parangal sa taong namayapa.



Marami ang mga ganitong uri ng sonda ang naglalakbay sa kalawakan ang nailigtas at naitago ng mga Quillians ng Soel sa mga nagnanais sumira. Pinag-aralan nila ang mga ito. Matapos ang ilang siglo ng digmaan, itinago ang mga relikang impormasyon tungkol sa mga tao sa Hiitan, sa buwan na Zad-ark. Hindi na sa pulang planeta nakaipon ang mga ito, sa Zad-ark na lamang ligtas itong itago. Mula sa isang libong nailigtas, mga limampu na lang ang natira sa mga sonda. Ito ang  panahon ng mga Hiitanites ng lungsod ng Hiitan, ang huling tahanan ng punla, ang hiyas ng lahi at ala-ala ng kabihasnan ng mga tao. Noon pa man muntik nang nawasak ng tuluyan ang pag-asang maibalik ang lahi ng mga tao.



Ikaw ay galing sa isa sa mga sonda na ito, daan-daang libong taon na ang nakakaraan. Sa madaling salita, ang instruksyon sa pagbuo ng ikaw ay masusundan ang pinagmulan-- ang Earth, ang ating tahanang planeta mismo. Tahanan. Nakatutuwang isipin na tinatawag ko pa rin itong tahanan. Ngunit ako rin, maging ang mga gumawa sa aking lahi na mga Quillians ay hindi pa nakita ang Earth o nakalapit man lang dito. Instruksiyon lang ng pag-gawa, mga patong patong na helera ng mga numero na nakaimbak sa tuusan ang kailangang iligtas at maibabalik ang lahi ng taong pinaniniwalaan naming pinanggalingan ng lahat. Ikaw na ang katuparan nito, Solo. Sa ganitong paraan din naibalik ang mga pagkain at kagamitan na mga ito, binuo ng Reca mula sa mga atomo ng planetang Ares, mula sa instrukyon na bitbit ng Sonda. Ang alam ko lang ay nagiisa ka na lang sa uri mo. Ang lahat ay matagal nang nasira. Ikaw ang nag-iisa at natitirang tao sa buong kalawakan. Ang unang taong buhay sa loob ng halos isang milyong taon."



Tumunog ang orasan sa tabi ng sangkalan at maayos na inilagay ng robot na si Pril ang lutong itlog sa ibabaw ng tinapay. "Kumain ka." ang sabi niya.



"Ikaw, hindi ka ba kumakain? Ano naman ang istorya mo?



Saan ka naman galing, Pril?" tanong ng lalaki.



"Isa akong Bargaan, Sitrarya. Bargaan ang uri ko at Sitrarya naman ang tawag sa modelo ko. Hindi ako kumakain, Solo. Isa akong antikong robot. Napakarami na ng mga nagsunurang henerasyon ng Bargaan at iba pang klase ng Robot ang mas angat ng di hamak sa teknolohiyang taglay ko. Hindi ako kumakain gaya mo, sa halip, kumukuha ako ng enerhiya mula sa Reca at bahagyang nakakakuha sa araw. Gaya mo, wala na ring tulad ko, nag-iisa lang ako. Dati ay umabot kami sa bilang na dalawampung bilyon, kapag luma na, pinapalitan kami ng bagong modelo. Kami ay mga tagapagsilbi sa mga Quillians. Ang mga Hiitanites ang naglagay sa akin sa sasakyan ng Reca. Sa aking paglikas, wala akong malay na dala dala ang kautusan na protektahan ang punla, ang dala kong restos, ala-ala ng sangkatauhan. Dati akong naninilbihan sa isang dakila at mabuting Quillian, isang Hiitanite. Tinatawag siyang Apob. Sa simula ng aking paglalakbay, ang alam ko'y sa sistema ng bituin ng Aoinis ako ipapadala. Hindi ito gaanong malayo sa pinagmulan. Sa loob ng dalawangdaang taon ako ay nanaliksik at inaral ang sistemang ito. Ako ay sumunod sa plano na ipinagutos sa akin. Hanggang sa matapos ang misyon ko doon. Pauwi na sana ang sasakyan ng bumuklat mula sa Reca ang isang sekretong mensahe, ang sekretong misyong nakabaon sa pinakasulok ng diwa ng Reca. Ito ang tunay na pakay ng paglunsad sa akin sa kalawakan.



 Ang mensahe, ang misyon ay ang iligtas ang Reca sa lahat ng nagnanais sumira dito sa kahit na anong mangyari. Ako lamang at si Sliin ang pinadala upang hindi maging kahinahinala. Kailangan kong dalhin ang punla sa di kilalang sistema ng bituin, sa ubod ng layong bituin. Dito sa sistema ng Ares nakatandang tumungo ang Reca, sa planetang ito, sa planetang Ares. May higanteng bituin ang tumatakip dito mula sa direksyon ng ating araw kaya't di ito tanaw sa malayo, maliban na lang kung sasadyain itong tutukan. Noong panahong yun, noong natuklasan ko ang sadyang pakay ko, matagal nang mga patay ang mga nagpadala sa akin sa Aoinis. Libo-libong taon ang paglakbay sa halos walang katapusang kaluwangan ng kalawakan. Simula pa lang, ang sasakyang pangkalawakan na tinawag na Reca ay nagpanggap lang na manunuklas ng malayong bituin.



Mula roon, mula sa star system ng Aoinis, binigay sa akin ang destinasyon. Isang dwendeng bituin na nagtatago sa malaking bituin, na malayo sa kayang abutin ng mga maaaring maghanap sa akin. Mula noong ilahad ang sekretong mensahe, katulad ng utos sa akin, ang sasakyan ay nilagay sa tahimik at palihim na kalagayan upang hindi matagpuan o makita ito sa kalawakan. Naputulan ako ng ugnayan sa pinanggalingan. Hindi naglalabas ng signal ang Reca, habang ito ay naglalakbay sa kalawakan sa kakaibang bilis ngunit patuloy naman itong sumasagap ng signal. Dahil sa limitadong enerhiya naman, may mga ilang beses sa bawat walong libong taon lang ako kung gumising sa pagkakapatay, sa bawat pag-gising ko, kinukumpuni ko ang ano mang bahagyang nasira sa Reca, binabalita sa akin ng diwa ng Reca ang mga bago at huling balita sa pinagmulang sistema. Base ito sa mga nasasagap na signal ng Reca sa kalawakan.



Ang sasakyan ay naglakbay ng daan-daang libong taon. Sa bawat pag-gising ko, napakarami ng pagbabago sa pinagmulan, nasasagap ito sa mga nakawalang signals na malayang naglakbay sa kalawakan. Kaya't alam ko at naitala namin ang mga kaganapan simula noong lumisan ang sasakyang itim mula sa sistemang bituin, ang Solar System na tahanan natin. Bawat libong taon, ang sistema ng komyunikasyon o uri ng wika kung gusto mo, na gamit sa pinagmulan ay nagbabago, nagpapalit at nagiging kumplikado. Umabot sa punto na di sapat ang teknolohiyang taglay ng Reca upang maintindihan ang kumplikadong signals. Binantayan ang mga pagbabagong ito ni Sliin. Mula roon, sa kaluwangan ng kalawakan, nalaman ko kung paano pinagpapatay at inubos ng mga Penttos ang mga natitirang Quillians, habang sila mismo ay naglalaban sa isa’t isa. Ang lahi ng pinagsilbihan kong mga amo, ang lahi ni Apob ay di na muling makikitang nabubuhay at humihinga saan mang dako ka pumunta, gaya rin ng tao. Sila'y naubos rin sa loob ng Apatnapu't apat na libong taong namuhay sa ilalim ng sinag na araw. Makailang beses rin silang nagpabago-bagong anyo at kultura, depende kung saang dako sila napadpad. Ngayon ay matagal na silang naglaho at ubos na."



Huminto ang robot sa pagsalaysay sa mga nangyari sa nakaraan. Tapos nang kainin ng lalaki ang itlog at tinapay. " Tara!", ang bigkas ng lalaki. Bitbit ang baso ng tubig, sabay silang lumabas sa bagong kabit na pinto ng asul na bahay.



"Gagamutin ko ang sugat na yan." wika ng robot, habang hinahawakan at inaaral ang sugat ng binata sa kanyang kaliwang siko.



Pinanood ng lalaki mula sa tapat ng bahay ang robot na umaakyat patungo sa itim na tore, sa Reca. Pag-akyat ng dalusdos, sa tapat ng tore, kahanga-hangang natalon ng robot ang dalawampung talampakang taas ng hagdan at umakyat naman siya mula rito patungo sa tuktok ng tore, doon sa bilog na tila'y tahanan nito.



IV



Ang mabatong libis patungo sa tore na tinawag na Reca ay may mahabang hagdan na, gawa ito sa pinagdikit-dikit na bato. Ito ang matyagang ginawa at tinapos ng lalaki at ng Robot na si Pril sa loob ng tatlumpung araw. Tinubuan na ng maiksing balbas ang lalaki at humaba ng bahagya ang buhok niya. Pumangit ang dati'y makinis na balat sa mukha niya gawa ng pagkalantad nito ng madalas sa labas. Suot niya ang maputlang asul na mahabang manggas na dati pa niyang damit. Sila ay abalang gumagawa ng daang patungo sa hagdan mula sa asul na bahay. Habang tinutulak ng lalaki ang karitong bakal, nagpahiwatig ito ng pagkapagod.



"Pwede ba tayong huminto muna at pumasok ng bahay?" sabay punas sa pawisang noo.



"Sige, pwede na muna ito," sabi ng robot. "Ipagpatuloy na lang natin ito bukas."



Nakatirik ang araw at napakainit sa labas. Binuksan ng lalaki ang Aircon. Dinampot niya ang itim na bola sa ibabaw ng TV na tinawag nilang Magic8Ball at inalog ito. May lumabas na sulat sa puting tatsulok nito.



"Ano ito? Ano ang sinasabi?" tanong ng lalaki.



"Hindi ko rin maintindihan ang sinasabi ng bola. Ang lahat ng lenguahe ng tao at pagsulat ay wala na, extinct na noong madiskubre ang instruksyon, ang sangkap sa pagbuo ng Magic8Ball. Walang nakakaalam sa kahulugan ng mga teksto na inilalabas ng bolang itim na yan ngunit isa yan sa mga alam nating imbento ng sinaunang tao. Ang tiyak lang ay naglalabas ito ng random na sagot sa mga tanong mo tuwing inaalog ito. Isang uri ng palipas oras at munting libangan lang ng tao ang gamit nito."



Umupo sila sa harap ng mesa at nagsimulang asemubulohin ng robot ang mga piyesa ng backgammon.



"Alam mo ba, naimbento ng mga tao ang larong ito, libo-libong taon na ang nakalipas? Noong panahong natuto ang taong magtanim at gumawa ng sariling pagkain. Bago pa man mabuo ng tao ang unang mala-taong robot na nagsasalita at kumikilos na parang tao. Isa ito sa pinakaunang laro ng tao. Minana ito ng mga Quillian kaya’t nailigtas ang paraan ng paglalaro nito."



"Talaga?" ika ng lalaki habang binobola niya ang mga dice gamit ang kamay. Sa panahong ito, naiintindihan na ng lalaki ang konsepto ng panahon. Marami-rami na rin siyang natutunan mula sa robot. "Matanong ko lang, saan galing ang tubig natin, at kuryente ng ilaw?"



"May tubig sa ilalim ng lupa sa planetang ito. Hinukay ko ito gamit ang mga binuong instrumento ng Reca noong wala ka pa. Kaya narito sa ilalim ng lambak ang bahay dahil narito tayo sa pinakamalapit sa tubig. Ang enerhiya, ang kuryente ay galing sa sinag ng araw na nainiipon sa bubungan at pader ng bahay na ito. Ang enerhiya ay nakaimbak sa mga baterya na pumapaloob sa mga dingding ng barracks. Ang enerhiya na nakaimbak ay ginagamit natin sa lutuan, aircon, refrigerator at ilaw sa gabi."



Araw-araw, nadaragdagan ang natutunan ng lalaki sa kasamang robot at bahagyang naiintindihan na niya ang nangyayari.



"Sa unang araw ko dito, hindi ko agad naramdaman na mag-isa." wika ng lalaki. "Bakit kaya? Alam ko ang kahulugan ng kaibigan. May naaalala ako sa isip ko, mga tao, nagtatawanan, nagsisikanta. Pero malabo, hindi ko maaninag ang mukha nila. Parang masaya ako, sa gawa ng ala-alang ito. Hindi ito tunay?"



"Kaibigan?" Tanong ng robot. "Gaya ng sabi ko, artipisyal na memorya ang nasa isipan mo, ngunit may pagkakahawig sa natitirang nalalaman natin tungkol sa uri ng nilalang, ang tao."  May puting guhit na ilaw sa gawing bibig ng pakurbang mukha ng robot ang tila'y umaalon depende sa lakas at tinang ng tono nito kapag nagsasalita.



"Oo, kaibigan, kasama. Ikaw ba, kaibigan ba kita?" ang dagdag ng lalaki.



"Ano ang mas gusto mo, ang katotohanan o ang makapagpapasaya sa iyo?"



"Ang katotohanan.



Malungkot kasi ako, kahit pa naglalaro tayo ng chess, naglalaro ng cards, nagkwekwentuhan, gusto kong makahanap ng katulad ko, isang tao na may mukha. Gaya nila." tinuro ng lalaki ang mga larawan sa frame ng mga tao sa pader.



"Sabihin ko ang totoo. Hindi ako tao na gaya mo. Wala akong dugo, hindi ako nasusugatan at hindi nagkakasakit. Nagsasalita ako, nakakasagot sa mga tanong pero sa likod ng madilim na mukhang ito ay walang buhay. Ang tao ay may malay, alam niya sa sarili niya na siya ay narito, buhay, nakapag-iisip ng kanyang pagtatapos, natatakot sa kaalamang balang araw siya'y mamamatay. Isa lang akong komplikadong calculator, nakakapagsalita, nakakapagbilang, kumikilos at maraming nalalaman. Parang Magic8Ball na sumasagot sa tanong, nagbibigay ng opinyon pero walang buhay gaya ng mga bato sa labas. Gaya ng calculator o Magicball, kahit buklatin mo ito'y madidiskubre mong wala itong buhay at kamalayan. Nag-iisa ka pa rin, isa lang akong ilusyon, kaibigan mo ngunit walang buhay, hindi gaya mo. Isang buhay na nilalang. Nag-iisa sa iyong uri."



Hindi ito maproseso ng lalaki sa kanyang isipan, hindi niya maisip na posible ang nilahad ng robot sapagkat tugma sa tao ang kilos at pananalita nito.



Tumayo siya at lumapit sa magkakadikit na picture frames sa pader. Tinitigan niya ang larawan ng isang Asyanong pamilya na may isang babaeng anak."



"Dati silang buhay?"



"Oo. Matagal na panahon na, sa planetang Earth. Ang planeta na pinagmulan ng lahat."



"Ano ang kwento sa kanila?"



"Walang nakakaalam. Nakuha ng mga Penttos ang mga datos na yan sa sa isang sasakyang pandagat na sira at luma. Binuo ng Reca ang larawan at frame mula sa mga lumang datos na ito."



"Ayaw kong maglaro ngayon, ayos lang ba?" tanong ng lalaking nakasimangot. Nilapag niya ang pulang dice.



"Ano man ang gusto mo." sagot ng robot.



“Nakakalungkot lahat ng kwento mo, lahat ay luma at naglaho na.”



Naglakad at tumungkod sa likuran ng luklukan ang lalaki at nagtanong, "Ano ang mga Penttos? Sino sila?"



"Ipapakita ko sa iyo. Umupo ka" umupo naman ang lalaki sa harap niya.



V



May liwanag na puti, hugis singsing ang gumuhit sa mukha ng robot na si Pril. Pagkatapos ay naging diretso at nakatayong parihaba ang hugis. May imahe ng higanteng reptilya ang nabuo sa mukha niya. Nanlaki ang mata ng lalaki sa nakitang lumabas na imahe sa mukha nito. Biglang kumilos ang imahe na tila hologram palabas ng mukha ng robot.



Lumabas rin ang gumagalaw na higante at mukhang halimaw na aso. Umiilaw ang mga mata nito. May tusok tusok na balahibo sa likod at halos kasintaas ng tao ang halimaw. Pinakita rin ang parang dragon na nilalang, may pakpak at umiilaw ang mga mata at mga lumiliwanag na bakas ng hugis bilog sa balat nito. May mga ibong lumiliwanag ang balahibo.



"Ang mga ipinapakita ko ay mga tunay na nilalang, nilalang sila ng tao sa iba't ibang kadahilanan gamit ang makalumang paraan ng pagtuklas sa henetiko. Tinawag ang mga nilalang na itong Diods. Karamihan sa dahilan kung bakit sila ginawa ay may kinalaman sa alitan, sa digmaan at sa mga palakasan ng mga makapangyarihan. Sila ay ginagamit bilang makabagong armas pandima na kayang tukuyin sa saktong detalye ang target na papaslangin. Ang iba sa mga dambuhalang nilalang ay ginagamit naman bilang paraan ng transportasyon, ang maliliit ay taga-linis ng mga daluyan ng tubig o dumi. Sila rin ang umubos sa lahat ng nilalang na tinatawag na daga, na nagtatago sa mga higanteng tubo. Pinaguubos ng mga ito ang lahat ng natitirang natural na kahayupan at halaman sa kalupaan. Hindi sila napigilang magbagong anyo at magparami."



Patuloy na nagpapalit-palit ang mga imahe sa mukha ng robot. May mukhang ahas na sobrang laki, malikot at may napakahabang pangil. May napakaraming ibon na may kaliitan ngunit dumudura ng asido. May maliliit na isda ang nawawala, nagiging invisible at naglalabas ng malakas na kuryente sa katawan nito.



"Sa panahong ito, may iisa nang gobyerno na namamahala sa lahat, sa mundo at sa labas. Wala na ang namamatay sa sakit at katandaan." patuloy na naglahad ang robot. Napalitan ng mga imahe ng tao ang nasa hologram. "Hindi napigilan ang agresibong mga tao na nagnanais mamuno sa lahat na gumawa ng mga nilalang na may dalang peligro sa kabuhayan ng tao. Naging mapanira ang mga Diods. Ang mga hindi agresibo ay inuubos ng mga mas agresibo. Gumawa ng mga mas brutal na mga robots ang tao bilang proteksyon at tagabantay laban sa Diods, ngunit kinakaya at nauutakan lang ito ng mga nilalang. Kahit ang nga metal nilang katawan ay di kinaya ang mabibilis at maliliksing Diods. Ang mga Diods ay kinayang pagbutihin ang sarili, sila'y nagbabago ang anyo at mas bumibilis, lumalakas at nagiging matagumpay sa pagwasak sa mga gawa ng tao. Nabigo ang mga pinuno ng mga tao sa pagsupil sa pesteng kanila ring ginawa hanggang sa maging desperado sila at bumuo ng nilalang na mas matalino sa tao, base sa henetiko ng tao, ang unang bersyon ng Penttos. Nilalang na mataas, matalino at maliksi. Sila ang inaasahang sasalba sa Planeta at sangkatauhan."



Pinakita sa hologram ang mukhang taong nilalang na may mahabang ulo at may magkahiwalay na naglalakihang mata.



"Sa umpisa'y sanay silang maging masunurin. Nakabuo sila ng mga mekanikong mga nilalang, mga robots na angat sa teknolohiyang gawa ng tao. Sila mismo ay sinasabak sa digmaan, sila mismo'y namuno sa mga ginawa nilang robots upang ubusin ang mga nilalang na Diods. Kapag matagumpay, sila ay luluhod sa harapan ng mga panginoon nilang mga tao, pupurihin. Pagkatapos ay ipapasok sila sa loob ng higanteng gusali kung saan lihim na naghihintay ang katapusan nila. Pinapa-asa silang ireretiro kasama ang mga kauri nila kung saan may babaeng Penttos na naghihintay sa kanila. Walang nakakaalam kung paano sila pinapaslang matapos gamitin. Hindi nila kilala ang isa't isa, ang kapwa o kauri nila. Wala silang malay na napakarami sa hanay nila ang pinapatay ng mga sariling pinuno nila na pinagsilbihan. Sila ay matalino ngunit bulag sa katotohanan. Gumagawa lang ang tao ng mga lalaking Penttos na hindi maaaring magparami. Wala silang pangalan, mga numero ang tawag sa kanila."



May imahe ng dalawang Penttos ang lumabas sa hologram.



"Sila ang binansagang Gemini. Matapos nilang makipagbakbakan sa Diods na tinawag na Trinokus, sila ay napatibong at nahuli ng nilalang. Isang ampibyan si Trinokus. Nakakapagsalita ito at mula sa barkong pandigma na kanyang tirahan, ibinulgar niya ang katotohanan. Ang mga Penttos ay ginagamit lang at pinapatay ng mga tao kapag sila ay nagwagi sa kanilang misyon. Hindi sila dinadala sa lugar kasama ng mga kapwa nila salungat sa kanilang inaasahang gantimpala. Pinakita ng nilalang na ampibyan sa pamamagitan ng hologram ang ginagawang pagpasok sa lagusan ng mga Penttos na natapos sa serbisyo. Ang mga Penttos ay pinapatulog hanggang mamatay at tinutunaw pagkatapos.



Tinuro ng nilalang na Trinokus ang paraan ng paggawa ng Penttos gamit ang henetiko nito. Sila ay pinalaya ng ampibyan at nagtagal sila ng ilang araw kasama ito.



Mula roon, ang dalawang Penttos ay pinakawalan ng nilalang na Trinokus. Umuwi sila sa kanilang kanya kanyang mga amo, ngunit imbes na kinupkop, sila ay pinarusahan sa pagiging talunan. Nais ng kanilang mga pinuno na mapatay nila ang ampibyan ngunit nabigo sila sa kanilang misyon. Dahil sa sinabi ng ampibyan na Trinokus, hindi na sila napalagay. Parehas silang nakatakas sa tiyak na kamatayan at pinagpapatay nila ang mga taong bumihag sa kanila. Nakaprograma ang mga lumilipad na robot nila na iligtas sila sa piitan. Naging alamat ang imposibleng pagkakatakas nila sa bantay saradong piitan. Maging ang ibang Penttos ay hindi sila binali-wala, hinarang sila nito ngunit ipinaglaban nila ang kanilang kalayaan. Tumalon sila sa napakataas na tore at bumagsak sa tubig. Nagkita ang dalawang gemini na Penttos sa isang abandonadong barko. Bitbit nila ang punlang nakaw galing sa laboratoryo ng mga tao, mula dito binuo nila ang unang Penttos na may magkakaibang kasarian."



Lumabas sa hologram ang imahe ng mga digmaan habang naglalahad si Pril.



"Sila ay nagparami at nag-aklas. Mabilis nilang napatalsik sa pwesto ang Hari ng mundo.  Ito ang katapusan ng paghahari ng tao. Napakarami ng bilang ng mga namatay. Bawat dako ng daigdig, walang tigil ang bakbakan. Napatay man ng tao ang gemini, silang Penttos naman ang nagwagi sa huli.



Sa umpisa, nagkaroon ng pag-asa ng kapayapaan. Maraming alipin ang pinalaya, tao man o Penttos. Naging kolonyal ang mga Penttos, kung nasaan sila, naroon din ang mga tao. Sa planetang Mars, ang mga Penttos ay nagpalit itsura na angkop sa nipis ng hangin at hina ng gravity nito. Pinalitan nila ang sangkap ng hangin ng Mars. Matapos ang ilang siglo, nagkaroon ng alitan sa pagitan ng mga tao at Penttos. Mula sa Mars, sa planetang tinawag nang So-el, binuo ng tao ang mga Quillians upang protektahan sila nito sakaling lusubin sila ng mga Penttos."



Napalitan ang imaheng nilalabas ng hologram ng mukhang tao na may kahabaang ulo at maliit na mata.



"Sa umpisa, ang mga Quillians ay simpatiko at tapat sa mga tao. Sila ay dinesenyo upang maging kakampi ng tao. Sila ay may kakayahang maawa at lumungkot gaya ng tao. Hanggang sa magkaroon muli ng malawakang digmaan. Sa panahon na ito, matagal nang sira ang planetang Earth na tahanan ng lahat ng tao. Naging nuclear wasteland ang buong planeta, ang temperatura nito ay higit pang maiinit sa planetang Venus. Organiko man o mekaniko ay hindi mabubuhay dito. Ang mga nilalang ay umaasa sa mga artipisyal na kolonya na nakapalibot sa Solar System. Mga kolonyang binuo ng mga mekaniko para sa mga Penttos o Quillians na pinagsisilbihan nila."



Biglang namatay ang palabas at naging blankong itim ang mukha ni Pril.



"Bakit ako mahalaga sa mga Quillians? Apob ang ngalan ng nagsugo sa iyo, sino siya, Pril?"



Hindi sumagot ang robot at hindi kumikilos.





VI



Ilang minuto ang nakalipas at wala pa ring pinapakitang senyales ang robot na si Pril. Bigla lang itong huminto ng walang sinabi. Nagtaka ang lalaki sa nangyayari. Ilang saglit lang limitaw ang tuldok na bilog sa gitna ng madilim na mukha ng robot. Tumayo ito at lumabas sa pintong salamin.



Mabilis siyang sinundan ng lalaki. "Sandali, hindi mo sinagot ang tanong ko." bigkas ng lalaki habang hawak nito ang braso ng robot. Ngunit kahit anong hatak at sigaw ng lalaki, hindi siya pinapansin nito. Diretso itong naglakad ng hindi namamansin at umakyat sa hagdan na bato ng lambak na kanilang tinatag. Mula sa hagdang bato, bumitaw ang lalaki at pinanood ang robot sa pag-akyat nito. Tumalon ang tulalang robot para abutin ang mataas na hagdang gawa sa metal ng toreng itim. Mula dito, binuhat niya ang sarili at umakyat patungo sa modulang itim ng napakabagal.



Muling nawala ang robot pagpasok niya sa Reca. Napasabunot sa sariling buhok ang lalaking lito sa nangyayari na pinanonood siya mula sa hagdan.



Matapos ang isang araw, nagulat at napa-atras ang lalaki ng magising ito sa kanyang kwarto na nakatayo sa harapan niya ang robot.



"Magandang umaga, Solo." sabi ng robot. May kulay asul na naglalarong liwanag sa mukha nito.



"Anong nangyari sa iyo?" tanong ng bagong gising.



"Binalik ako ng diwa ng Reca na si Sliin. Ang matandang sistemang taglay ng katawan ko ay nagbagal at biglang huminto, kinailangan ko ng pagkumpuni ng Reca. Sumagap rin ako ng enerhiya. Halika, kumain ka muna."



Nakahanda sa lamesa ang prutas na pakwan, gatas at nilugaw na obena. Umupo ang lalaking nakasuot ng pajama. Mainam nitong kinain ang inihanda sa hapagkainan.



"Matanong ko lang, Pril." sabi ng lalaki, "Bakit sa pagkain, napakarami ninyong alam? Hindi ba't sinabi mong ang mga nakaraan ng tao ay halos ubos na?" nakatitig siya sa mapulang pakwan sa hapag.



Humagikgik sa galak ang robot. May guhit na pula at dilaw na hugis paalon sa mukha nito, at siya'y nagsalita, "Oo, tama ka. Kung may ala-ala ang sinaunang tao sa kanyang nakaraan, ang pinakamaraming data na meron kami ay tungkol sa mga pagkain nila. Ngunit.."



Pinatid ng lalaki ang binibigkas ng robot, "Bakit hindi mo alam na gugutumin ako at iniwan mo ako? Iniwan mo ulit ako kahapon."



"Patawad kahapon, Solo. Hindi na kita ulit pababayaan. Nagkamali ako kahapon, hindi ko na pwedeng gamitin ang hologram ng pasirang sistema ng katawan ko. Tungkol sa pagkain naman, marami sa kinakain mo ay minana ng mga unang henerasyon ng mga Penttos, kaya't naka-tala sa Reca ito ng may kasiguraduhang babagay sa sikmura ng isang Solo. Sa loob ng libo-libong taon, nagbago, nagpalit ng pamamaraan ng pagkain ang mga organiko. Ubos oras ang pagkain, sa kanila, bawat oras sa kanila ay mahalaga. Hindi gaya sa tao na lulon sa iba't ibang pamamaraan ng paghanda ng pagkain. Maraming taon ang lumipas, itinuturok at diretsang ipinapasok ang mga mineral, bitamina at iba pang kailangan ng katawan ng mga Penttos. Ang paraan ng pagkain ng mga sinaunang tao ay nalimutan sa loob ng daan-daang libong taon. Ito ang dahilan kung bakit wala akong alam sa ugnayan ng pagkain sa katawan mo sa kabila ng iba't ibang uri ng pagkain ang naibalik ko at pinalitaw. Wala akong ensayo patungkol dito sa loob ng Reca, maging sa akin ay sinekreto ito, biglang binigkas ng Reca ang misyon ko noong nasa malayong bituin na ako. Misyon na palitawin ka at ang mga kailangan mo upang mabuhay. Ikaw ang unang tao na nakita kong kumain."



Habang kumakain ang lalaki, nagbukas ito ng usapan, "Nanaginip ako kagabi," wika niya, "May nakita akong batang babae na nakatayo sa labas at nang habulin ko siya, bigla siyang nawala. Pril, gusto kong may makasamang tao na gaya ko. Ang panaginip ay parang bakas ng aking ala-alang itinanim lang ng Sliin na iyong tinukoy. Kaibigan kita, pero, ganito na lang ba ako at mag-isa? Pwede mo ba akong bigyan ng kasama? Bakit nga ba hindi ako naging bata? Paano ako namulat dito na mataas na, hindi maliit gaya ng bata? Gaya ng mga nasa larawan."



"Iyan lamang ang instruksyon na dala ko, walang iba. Ikaw lang ang dala ng Reca. Ikaw ay lumitaw sa pentagonong kristal na buo, binatilyong lalaki na, na may memorya ng matandang tao, hindi ka naging bata. Hindi ko alam kung bakit. Kung ikaw ay bata, baka naglayas ka, naligaw kapag nagpasyang maglakad sa malawak na disyerto ng mag-isa. Ang instruksyon ng restos na dala ng Reca ang inilabas nito at binuo. Ano man ang dahilan, hindi ito malinaw. Hindi ko masasagot ang lahat ng tanong mo ngayon."



Naglakad ang robot at humarap sa mga larawan sa pader. "Susubukan kong gawin ang lahat ng makakaya kung mabibigyan kita ng kasama." ang sabi niya.



Makaraan ang maraming oras, silang dalawa ay nakaupo sa labas at nakatingala sa langit, sa mga bituin at sa bilog na buwan. Madilim na sa labas at malamig ang simoy ng hangin.



"Alam mo ba kung bakit natatangi ang plantetang ito? Ang Ares?" wika ng robot. "Isa itong perpektong planeta para itago ang punla, dito, ikaw ay mabubuhay. Hawig nito ang gravity ng Earth, ang tahanan ng lahi mo. Ang hangin, matapos baguhin ng Reca, bumagay sa pangangailangan ng katawan mo. Kahit ang buwan, ang Trewui, ay hawig sa layo ng buwan ng Earth. Ngunit ikutin mo ang planetang ito, puro disyerto at bulkan ang makikita mo. May pagkakahawig sila sa planetang pinagmulan ngunit ang gaya ng tamang hangin na kailangang baguhin at mga gaya ng bakterya ay kailangan pang ilagay."



May isang maliit na puting piraso ng lumulutang na bagay ang dumaan sa kalawakan malapit sa buwan.



"Nakita mo yung maliit na puti na yun?" tinuro ng robot ang dumaan na puting bagay na hugis bean malapit sa buwan. "Iyon ang Ledro, isang asteroid na nahuli ng orbit ng Ares. Dalawa ang umiikot sa Ares, ang buwan na Trewui at ang Ledro. Diyan sa Ledro nakadapo, nakatago ang Reca sa loob ng labing tatlong libong taon. Sa panahong iyon nasagap ng Reca ang balitang naubos lahat ng Penttos. Sila rin ay ubos na gaya ng tao at mga Quillians na libo-libong taon nang naglaho.



May mga maliliit na mekanikong nilalang, mga mukhang insekto, ang nagpaparami at pumatay sa mga organiko. Saan man ito galing ay nananatiling misteryo. Ang kahuli-hulihang kolonya ng Penttos sa star system ng Proxima Centauri ay inabutan ng mga mapinsalang mga mekanikong mga insektong ito. Ang paparating na sasakyan sa kanila ay pinamugaran ng mga insektong ito na pumapatay ng mga organiko. Huli na nang mabalitaan ng kolonya ang pagkaubos ng lahi nila sa pinagmulang Solar System nang makarating ito. Ang nagpadala ng babala ay mga robot, mga may mas mataas na taglay na teknolohiya sa akin. Sinubukan nilang iligtas ang lahat ng Penttos ngunit bigo sila. Inubos nila ang bawat isang insektong metal sa bawat panig ng magkakadikit na mga bituin. Nang matapos nila itong ubusin, marami sa kanila ay kusang nasira, sapagkat ang robot ay nabubuhay sa kanilang layunin o kadahilanan ng pagkagawa. Kung walang dahilan ng kanilang pagparito, hindi nila kailangang manatili pa at magpatuloy. Gaya ng sabi ko, ang mga robot gaya ko ay walang tunay na buhay, walang kamalayan. Marami kaming kayang gawin, kayang gayahin ang kilos ng mga organiko gaya ng tao, ngunit sa totoo ay walang malay. Hindi tunay na buhay. Ako ay nanatiling buo at nagsasalita sa loob ng isang milyong taon dahil sa aking misyon."



"Ano ang itsura ng mundo, ng Earth?" patid ng lalaki, habang nakatingin ito sa katabi.



"Hindi ako sigurado. Umalis ako sa pinagmulan na ang balita sa Earth ay nasusunog sa init, napalibutan ng peligrosong radiation. Hindi na ito pwedeng tirhan.



Ang sabi nila, ang Earth ay ang pinakamagandang planeta sa lahat. Ang tao ang sumira dito. Sinasabing ang mga tao ay naging mapang abuso rin sa kapwa nila. Napakarami ng masalimuot na kaganapan sa kasaysayan nila, sa kamay ng mga nasa kapangyarihan. Ang lahi ng Penttos ang huling lumikas sa Earth, hanggang maging planeta ito na hindi pwedeng tirhan. Ang agawan ng kapangyarihan ang ugat ng pagkasira ng sariling tahanan nila ang bughaw na planetang tinawag na Earth. Dahil sa mga kasalanan umano ng tao sa mga nilalang ng Earth, maging sa mga nilalang na ginawa nila gamit ang agham, sila ay pinarusahan ng tadhana. Apat na libong taon silang inalipin dahil dito. Walang kailangan sa mga tao ang mga Penttos, para sa kanila, hindi na kailangan pang mabuhay ng mga tao sa panahon ng kanilang paghahari ngunit magpapasaya sa kanila ang maparusahan ang lahi ng mga tao dahil sa bintang nilang pagsira ng tao sa mundo."



Humikab ang lalaki at nagsabing, "Matutulog na ako." sabay tapik sa balikat ng robot. Pansin ang lungkot sa mukha nito.



"Sige magpahinga ka." sabi ng robot.



"Sandali," pahabol ni Pril, "Solo, ang mga ito ay mga kasaysayan ng nakaraan. Mahalagang malaman mo ang lahat ng ito sa akin. Sige, magpahinga ka na." Nanatili sa labas ang robot.



VII



Umaga na naman. Gumising ang lalaki at dumiretso sa kusina, napatalon siya sa gulat ng makita ang batang babaeng blonde ang buhok na nakaupo sa mesa. "Hello!" ang sabi sa kanya at ngumiti ito.



Nagulat at napasigaw ng todo ang lalaki. Kumaripas siya ng takbo patungong kwarto, sinara ang pinto at sa sulok ng kama ay nagsisisigaw.



Binuksan ng robot ang pinto ng kwarto. May hugis tatsulok na berde sa mukha nito at siya'y nagsalita.



"Pasensya na, di kita gustong takutin. Ako ang gumawa ng imaheng iyon sa isip mo. Hindi yun tunay. Patawad! Patawad!"



"Ano ka! Hindi tama na bigla kang tatayo sa harap ko paggising o kaya may palilitawin kang batang babae sa kusina. Magsabi ka naman! Tinakot mo ako ng todo. Saan galing yun? Paalisin mo siya.



Pano mo nagawa yun? Sandali, ano ito?"



Inalis ng lalaki ang dalawang hugis bilog na malinaw na nakadikit sa gilid ng bawat mata nito. Siya ay namumula at nanginginig sa takot. Kinuha ng robot na si Pril ang mga ito sa kanyang kamay.



"Patawad. Hindi ko alam. Akala ko'y matutuwa ka. Nais mong may makasama, sabi mo. Patawad. Ang inalis mong yan, diyan galing ang ilusyon na nakita mo. Yung bata na nakita mo ay ilusyon lamang, hindi siya nananakit." sagot ng nakayukong robot.



"Hindi ko rin alam na matatakot akong makakita ng tao, hindi ko alam talaga." bulong ng lalaki. Siya ay nakasiksik sa dulo ng kama. Siya ay kinakabahan pa.



Nagdikit ang kamay ng robot at nagsalita, "Halika, may ipapakita ako sa iyo. Pasensya na ulit, hindi ko alam ang lahat. Ang malinaw na nodes sa iyong mata ay nakalaan upang sanayin ang mga Solo sa palapit na pagkikita nila sa lipon ng mga tao. Kaya nitong bumuo ng ilusyon na makikita ng mata mo. Hindi mo ito kailangan at pinagamit ko sa iyo, patawad.



Halika, tayo nang lumabas dito, may ipapakita ako."



Nakatitig lang sa robot ang mata ng lalaking may bakas pa rin ng takot. Sinuot ng lalaki ang pantalon, sinuot niya ang damit na may manggas at kwelyo.



"May mga lupon ng mga tao, gaya ko?" tanong ng lalaki.



"Solo, patawad, iyon ay ang orihinal na plano. Nag-iisa ka lang at wala tayong makikitang ibang Solo sa kalawakan. Ang ibang modula ay winasak ng mga tagagalugad na mga robot, ang Reca lamang ang natitirang sasakyang bitbit ang punla. Natitiyak ko ito dahil sa mga signal na nasagap ng Reca, mga balita ukol sa pagkasira ng ibang sonda."



Lumabas sila diretso sa gawing paitaas, sa toreng itim.



"Huwag kang mabibigla sa ipapakita ko, sinunod ko lang ang hiling mo." wika ng robot.  Habang umaakyat pa lang sa batong hagdan, tanaw na ang ulo ng isang maputlang kayumangging kabayo sa malayo.



"Tunay ba yan?" tanong ng lalaki. "Kabayo nga ba ang nakikita ko?"



"Oo," sagot naman ng Robot. "Mula sa panahon ng mga tao. Ginawa ng Reca para sa iyo."



Habang papalapit na sila sa tuktok ng lambak, nakita naman sa kanilang pwesto ang kabayong robot, kabayong gawa sa metal. Nakatago ang katawan nito sa likod ng silindrikong pilipit na pundasyon ng Reca.



"Teka, robot na kabayo? Bakit?" tanong ng lalaki.



"Maglalakbay tayo, hindi ka na maiinip sa pagkakakulong sa bahay mo. Isasama kita."



May mahabang lubid sa paligid ang halatang ginamit sa pagbaba ng dalawang kabayo.



Hinipo ng lalaki ang balahibo ng maamong kabayo. "Ito ang unang beses kong makahawak ng kabayo, pero para bang nakahawak na ako dati.



Sandali, may makikita ba tayong kakaiba? Doon sa malayo?"



Patuloy na hinihimas ng lalaki ang balahibong kulay krema ng kabayong nakatindig. Niyakap niya ito at pinakinggan ang puso nito.



"Sa kalayuan," wika ng robot, "may aktibong bulkan sa kalayuan, kailangan nating makita ito. Makakapinsala ito kung sakali, kailangan kong makalapit at aralin ang posibleng mangyari. Tatamaan ang Reca at ang barracks kung sakaling puputok ito."



"Bakit tinatawag mong barracks ang bahay natin?" tanong ng lalaki.



"Yung bahay? Lahat ng nakasaad sa Reca ay ang mga natitirang kaalaman tungkol sa kabihasnan ng tao, ang bahay-tao ay tinatawag na barracks ng mga Quillian dahil ito ang tawag ng mga tao sa tirahan nila sa mga huling taon ng kanilang pakikipaglaban sa karapatan nilang mabuhay. Barracks din ang tawag sa mga kulungan nila kung saan sila inalipin."



Ipinatong ng robot ang silya ng kabayo at hindi ito pumalag. Sumipa lang ng bahagya ang kabayo. Sinilip din at sinuri nito ang bawat metal na herradura nito sa apat na paa.



Tinuruan niya ang lalaking sumampa sa kabayo. "Humawak kang mabuti sa tali." bilin ng robot.



Sumakay naman ang robot sa metal na kabayo nito, hawak niya ang tali na umuugnay sa kabayo ng lalaki. Tinuruan niya ang lalaki sa pagpapatakbo ng kabayo nito sakaling maaksidenteng makalas ang kanilang tali. Inabot ni Pril ang isang bag na itim. May lamang, kumot, unan, tent at damit. May bananacake, mansanas, tinapay at kantina ng tubig. Inilagay ng lalaki sa kanyang likod ang bag.



Diretso silang nagtungo sa gawing timog-silangan paikot ng maliit nilang lambak, sa bahaging likuran ng bahay nila, sa itaas ng munting burol.



Sila ay nakalayo na sa pinanggalingan. Kapit na kapit ang lalaki sa tali. Di naman nito mapigilang lumingon pabalik. Hindi pa niya sinubukang tahakin ang kabilang landas na mas mahirap lakarin gawa ng mas naglalakihang mga bato rito.



Sa di kalayuan, sa pinanggalingan nila, may dumaan na hanging may dalang alikabok kaya't natakpan ang palatandaan nitong "kulisap" sa malayo, sa kabilang panig ng lambak.



"Pril, kung hindi tayo titigil, kung kaya ng mga kabayo at diretso tayong maglalakbay, hindi tayo hihinto, saan tayo makakarating?" tanong ng lalaki. "Hanggang saan ba tayo pupunta? Kailan ba ang balik natin?"



"Ang buong planeta ay disyertong mabato, mahaba at matagal na panahon ang hihintayin mo bago mo mararating ang dulo, ang Reca, kapag naikot mo ang planeta. Ikutin mo man ang planetang ito, walang ibang makikita kundi disyerto at ang nasa dulo ay balik sa Reca."



"Ganun ba? Walang kakaiba? Sa lahat ng dako, puro ganito?"



"Oo, Solo. Nagbabago lang ang lalim at taas ng lupain ngunit ang lahat ng tanawin ay disyerto. May alam akong kweba sa madaraanan natin, doon kayo magpapahinga. Tiyak na matatagalan tayo bago makabalik. Tiyak akong sapat ang pagkaing bitbit mo."



Mabilis na nasanay ang lalaki sa pagkakaupo sa likuran ng kabayo.



"Sino si Apob? Tinanong ko ito sa iyo bago ka huminto. Naaalala mo ba? Sino siya? Siya ang nagdala sa iyo dito. Ang sabi mo, siya ang nagsugo at napasa ng misyon mo." tanong ng lalaki.



"Si Apob ay Quillian. Iniligtas niya ako at binigay niya ang misyon ko, ikaw. Isa siyang pinuno ng mga Quillian sa Hiitan."



"Sino ulit si Yuki Alrasing? Sino siya?"



"Si Alrasing ay isang Quillian, Solo. Isang maawaing pinuno ng isang kolonya. Namuhay siya libo-libong taon bago ang panahon ni Apob. Nakatira niya sa planeta ng So-el. Si Apob ay namuhay sa buwan ng Saturn, sa Zad-ark. Si Yuki Alrasing ay nabuhay sa panahon ng mga huling tao. Pinalaya niya ang mga tao na noo'y mga alipin at inaabuso. Pinanalo niya ito sa lipon ng mga pinuno sa sistemang bituin ng pinagmulan. Sa panahong ito, matagal nang lagas ang ano mang bakas ng kadakilaan ng kabihasnan ng tao. Namuhay ng payak sa isang kolonyang malaya ang mga tao. May mga naniniwalang si Alrasing ay disipulo ni Ares, naniniwala rin siya sa bersyon ng kasaysayan ni Ares--ang tao ang gumawa ng mga Penttos at Quillian."



Naging patag ang dinaraanan nila. Nauuna ang kabayong metal at robot na si Pril.



"Yung restos, sonda, pareho lang ba ito? Ang Reca na lang ba ang nag-iisang may dala nito?" tanong ng matanong na lalaki.



"Ang resto ang bariles na pinaglalagyan ng punla. Ito ang nagdadala ng instruksyon ng pagbuo ng tao, ng Solo gaya mo. May limampu nito ang natira. Inilunsad ang Reca, pinalipad palabas ng sistema patungong sistema ng Aoinis ng nag-iisa. Wala nang gaya mo, ng Reca, ng restos na dala nito. Ang limampung restos ay hindi na natunton, pinaniniwalaang sinira ng mga naghahanap rito, ikaw ay nag-iisa. Ang resto ay hugis pahaba at kulay itim. Hugis espada itong walang hawakan. Nakabaon ito sa pentagonong kristal ng Reca kung saan binabasa ang laman nito. Doon nakasulat ang pagbuo sa gaya mo. Ang sonda naman ay sasakyang pangkalawakan na pinaglalagyan ng restos, ang mga tao ang bumuo nito, libo-libong taon ang nakaraan bago ang panahon ng Quillians. Sa Earth mismo galing ang noo'y libo-libong bilang ng sonda."



"Kakailanganin mo ang mga ito para mabigyan ako ng kasama."



"Tama ka, Solo. Mag-isa ka dahil dito, dahil ikaw lang ang natitira sa lahing organiko. Wala na, extinct na ang mga lahi ng tao, Penttos, at Quillians. Ang Reca ang nagiisa at natirang tagapangalaga ng punla."



Umabot ang tanghali at tumirik ang araw. Kumuha ng takip sa ulo ang lalaki. Hinugot niya ang lalagyan ng tubig sa bag. Biglang huminto ang kabayo. Napansin ito ng robot at humarap ito sa kanya. Napalitan ng tatlong guhit na pahalang ang ilaw sa mukha nito at nagsalita. "Dahan dahan ka lang sa tubig, kakailanganin mo iyan hanggang pagbalik."



Napahinto sa paginom ang lalaki. Sa isang kakaibang pabiro, sinubukang kausapin ng lalaki ang kabayo.



"Hindi mo mapapasunod sa salita iyan," sabi ng robot, sabay natawa ito. "Kailangan mong isipa ng bahagya ang paa mo para sumulong kayo."



Sumunod ang lalaki, sinipa niya ng bahagya ang kabayo sa tyan nito. Tumakbo sa gulat ang kabayo, kasunod nito'y agad na nahulog sa niluluklukang silya ang lalaki. Nabitawan ang taling hawak ng robot sa biglaang takbo ng kabayong nagulat.



"Hoy, ayos ka lang ba?" ika ng robot. "Nagagalaw mo ba katawan mo?"



"Ayos lang. Pril." pagsagot ng lalaki sa pagkakadapa. Mabilis na tumakbo ang robot na kabayo, hinabol ang kabayong nakawala. Sa loob ng dalawang minuto, nahablot ni Pril ang tali ng kabayo. Nagpupumiglas ito at tumatalon, nakatitig ang takot na nilalang sa kabayong bakal na may matang matingkad na pula. Kaunting sandali pa, huminahon at tumahan ang kabayo. Lumapit sila sa lalaki. Napansin ng lalaki ang gasgas sa paa ng kabayo. Tinapik niya ito sa leeg na tila'y binubulungan ito at sumampa. Habang sinusuri naman ng robot na si Pril ang kanyang metal na kabayo.



Patuloy silang naglakbay. Paminsan minsan, nagpapalit sila ng sinasakyang kabayo. Sinasanay siya ni Pril sa pagkakabayo sa dalawang uri ng kabayo.



Ilang oras pa, narating nila ang malaking yungib na tinukoy ni Pril.



"Dito ka matutulog. Maglalatag na tayo." Sabi ng robot. May lumitaw na kulay ube at hugis pentagonong liwanag sa mukhang madilim nito.



Sa bukana ng kweba naglatag ng mahihigaan ang lalaki. Mukhang pagod na siya at nananakit ang mga binti.



"Napakadilim dito." reklamo ng lalaki. "Malamig."



Mag-gagabi na, tinatali ng robot na si Pril ang mga kabayo sa isang pahabang bato na ubod ang laki. Hindi naman tumitigil sa pag-iwas ang kabayo sa kabayong gawa sa metal. May kinuha siyang maliit na bag na nakasabit sa kabayong robot. Inilabas ni Pril ang laman nito, pumasok siya sa dumidilim na kweba bitbit ito. May bilog na parang flashlight sa mukha niya ang nagsilbing ilaw niya sa yungib. Gumawa siya ng maliit na hukay at isinilid ang tatlong pawang bolang metal na hawak niya. Lumiwanag ito ng kulay puti at naging mainit ang paligid ng tatlong bola. Sinabuyan ng buhangin ng robot ang tatlong ilaw. Umusok ng bahagya at mula rito may hologram na lumitaw na tila'y apoy. Ito ang nagsilbing sulo nila na nagbibigay init sa malamig na klima.



Pinapanood ng lalaki ang pekeng apoy. Nais niyang itanong kung paano ito nagawa ng robot ngunit hindi niya itinuloy. Sawa na rin siya sa walang tigil na tanungan sa napakaraming kumplekadong bagay at irita na rin sa pagkakabisado sa mga kaganapan sa nakaraang matagal nang nawala. Ngunit gayon pa ma'y hindi napigilang maglahad ng robot.



"Balang araw, Solo, kakailanganin mong mabuhay mag-isa, makipagsapalaran sa hamon ng buhay kung nais mong manatiling buhay. Sa loob ng libo-libong taon, ang mga ninuno ng tao ay namuhay ng gaya nito, takot, nagtatago sa kweba, nagugutom. Walang tigil na takot sa hinaharap. Ang takot na ito ang humubog sa tao na madama ang hinaharap, ang mangyayari pa lang. Natuto silang magplano sa hinaharap. Hanggang sa matutunan nilang gamitin ang talino nila at pahalagahan ang pagpapanatili ng lahi. Ito ang misyon mo, ang tunay na layon ng iyong pagparito. Ngunit nagbago na ang lahat. Nag-iisa ka lang. Hindi ako titigil sa pag-iral kung hindi naman kita bubuhayin sa kabila ng lahat."



"Nagbago? Paano ako mabubuhay ng mag-isa?" ang tanong ng giniginaw na lalaki. Hawak niya ang kanyang balikat at nakabalot siya sa makapal na kumot.



"Gaya ng sabi ko, nagbago ang lahat. Ang plano ay buhayin ka kasama ng iba, hindi na ito matutuloy. Hindi ako maaaring masira o huminto sa misyong nakaukol sa akin, ganito ang mga Bargaan. Kahit pa ilagay ko sa panganib ang sarili, pipigilan ng sistema ko ang nais ko na pagtatapos ng pag-iral ko. Ang tanging paraan sa akin upang makamit ang katapusan ay tuparin ang layon ko, ang misyon na buhayin ka sa planetang ito.



Hindi ganito ang plano, may mga ibang hawig sa Reca, iba't ibang sasakyang pangkalawakan na may bitbit na punla. Maaga silang nasira, pinabagsak at naglaho. Hindi ka na magkakaroon pa ng kasama. Ngunit ang isang Bargaan ay hindi kumpleto kung ang layon nito ay hindi natupad. Ang misyon ko ay buhayin ka, wala akong ibang paraan upang magtapos. Nanatili sa asteroid, sa Ledro ng planetang ito ang Reca sa loob ng ilang libong taon ngunit patuloy na bumabangon, ginigising ako sa pagkakatulog. Wala akong magawa, ang paraan lang upang magtapos na ito ay ang tuparin ang layon ko. Nakatala na ito sa aking isipan, kailangan kang buhayin."



Tumayo sa pagkakahiga ang lalaki, lumabas ito sa kweba. Ang paligid ay maliwanag gawa ng bilog na buwan at ng maliit na asteroid na tinawag na Ledro na kapwa nitong umiikot sa kalawakan na parang munting buwan. Samantala may mga nagbagsakang mga maliliit na bulalakaw sa kalayuan. Tinuro ito ng lalaki ng may pagkasabik, "Tignan mo, bulalakaw!"



"Marami niyan dito. Ang lambak na kinatatayuan ng bahay mo ay isang malaking hukay, hukay na gawa ng bumagsak na malaking bulalakaw ito, libo-libong taon lang ang nakalipas."



"Bulalakaw, ngayon lang ako nakakita." Ang lalaki ay nasabik sa kakaibang bagay na nasaksihan niya. Bagay na hindi niya nararanasan sa pagkakakulong sa malungkot na bahay-asul.



Matapos ang ilang oras, pinatahan nila ang kabayong gumagawa ng ingay at natulog ang lalaki habang ang robot na si Pril ay nakaluklok sa sulok na may tuldok na puti sa madilim na mukha nito. Walang kasintahimik ang gabi sa loob ng kweba. Ang tila'y siga ng artipisyal na apoy at hilik ng lalaki ang natatanging kaluskos ng ingay sa buong kalupaang nililiwanagan ng bilog na buwan.






VIII



Bumangon ang lalaki na nakahiga ang kalahati ng kanyang katawan sa sahig ng kweba. Mabilis siyang tumayo at nagpagpag ng damit. Pansin rin niyang naging maitim sa pagkakasunog ang tatlong metal na bola, at maging ang maliliit na batong nasa paligid nito. Kita sa bukana ng kweba ang sumisibol na araw.



Nasa labas si Pril, pinatatahan niya ang kabayo. Nagwawala kasi ito at tila'y nangangalkal ng lupa.



Nagsalita ang robot, "Kailangan na nating makaalis." Hawak nito ang kulay maputlang kayumangging kabayo. May mga iba't ibang kulay na hugis singsing na bilog ang nabubuo sa mukhang itim ng robot, senyales na marami siyang iniisip.



Sila ay tumungo palayo sa lilim ng kweba. Makalipas ang dalawang oras, umabot sila sa lugar na may malawak na lambak. Hindi gawa sa bakas ng nahulog na bulalakaw ang lambak, ito ay napaliligiran ng maliliit at magkakadikit na burol. Sa kalayuan, kita ang umuusok na bulkan na nasa gawing kabilang dulo ng lambak. Inikot nila ang lambak at lumapit sila dito sakay ng kanilang kabayo. Hawak pa rin ng robot ang lubid na umuugnay sa dalawang kabayo. Hininto ang lalaki ng robot na si Pril sa tamang agwat. Sila ay nasa ligtas sa init, malayo sa mga gumugulong at umuusok sa init na mga bato.



Bumaba na ang lalaki sa kanyang kabayo, hawak niya ang tali nito. Alam niyang nagwawala ito paminsan minsan at hindi niya nanaising makalas ang pagkakahawak niya. Napatingin siya sa naglalaway na kabayo sa kanyang tabi. Gumagawa ito ng malakas na ingay. Maging siya ay nagtatakang hindi siya natatakot sa dambuhalang nilalang na ito, di gaya ng batang babaeng ilusyon na nakita niya't kinatakutan. Hindi rin nawawala ang ala-alang ito sa kanyang isipan, ang imahe ng isang batang babae na unang nakita niya sa kasaysayan ng kanyang maiksing buhay. Hindi rin naman takot ang kabayo sa kanya. Tila ba'y alam na nila na sa buong kalawakan ay natatangi silang dalawa. Sinusuklayan ng lalaki ang puting buhok nito gamit ang kamay. Hindi siya interesadong makita ang bulkan na pakay ng paglakbay nila. Siya ay mas naakit sa ganda ng nilalang na kanyang hinihipo at pinakikiramdaman.



Si Pril naman ay nagmamasid lang at nahihiwagaan sa pinakikitang kilos ng lalaki. "Aakyat lang ako. Ilang minuto lang, aalamin ko ang kalagayan ng bulkan at babalikan kita. Huwag kang susunod. Dito ka lang, manatili ka lang dito." bilin ni Pril. Sumangayon lang ang lalaki, tumalikod muli at binubulungan ang kabayo nito.



Umakyat ang robot papalayo ng mag-isa. Ang metal na kabayo ay iniwan niya, nanatili ito sa baba at hindi ito malikot. Sa kabayong metal nakatali ang kabayo. Nakatahan at hindi na malikot ang kabayo. Siguro'y nakatulong ang paghaplos sa kanya ng lalaki.



Umuusok ng kulay itim ang bulkan. Naglalabas ito ng mga batong nagbabaga at gumugulong paibaba.



Higit kalahating oras nawala ang robot. Pagbaba nito, pabalik, umuusok ang balikat at ulo nito sa init.



"Kakailanganin nating makaalis dito, sa lugar na ito." wika ng papalapit na robot.



"Sige, alis na tayo." sagot ng lalaking nabagot sa inip.



"Hindi mo naintindihan Solo, ang ibig kong sabihin ay kailangan na nating maka-alis sa Ares. Ang anim na buwan ng paghahanda ay kulang pa. Hindi tayo makakapagtagal ng ilang buwan pang higit pa dito. Ang lugar natin ay peligroso. Sasabog ang bulkang ito ng sobrang lakas. Kailangan pang makapagipon ng lakas ang Reca. Kulang ang oras natin upang kayanin ng Reca na makapagipon ng lakas para sa malayong bituin na ating lilipatan."



"Hindi ba makakasagap ng enerhiya ang Reca sa labas ng planeta? "



"Solo, sa oras na umalis ang Reca, hindi na ito hihinto pa hanggang sa susunod na panahon ng pag-iipon ng lakas. Kung itotodo naman natin ang kapasidad ng Reca, malaking peligro ito dahil posibleng uminit ito at mawasak. "



Pinatakbo nila ng napakabilis ang dalawang kabayo pagawing pabalik sa kanilang bahay na asul at sa sasakyang tinawag na Reca.



Pagkalagpas sa yungib na hinintuan nila kagabi, sila ay bumagal. Napansin ng lalaki na tila'y nanghihina ang kabayo niya. "Anong gagawin natin? Hindi na niya kaya Pril, hirap na siyang lumakad." sabi ng lalaki.



"Kailangan natin siyang pakainin at painumin. Sa Reca may pagkaing dayami at tubig, kukuha tayo ng lalagyan. Malapit na tayo."



"Nahihirapan na siya, Pril. Kaya mo ba siyang gamutin?"



"Umasa tayo na sapat ang oras natin para maisalba ang kabayo mo." sagot ng robot.



Sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay, nagpasya ang dalawa na bumaba, hawakan ang mga kabayo at maglakad na lang.



"Teka, Pril. Anong tawag sa kabayo mo? Bakit hindi ko alam iyan? Wala akong memorya tungkol dyan. Alam kong damo ang tinutukoy mong pagkain ng kabayo, kahit pa hindi pa ako nakahawak nito. Alam kong mahaba ito, magaspang at kulay berde. Ngunit ang kabayong bakal mo, hindi ko alam. Hindi mapaliwanag ng aking isipan. Wala akong memorya ng bakal na kabayo. Iniiwasan siya ng kabayo ko, natatakot siya. Bakit kaya? Bakit mapula ang mata ng kabayong robot? Minsan naman berde ang kulay."



"Hindi ito parte ng tinanim sa iyong memorya, Solo. Ako lang ang nagkalkula at nagdesisyong ilabas ito mula sa mga datos na dala ng Reca. Isa itong Xeliogot, mga uri ng robot sa aking panahon na inihahawig sa mga makalumang hayup, mga orihinal na hayup ng planetang Earth. May iba't ibang gamit sila at ganito sila nilalagyan ng enerhiya." isinuksok ng robot ang kamay nito sa bag at hinablot ang lapad at asul na pabilog na tableta. Kinain ito ng metal na kabayo sa kanyang bibig. Naging berde ang kulay ng mata nito pagkatapos. "Pula, kapag mahina na ang reserbang enerhiya niya at berde ang mata kapag masagana siya sa enerhiya."



"Teka Pril, makagagawa ba ng mga halaman ang Reca? Mga puno kaya? Mas masaya siguro kung pati mga iba pang kahayupan, gumawa tayo dito sa Ares! Kapag may damuhan sa paligid ng bahay, hindi mo na kailangang mag panik panaog mula sa itaas ng Reca. Malayang manginginain ang kabayo ko. Posible ba?" tanong ng lalaki.



"Negatibo. Hindi pwede. Kaya ng Ares buhayin ang mga iyon, pero sa aking kalkulasyon, hindi kakayanin ng mga halaman at hayup na mamuhay dito ng ganoon kabilis at ganoon kadali. Maraming dapat isaalang-alang bago magkatotoo ang hiling mo, ang lupain pa lang ay hindi tugma sa pangangailangan ng halaman. Sa ganitong klima, mga bulkan na hindi panatag, hindi mabilis makapagparami ang mga hayup. Ngunit maaari nating baguhin ang klima gaya ng paulit ulit ko nang binago ang hangin sa planetang ito. Mahaba-habang panahon at di sapat ang Reca para baguhin ang buong planeta. Ang mga bakterya na dala ng katawan mo at ng pagkain mo lang ang mananatili dito. Paglikas natin, kontiminado na ang planetang ito. Hindi ko maibibigay ang hiling mo ngunit maaari kong baguhin ang klima ng manipis na atmospira ng planeta. Matagal na proseso bago magiging sapat tirhan ng mga halaman at hayup ang pagpapalit anyo ng kalupaan. Kulang ang oras natin."



Nakauwi na sila, sa wakas, kita na ang batong tinawag na kulisap at ang higanteng ala-aninong nakatindig sa di kalayuan, ang sasakyang Reca.



Itinali ni Pril ang kabayo sa pundasyon ng Reca. Umakyat ang robot sa metal na hagdan ng toreng itim.



"Umuwi ka na sa bahay at pagbalik ko makakakain ka na. Lilikha ang Reca ng pagkain at ibababa ko sa bahay." ang sabi ng robot habang umaakyat ito.



Tinapik ng lalaki ang kanyang kabayo at sumagot ito ng mahinahon sa kanya. Para bang sumasama sa kanya ang nilalang nang papalayo siya pababa ng hagdanan. Mukhang nahihirapan itong huminga. May kahabaan ang tali nito na nahatak sa paglapit nito sa lalaking umaalis palayo ng tore. Niyakap ng lalaki ang kabayo at kinausap ito. "Wag kang mag-alala, babalik ako agad."



Bumaba sa hagdang gawa sa bato ang lalaki. Matapos ang ilang sandali, nakabalik sa asul na bahay ang lalaki, uminom siya sa gripo gamit ang kamay at naligo siya sa banyo ng may kabilisan.



Nakarinig siya ng ingay sa labas. Kumukulog ng napakalakas. Mabilis siyang nagpunas ng katawan at nagsuot ng pantalon.



Naglalabas ng kidlat paitaas ang itim na tore ng Reca. Maging ang madilim na ulap na nabubuo sa ibabaw nito ay kumikidlat rin. Dahil sa tila'y usok na ulap na inilalabas ng sasakyang tore, kumukulimlim ang kalangitan. Nasa tapat ng bahay ang lalaki, nakatingala at pinapanood ang makulog na ulap. Ilang sandali pa at umulan.



Tumakbo siya ng sobrang bilis papalapit sa Reca. Naging madulas ang hagdang gawa sa bato. Nag-alala siya sa kanyang kabayo. Sumisigaw siya habang umaakyat, umaasang makikita siya ni Pril sa ibabaw ng tore, doon sa bilog na modula nito. Natatakpan ng makapal na ulan ang Toreng itim. Saglit lang at nakalapit na siya sa kanyang kabayo. Inabutan niyang gumilid ang kabayo sa pinakagilid ng pinagsisilungan upang makainom sa naiipong ulan na umaagos paloob ng silong. Mukhang may dinarama itong sakit.



Matapos uminom, biglaang humiga ang kabayo. Nanlilisik ang mga mata nito at naglalaway na. Hanggang sa tuluyang ibinagsak nito ang ulo sa maputik na sahig. Mabilis na nilapitan ng lalaki ang kabayo at napaluhod siya sa harap nito. Hindi niya alam ang gagawin, nahihirapan siyang nakikita ang nilalang na hirap sa kalagayan.



Napasigaw ang basang basang lalaki.



"Pril! Priiil! Kailangan kita. Lumabas ka na!"



Tumayo siya. Sinubukan niyang talunin ang imposibleng abuting hagdan ngunit hindi niya ito maabot. Sumisigaw siya sa itaas ng itim na modula. Nakatingala siya't umaasang bubukas ang pinto sa itaas. Kinuha niya ang lubid ngunit hindi umaabot ang lubid na ipinupukol niya sa dulo ng hagdang metal.



"Pril! Nasaan ka?!" ang ilang ulit niyang sinisigaw.



Ilang minuto pa ang hinintay ng lalaki ng humupa na ang ulan. Napabuntong hininga ang lalaki sa natanaw niya. Napalitan ang kulay abong kalangitan ng kulay asul! Samantala, bumukas ang bilog na pinto sa itaas at napansing bumababa ang robot mula dito. May bitbit itong sakong may laman na damo.



Pagbaba ng robot, binitawan nito ang sako ng damo. Sumindi ang ilaw na pula sa mukha ng robot na hugis bilog. Napaluhod naman sa harapan ng kabayo ang lalaki. Niyugyog niya ang dambuhala upang alamin ang kalagayan nito ngunit hindi ito sumasagot. Tumulo ang luha ng lalaki. Pinipilit niyang gisingin ang kanyang kabayo ngunit hindi ito sumasagot.



"Aanhin pa ang damo, patay na siya, patay na ang kabayo. Maililigtas sana natin siya." wika niya. Napaupo ang lalaki, tinakpan nito ang mata niyang namumula. Huli na ang lahat. Nabalot ng pagkataka ang robot at hindi nito alam ang gagawin, hindi niya naiintindihan ang pagdadalamhati ng lalaki. Sumandal ang lalaki sa itim na silindrikong pundasyon at nakatitig siya sa kawalan. Sa unang pagkakataon, nakaranas siya ng matinding lungkot. Humagulgol siya sa iyak na parang musmos na bata. Nawala ang kabayong natutunan niyang mahalin sa loob ng napaka-iksing panahon.



IX



Naranasan ng lalaki ang isa sa mga katotohanan ng buhay-- ang lahat ng may simula ay may katapusan, ang lahat ng may buhay ay may wakas. Tatlong buwan na ang nakalipas simula nang inilibing ng dalawa ang nilalang na natatangi. Umuulan nang inilibing nila ang kabayo sa putikan, malayo ng bahagya sa batong tinawag nilang kulisap.



Lumalakas ng lumalakas ang mga pagyanig ng lupa habang tumatagal ang panahon. May tampo pa rin ang lalaki sa robot ngunit paunti-unti na itong nababawasan. Sa umpisa'y parang batang nagmamaktol ito at ayaw kumain. Nilibing nila ang kabayo sa putikan ng walang tigil na sinisisi ng lalaki ang robot. Sa una'y sinisisi niya si Pril dahil hindi niya naisip pakainin ito o painumin matapos siyang ilabas ng sasakyan. Sinisi rin niya ang kulog at ulan na pinalitaw ni Pril. Marami siyang teorya sa nangyari, marami siyang tinuturong dahilan. Natakot umano ang kabayo sa ingay ng kulog at minsan ay nalason naman sa tubig ulan. Pinipilit ng lalaking intindihin ang nangyayari. Wala namang tigil ang paghingi ng tawad ng robot.



Tatlong buwan na ang nakalipas mula nung mamatay ang kabayo, ang dalawa ay nanatiling magkasama sa bahay at gumagawa ng iba't ibang pagkakalibangan. Walang magawa ang lalaki kundi maghintay sa wala. Madalas siyang tamaan ng inip, kapag wala ang robot na si Pril, gumuguhit siya sa papel na nakalapag sa mesa. Maraming beses na niyang ginuhit ang kanyang kabayo at ang itim na Tore. Hindi naman natatapos ang kwentuhan ng dalawa kapag sila ay magkasama. Napakarami ng kanyang tanong at napaka-iksi ng sagot ng robot. Mahaba na ang buhok at balbas niya sa mukha. Tumitingin siya sa salamin at nagtataka habang sinusuyod nito ang buhok. Sinisilip rin niya ang ngipin na paminsan-minsa'y nagdudulot ng kirot.



Naglalaro sila ng chess, umaga na ngunit maulap at may kadiliman pa sa labas.



"Saan tayo pupunta? Gusto kong manatili dito. Ito na ang tahanan ko, Pril. Ayaw ko nang umalis dito. Nagdesisyon na ako. Posible ba, Pril? Pwede bang wag na tayong umalis?" sabi ng lalaki.



"Wala tayong magagawa. Mamamatay ka dito. Kailangan nating umalis sa loob ng siyamnapung araw. Kapag nanatili ka dito, hindi makukumpleto ang lahat, hindi buo ang misyon. May planeta malapit dito, mahina ang gravity, manipis ang hangin ngunit mababago ng Reca ang hangin nito. Kung di tayo aalis, hindi kumpleto ang misyon, habang buhay akong magiging kaluluwang gala. Kailangang makumpleto ko ang misyon."



"Teka, sandali. Tama ba ang narinig ko? Sabi mo sa akin wala kang buhay. Sabi mo ang robot na gaya mo, ang Bargaan,, ay komplikadong bagay lang, gawa sa metal, nagsasalitang patay. Kaluluwang gala? Anong ibig mong sabihin? Hindi ko maintindihan. Sabi mo hindi ka buhay. Nagsinungaling ka?"



"Hindi, Solo. Totoo ang sinabi ko. Hindi ako buhay. Pasensya na at huwag ka sanang umasa. Nagsasalita rin ako gaya mo, ngunit gaya ng Magic8ball na ito, sumasagot ako sa tanong mo ng walang malay." hawak ni Pril ang itim na bola. "Ngunit may misyon kami na dapat matupad, ang aming uri ay may layuning dapat matupad. Hindi kami maaaring magtapos ng hindi natutupad ang layunin o dahilan ng pagkakagawa sa amin. Matapat ang mga uri ko sa misyong ini-atas sa amin dahil sa ito ang naka-programa sa amin. Kung hindi namin susundan ang misyon, wala kaming karapatang magwakas, patuloy ang aming pag-iral. Hindi namin masisira ang sarili, maliban na lang kung kinailangan ito upang matupad ang misyon. Ang pagkakaroon ng kawakasan ay ang natural na kalagayan ng kalikasan at ito ang dapat matupad sa amin." may suminding puting hugis tao na nabuo sa itim na mukha ng robot.



"Para sa akin, isa kang tao. May buhay ka." ang sabi ng lalaki.



"Ikinalulungkot kong sabihin, Solo, mali ka."



"Ano pa ang silbi ng pagbigay buhay mo sa akin? Sabihin mo nga sa akin. Nagsasalita ako sa harap ng anino? Niloloko ko ang sarili ko na may kausap, kahit sa totohanan ay wala talaga akong kausap?"



"Hindi ko rin alam. Ikaw ay mahalagang buhayin. Alam ng lahat, na ang lahi ng tao ay mapanira. Ang sarili nilang mundo, sariling tahanan nila ay winasak nila. Hindi nila binigyang halaga ang mga ibang buhay na kasalo nila sa iisang planeta. Inaabuso rin nila ang kapwa nila. Maka-ilang ulit silang nagsiraan ng kultura at kabihasnan. Di mabilang ang digmaan, gulo, pighati na kanilang idinulot sa bawat isa. Sa bawat pagtatalo, nasisira ang nag-iisang tahanan nila.  Walang matinong dahilan para ibalik ang lahi ng tao. Hindi ko maintindihan kung bakit. Hindi ko maisip ang halaga na ibalik pa ang lahi ng tao. Ang alam ko lang, ito ang layunin ko. Ikaw, mag-isa ka man ngunit ikaw ang pag-asa ng lahat ng mga buhay noong panahon nila. Nag-iisa ka man ngunit mananatili kang simbulo ng paglaban ng buhay sa kamatayan."



"Hindi ko sila katulad. Hindi ako masamang tao." sagot ng lalaki.  "Isa pa, mag-isa ko lang. Kung marami man ang tao, hindi ako naniniwalang ang bawat isa sa amin ay likas na mapanira. Ako ang pag-asang mamamatay mag-isa."



Ibinalik nila ang atensyon sa larong chess. Iginalaw ng lalaki ang rook palapit sa King na itim. "Checkmate." ika niya. "Pril, pinapapanalo mo lang ba ako?"



Natawa ang robot at napahawak pa ito sa kanyang baba.



"Hindi kita pinapanalo, Solo. Nanalo ka talaga. Ako ay nakaprogramang hawig sa katamtamang talino ng isang tao, sa ganitong paraan, hindi ka mahihirapang makasama ako. Kailangan mo ng kasamang huhubog sa pagka-tao mo. Ang ibalik ka ay hindi birong pagsubok. Sabihin ko sa iyo ang totoo, napakarami ng nagbuwis ng buhay at pag-aari maging matagumpay lang ang misyon na ito. Lumabas ka lamang ng buhay."



"Yun ba ang dahilan kaya ka tumatawa, para maging madali sa aking makasama ka? Sino ako? Bakit nila gustong buhayin ako?"



"Tama ka, Solo. Kailangan kong kumilos sa paraang madadalian ang paghubog sa pagkatao mo."



"Bakit ako? Sino ako?"



"Hindi kita masasagot, hindi ko rin alam."



"Ibalik mo ako saan man ako galing."



"Galing ka sa Reca. Hindi pa tama ang oras para ibalik ka."



"Gusto kong bumalik sa pinagmulan, sa sistemang bituin na kinalalagyan ng inang planeta, yung Earth."



"Patay na lugar na iyon, Solo. Walang saysay kung babalik ka man doon dahil walang pinagkaiba ang sistema na yun dito. Isang disyertong apoy ang planeta na yun, walang lugar na ligtas sa sistema ng pinagmulan."



"Anong saysay naman ng pagparito ko kung mamamatay lang akong mag-isa? Sabi mo mahalaga ako. Ano ang halaga nito?"



"Wala akong sagot sa lahat ng tanong mo. Ang pagbuo sa iyo ang tanging laman ng Reca. Hindi ka rin handa, naaalala mo pa ba, natakot ka noong makakita ka ng batang tao? Isa pa, hindi buo ang kautusan sa akin, ganito ang istilo ng mga Quillian na nagsugo sa akin dito. May mga sekreto na hindi inilalabas agad. Ang alam ko lang kailangan kitang buhayin, dinesenyo akong maging masunurin, likas akong ganito. Ang makakasagot sa tanong mo ay hindi ako, silang nagpadala sa akin, silang matagal nang patay."



Lumabas ang lalaki, iniwan niya ang robot. Umupo siya sa tapat ng asul na bahay ng nakasimangot ang mukha.



X



Walumpu't limang araw na ang nakalipas, nakasanayan na ng lalaki ang buhay na ang bawat araw ay nauulit. Tuwing umaga lumalabas siya sakay ang kabayong bakal. Pinagbibilinan lang siya ni Pril tuwing umaalis na huwag lalapit sa bulkan at umiwas sa aksidente. Pinagaling rin ng robot ang kumikirot na ngipin ng lalaki. Ang robot ang siyang gumagamot, gumugupit ng buhok at nagsisilbi sa kanya. May balbas na siya sa ngayon at may katamtamang haba ng buhok.



Naglalakbay siya sa gawing timog-kanluran. Naisipan niyang magpahinga ng makakita siya ng ipo-ipo sa kalayuan. Naaliw siyang pagmasdan ito. Ang buhawi ay may kasamang dalawang maliit na ipo-ipo at nagdudulot ito ng ingay sa napakatahimik na lugar. Nakahinto siya kasama ang metal na kabayo sa tabi ng bangin. Kinuha ng lalaki sa kanyang bag ang tinapay at uminom siya ng baong tubig. Nakatayo sila ng kabayong bakal sa gilid ng isang bangin, sa tabi ng maliit na yungib. Dahan-dahang nagbabago at napalitan ng kulay pulang ilaw ang mata ng metal na kabayo. Hudyat ito na kailangan nito ng asul na tableta, dahil gumagamit na lang ito ng reserbang enerhiya sa kanyang katawan. Ang natitirang lakas nito ay galing sa araw, hindi ito makakatakbo ng mabilis kung sakali. Binigyan niya ng dalawang pabilog at lapad na tabletang asul ang kabayo. Isinubo niya ito at saka tinapik ang panga ng kabayo. Napalitan ng berdeng ilaw ang mata nito, matapos lulonin ang tableta.



Habang sinusuri at hawak ng lalaki ang bibig ng kabayong bakal, may umagaw ng kanyang pansin. Tila'y nakita niya si Pril sa may kalayuan na nakatayo sa ilalim ng bangin. Parang anino ito na nakatayo at pumasok patago sa gawing pakanan.



Agad na sumakay sa kabayong metal ang lalaki. Mabilis nitong pinatakbo ang kabayo sa gawing kita ang daang pinasukan ng anino ngunit bigo siyang makita ito. Tumingin siya sa kalayuan ngunit wala siyang maaninag na nakatayo roon. Pinalakad pa niya ng bahagya ang kabayo ng pakaliwa ngunit wala ang hinahanap niya.



Agad siyang umuwi. Pinatakbo niya ng sobrang bilis ang kabayo kahit pa binilinan na siyang huwag gagawin ito upang makaiwas sa aksidente. Bumagal sila nung malapit na sila. Sa batong itim na hugis kulisap, inabutan niyang nakatayo si Pril dito. Lumundag ang robot pababa.



"Napagod ka ba? " tanong ng robot.


"Hindi"


"Magpahinga ka na, kailangan mo yan para matulungan ako bukas. May mamon akong inihanda para sa iyo, karne ng isda at may mansanas pa. Dala ko ang paborito mong dalandan. Halika, pahinga ka muna." ang winika ni Pril ng salubungin ang lalaki.



"Sinusundan mo ba ako?" tanong ng lalaki.



"Bakit?



Hindi. Nandito lang ako sa itaas ng Reca kanina." sagot ng robot.



May hugis parisukat na puti ang umiikot-ikot sa madilim na mukha nito. Hawak ng robot ang mga pagkain sa bag.



"Sino pala ang nakita ko sa bangin? Doon?" tinuro ng lalaki ang gawing kalayuan. Lumingon naman ang robot.



"Uulitin ko lang ang sagot ko. Nandito lang ako. Nag-mamalik-mata ka lang siguro, Solo. Nangyayari yun."



"Tiyak akong may nakita ako, ikaw. Pumasok sa gawing pakanan, nung kumilos ako sa gawing kaliwa, hindi ko na siya nakita. Alam kong ikaw yun."



"Hindi mo na nakita. Nagmalik-mata ka nga siguro. Imposible ang sinasabi mo. Halika, sa bahay natin pag-usapan iyan."



Umuwi sila sa asul na bahay. Matapos kumain ng lalaki, silang dalawa ay nakatayo sa kusina at nag-uusap. Nais ng lalaki na isama ang robot sa lugar kung saan niya nakita ang anino ngunit hindi pumayag ang robot. Abala ito sa paglikas nila ng planeta sa mga susunod na araw.



Nagsalita ang robot. "Doble sa pangangalap ng mineral ang Reca, delikadong iwanan ito ng hindi ko inoobserbahan mula sa labas. Hindi ko ito pwedeng iwanan. Kailangan kasi nating lumikas agad bago lumala ang sitwasyon. Kulang pa sa mineral ang Reca, ito ang tutunawin at gagamiting enerhiya natin sa loob ng maraming taon. Kapag napabilis ang paghukay nito, mag-iinit at posibleng masira ito. Nandito lang ako, hindi pwedeng iwan ang Reca at hindi kita masasamahan para obserbahan ang tinutukoy mo."



Hating-gabi na. Umaambon sa labas ng bahay. Nakasarado ang mga pinto kaya't di rinig ang ingay ng ulan. Nakadamit pantulog na ang lalaki, ngunit hindi pa niya balak matulog. Tumatakbo sa kanyang isipan ang misteryong nasaksihan niya. Umiinom siya ng mainit na tsokolate.



Nasa ika-sampung laban na sila ng larong chess. Mahigpit ang kanilang labanan. Parehas silang kulang ng mga piyesang Reyna at ang mga opisyales ay halos ubos na.



"Ikaw na." ang sabi ng lalaki.



"Sandali, nag-iisip pa ako." hawak ng robot ang ulo nito. May mga kulay ubeng liwanag ang sumindi at humugis pabilog ang nabuo sa mukha nito. Ito ang senyales na hirap siya sa laban. Natatawa ang lalaki habang hinihimas nito ang braso niyang giniginaw.



Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang tumayo ang robot. Bumagsak at nagkalat ang mga piyesa ng chess sa sahig. Ang buong mukha nito'y lumiwanag ng sagad, napakaliwanag ng putting liwanag na di pa nangyari kailanman. Kinalibutan ang lalaki. Siya'y napaatras at tumayo sa inuupuan.



"Anong nangyayari sa iyo Pril?" sigaw ng lalaki.



"Huwag kang maingay, Solo! May kasama tayo! Dapa! Magtago ka sa sulok ngayon na!" ang sagot ng robot. Nanatili siyang nakatindig. "Sa sulok. Ngayon na!"



Mabilis na dumapa at gumapang sa sulok, sa tabi ng bintana ang lalaki. Hawak niya ang kanyang ulo habang nakasiksik siya sa sulok.



Nakaharap sa bintanang salamin ang robot.



"Kahit anong mangyari, huwag kang gagawa ng ano mang ingay." ang sabi ng robot sa napakahinang tono.



Ginagalugad nito ang madilim na paligid sa labas ng bahay. Bilog ang buwan ngunit napakadilim sa gilid ng lambak.



May pa-isa isang lumilitaw na mga robot na hawig kay Pril sa ibabaw ng lambak, sa harap ng tore ng Reca. May maliwanag na sinag rin ang lumalabas sa bawat mukha ng mga ito na parang sulong pandagat. Ang mga mukha nila ay buo ring lumiwanag at ang lahat ng liwanag ay nakatutok sa asul na bahay.



Nakikita naman ng lalaki ang nangyayari. Ang mga hugis ng mga robot sa itaas ng lambak ay kitang umaaninag sa frame ng salamin ng mga larawan na nakapaskil sa pader ng bahay. Ang mga dayong robot na may agwat na malayo sa isa't isa ay bumibilang ng sampu.



"Wag kang aalis dyan. Nandito sila para sirain ang Reca, Solo. Nag-uusap kami ng kasalukuyan habang kinakausap kita. Naguusap kami sa isipan. Ang bawat isa sa kanila ay nagtataka sa pagparito ko. Hindi nila alam ang tungkol sa iyo. Gusto nilang malaman ang pakay ko dito. Gusto nilang makalapit. Gusto nilang siyasatin ang pakay ko dito.  Gusto nilang sirain ang punla. Pinapasok nila ang sistema ko at hindi ko sila pinahihintulutan. Sila ay mga lipon ng mga robot na isinugo para lupilin ang mga insektong metal na umuubos sa mga organiko. Hindi nila magugustuhan ang misyon natin. Hindi nila dapat malaman ang misyon natin. Pumapasok sila sa isipan ko, Solo. Hinihikayat nila akong isuko ang memorya ko. Nanghihinala na ang iba sa kanila.  Sa ngayon hindi pa nila natutunton sa isip ko na nandito ka. Hindi ito magtatagal at hindi ko na sila mapipigilan, sakaling madaig ng lakas nila ang pagharang ko.



Sila ay mga Bargaan na tatlong henerasyong mas angat sa akin. Sinuyod nila ang lahat ng nasasakupan, sila na lang at ako ang natitirang robot na nasa maayos na kalagayan. Mas angat sila sa teknolohiya sa akin ngunit mga antiko na rin, sobrang luma na rin sa tagal. Wala silang gumaganang sasakyan. Hindi sila nakukumpuni sa mga sirang piyesa nila. Lumunsad sila galing sa sistemang bituin kung saan ako galing. Dumating sila dito ng nauna pa sa akin, ngunit sa malayo sila bumagsak. Mas maliliksi sila at mas mautak. Kumukuha lamang sila ng lakas sa araw ngunit sapat na ito dahil sa tagal na nilang nandito. Aagawin nila ang Reca kung sakali. Papatayin ka nila kapag nakita ka nila. Gusto nilang malaman ang layon ko dito. Kapag natagpuan nila ito, papatayin ka nila. Kailangan ko silang makumbinseng lumapit dito. Tama, yun lang ang paraan."



"Nasisiraan ka na ba? Lalapit? Bakit mo sila palalapitin?" ang malakas na pabulong ng lalaki. Hindi siya makatingin sa robot ng hindi nakatakip ang kamay dahil sa nakasisilaw na liwanag na galing sa mukha nito.



"Sila ay mga Bargaan na umiikot sa buong Galaxy, naghahanap ng mga metal na kulisap na pumapatay sa mga organiko. Sila ang grupong Nemesis, pinagsisilbihan nila ang mga sinaunang Penttos. Gumagala sila sa buong kalawakan. Inuubos nila ang mga metal na insektong ito na nakakalat sa mga bituin. Ang kulisap mo ay hindi mga batong nagkataon lang, ito ay kanilang itinayo, hinugisan nila ito at ipinatong. Katibayan nila ito na malinis ang paligid sa mga pumapatay na peste. Matagal na silang nandito sa Ares, labingtatlong libong taon na noong sila'y napadpad at bumagsak dito. Nauna sila ng sandali sa pagdapo ng sasakyan ko sa buwan na asteroid, ang Ledro. Doon sila sa malayong dako namalagi, nakatago sa bangin. Ito marahil ang tinukoy mo sa akin. Swerte na ikaw ang nakapansin sa kanila at hindi ikaw ang unang nakita ng mga Nemesis. Naalerto sila noong nagbago ang atmospira at umulan. Ito ang mga impormasyon na sadyang pinaalam nila sa akin.



Sa loob ng maraming taon at sa bawat dako ng kalawakan, nakita nila ang ibang sasakyan na nagtataglay punla tulad ng Reca at winasak nila ang mga ito! Gamit nila ang sasakyang Jint, dinala sila rito, sa Ares. Nakaprograma patungo dito ang Jint at hindi nila ito mapalitan, wala silang kontrol sa sistema ng Jint. Hindi sila dadalhin dito ng sasakyang ito kung hindi ito nagdadala ng sonda. Hanapin mo ang nasirang sasakyang ito, Solo. Posibleng narito ang ibang punla ng ibang tao, ito ang kailangan mo. Hanapin mo ito at matutupad ang misyon. Wala na tayong oras, naghihinala na sila! Makinig kang mabuti. Kung sakaling makarating ka sa sasakyan nilang bumagsak, lumapit ka dito. Ilapat mo ang kamay mo sa itim na bilog na nakaukit sa pintuan nito para bumukas. Hindi sila makapasok sa pinaka-sentro nito dahil hindi sila tao gaya mo at hindi tanggap ang uri nila ng sasakyan na nakaprogramang tao at bantay na bargaan lang ang makakapasok. Sa loob, hanapin mo ang pentagonong kristal. Kung hindi pa nila ito nawawasak, hanapin mo ito. Ilapat mo naman ang kamay mo sa bakas ng kamay, bubukas ang pinto nito. Hanapin mo ang hugis parihabang itim. Ito ang punla. Bumalik ka sa Reca, gumamit ka ng lubid. Umakyat ka sa hagdan na inaakyatan ko. Sa ibabaw ng Reca, tuturuan ka ng diwa ng Reca sa mga kailangan mong gawin. Kaya mo ito Solo."



"Bakit? Saan ka pupunta? Hindi mo ako sasamahan?"



"Oras na ng pagbangon mo Solo. Magtiwala ka sa kakayahan mo. Sila ay lalapit na, wala na tayong oras, sisirain nila ang lahat ng makita nila.



Sa aking senyas, papatayin ng Reca ang ilaw. Lalamig ang buong bahay para hindi nila makita ang init ng katawan mo. Pagpatay ng ilaw, mabilis kang gumapang papunta sa loob ng cabinet ng kwarto at buksan mo ang sekretong pinto pailalim dito. Magtago ka roon. Susubukan ko silang pigilan."



Biglang tumakbo isa-isa ang mga sampung itim na robot. Bumulusok sa bilis ang mga Nemesis palusob ng bahay. Isa-isang namatay ang sulo sa mga mukha nila. Mas mabilis sila kay Pril kung tumakbo. Biglang namatay naman ang ilaw ng bahay. Mabilis na gumapang ang lalaki papasok sa loob ng kwarto at binuksan ang kabinet. Kinakapa nito ang bukasan ng pinto pailalim. Nagulat siya sa pintong bakal na hindi pa niya nakita dati. Pumasok siya sa metal na pinto at kinandado ito.



Tumalon papasok sa salaming bintana ang isa sa mga robot. Binasag naman ng isa ang pinto ng pumasok ito. Dalawa naman ang pumasok sa pader ng wasakin nila ito. Nakapalibot ang sampu sa robot na si Pril. Sila ay mas mataas sa kanya. Para bang kinakausap siya ng mga ito.  Nakaturo ang mga kamay nila kay Pril. Nanghina si Pril at napaluhod ito sa kanyang tuhod.



Hawak ang Magic8ball sa kanyang dibdib, pinisil ni Pril ang tatsulok na salamin nito at pinindot. Nabasag at umilaw ng pulang ilaw ang tatsulok. Nagbuga ng napakalakas na alon na kulay bughaw ang bolang itim. Ang lahat ay nangisay at nagbagsakan sa sahig, kasama si Pril.



Madilim ang bahay, nagkalat ang basag na salamin. Ang liwanag na galing sa buwan ang nagiisang liwanag sa loob ng bahay.



Matapos marinig ng lalaki ang pagbagsak ng mga robot mula sa hukay na pinagtataguan niya, siya ay lumabas agad. Napakadilim sa kwarto. Kinapa niya ang flashlight at binukasan ito. Dahan dahan siyang lumabas palabas ng kwarto. Nakita niyang nakahilata sa sahig ng munting bahay ang mga mahahaba't naglalakihang mga robot na kulay itim. Pansin niya ang malaking butas sa pader, basag na bintana at pinto. Si Pril ay nadadaganan ng isa sa mga robot.



"Pril!!!" sigaw ng lalaki. "Wag mo akong iwan Pril! Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko alam. Bumangon ka."



Sinubukan niyang gisingin ang robot ngunit hindi ito sumasagot. Hindi rin niya ito mabuhat gawa ng pagkakadagan sa kanya ng isa sa mga dambuhalang robot.



Hinawakan niya ang bakas ng basag sa mukha ng kaibigan niyang robot. "Magpahinga ka na kaibigan. Magpahinga ka." sinabi ito ng lalaki sa kanyang kaibigang dahil ito ang naaalala niyang madalas sabihin sa kanya tuwing bago siya matulog sa gabi.





XI



Umaga na at nanatiling nakaupo sa upuan ang lalaki. Nakaupo sa harap ng lamesa ang metal na katawan ni Pril at hindi kumikilos. Nakayuko ang ulo nito't nakabagsak naman ang mga kamay. Ang lalaki naman ay nasa kabilang upuan. Nababalot ng takot at poot ang kanyang isipan. Umiiyak siya't nagmamakaawa sa kaharap na bumangon na dahil hindi na niya alam ang gagawin. Hindi niya alam kung paano siya mabubuhay ng wala si Pril. Siya na lamang, mag-isa na lang siyang natitirang nilalang na kumikilos, humihinga sa isang disyertong planeta. Alam niya base sa karanasan na ilang oras pa'y gugutumin na siya at walang lugar saan man ang may pagkukunan ng pagkain. Sa loob ng matagal na panahon, ngayon lang siya nakaranas ng pighati at matinding lungkot sa pag-iisa. Iniisip niya ang unang gabing nakilala niya ang robot. Ilang buwang lang itong nakalipas ngunit parang kay tagal na sa kanyang isipan. Alam niya ang pakiramdam ng mag-isa. Walang pagbabago, ang robot na si Pril ay patay na at hindi bumubukas ang sulo sa kanyang mukha. Malungkot ang mukha ng lalaki, walang patid na nakatitig lang sa kaibigang robot.



Iniisip na lang niya’t binabalikan ang bilin ng robot na si Pril. Nagsuot siya ng itim na damit at lumabas ng bahay. Umakyat siya sa hagdang bato na kanilang ginawa. Sumakay siya sa kabayong robot at naglakbay patungo sa lambak kung saan niya nakita ang anino ng isa sa mga tinaguriang Nemesis. Siya'y nagpatuloy sa paglalakbay sakay ng kabayong walang pagod. Bumaba siya sa ibaba ng bangin. Kinapa niya ang bulsa ng kanyang damit. May apat na tabletang asul na lamang sa kanyang bulsa ng kanya itong suriin. Ito ang kailangan niya para makabalik sa Reca. Nagpapahiwatig na rin ang kabayo na nagkukulang na ng enerhiya at nangangailagang kargahan ng tabletang ito.



Sa bangin, napansin niya ang mapulang lupa na may bakas ng paa ng mga Nemesis. Sinundan niya ito. Sa hindi pa kalayuan may dumaan na napakalakas na hangin, siya ay bumaba muna at humawak na lang sa tali ng kabayo. Tinakpan niya ng balabal ang kanyang mukha. Napansin niya sa paibaba ng dalusdos ang isang itim na nakasadsad sa batuhan, isang sasakyang kahawig ng Reca. Napakarami na ng alikabok nito at halos namumula na gawa ng lupang mapula ng Ares. Wala itong silindrikong pundasyon, nakasadsad lamang ito sa lupa at nakabaon ang halos kalahating bahagi nito sa lupa. Ito ang sasakyang Jint na tinukoy sa kanya ni Pril. Malaki ito ng bahagya sa Reca. Mas matulis din ang mga sulok ng palipit na hugis nito.



Agad na hinanap ng lalaki ang bilog na lagusan papasok sa itim na sasakyan. Pumasok siya sa lilim na gawa sa pagkakasadsad ng sasakyan. Nakabaon na sa lupa ang kalahati ng bilog na pinto. Pansin niyang bakas ang mga kamot ng mga Nemesis sa pintuan sa pagpilit nilang makapasok dito. Inilapat niya ang palad niya sa bakas ng palad na nakita niya sa kanang bahagi ng pinto. Hindi ito bumukas ngunit may umugong na tunog na nagmula sa itaas ng dalusdos kung nasaan ang dulo ng sasakyan. Lumabas siya sa lilim at umakyat siya sa mabatong dalusdos. Wala pa ring tigil ang malakas na hangin. Natagpuan niya ang bukas na pinto ng sasakyan sa kabilang dulo, sa ibabaw at pinapasukan na ito ng alikabok. Sumilip siya sa loob ngunit wala siyang makita.



"Hoy! " sigaw ng lalaki. "Wala bang sasagot?” Nag-aalangan siyang sumigaw kahit pa alam niyang walang sinoman ang nasa loob.


Sumilip siya sa madilim na sasakyan at wala siyang naaaninag ano man. Bumababa siya ng dahan-dahan ngunit agad siyang nadulas at gumulong paibaba ng sasakyan. Nang maumpog siya sa dulo, biglang bumukas ang mga ilaw sa loob. May lumitaw sa pakurbang salaming dingding ng sasakyan, lumiwanag ng kulay puti at may isang imahe ng naka-pulang babaeng tao na may mahabang buhok ang biglang lumitaw.


"Huwag kang matakot Solo, ako si Sliin. Alam kong binanggit ako sa iyo ni Pril. Tutulungan kita."



"Sliin? Sliin ng Reca? " Namangha at napatitig ang lalaki sa kausap niya.



"Ako nga! Ako ang diwa ng Reca. Makinig ka. May sasabihin akong mahalaga sa iyo."



"Nakikita mo ba ako? Buhay ka ba?" tanong ng lalaking sabik malaman ang kalikasan ng kanyang kausap. "Paano ka nakarating dito?"



"Wala na tayong oras. Makinig ka." Napahinto ang diwa na si Sliin dahil napalingon sa kanyang kanan ang lalaki. "Sino siya? " Natakot ang lalaki’t umatras palayo. May imahe naman ng mukha ng lalaking matanda sa kabilang panig ng dingding.



"Siya si Pylis ang diwa ng Jint. Isasama natin siya. Makinig ka, ikaw ang mahalaga. Wala na tayong oras. Kailangan mong makabalik sa Reca, dalhin mo ang mga punla sa Reca." Tinuro ni Sliin ang gawing kaliwa kung nasaan ang isang pahabang pentagonong kristal na kulay asul, may mga nakasuksok ditong mga pahabang itim na bagay.



"Hugutin mo ang mga yan, ang bawat isa ay isilid mo sa itim na bag." sabi ni Sliin.



Umakyat paitaas ang lalaki, hawak ang riles sa gilid ng sasakyan.



"Bilis." Ang pagmamadali ni Sliin.



"Bakit ba? Bakit kailangan magmadali? Paano kayo makakasama sa akin?"



Ginawa na lang ng lalaki ang utos ni Sliin, kinuha niya ang mga punla at inilagay sa bag.
Biglang lumaki ang mukha ng diwa na si Pylis sa dingding ng sasakyan at nagsalita ito. "Wala ka nang oras. Babalik si Pril sa sasakyan at kapag natagpuan ka niya, papatayin ka nito. Sisirain niya pati kami."



"Pril?" laking gulat ng lalaki.



"Hindi si Pril ito na iyong kilala, Solo." Sabi ni Sliin. "Siya ay bantay ng Jint, mas angat sa teknolohiya ni Pril ng Reca. Binuo ang Jint, limang taon na ang nakalipas noong ilunsad ang Reca. Isa siyang buwang na robot, gumagala sa buong planeta at minsa’y bumabalik sa sasakyang ito, mahirap siyang hagilapin maging ang Nemesis ay hindi siya makita. Nasira ang sistema niya nang bumagsak at masira ang Jint. Ito ang dahilan kung bakit inatake ng Nemesis si Pril sa asul na bahay. Sa umpisa’y napagkamalang siya ito. Bilisan mo."



"Si Pril, maka-ilang ulit na niyang naikot ang planetang ito.” Ang sabi ng matandang si Pylis.



"Umaasa lang siya sa sinag ng araw para mabuhay. Nauna pa kaming dumating dito kahit pa nauna kayong umalis sa pinagmulan. "



"Paano kayo? Maiiwan kayo dito? Paano kayo makakasama?" tanong ng lalaki.



"Huwag kang mag-alala, magkikita tayo sa Reca, Solo." sagot ni Sliin.



Hindi man naiintindihan ng lalaki ang nangyayari, mabilis siyang umakyat sa butas na lagusan niya kahit pa napakabigat ng dala niya sa kanyang likuran. Nahihirapan na nga siya sa bigat, wala pang tigil ang pagpasok ng alikabok sa sasakyan. Bitbit niya ang dalawampu’t tatlong itim na punla sa kanyang likuran. Napakalakas ng hanging may bitbit na alikabok sa labas. Hinanap niya agad ang kanyang metal na kabayo at inilagay sa likuran ang itim na bag. Binigyan niya ng asul na tableta ito, sumakay siya at pinalakad palayo sa sasakyan. Itinali niya ang bag sa kanyang bewang. Tinakip niya ang balabal sa kanyang mukha.




Nang lumingon siya pabalik, may nakita siyang nakatindig sa likuran, isang robot.



"Pril?" Sabi ng lalaki sa sarili.



Biglang umilaw ng kulay pula ang mukha nito at parang lumalapit sa kanya. May hawak itong patalim sa kamay kaya’t natakot ang lalaki at pinatakbo palayo ang kabayo.
Nakakapit ng mabuti ang kamay ng lalaki sa kabayo habang tumatakbo ito ng matulin. Lumilingon siya pabalik sa pinanggalingan upang malaman kung sumusunod pa rin ang robot.
Matapos ang ilang oras, kita pa rin niya sa malayo ang robot na tumatakbo palapit sa kanya, hanggang maiwan niya ito.



Umabot siya sa bato na hugis kulisap at ipinahinga ang robot na kabayo sa ibaba ng Reca.
"Paalam kaibigan" ang sabi ng lalaki sa robot na kabayo. Humarap siya sa gawing ibaba, sa asul na bahay. Tumulo ang luha niya at nagpaalam sa kaibigang si Pril sa kanyang isip. Dinampot niya ang mga lubid na nakabagsak sa maputik na sahig. Kinuha niya ang dulo at ilang ulit itong ibinato sa hagdan ng Reca.



Pagkakapit ng lubid sa metal na riles ng hagdan, inakyat na niya ito. Umakyat siya ng dahan dahan sa hagdan ng Reca. Hirap siya gawa ng mabigat na bitbit niya sa kanyang likuran. Hirap siyang mabuhat ang kanyang katawan. Habang siya ay nasa ibabaw, nakikita niya ang papalapit na robot na tumatakbo. Siya ay napakalayo pa ngunit bumubulusok at napakabilis. Minadali niya ang pag-akyat kahit pa nananakit na ng todo ang kanyang mga kamay at likuran. Pagdating niya sa ibabaw, inilapat niya ang kanyang palad at bumukas ang pinto. Pumasok siya rito ng hinihingal. Nilapag niya ang bitbit sa sahig ng Reca. Sumara ang pintuan at lumiwanag ang paligid. Doon, ang pakurbang dingding ng Reca ay sumindi. Nakikita ang paligid na mabundok at maraming puno. Sinubukang hawakan ng lalaki ang dingding na salamin ngunit hindi siya nakakapasok sa napakagandang tanawin.



"Nasaan ako?" tanong ng lalaki.



"Ikaw ay nasa loob ng Reca." Sagot ni Sliin na nasa kanyang likuran. Tumalikod siya at nakita ang babaeng si Sliin na nakaputing damit sa salamin ng pakurbang dingding ng Reca. Ang paligid ni Sliin ay napalilibutan ng kulay berdeng tanawin, mga halaman at kabundukan. Mula sa mga puno naglabasan ang mga nagtatagong mga tao. Sila ay nakaputi ngunit may iba’t ibang itsura.



"Sila ay mga diwa ng iba’t ibang mga sasakyan. Ang Pril ng Jint ang kumolekta sa kanila. Isa siyang dakilang Bargaan, niligtas niya ang mga punla at mga diwa sa iba’t ibang dako ng kalawakan. Sinisira ang mga sasakyan ng mga nagnanais wasakin ang layunin nito, hanggang sa siya na lamang, ang Jint at ang Reca ang natira. Niligtas niya ang mga diwa ng mga wasak na sasakyan, kinuha niya at inipon ang mga punla sa Jint. Hindi natin alam ito, nalaman ko lang ito kahapon. Ang Pril ng Jint rin ang nagligtas sa mga Nemesis na nasiraan ng mga sasakyan. Libong taon na ang nakaraan nang madiskubre niya ang mga naiwang Nemesis sa isang sirang sasakyan. Sa bandang huli, bumagsak ang kanyang sasakyan dito sa Ares, kasama ang sampu at dito siya nabaliw. Hindi maibabalik ng Jint ang buhay ng mga punla, at hindi ito kinaya ng robot. Nasira ang siyamnapu’t pursyento ng sistema ng Jint. Hindi niya ninais na masira ang misyon na milyong taon niyang inalagaan. Ang Reca na lamang ang natitirang sasakyang gumagana pa."



"Pril?"



"Siguro ay lito ka nga, Solo. Ang nakilala mong Pril na natutunan mong mahalin ay ang Pril #5. Ang tinutukoy ko ay si Pril #41 ng sasakyang Jint. Iisa lang ang kanilang programa at layunin, protektahan ang punla na kanilang dala. Lahat sila ay inilunsad na hindi nalalamang may kaparehas sila sa misyon, ang buhayin ang lahi ng tao. Ang Reca ang unang sasakyang inilunsad patungo sa malayong sistemang bituin. Nakatakdang pagsama-samahin ang mga sasakyang ito sa planetang Ares, ngunit hindi na ito nasunod, nasira na ang plano. Dadalhin kita, kasama ng ibang punla sa ibang lugar, malayo dito."



"Paano ako nakarating dito? Sliin, saan ako galing?"



"Ikaw ay mula sa instruksyon ng pagbuo ng embryo ng dalawang mag-asawa na malapit sa isang Quillian, narinig mo na siya, si Yuki Alrasing. Hindi alam ni Pril ito, sa akin lang ito ipinaalam ngunit ito ang katotohanan."



Biglang nahilo at hindi makahinga ang lalaki.



"Anong nangyayari sa akin? " Tanong niya.



"Patutulugin kita. Ilalagay ko ang katawan mo sa ligtas na kalagayan. Gigising ka na lang kapag nakarating na tayo sa patutunguhan. Hindi na tayo maaaring magtagal sa planetang ito. Sa ngayon, kailangan ng Reca ng Bargaan. Nakaisip ako ng paraan."




"Sandali." ang huling iwinika ng lalaki.



Nanghihina at hindi na makakilos ang lalaki. Ang lahat ng nakaputing diwa sa dingding ay nakatingin sa lalaki at nagtataka sila. Ang sabi ng isang babae sa kausap, "Totoo, nabuhay nga ang isa. Nabuhay siya." Ngumiti naman ang lalaking maitim sa kausap. Nakatingin lang sa kanila ang lalaki sa sahig dahil hindi siya makakilos at paunti unti na siyang nawawalan ng malay.



Samantala, ang tumatakbong Robot ay nakaabot na sa Reca. Yumayanig ang lupa gawa ng nagbabadyang bulkan na papaputok na. Gamit ang kanyang patalim, pinugutan niya ng ulo ang Robot na Kabayo ng napakabilis. Nilundag niya ang hagdan at mabilis itong umaakyat. Paakyat na siya at malapit na sa pinto nang may umagaw ng kanyang pansin. Kumikinang ang isang liwanag na nanggagaling sa loob ng bahay na asul. Pulang pula ang madilim na mukha ng robot. Bumaba ang Robot sa hagdan at lumundag ito paibaba. Bumaba siya sa hagdang bato patungong asul na bahay. Malikot ang ulo nitong tumitingin sa bawat dako. Nagtataka siya sa bahay na nakatayo. Nang siya’y makarating, nakita niya sa paligid ang mga Nemesis na nakahilata sa sahig at si Pril na nakaluklok sa upuan sa tabi ng mesa. Lumapit ang robot dito sa pagkamangha sapagkat sila ay magkawangis. Para bang nakatingin siya sa isang salamin. Tinitigan niya ito, inangat, at hinawakan sa ulo. Biglang hinawakan ng nakaupo ang kamay nito. Nanginig ang robot na nakatayo at napalitan ng puting kulay ang pulang liwanag sa mukha nito.



Tinignan niya ang kanyang mga kamay. Sinilip niya ang Reca sa kalayuan at ito ay lumiliwanag sa gilid at gumagawa ng malakas na ingay. Agad niyang dinampot ang imahe ng babaeng nakapiring at ang music box. Tumakbo siya palapit sa Reca. Umakyat siya dito gamit ang isang kamay.



Nabuhay muli si Pril nang sumanib siya sa masamang robot. Kahit pa hirap siya, inakyat niya ang hagdan ng mabilis. Pumasok siya sa loob ng Reca at inilapag ang kanyang dala. Napansin niya ang lalaki na nakahiga, binuhat niya ang taong walang malay. Inilapag siya sa isang higaang punong puno ng bilog na metal na may iba’t ibang laki at ang mga ito’y nagsikilos, bumalot ang mga ito sa katawan niya. Tila’y nilamon siya palubog ng mga lupon ng maliliit na robot.



Pagmulat ng lalaki ng kanyang mata, siya’y nakahiga sa loob ng isang kwarto. Lumabas siya at sinalubong siya ng isang matandang lalaking may balbas.



"Sino ka?" ang unang tanong ng lalaki. "Nasaan si Sliin?"



"Ako si Victor. Hinintay namin ang iyong pagbalik."



"Nasaan ako?"



"Ikaw ay nasa Earth. Isang malaking karangalan sa akin na ako ang sasalubong sa iyo. Naniniwala kaming sa iyo ito." Iniabot ng matandang lalaki ang music box sa kamay ng lalaki.



"Hindi ko. Nasaan ako? Paano? Saan galing ito?"



"Sa Reca. Sa Ares. 

Kami ang kaapu-apuhan ng mga punla na dala ng Reca, limandaang taon na ang nakalipas. Pinangako namin kay Pril na sa tamang oras, ikaw ay ilalabas namin sa Reca, aalagaan at bibigyan ng masaganang buhay. Matagal na panahon na noong mamatay si Pril, nagtapos na ang kanyang misyon. Pinaliwanag niya na pag-bangon mo, hindi mo mararamdaman na nagdaan ang napakahabang panahon. Hindi man siya nakapag-paalam sa iyo, nais niyang ipaabot sa iyo ang balita na nagkamali siya. Nais niyang ipaalam sa iyo ang lahat ng mga nangyari habang ikaw ay tulog sa tagal ng panahon, ang lahat ng ito ay para sa iyo at sa kinabukasan ng planetang ito. Nag-iwan siya ng mga aklat, mga huling sekreto na inilabas ng diwa ng Reca, mga kaalaman na may kinalaman sa nakaraan ng planetang ito. Marami ang inakala niyang mali. Bumuti na muli ang kalagayan ng planetang ito, matapos ang daan-daang libong taong naglakbay ang Reca sa kalawakan. Nawala ang nakapipinsalang klima nito at naglaho na rin ang lahat ng nakamamatay na radyaktibo sa hangin. Muling nabuhay ang planeta sa tagal ng pagbalik ng punla dito. Dumating dito ang Reca ng nagyeyelo ang disyertong planeta. Binago ni Pril ang klima ng planeta at mula sa mga punla, binuhay ni Pril ang aming mga ninuno. Mula rin dito, binuhay namin ng dahan dahan ang planeta, may mga iba’t ibang halaman na at hayup sa paligid. Sa umpisa’y nahihirapan mabuhay ang lahat ngunit paunti-unti namin itong natutunan. Tinutulungan kami ng babaeng nasa salamin, si Sliin. Kasama namin siya sa loob ng tatlong daang taon. Ngayon, ang aming mga gabay ay wala na, ikaw na lang ang natitira sa kanila, ikaw na lang."



Hindi na nakapagsalita si Solo. Nananakit ng bahagya ang katawan niya at tinulungan siya ni Victor na tumayo. Lumabas si Solo sa bahay at sinalubong siya ng mga tao. May mga iba’t ibang bahay na kulay puti, magkakadikit ang mga ito, mga higanteng kabute at mga puno. Sa labas, may mga taong may bitbit na bulaklak sa paligid ang sumalubong sa kanya. Ang lalaki ay hindi na muli mag-iisa.


-----------------------
Agosto 16, 2014-Nobyembre 8, 2014
Mga Maikling Kwento © E.L. Minell