26.6.08

Floor 66

Floor 66
By E.L. Minell


Hulyo taong 2047.
Si Beth ay nakaupo sa Tren patungong Cavite. Siya ay maliit, mapayat, medyo maikli ang buhok at sa unang tingin ay kapansin-pansin sa kanyang mata na siya’y may pagka-mestisa. Pula ang kulay ng kanyang damit at siya’y naka-itim na palda. Malakas ang ulan sa labas dahil sa Bagyo ngunit hindi ito inaalintana ng mga abalang-abalang tao na nagsisiksikan sa loob ng tren. Wala ring pumapansin sa napaka-ingay na mga patalastas sa loob ng tren na makikita sa harapan ng bawat upuan nito. Ang kanyang katabi sa kaliwa ay isang Aprikanong babaeng nakasuot ng tradisyunal na damit sa Aprika ay umo-order kaharap ang screen ng patalastas ng Noodles at siya’y may pinapa-deliver sa kanyang opisina sa Cavite para abutan na lang niya roon ang kanyang almusal. Ang lalaking puti naman na isang Australiano na nasa tabi ng bintana ay nagpapareserve ng ticket para sa kanyang paglipad papuntang Puerto Princesa. Karamihan sa mga Pilipinong nasa Tren ay nakapagtrabaho na rin sa iba’t ibang bansa, kagaya nitong isang naka-unipormeng pang-restaurant, isang lalaking payat na payat na nakatayo sa daanan ng tao. Kinukwento niya sa kanyang kasama ang mga karanasan niya sa Hawaii. Maaaninag mo lang sa labas ang mga lumang building na kanilang dinaraanan at ang napakaraming taong naglalakad sa may bangketa. Kung hindi umuulan, mainit sa loob ng Tren.

Sinisilip ni Beth sa kanyang Mobile ang layo ng kanyang pupuntahan. Napansin siya ng isang babaeng nakatayo. “Beth, is that you? Saan ka na ngayon?” ang sabi ng babaeng maikli ang buhok.

Nagulat si Beth ng makita niya ang isang kilalang mukha, “Viv, interview ko kasi sa Cavite. Sa Empire something Tower 1? Basta sa likod ng dati naming pasyalan. Alam mo yun. Ikaw saan ka ngayon?” Nakadikit ang kanyang kilay nang magpakita ang kaibigan niyang si Vivian.

“Sa kinakainan ninyo dati? Doon ako nagtratrabaho sa Floor 66 rin. Kilalang building yun. Composer pa rin ako pero paalis na rin ako dun kasi strict masyado ang Boss. Sa True M International ako sa tabi ng pupuntahan mo, dalawa lang naman ang company doon. Ang tawag nila sa buong floor ay Floor 66. Nagcocompose ako ng music.”

“Paano mo nahulaan na sa Floor 66 ako papunta?”

“Nag-aapply ka bang model? Tama ako di ba? Marami kasing model doon.”

“Hindi Viv, sa Sales ako. Hindi pa ako sigurado kung may mabebenta ako. Galing akong Manila, kahapon nasa Mindoro lang ako, pinatawag lang ako dito. Long time no see ha! Five years right?”

Bumaba na sila sa station at nag-ngitian sila sa isa’t isa. Limang taon na silang hindi nagkita at hindi sila nakakapag-usap dahil raw sa sobrang abala sa trabaho. Nakasalubong nila sa daan si George. “Beth, late ka. Next time wag kang magpapa-late,” sabi ni George. “Sabay na tayo, hinihintay ka na raw ng Boss sa lobby. Hatid kita dun para abutan mo pa siya.”


Mas nakararami ang mga mukhang intsik, koreano, hapon at puti sa loob ng building. Ang iba ay may mga kasamang mechanical secretary na naglalakad sa tabi nila. Ito ay iba’t ibang klaseng robot na siyang nagsisilbi ring computer nila, parang secretary na taga-hawak at taga protekta ng mahahalagang bagay kagaya ng money card, electronic files, mobiles at iba pa. Bibihira ang maririnig mong nag-uusap sa salitang Pilipino. Karamihan ng nagtratrabaho dito ay umiiwas sa mga mahihirap na lugar kagaya ng Makati upang makaiwas sa mga krimen at gulong mga nagaganap dito. Ang mga Pilipino sa gusaling ito ay simpleng empleyado lang at ang mga may lahi ang mga nasa mataas na posisyon. Kung ikaw ay nasa loob, aakalain mong wala ka sa Pilipinas. Ang kulturang pang Silangang Asya at kultura ng Kanluran ang iyong mararamdaman dahil sa desenyo ng gusali, musikang tinutugtog, itsura ng mga tao at lahat ng iba pang bagay sa loob ng napakaliwanag na gusaling ito.


Si George ay dating nagtratrabaho sa Makati, sa isang opisina na pagmamay-ari ng Gobyerno. Napakarami ng nagugutom sa kanyang pinanggalingan at si George ay isa sa mga ito. Napakamahal ng pag-kain at kapag ikaw ay sa Gobyerno nagtratrabaho, mararanasan mo pa ang mga pagnanakaw ng Gobyerno sa sarili niyang mga tao. Sa kapayatan nakikita kung sino ang mayaman at ang mahirap, ngunit si George ay may kaunting muscle sa hugis ng kanyang katawan. Naging mapalad siya ng isumbong niya ang isa sa mga nakakataas na opisyal na tumatanggap ng lagay mula sa mga sindikato. Pinalipat siya sa isang pribadong kumpanya na labis naman niyang ikinatuwa. Siya ay may anak sa probinsya na tatlong buwan na niyang hindi nakikita. Mag-iisang taon na siya simula noong natanggap siya sa trabaho ni Mr. Clay.


Marami siyang bitbit na gamit na pinick-up niya sa Train Station na galing rin sa opisina ni Beth.


“Viv, si George siya yung nagrefer sa akin dito,” ang pagpapakilala ni Beth sa kanyang kaibigan. Nag-kamustahan si Viv at si George sa isa’t isa. “Taga Mindoro rin siya Viv. George, si Vivian taga Mindoro rin. Maniwala kayo sa hindi, doon ko kayo nakilalang pareho.”


Sa lobby, tinawag si George ng Receptionist at inabot ang maliit na sobre sa kanya. Binigay ito ni George kay Beth. “Ito, instruction yata ni Boss, too late ka na kasing dumating. Tandaan mo nirefer kita, baka pati ako madamay. Ayaw na ayaw niya ang late. Dito di ka na pwede pang ma-late. Oo nga pala, namimiss ko na rin ang Mindoro, hindi na ako nakakauwi. Kamusta na ang mga tao doon?” Hindi sinagot ni Beth ang nangungulit na kaibigan.


Sabay sabay silang umakyat sa elevator at pinindot ang 66th Floor. “You must be Ms. Beth?” ang sabi ng kanyang katabi.


“Sorry po, sino po sila?” ang tugon ni Beth sa nagtatanong.


“Ah ako si Col. Sanchez, Retired Col. Sanchez. Ako ang head of Security ng building. Ako ang mag-aassist sa inyong mag-install ng system.” May bitbit na malaking itim na bag si Col. Sanchez. Siya ay matangkad, moreno ang balat, medyo kulubot na ang gilid ng kanyang mga mata at may puting buhok sa gilid ng kanyang itim na buhok. Napapatingin naman sa kanila ang mga singkit na katabi nila sa elevator.


“Ah ganun po ba. Wala po ba yung nakausap ko last week? Nakakahiya naman po sa inyo kung kayo pa ang mag-aassist sa akin.” ang sabi ni Beth.


“Ako ang boss niya. Na-overdose daw yun last night. Drug overdose. Sabi nila may kasamang babae bago umuwi at nakita na lang siya sa sahig na nakahilata.” Bumaba si Col. Sanchez sa 40th Floor.


“Yan na po ba yung lumang transmitter?” Tinuro ni Beth ang bitbit na bag ng matandang retiradong sundalo.


“Oo. Ito nga, sabi mo raw dalhin ko. Mamaya ko pa idadaan doon. Gusto kong makita sa sarili ko. This is my floor. See you later.”


“Sige po see you there na lang po,” ang magalang na sagot ni Beth. Sumara na ang elevator.


“Ano ba ang tinitinda mo?” tanong ni Viv kay Beth. Sumabat sa usapan ang madaldal na si George at sinabing, “Gadgets pang security ang product nila… iba iba, pang block ng phone signals, camera, marami pang iba. Ako kasi ang nilapitan ng Boss namin at naalala kong binanggit lang sa akin ni Beth ito the day before kaya nirefer ko si Beth. Alam mo naman delikado na sa mga panahon ngayon, kailangan ng ganyang security measures pati sa company natin. Siguradong huli ang kilala kong tao, buti nga sa kanya. Alam mo kasi yung kasama ko sa 2nd Floor, may illegal software siya na Fantasy Extreme 4, narinig mo na siguro yun, yung pwede mong gawin ang kahit na anong gusto mo sa kahit na sinong tao na game. Very realistic simulation yun na pwede mong ilagay sa mobile mo or sa home theater na madaling gamitin, it’s just a phone call away pero dito sa amin bawal yun. Maraming celebrity ang galit na galit doon pati mga pulitiko kaya binawal na sa batas. Kaya regulation rin sa building na i-regulate ang bawat empleyado na gumagamit ng mga illegal na softwares kagaya nun. Sa Net madali lang silang ma-trace kaya karamihan ng mga pumapasok dito nilalagay nila sa mga accessories nila ang mga illegal na program, yung mga product nila Beth kayang i-trace pati ang mga di kayang i-trace ng iba. Sina Beth may mga pang-trace ng mga illegal na softwares isa lang sa mga i-ooffer niya dito. Gusto ring magkaroon ng pang-block ng software na yan si Col. Sanchez. Siyempre Beth dapat may kick-back ako diyan.” Nakangiti ang bibig ni George sa kanila at gusto pa yatang makipag-kwentuhan ngunit napansin niyang sinusupladahan siya ni Viv at hindi siya pinapansin nito. Lumabas sila sa 66th Floor at nagpaalam sa isa’t isa.


Pumasok si Beth sa CR. Binuksan niya ang ang sobreng galing sa lobby at kinuha ang laman nitong parang maliit na hikaw na may brillante. Inilagay ang maliit na mukhang mumurahing hikaw sa likod ng kanyang tenga. Flinush niya ang sobre sa toilet bowl. Dumiretso siya sa kwarto kung saan magaganap ang meeting. Walang tao sa Conference Room kundi siya. Hinipo niya ang screen ng isang monitor sa likod ng pintuang salamin at pinili niya ang “Security” sa Menu. Dumikit ng parang magnet ang kanyang mobile dito at pinindot niya ang reset button habang hinihinaan ang volume nito. Ang nasa screen na lang ng Monitor ay ang mga upuan ng Conference Room at hindi na siya nakikita dito. Binura rin ng kanyang mobile ang naunang recorded logs dito. Kumuha at naglagay siya ng tissue paper sa kanyang kamay galing sa mesa. May inilabas siyang gwantes na itim na pan-lalaki sa kanyang maliit na bag at inilagay ang gwantes sa ilalim ng upuang itim na malapit sa bintana. Maingat niya itong hinawakan sa pamamagitan ng tissue paper. Inangat ni Beth ang isang halamang nakatanim sa salaming vase at kinuha niya ang isang kartong kulay itim na nakabaon sa malambot na lupa nito. May isang device ang nasa loob ng kahon, isang talampakan ang haba, mukhang lumang telescope na kulay ginto. Binuksan niya ang bintana ng opisina. Umuulan pa rin at mahangin sa labas ng gusali. Kumuha siya ng isang payong sa sulok, binuksan niya ito, itinusok niya ang hawakan ng payong sa butas ng vase na nasa tabi ng bintana. Bumalik siya sa kanyang mobile, may pinindot siya at nakita niya sa kanyang mobile ang itaas na view ng building na kuha sa Satellite. Kung siya ay dudungaw sa bintana, hindi siya makikita sa itaas. Sumilip siya paibaba sa napakataas na building. Itinutok niya ang telescope na device sa ilalim ng building, sa daan kung saan nakikita niya ang mga sasakyang naiipit sa trapik. Iniikot-ikot niya ang lense nitong antique na telescope habang sinisilip niya ang mga sasakyan sa daan. May hinatak siyang metal na bagay galing sa gintong telescope at idinikit niya gamit ang mala-magnet nitong pang ipit sa bakal na gilid ng bintanang salamin.


“Blue Sphinx 36, 35, 34, 33…” ang sabi naman ng kumakausap sa kanya gamit ang high tech na mala-hikaw na device na nilagay niya sa kanyang tenga. Hinawakan niya ang kanyang tenga at nagsalita siya ng “Dinner is ready.” Tinutok niya sa kulay asul na sasakyan ang telescope at binitawan na niya ito. Ang telescope ay automatic na sumusunod sa direksyon ng sasakyan.


Dinampot niya ang kanyang mobile sa pagkakadikit nito sa Security Monitor ng silid at inilagay sa kanyang bag. Paglabas niya sa pintuan, bumalik sa Menu Mode ang Security Monitor. Lumabas siyang muli sa Conference Room na walang nakakakita sa kanya at pumasok sa kabilang silid.
Sa labas ng gusali, biglang may lumilipad na dalawang missiles galing sa ika-apat na palapag ng magkabilang gusali ang tumama sa kulay blue na kotse na kanyang tinutukan. Sumabog ito ng napakalas! Mabilis namang naglabasan ang mga empleyado ng Floor 66 galing sa kani-kanilang ginagawa ng makarinig ng malakas na pagsabog.


Lumabas si Beth galing sa CR at nakasalubong niya si George. “George anong nangyari?” ang sabi niya kay George.


“May sumabog na naman na Kotse, sa tapat pa ng building. Yung President ng Multinational Company nasa loob. Di ko pa alam ang buong detalye.”


“Talaga? Kailangan ba nating mag-evacuate?”


Nakasalubong naman nila sa corridor si Col. Sanchez. “Beth, saan ka pupunta?”


I’ll be back sir, check ko lang ang friend ko sa kabilang company nagkakagulo kasi. See you in the Conference Room po.”


“Ok sige,” ang sagot ni Col. Sanchez.


Pagpasok sa salaming pintuan ng Conference Room ni Col. Sanchez, may tinawagan si Beth gamit ang kanyang mobile.


“Yes, Dinner Tonight,.” ang sabi ni Beth sa kausap.


“Sino yun?” ang sabi ni George. “Bago na naman ang boyfriend mo?”


Hindi niya sinagot ang tanong ni George. Nakababa na sila ni George ng Ground Floor. Biglang may nag-aakyatang pulis sa mga elevator patungong 4th Floor. Nanonood sa wide-screen Lobby TV ang mga nasa ground floor ng abutan nila. Hindi magkahalo ang mga tao sa ibaba. May nanonood ng International News at may nanonood naman ng Local News. Ayon sa balita, may nagsumbong daw na credible witness ang nakakita sa isang lalaking matanda sa Floor 66 ang may itinututok na unknown device sa kotse bago mangyari ang pagsabog. Ang nakitang salarin sa imbestigasyon ay si Col. Sanchez na dating may kasaysayan ng pagkayamot sa pagpapatakbo ng kumpanya ng nasawing Presidente nito.


Nagdagsaan pa ang mga pulis paakyat ng elevator, patungo sa Floor 66.


Tinignan ni Beth ang kanyang mobile. Ang kanyang asawa ang nasa kabilang linya. Namumula ang mata nito at mukhang takot na takot. Pinindot niya ang screen para magfull screen ang kanyang mobile. Naglalakad ito at sinabi sa kanyang, “Beth, Sweetheart, ok na ako magkita tayo sa car park, malapit lang ako sa iyo, papunta na ako doon.” Kumalaskas at nasira ang kanyang Mobile. Umuusok pa ito ng itapon niya sa basurahan ng lobby. Dali-dali siyang tumakbo papalabas ng gusali papunta sa car park na tinutukoy sa kanya ng kanyang asawa.


Samantala, nanonood ng TV sa lobby ang mga tao ng gusali ng biglang mapansin ni George si Vivian na nandito sa pulong ng mga mabababang empleyado. Ang iba sa mga empleyado ay nagtyatyaga na lang sa kanilang mobile. Kakamustahin sana niya si Vivian ngunit napansin niyang nakatitig silang lahat sa balita tungkol sa naganap na pagsabog kanina. Sa balita, sinasabi ng isang eksperto na planadong mabuti ang pagpatay sa isang Presidente ng Kumpanyang galing Tsina. Hindi niya makita ang Screen dahil nasa gilid na siya kaya naghanap siya ng ibang wide screen. Sa TV Screen naman ng mga Janitor at Security Guard, kung saan siya napadpad, may isang tagapagbalita sa lokal na istasyon ang nagsasalita matapos patirin ang eksperto sa kanyang sinasabi.


“May natagpuang bangkay ng isang babae ilang segundo lang ang nakakalipas sa isang Car park sa hindi kalayuan. Ang babae ay posibleng asset ng mga rebelde ayon sa mga pulis. Positibo siyang nakilala sa pangalang Elizabeth Lake. Ayon sa traffic camera, pumasok siya sa Gusali kung saan naroon si Col. Sanchez, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Mr. Ching at sa kanyang mga bodyguard. Si Col. Sanchez, ang hinihinalang leader ng grupong ito ay nasa kustodiya na ng mga Elite na Police ng Cavite. Nahuli siyang nasa Floor 66 habang inaalis ang isang laser device na mukhang antique na telescope na ginamit na pang-guide sa mga missiles. Ayon sa mga pulis, luma na raw itong teknolohiyang ito. Dalawang laser guided missiles po ang pumatay sa naturang Presidente ng Kumpanya na si Mr. Ching.


Ayon sa pahayag ni Col. Sanchez, inabutan na raw niyang naka-set ang device na ito bago niya alisin, tiwala raw siyang nakikita naman sa kanilang camera ang buong pangyayari. Inaalis raw niya ito para maiiwas kung sakaling magamit pa ito ng mga gumawa ng pagpasabog dahil siya raw ay head ng Security ng building at ito ay kanyang obligasyon, bagay na hindi pinaniwalaan ng mga pulis dahil sa nakitang mga ebidensya sa Surveillance Tape. Nahuli siya sa aktong tinututok ito habang suot suot ang mga gwantes na itim na itinago niya sa ilalim ng upuan. Nakarecord sa Security Camera ang lahat ng ito at higit pa rito, natagpuan ang mga gwantes sa ilalim ng upuan ng mga pulis. Ang mga laser-guided missiles naman ay nanggaling sa dalawang building, sa ika-apat na palapag na nasa aking likuran. Patuloy pa ang paghahanap sa mga naglagay ng missiles sa mga building na ito. Samantala, ang isang babaeng si Elizabeth ay positibong kinilala ng mga saksi sa kabilang building na posibleng kasabwat sa mga pangyayaring ito…”


Di makapaniwala si George sa kanyang nasaksihan sa TV dahil ang kanyang kaibigang payat na si Beth ay kasabwat sa mga pangyayari. Tumunog ang mobile ni George habang hawak ito sa kanyang mga kamay. May isa siyang scheduled message na natanggap. Galing ito sa pangalang Peter ngunit ng buksan niya, ang mukha ni Beth ang kanyang nakita kaya nagmadali siyang pumunta sa isang sulok, kinuha ang earphone at patago niyang pinakinggan ang video na pinadala ni Beth sa kanya.


“George, kung napapanood mo ito dahil sa patay na ako. Makinig ka sa aking mabuti, hindi ka masisiyahan sa ibabalita ko sa iyo. I’m sorry kung ginamit kita para makapasok sa company ninyo. Simula sa simula, tumutulong ka na sa amin pero hindi mo alam. Hindi mo ako ganap na kilala. Pinili nila ako para maging matagumpay ang misyon ko dahil hindi ako kahina-hinala sa aking itsura at ikaw ay kaibigan ko. Kinuha nila ang asawa ko at binantaang papahirapan at papatayin kung hindi ko sila tutulungan sa plano nila. Pinangako nilang magiging ligtas siya pati ako pag nakumpleto ang misyon. Alam nilang nagtratrabaho ako sa isang Security Company at kilala ka rin nila na kaibigan ko. Tulungan mo ako ngayong ibagsak sila. Ang Boss mo, si Mr. Clay ay sekretong ahente na nagtratrabaho sa kumpanyang karibal ni Mr. Ching, ito ay isang American Company. Ginagamit lang niya ang kumpanya mo para magpanggap. Kami ni Mr. Clay ang nagplano sa pagpatay kay Mr. Ching. Nagpapatayan sila sa isa’t isa at ginagamit ang mga maliliit na taong katulad natin sa pagitan. Ang mga pinuno nila, hindi mo sila makikita at lalong hindi mo sila mahahawakan. Gusto nilang mapatay ang pinuno mismo ng kabilang kumpanya, si Mr. Ching. Pero hindi doon matatapos ang lahat. Si Col. Sanchez ang target na binigay nila sa akin; siya talaga ang aking misyon. Kailangang maframe up nila si Col. Sanchez, para ang kanilang giyera ay hindi sa kanila maibintang. Kilala nila siya bilang isang aktibong kumakalaban sa mga proyekto ng kumpanya ni Mr. Ching noon pero hindi siya ang pumatay kay Mr. Ching, hindi niya istilo yun. Matagal ko nang napag-aralan si Col. Sanchez bago ako makipagkita sa kanya. Alam mo ring mabuting tao si Col. Sanchez. Kung napatay nila ako, maaaring binubura lang nila ang lahat ng koneksyon sa kanila sa pagpatay kay Mr. Ching o alam na nila ang plano ko na ibulgar sila. Pwede mong mabigyan ng katarungan si Col. Sanchez kung tutulungan mo ako. Hindi ako nagpunta sa building na yan para magbenta ng gadgets, nagpunta ako doon para sa misyon ko pero pwede nating ituwid ang lahat. Si General Rosario ang tulay natin para hindi na tayo mahirapan at madamay pa sa gulong ito. Kilala ko siya, ang gusto lang niya ay kapayapaan. Isipin mo ang mga mahal mo sa buhay. Kasama ka rito George, gawin mo ang mga ipapagawa ko sa iyo para hindi ka na nila idamay pa. Tulungan mo ako George, nakikiusap ako. Magtiwala ka sa akin, gawin mo ang mga ipapagawa ko sa iyo.


Kay General Rosario ka magtiwala, hintayin mong kontakin ka niya. Gamitin mo ang mobile mo bilang key ng locker ni Mr. Clay sa kanyang opisina, sa loob ng banyo. Gamitin mo ang key ni Mr. Clay sa mobile mo na inilagay ko diyan ng hindi mo alam. Pumunta ka doon pagkatapos ng mensaheng ito at kunin mo ang isang box doon. Huwag mong hayaang maunahan ka ni Mr. Clay, sa oras na nagkalat ang mga pulis diyan, pupunta rin si Mr. Clay para i-secure ang box na yan kaya bilisan mo na. Hinahanap rin yan ng company ni Mr. Ching pero kapag nasa kamay mo na ang box, ibigay mo ito kay General Rosario. Huwag mong hayaang mapunta sa dalawang kumpanya ang box na yan. Ang combination number ng box ay 368, ilabas mo ang laman at ilagay mo sa bag mo. Nasa box lahat ni Mr. Clay ang magpapatunay na ginamit lang nila ako. Umiwas ka sa babaeng ang pangalan ay Vivian Lang, sa Floor 66 siya nagtratrabaho. Hindi niya alam ang tungkol sa misyon ko. Asset siya ng kumpanya ni Mr. Ching, huwag mong hayaang mapunta sa kanya ang box kaya mabilis mong dalhin ang pinapadala ko sa iyo kay General Rosario. Kapag hindi mo nagawa ang pinapagawa ko sa iyo, ang mga mahal mo sa buhay ang kawawa dahil kasama ka na sa plano hindi mo pa alam.


Good luck at gawin mo lang lahat ng pinapagawa ko para mahinto na ito. Sana mag-tagumpay ako at hindi mo na kailangan pang madamay dito.”


Nabura ang mensahe ni Beth kay George. Tumingin si George sa paligid kung may nakapansin sa kanya. Pasimple siyang pumasok sa elevator at umakyat sa Floor 66. Hinanap niya ang key sa kanyang mobile na tinutukoy sa mensahe ngunit wala siyang makita. Pagbukas ng elevator, sinalubong siya ng isa sa mga nagbabantay na pulis.


“Sino ka? Bawal munang pumasok dito,” ang sabi ng isang pulis.


“Messenger po ako ni Mr. Clay, may pinapakuhang napakahalagang files niya sa kanyang locker sa banyo. Personal naman po yun, pinapamadali kasi sa akin kailangan na kailangan na niya.” Pinakita pa ni George ang kanyang ID.


“Sige bilisan mo lang,” ang sabi ng pulis.


Pagpasok niya sa opisina ng kanyang Boss, dumiretso siya ng banyo at nakitang bukas na ang locker. Maliban sa twalya at sabon, walang makikita dito. Wala na ang mga files na nakalagay pati ang box.
Tinanong ni George ang pulis na nasa kanyang tabi. “May pumasok po ba ditong babaeng maikli ang buhok? Si Miss Vivian?”


“Ah oo kanina, staff raw dito. Nagmamadali rin daw pumasok diyan, kinuha ang ibang gamit na mahalaga rin daw,” tugon ng pulis.


“Ah sige po, alis na po ako. Kung may tanong kayo, tignan na lang ninyo sa log ang number ko.” Humawak siya sa pintuan para maglog palabas at nagmadali siyang pumasok sa elevator at pinindot ang Ground Floor.
Pagbukas ng pintuan ng elevator, nakita niya si Vivian na naglalakad sa kanyang harapan hawak sa kanyang kamay ang isang bag na gawa sa telang itim na kung saan bumabakat ang box na nakalagay sa loob nito. Mabilis niyang inagaw ito at tumakbo siya sa pintuan ng canteen sa likod ng gusali. Hinanap niya ang pintuang nilalabasan ng mga kusinero at doon siya lumabas. Pag labas niya, sumakay siya ng taxi. Nakita naman niyang lumabas rin ng pintuan si Vivian at hinabol siya. Sa bintana ng kanyang taxi, tinatapik ni Vivian ang salamin habang siya’y sumisigaw. “Buksan mo ang pinto, ibigay mo sa akin yan. Papatayin nila ang anak ko, please. Maawa ka George…”


“Sorry, ako rin may anak.” ang sagot ni George. “Mamang driver, paandarin mo na dali…” Naiwang mag-isa si Vivian sa likod ng building.


Sa loob ng taxi, binuksan ni George ang makapal na metallic box gamit ang combination na binigay ni Beth sa kanya. Nakita niya rito ang isang mobile at mga files na naglalaman ng mga pangalan ng mga tao, mga kumpanya at organisasyong hawak ng Kumpanya ni Mr. Clay. May mga litrato ng mga pulitiko at mayayamang tao sa loob. Sa ilalim ng mga papeles, may isang larawan kung saan makikita si Mr. Clay kasama ang kanyang mga anak. Sa ilalim ng mga picture na ito, may mga picture ng kanyang anak na nakapiring at nakagapos.
“Ginagamit lang din nila si Mr. Clay?” ang sabi ni George sa kanyang sarili.


Nilabas niya agad ang kanyang mobile para hanapin ang key ni Mr. Clay. Wala namang ganitong pangalan sa kanyang listahan. “Bakit sabi ni Beth pwede kong gamitin ang mobile ko na key sa locker ni Mr. Clay? Mga twalya lang ang laman ng locker. Kumpleto pa kaya ang laman ng box na ‘to?” ang sabi ni George sa sarili. Madali niyang binuksan ang pangalang “Peter” na pinanggalingan ng mensahe sa kanya ni Beth. Tinawagan niya ito at may sumagot sa kanyang isang tonong indiano.


“Hello Fantasy Extreme Softwares, what can I do for you?”


“Huh? Fantasy Extreme? Can you tell me who sent the last video message in my inbox?”


“It’s a Fantasy Video sir. Custom made. The Fake video was sent to you using a credit card. The credit card’s owner is Ms. Vivian Lang. It costs 596 sir. Is there any other questions?”


“Wait a minute, that’s too easy. She used her own credit card? Is there anything else that was sent here, in my number?”


“Yes sir there is one, a greeting card video from a Miss… Miss Elizabeth Lake. It’s supposed to be sent an hour ago but it was re-scheduled. Do you want me to send it to you right now.”


“Was it faked or not?”


“It is real, sir. She recorded it in a payphone.Is there anything else sir?”


“No. That will be all thanks.”


Hinintay ni George ang Video sa loob ng taxi. Ilang sigundo lang ang nakalipas at dumating na ang tunay na mensahe ni Beth. Binuksan niya ang video na pinadala sa kanya ni Beth. Ganito ang sinasabi ni Beth sa video:


“George, kaibigan kita simula High-School kaya may tiwala ako sa iyo. Alam kong kakampi ka pa rin ng kabutihan dahil sa mga prinsipyo mo at mahal mo ang bayan mo. Makinig ka sa akin ng mabuti dahil hindi mo pwedeng ulitin ang mensaheng ito. Ang katotohanan ay hindi simple. Kung narecieve mo ang videong ito, hindi ako nagtagumpay at isa na akong bangkay. Dahil kung nagtagumpay ako, ihihinto ko na ito at hindi mo na sana natanggap pa, hindi na sana kita dinamay pa. Naaalala mo pa ba kung saang website tayo aksidenteng nagkita? Sabi mo pa nga ‘Beth, ikaw ba yan? Small world!’ Pumunta ka doon, gumamit ka ng mobile ng iba at idownload mo ang nag-iisang file doon na tungkol sa mga ibon. Galing yun sa aking source. Alalahanin mo kung aling website yun dahil hindi ko pwedeng banggitin dito. Nandoon lahat ng files na gagamitin mong ebidensya na nakuha ko sa isa sa mga computer ng Company ni Mr. Ching. Ibigay mo yun sa isang Gen. Rosario.


Ito ang mga nalaman ko: Plano nilang mag-take-over sa bansa natin, sa proseso ng kanilang alitan, ang gagawin nilang kontra-bida ay ang mga kagaya natin, gaya ni Col. Sanchez at ang iba pang nagproprotesta sa mga paninirang ginagawa ng dalawang kumpanya sa bansa natin. Makapangyarihan ang dalawang kumpanyang ito, marami ka pang hindi alam tungkol sa kanila dahil mahigpit nilang sinesekreto ang lahat ng kanilang kakayahan. Iba sila mag-isip, mababa lang ang tingin nila sa atin na parang walang halaga ang buhay natin. Hindi sila natatalo at parating matagumpay ang mga plano nila. Ang mga pinuno nila, hindi mo man lang malalaman ang kanilang mga pangalan at hindi mo sila makikita. May giyera sa pagitan ng dalawang kumpanya, sila ang nasusunod sa bansa natin dahil nasa kanila ang pera at kapangyarihan. Tayo ang biktima nila George. Marami na ang pulitikong hawak nila sa leeg, mga makapangyarihang tao rin at gusto nilang sa kanila ang lahat. Ibigay mo ito sa taong pinagkakatiwalaan ko, si General Rosario, siya ang nag-iimbestiga ng dalawang Kumpanyang ito. May tiwala ako sa iyo kaya ikaw ang gusto kong magdala ng mga ebidensya kay General Rosario sa pag-frame up nila sa akin at kay Col. Sanchez. Ibigay mo sa kanya ang mado-download mo na file, nandoon lahat ng nakuha kong information sa aking source. Kung ako ay buhay, hindi na sana ikaw ang kailangang magbigay nito. Ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko George. Makikita mo siya sa phone mo, ang number ko sa iyo ang binigay ko sa kanya kaya doon mo siya tawagan. Kailangan mong hanapin ang key ng locker ni Mr. Clay, buksan mo ang locker ni Mr. Clay sa office at nandoon ang mga ebidensya sa box. Ang combination ng box ay 368. Tandaan mong mabuti 368. Kung hindi pa ako huli, makukuha mo ito. Kunin mo ang box at dalhin sa kay General. Ang mado-download mo rin sa website, ibigay mo sa kanya. I’m sorry, ayaw kitang madamay. Hawak nila ang asawa ko, papatayin nila kapag hindi ako pumayag sa gusto nila. Mag-ingat ka.”


“Hawak ko na ang box,” ang sabi ni George sa sarili. “Kung kalaban si Vivian, ayon sa kanyang sarili mismo, bakit pinadalhan niya ako ng pekeng mensahe para kunin itong box at para iwasan ko siya? Pina-agaw niya sa akin ang box? Sinadya ang lahat. Hindi ko maintindihan.” Natapos ang mensahe at tinawagan ni George ang numero ni Beth kagaya ng inutos sa kanya ni Beth. May sumagot na lalaki sa linya, isang matandang lalaki.


“Hello, George. Narinig kong pinatay si Elizabeth, kaya ikaw dapat si George.”


“Si General Rosario po ba ito? Si George nga ito, hawak ko ang pinapakuha sa akin ni Beth,” ang sabi ni George sa kaharap niyang mobile. Mukhang matanda na si General Rosario. Pinakita niya ang box na kanyang hawak.


“Alam ko location mo, nade-detect kita, malapit lang ako dyan. Bumaba ka dito sa Tropical CafĂ©, sa ilalim ng Hotel, kumanan ka at makikita mo agad, meet tayo doon at ibigay mo sa akin yan.”


“General, pumunta kayo sa website ng company ng asawa ni Beth at idownload ninyo ang file doon tungkol sa ibon. Gumawa kayo ng maraming kopya at ipadala ninyo sa mga ka-alyado ninyo. Kailangan ninyo yun. Malapit na po ako.”


Wala pang isang minuto, dumating si George sa kanilang meeting place at bumaba siya ng taxi. Nandoon si General Rosario, kasama pa ang tatlong lalaki. “Wala bang sumusunod sa iyo? Mga kasama ko sila, isang Judge, isang Journalist at isang kapwa sundalo. Napaka-importante ng dala mo, George. Ang kinabukasan ng bansa ay nasa kamay mo. Ibigay mo sa akin ang box.” Nilapag ni George ang box sa may lamesa.


“May limang taong pinagkakatiwalaan ko ang dina-download na ang sinabi mong files. Ito na so far ang pinaka-malapit natin sa tagumpay.” ang sabi ng Journalist na nakangiti sa kanya.


“Ako si Judge Inocencio George, ako ang tutulong sa iyo,” ang sabi naman ng isang Judge. Samantala, panay naman ang tingin sa paligid ng isang sundalong kasama nila.


Nagring ang mobile sa loob ng box. Inilabas ni General Rosario ang mobile na nagriring. Walang pangalan at walang nakikita sa screen maliban sa pangalang “Unknown424”. Sinagot ito ng Heneral.


“George?” ang sabi ng nasa kabilang linya.


Binigay ng Heneral kay George ang Telepono. Nabosesan ni George ang babaeng tumatawag sa Mobile ni Mr. Clay. Sumenyas si George sa mga kasama para sila tumahimik.


“Ikaw si Vivian di ba? Safe ba ang anak mo? Kaya kitang tulungan, Vivian hindi mo na kailangan pang gawin ang mga ginawa mo.”


“Narecieve mo ba ang video na pinadala ko?”


“Oo, napeke mo nga ako. Pinadalhan mo ba ako ng Mensahe para tulungan si Beth? Hindi ko maintindihan, bakit kailangan mo akong tulungan kung kakampi ka pala nila? Sumama ka sa akin tutulungan ka nila General Rosario. Di mo na kailangang gawin ang lahat ng ito. Di mo kailangang sumunod sa gusto nila. Kaya kitang tulungan.”


“Di ba ang sabi ko sa video, simula sa simula tumutulong ka sa amin?”


“Akala ko si Beth ang nagsasalita dahil siya ang nasa video. Oo sinabi mo nga yun.”


“Tinulungan mo na ako George. Sorry, George. Kaibigan ka namin ni Beth, alam kong magugustuhan rin kitang maging kaibigan kagaya ng paano ko nagustuhan si Beth, pero kailangan kong gawin ito.”


Biglang sumabog ang itim na box! Tumalsik ang iba’t ibang parte nito sa iba’t ibang direksyon. Namatay ang lahat ng nasa loob ng CafĂ©.


Sa kabilang dako, sa isang madilim na silid, isang lalaking itim na may balbas ang nakahawak ng baril ang nasa harap ni Vivian. “Dahil sa ginawa mo Vivian, hahayaan naming mabuhay ang anak mo, pero kailangan kong gawin ito.” Pumikit na lamang si Vivian at siya ay pinaputukan sa ulo ng lalaki.

June 26,2008 14:00

http://www.kwento.100megsfree5.com

Mga Maikling Kwento © E.L. Minell

23.6.08

Guni-Guning Tao

Guni-guning Tao
By E.L. Minell


Ika-13 ng Augusto taong 1998.
Nakaluklok sa upuang kahoy si Jasmine, abalang abala sa pagkwenta ng mga nabentang produkto sa kanyang munting tindahan. Siya ay may malinis at maamong mukha; normal naman ang hugis ng kanyang pangangatawan. Mapaglaro at aktibong babae si Jasmine. Siya ay dalaga’t bata pa pero naisipan na niyang magtayo ng simpleng negosyo para may pang-gastos siya sa kanyang mga luho. Umuupa siya ng isang maliit na pwesto sa isang maliit na gusali sa Cubao at nagtitinda sila ng mga palamuti sa katawan kagaya ng hikaw, kwintas at iba pang nasa uso. Parati siyang abala at may ginagawa sa buhay. Kakumpitensya niya ang mga nagtitinda sa mga mas sikat na gusali kagaya ng mga Malls. Nagtratrabaho siya sa isang kumpanya sa umaga at sa gabi naman ay nasa kanyang tindahan para maginspeksyon ng nangyayari sa kanyang negosyo. Umaga at wala siyang pasok sa opisina kaya’t ang mga trabaho niya dapat kagabi ay isinagawa niya ngayon sa kanyang munting tindahan.


Nakikita niya sa screen ng monitor ang kanyang katiwala na taga tinda ng kanyang produkto. Nakaupo kasi siya sa maliit na kwarto sa tindahan. Hindi naman niya kailangan itong high tech na hidden camera pero ginamit na rin niya para sa kanyang tindahan dahil alam niyang regalo ito ng kanyang Papa. Nagtataka nga siya kung bakit ang camera na yun ang niregalo sa kanya ng kanyang Papa, sa dami dami ng kanyang mga gustong mabili. Ayon kay Jasmine, nabili ng kanyang Papa ang ganitong camera sa America dahil isa itong Seaman. Nakatago sa isang pusang figurine ang camera na nakadisplay sa labas ng maliit na kwarto kasama ng mga produkto doon. Ang mga tinitindang produkto ni Jasmine ay hindi bababa sa halagang limampung piso lang bawat isa pero ginagamit niya ang hidden camera o spy camera dahil lang daw sa nalilibang siya dito. Madalas kasi siyang maaliw tuwing may pumapasok na customer kapag siya ay nakakulong sa kwarto niya at nagbibilang ng kanyang kita. Sino bang makakaisip na ang simpleng tindahan ay may nakalagay na hidden camera. Ikinatutuwa rin niyang nakikita ang kanyang nag-iisang katiwala na si Orly sa monitor na may ginagawang kahihiyaan sa kanyang sarili sa harap ng mga costumer.


Namimilipit at pinapawisan ang matabang mukha ni Orly dahil may mga magagandang babae ang kumakausap sa kanya. Pagkatapos magbayad ng mga babae, sumilip sa pinagtataguan ni Jasmine si Orly at sinabing, “Ang ganda ng isa Jas, type niya ako. Ano sa tingin mo? Sayang di ko nakuha ang telepono. Kung cellphone naman, wala pa akong pambili mahal kasi baka mapahiya lang ako.” sabay ngiti na parang payaso. Sumagot naman si Jasmine, “Baka type niya ang bilbil mo!” at natawa sila sa isa’t isa. Bumalik na sa kanyang pwesto si Orly.


Madalas silang maglokohan at kahit na hindi sila gaanong nagkikita, parang malapit sila sa isa’t isa. Makalipas ang ilang minuto, nainip na si Jasmine sa kanyang kinauupuan. Sumigaw si Jasmine, “Orly Porky Dear, anong oras na sa bago mong relo? Masyado kasing advance ang relo ko, mamaya pa dapat ako nandito.” Habang minamatyagan siya ni Jasmine sa monitor, tumingin si Orly sa kanyang bagong relo at sumagot sa nagtatanong, “9:35 na ng umaga Ma’am. Pahinga ka muna, akong bahala dito.”


“Hmm.. Orly Porky Dear,” ang sabi ni Jasmine sa kanyang isip. “Di ko dapat siya tinawag ng ganun, corny mo talaga Jas, at masipag naman siyang trabahador. Nagawa ko naman ang kalahati ng trabaho ko buti na lang.” Inayos niya ang mga nakakalat na papel at pinagpatong patong ito. Umidlip muna ng sandali si Jasmine sa kanyang maliit na lamesa; gawa ng napaaga siya sa trabaho kaya naiinip siya ng todo.


Pagmulat ng kanyang mata, inaantok antok pa siya ng makita niyang 10:03 na pala sa kanyang digital watch. Katulad ng kanyang nakasanayan na, nag-aayos siya ng kanyang buhok at tumingin sa salamin. Hinanap naman niya ang kanyang pulbos sa kanyang hand-bag. Tatanungin sana niya ulit si Orly kung tama ang oras na binigay niya pero may umagaw ng kanyang pansin. Naririnig niyang nagsasalita si Orly na parang may kausap na mamimili. Tumingin siya sa monitor at napansin niyang hawak-hawak ni Orly ang bago niyang relo sa kanyang kaliwang braso ng mahigpit habang mahinahong kinakausap ang isang lalaking ubod ng puti. Ang di kilalang tao ay may mahabang mukha at ang kanyang ilong ay matangos. Ang lalaking kaharap ni Orly ay mahinahong nakatayo at nakalagay ang mga kamay nito sa bulsa. Siya ay kalbo, naka itim na coat at siya’y naka itim at bilog na sunglass. Wirdo siyang tignan dahil kakaiba ang kilos niya na parang nanginginig at di mapakali. Umaambon sa labas, humahangin at medyo malamig naman ang klima. Walang maririnig na sound sa monitor pero naririnig ni Jasmine ang usapan dahil malapit lang ang kanyang pinagtataguang lungga sa kinatatayuan ni Orly at ng misteryosong lalaki. Parang kumakalaskas naman ang nakikita niya sa monitor screen. Nagtatakang pinanood ni Jasmine ang nangyayari sa kanyang tindahan.


“Ilagay mo ang Relo mo sa kamay ko,” ang sabi ng misteryosong lalaki sa parang nanginginig at iniipit na boses. Tinapik ng isang beses ni Jasmine ang screen ng monitor dahil mukhang malikot ang lalaki at nagiging doble ang nakikita, isang bagay na hindi pa nangyari. Biglang narinig ni Jasmine si Orly na nagsasalita.


“Bigay ito ng Daddy ko na nasa abroad, factory worker siya dun. Original yan, $150. Heto sa iyo na,” ang sabi ni Orly sa pawang napakabagal na boses. Kinuha ng lalaki sa kamay ni Orly ang binibigay sa kanyang relo. Tinignan ng lalaki ang relo saka ito sinuot, tumingin ulit siya kay Orly at umalis agad.


“Orly! Sino yun ha?” ang tanong ni Jasmine sa kanya.


“Ha? Alin?” ang sagot naman ni Orly na parang walang nangyari. Binuksan ni Jasmine ang maliit na pinto at lumabas siya para puntahan si Orly.


“Yung lalaking maputi. Bakit binigay mo ang Relo mo?” ang takang takang tanong ni Jasmine.


“Anong Relo?”


“Yung Relo mong imported. Yung binigay ng Daddy mo. Hala ka susumbong kita sa Daddy mo. De-deny mo pa na binigay mo sa lalaking yun ang relo mo. Inuulit-ulit mo sa aking bigay ng Daddy mo yun eh. Teka sino ba yun? Kahapon lang nai-ilang kang ipasulyap man lang sa akin ang relo mo dahil sabi mo bago ang relo mo, ngayon di mo naman inaamin na may pinamigay kang relo. Nakita kita sa monitor, ano ka? Hinoldap ka ba nung lalaki?”


“Sinong lalaki?”


“Yung Kausap mo kanina, yung lalaking puti na naka-itim at naka-sunglass. Di ba tinanong ko pa sa iyo kanina kung anong Oras na, sabi mo 9:35 ng umaga? Orly Porky Dear, hello? Remember na? Tinawag kitang Orly Porky Dear di ba?”.


Nagtataka si Orly sa kinikilos ng kanyang Ma’am Jas kaya’t nagparamdam na ito at ginawa niya ang isang bagay na alam lang niyang gawin.


“Ayos ka lang ba Ma’am? Baka may hang-over ka pa sa pagtulog mo. Gutom lang yan, hihi,” ang pabirong sinabi ni Orly sa kanyang Ma’am Jas na may kasamang ngiti at kaway ng kamay sa harap ng mukha na para bang nanghihinala kung nananaginip pa si Jasmine, ngunit totoong takang taka na rin siya sa kakaibang kinikilos ng kanyang amo.


“Halika Orly, samahan mo ako, i-rewind natin ang tape.” Tinignan ni Jasmine at ni Orly ang laman ng tape pero di na makikita dito ang lalaking tinutukoy niya, puro si Orly na nakatayo at nagbabasa ng maliit na libro ang nasa tape. Nanlaki ang mata ni Jasmine sa nakita.


“Nagbabasa ako ng libro. Oo tama… nagbabasa nga ako ng libro kanina,” ang sabi ni Orly ng makita niya ang nasa tape.


“Sigurado ka ba na yan ang naaalala mo kanina?” ang tanong ni Jasmine. “Mali ito, nagbago ang tape. ’Pano nangyari…” Hindi na tinapos pa ni Jasmine ang sasabihin at lumabas agad siya. Hinabol ng kanyang mga mata ang lalaking tinutukoy niya. Nakita niya itong pumasok sa isang convenient store, suot suot sa kanyang kanang kamay ang relo ni Orly. Hindi na ito mukhang nanginginig ng tinignan ni Jasmine ang lalaki sa sariling mata. Masyadong malayo si Jasmine kaya hindi siya napansin ng lalaking sinusundan.


“Nabura ang tape… nanginginig siya sa monitor… kumakalaskas… bakit kaya? Paano nya nagawa yun…” ang paulit ulit na iniisip ni Jasmine habang naglalakad patungo sa lalaking puti.


Pasimpleng pumasok si Jasmine sa loob ng convenient store at nagkunwaring pumipili siya ng mga bibilhing school supplies sa bandang ilalim ng shelves para makatago at magmatyag sa pinanghihinalaan niyang lalaki. Inabutan niya ang walong tao sa loob, kasama na rito ang dalawang crew at security guard ng convenient store. Nagmadali siyang pumunta sa bandang likuran habang nakayuko ang lalaking puti. Nakahanap siya ng magandang pwesto kung saan walang tao at doon niya mamanmanan ang lalaking puti.


“Obserbahan ko muna kaya siya bago ko kausapin,” ang sabi ni Jasmine sa isipan. “Kailangan di niya ako mapansin. Malakas ang kutob ko na dapat di niya ako pansinin. Wag ka lang kabahan Jas, kaya mo yan. Di ka naman siguro niya sasaktan ’pag nahuli ka n’yang sinusundan mo siya. Bakit kaya binigay ni Orly ang relo niya dito? Ano itong nangyayari?”


Habang tinititigan ni Jasmine sa malayo ang lalaki, namukhaan niya ang lalaking ito na may kutis intsik at medyo mamutla mutla ang balat. Kapansin pansin ang kanyang matangos na ilong. Nakita na niya ito dati pa. Hindi niya makalimutan ang kalbo at maputlang balat nito dahil naalala niyang nakita na niya ito sa isang bookstore matagal na panahon na ang nakalipas; sa isang siwang ng mga dikit dikit na libro niya napansin ang lalaking ito na madalas magpunta sa kinatatayuan at nakikipagkita sa sa mga kakilala. Ngunit nung mga panahong iyon, hindi niya ito pinansin. Naalala rin niya bigla na hindi ito ang unang beses niyang nakita ang lalaki, maraming beses na at para bang parating malayo sa kanya. Naalala pa niya na minsa'y nakita niya ang lalaking ito sa isang panaginip. “Taga rito siguro ito.” ang sabi ni Jasmine sa sarili.


Hindi niya mapaniwalaan ang nakikita ng kanyang mga mata. Ang lalaking ito ay kumuha ng tatlong tsokolateng nakalagay sa shelves ng convenient store at ibinulsa ito sa kanyang pantalon. Dumampot rin ang lalaking misteryoso ng Nachos, binuksan niya ito at mainam niyang kinain habang binabasa niya ang laman ng Dyaryo na kinuha lang niya bigla sa pinaglalagyan. Hindi niya ito binabayaran habang nakikita siya ng lahat ng nasa loob at hinahayaan siya ng lahat sa kanyang ginagawa, pati mismo ng gwardya ng tindahan. Nakabangga pa siya ng isang lalaking estudyanteng pumasok sa loob at nagpasintabi lang ito sa kanya. Umatras pa ng kaunti si Jasmine upang hindi mahalata ng lalaking puti dahil tumitingin-tingin ito sa paligid at paminsan minsan parang hindi siya mapakali. Pagkatapos niyang kumain ng icecream, kumuha siya ng Coke in can sa lalagyanan ng mga malalamig na produkto, binuksan niya at ininom ito sa harap mismo ng security guard. Hindi siya binawal ng gwardya sa ginagawa. Hindi niya nagustuhan ang ininom kaya’t pinalitan niya ito ng mas malamig. Tinapon niya ang dalawang lata ng Coke at kumuha naman siya ng gatas sa bote at tinikman lang ito bago itapon sa basurahan ang nasayang na buong bote ng gatas. Hindi siya nagbabayad at ginagawa niya ang lahat ng gusto niyang gawin sa loob ng tindahan na walang pumipigil sa kanya. Binulsa pa niya ang iba pang natipuhan niyang pagkain sa tindahang ito. Parang hindi siya nakikita, pero pinapansin nilang lahat siya. Nang sumilip siya sa kanyang coat, napansin ni Jasmine ang isang kwintas na nakasabit na tinitinda niya sa kanilang tindahan.


Walang pumupuna sa kakaibang ginagawa ng lalaking puti na animo’y siya ang may ari ng kilalang convenient store na ito. Kung may dinaraanan siyang tao, parang normal lang na tao ang dumaraan sa harap nila. Walang nagtataka sa kanyang itsura at anyo maging sa kanyang kakaibang kinikilos. Kadalasan, sa karanasan ni Jasmine kapag may ganitong itsurang tao, pinagtitinginan at pinaguusapan ito ng mga tao sa paligid pero hindi ang taong ito. Ang lalaking puti ay nagpatagal pa ng kaunti sa loob ng convenient store. Pagkatapos niyang magbasa, kumain at uminom, sinoli niya ang Dyaryo sa lalagyan at tinapon niya ang lahat ng iba pang basura. Hinawakan niya ang kanyang tyan sa pagkabusog, humikab siya at tumingin-tingin ulit sa buong paligid. Nagtago na ng husto si Jasmine dahil tumitingin na ito sa kanyang pinagtataguan. Pagsilip ulit ni Jasmine sa maliit na siwang ng shelves, pumasok ang lalaking puti sa lugar ng mga Cashier, dumampot ng mga kaha ng sigarilyo at lighter. Lumabas siya sa lugar ng mga empleyado at tinitigan ang isang magandang babaeng nakapila para magbayad ng ilang segundo. Dinampot rin niya ang mga choco-caramel bar sa kamay nito bago siya lumabas ng convenient store. “Paborito ko yan, masarap.” ang sabi ng babae. Paglabas niya, lumingon siya sa bawat dako bago tuluyang umalis sa tapat ng pintuan. Nakikita lang siya ni Jasmine sa isang maliit na siwang kung saan siya nagtatago.


Noong malayo na sa sakop ng kanyang nakikita ang lalaki, tumayo na si Jasmine sa kanyang lugar. Lumapit na si Jasmine sa Cashier. Ngumiti siya at nagtanong kung may naka stock pa silang choco-caramel bar na kagaya ng kinuha ng lalaki sa babaeng nakapila. Sinabihan siyang, “Ma’am, pasensya na po, kanina pang umaga out of stock yun. Ang dami nga pong nagtatanong wala kaming mabigay mamaya pa po darating, idedeliver dito.” Tinanong naman niya ang nakapilang babae kung nakabili na ito ng binanggit niyang tsokolate at sinagot siyang, “Di ako mahilig sa caramel, nananakit ang ngipin ko.” Nagsalita naman ang kasama ng Cashier at sinabi sa kanyang, “Ma’am, pila na lang po kayo. Wala po talaga kaming chocolate caramel simula kanina.”


“Sigurado ka?” Tanong ni Jasmine.


“Opo, may listahan kami at dito nakalagay rin na out of stock na kanina pang umaga. Wait na lang po kayo mamaya.”


Nanghihinala na si Jasmine na may kakaibang kapangyarihan ang lalaking kumuha ng relo ni Orly ngunit gusto pa rin niyang manigurado. Alam niyang hindi nauubusan ng chocolate-caramel bar na tulad ng tinutukoy niya sa tindahang ito dahil parati rin siyang bumibili nito sa tindahan. Tinanong niya ang gwardya, “Manong, napansin po ba ninyo yung lumabas na naka-itim na jacket, nakasalamin siyang itim na bilog at kalbo ang buhok?”


Sumagot ang Security Guard, “Hindi eh. Ako lang ang lalaki dito at yung nasa Cashier.”


“May camera dito di ba? Kasi alam kong mahilig mag shop lift ang lalaking nakita ko, baka mahuli natin sa akto, parang nakita ko kasi na nasa loob eh.”


“Naku Ma’am, pasensya na. Naaalala kong sinabihan kami ng mahigpit ng boss namin na huwag ipapakita ang tape ng camera na yan sa kahit kanino lalo na sa costumer.”


“Ha?” Ganun na lang ang pagkataka ni Jasmine sa reaksyon ng Security Guard. Wala silang naaalalang lalaking kalbo na pumasok sa loob at tila’y nagbago ang kanilang ala-ala. “Sinabihan kaya talaga siya ng boss?” Ang sabi ni Jasmine sa sarili. “Baka ang tape burado at nabago rin kagaya ng sa amin.”


Wala na siyang oras pa para mag-isip kaya lumabas na si Jasmine at hinanap ang lalaking puti. May tumutulak sa kanyang damdamin at nararamdaman niya sa kanyang loob na dapat niyang sundan itong lalaki para malaman ang nangyayari. Mabuti at nakita niya ang maputi nitong ulo bago lamang niya agawin ang sombrerong itim ng isa pang naglalakad sa daan. Katulad ng inaasahan, hindi man lang nagsalita o nagalit ang lalaking kinuhanan ng bagay na malinaw na kanya. Sinundan pa rin ni Jasmine ang lalaki ng hindi nagpapahalata.


Pumunta sa Farmer’s Market ang lalaking puti at kumuha ito ng mga manok at baboy. Inilagay niya sa plastic na puti ang mga karne at hindi pa rin talaga siya nagbabayad habang nginingitian pa siya ng mga nagtitinda. Kumuha ng nakaplastic na dugo ang isang lalaking malinis manamit at inagaw ito ng lalaking puti sa kanya at inilagay rin ito sa plastic. Tinanong ng nagtitinda ang mukhang mayamang lalaki, "Dugo gusto mong bumili?" sumagot naman ito sa kanya, "Hindi na ako kumakain ng dinuguan." Umalis na sa tapat ng nagtitinda ng karne ang lalaking puti, iniwan silang nag-uusap magkaharap. Hindi nagsasalita ang lalaking puti, simula kanina sa convenient store, hindi niya ito nakitang kumausap sa tao ngunit paminsan minsan kinakausap nito ang kanyang sarili na para bang isang baliw. Hindi humihinto ang malikot na ulo ng lalaking puti sa kanyang pagmamatyag sa paligid. Naglakad ito papalayo sa Palengke at patuloy siyang palihim na sinusundan ni Jasmine.


Mga labing-limang metro ang layo ni Jasmine sa sinusundang lalaki. Hindi inaalis ni Jasmine ang kanyang mga mata dito. Tinanong ni Jasmine ang isang matandang lalaking nakasabay niyang naglalakad. “Lo, pasensya na po, malabo po kasi ang mata ko eh, pwede po ba ninyo akong tulungan? Nakikita ba ninyo yung lalaking maputi na nakaitim doon?” Sabay turo ni Jasmine sa lalaki. Sumagot naman ang lalaking matanda, “Sandali, malabo rin ang mata ko eh. Teka… oo, yung nakaitim ba at nakasumbrerong itim rin?” Nagpasalamat si Jasmine at binilisan niya ng bahagya ang kanyang lakad para mahabol ang lalaking nawawala sa dami ng tao sa bangketa.


“Nakikita nga siya ng iba,” ang sabi ni Jasmine sa kanyang isip. “Bakit kaya ganito, parang sumusunod na lang ang lahat sa gusto niya at parang di siya nakikita? Nakikita naman siya ng tao, binabati pa siya ng mga ito. Parang nakarinig na ako ng ganito ah, di ko lang maalala.” Napakamot ng ulo si Jasmine at patuloy siyang nag-isip.


“Baka dahil sa nakikita ko siya pero ako hindi niya ako nakita kaya hindi niya ako naaapektuhan ng kanyang mahika? Hindi naman ako siguro nananaginip. Siguro naapektuhan niya ang iba tuwing nakikita niya kaya siya lingon ng lingon pero hindi lang niya ako nakita. Kailangan malaman ko ang nangyayari! Hindi alam ng gwardya kanina na nasa loob siya ng convenient store! Sa di ko malamang dahilan, napalitan din ang record ng mga tinitinda doon. Ano pa kaya ang pwede niyang gawin? Baka marami pa siyang biktimahin at di malalaman ng biktima niya na biniktima sila. Walang kamalay malay ang mga ninanakawan niya. Baka may iba pa siyang Krimen na gawain, nakakatakot na.”


Habang sinusundan niya ito, iniisip ni Jasmine ang lahat ng posibleng dahilan, isa dito ay baka magaling lang itong magmanipula ng isip ng tao o kaya’y isa itong engkanto o ano man pero nalilito siya dahil mukha itong dayuhan. Mas pinagtataka niya ay kung paano nagbago ang laman ng tape sa kanyang hidden camera.


Dumaan muna ang lalaking puti sa bookstore kung saan siya unang nakita ni Jasmine ng kanya itong maala-ala. Sumimple sa gilid ng gusali si Jasmine habang inoobserbahan ang lalaki sa salamin ng gusali. Tinignan ng lalaki lahat ng tao sa loob ng gusali habang bitbit ang mga dalang karne at dugo ng baboy sa plastic. Dinampot ng lalaking puti ang dalawang magasin at nilagay sa kanyang kanang bulsa ng kanyang suot na coat. Sumigaw pa ito sa salitang hindi maintindihan ni Jasmine na sa sobrang lakas, narinig rin ng ibang nasa labas. Ang isa sa mga nakarinig ay pulis at pumasok sa loob, ngunit nung makita na siya ng lalaking puti, lumabas ulit ito na parang walang nangyari. Malikot ang galaw ng ulo ng lalaking puti. Kinakausap nito ang sarili at pinagpapahid ang kanyang palad. Nagkukunwaring nagpupulbos si Jasmine sa likod ng haligi ng gusali habang pinapanood niya sa kanyang salaming hawak ang lalaking puti. Nilapitan ng lalaking puti ang isang babaeng nagbabasa na may kulay ang buhok at galit na galit nitong sinabunutan at inamoy ang buhok. Tinitigan niya ang babae sa mata at pagkatapos ay normal lang naglakad papalayo ang babae na parang walang nangyari. Pagkatapos, kinamot ng kinamot ng lalaki ang kanyang matangos na ilong at nagmamadaling lumabas ng gusali na tila ba’y di niya gusto ang pabango ng babae.

Pinunasan naman agad ng Janitor ng gusali ang tumutulong basa na galing sa plastic ng karne. Nagtago agad sa isa sa mga haligi ng gusali si Jasmine habang lumalabas ang lalaki sa pintuan ng bookstore. Umikot ulit ang ulo ng lalaki at tumingin sa bawat paligid pati sa itaas ng mga gusali na parang may hinahanap. May ibinahid ito sa kanyang ilong. Naglakad ang lalaking puti ng mabilis sa daan. Tumitingin tingin siya sa likod kaya’t medyo lumayo si Jasmine at nagtatago sa matangkad na naglalakad. Tumawid ito papunta ng lumang sinehan ngunit bumalik rin agad gawa ng may mga mabibilis na sasakyang dumadaan.


Sinundan ulit ni Jasmine sa paglakad ang lalaki na nagkakamot ng kanyang namumulang ilong. Nung nasa tapat na ito ng Coliseum, binitawan nito ang bitbit na dalang plastic at tumakbo ito ng napakabilis sa hindi nalalamang dahilan. Tumawid ito kahit na mabilis ang mga sasakyan. Nahulog rin sa daan ang kanyang suot na sombrero. Nagulat lang ng bahagya si Jasmine ngunit di niya ito pinabayaang mawala at hinabol niya ang lalaki.
May isang bata sa bangketa ang nagsabi sa isang matandang babaeng naglalakad, “Ale, nahulog po ninyo ang pinamalengke ninyo.” Sumagot naman ang matandang babae, “Salamat ha. Buti napansin mo.” Pinulot ng babae ang nabitawang plastic ng lalaking puti.


“Biglang naging kanya ang bitbit ng lalaki? Anong nangyayari sa mundo?” Ang tanong ni Jasmine sa sarili nung makita niya ang nangyari.


Pumasok ang lalaking puti sa madilim na Carnival sa tapat ng Coliseum. Tinanong ni Jasmine ang mga nakatayo sa bangketa, “Nakita ba ninyo ang dumaang maputing lalaki sa harap ninyo? Saan siya lumiko?,” ngunit umiling lang sila sa kanya. Ilang sandali pa at pumasok na rin si Jasmine sa loob. Madilim sa loob at may kakaunting tao lang. May kaunting kabataan sa loob na nagpapakasayang nakasakay sa Carousel kasama ang mga magulang. Tumingin sa bawat sulok si Jasmine at hinanap ang lalaki. Dahan dahang tumatahimik ang buong paligid, dumilim lalo ang buong lugar at kapag tumitingin siya sa labas na pinanggalingan, kung saan malapit sa daan, parang lumalabo ang kanyang paningin, nahihilo siya at lumalayo ang pinagmumulan ng liwanag.

Nagising si Jasmine sa kanyang higaan na walang naaalala sa buong pangyayari. Nagring ang telepono at sinagot niya ito. “Jas, Ma’am, Orly ito, punta ka pa ba dito? Mag-gagabi na”. Sinagot niya si Orly, “Oo pupunta ako maliligo lang ako.” Dinampot niya ang twalya at pumunta sa shower room. Habang siya ay naliligo, napansin niya ang tattoo na nakalagay sa kanyang pusod. Isa itong compass kung saan may nakalarawang bungo sa Hilaga at susi sa Timog. Laking gulat niya ng makita ito sa kanyang katawan dahil alam niyang hindi kailan man siya nagpatattoo o magpapatattoo sa kanyang katawan. Hinihilod niya ito ng sabon at hindi niya matanggal. Ang unang pumasok sa kanyang isip ay ang naaalala niyang lumang cabinet ng kanyang Papa noong siya ay sampung taong gulang pa lang na kung saan may nakaukit na desenyo sa kahoy na tila compass na kahawig mismo ng nakaguhit na tattoo sa kanyang balat. Sa itaas ng compass ng cabinet ng kanyang Papa ay ang lalagyanan ng pera. Sa ilalim naman ang kinapaparoonan ng susi na nadiskubre niya at ginagamit niya para mangupit ng pera sa kanyang Papa noong bata pa siya. Bumalik ang ala-ala pero binaliwala lamang niya ito. Ang iniisip niya sa ngayon ay kung sino-sino ang mga tatawagan niya para tanungin kung paano siya nagkaroon ng tattoo sa kanyang pusod.


Sa kanyang pagkakaalam ay nagpunta na siya kaninang umaga sa kanyang maliit na tindahan at umuwi lang siya ng bahay para matulog dahil inaantok siya doon. Iba ang kanyang naaalala kung paano siya nakauwi. Sa kanyang pagkakaalam, dumiretso siya sa bahay pagkatapos. Hindi na niya naaalala ang kinuhang relo kay Orly pati ang lalaking puti. Pumunta siya sa kanyang cabinet para kumuha ng bagong damit pambihis. Sa ilalim ng kanyang mga damit ay may nakita siyang susi na hindi niya naaalalang inilagay. Inisip niya kung ito ba ay may kinalaman sa kanyang tattoo sa pusod na may nakaguhit na susi. Naghanap siya ng butas na papasakan ng susi sa pinakaitaas ng kanyang cabinet kagaya ng kanyang ginagawa sa cabinet ng kanyang Papa ngunit bigo siyang makakita. Hindi siya tumigil hanggang maisipang hatakin ang cabinet para mausog niya ito.


Naiusog niya ang cabinet hanggang sa may napansin siya sa likurang bahagi. Nasa likod pala ang kanyang hinahanap. Binuksan niya ang sekretong kahong nakapasok sa loob ng kahoy ng cabinet gamit ang susing nakita niya. Ang laman ng kahon ay isang lumang libro na may mga nakadikit na mga larawan. Ang librong napakakapal at napakalaki ay mukhang pinasadya. Binuklat niya ito ng mabilisan lang. Nagtataka siya sa mga pictures ng mga taong hindi niya kilala na nakadikit sa mga pahina. May nahulog na liham galing sa pagkakaipit sa libro, may nakalagay sa sobreng “Jasmine”. Pinunit niya ang gilid at binasa ang nakasulat:


“ Jasmine,
Naiintindihan mo siguro ang sulat kamay ko dahil ako ikaw. Naintindihan mo ang compass kaya mo ito binabasa. Sa ngayon, ang nasa isip mo ay bumalik sa karaniwang gawain mo sa araw araw, magtrabaho, maglinis ng bahay at magpakasaya pero marami kang hindi alam dahil nabura na ang iyong memorya. Ang librong ito ay napakahalaga at ingatan mo ng buong buhay mo. Naisipan kong gumawa ng sulat na ganito, para mapaikli ang laman ng Libro at malaman mo agad ang buong katotohanan. Kung hindi mo naaalalang sinulat mo ito marahil dahil sa nakita ka na naman niya! Binura niya ang laman ng isip mo na may kinalaman sa kanya, at pinalitan niya ang naaalala mo sa mga oras na nakita mo siya. Siya ay ang nasa mga larawang inabutan ko na rin sa librong ginawa ko na ito pero hindi ko rin siya naaalala, kagaya mo. Ang lahat lang ng ala-ala mong nakita mo siya ang binubura niya, at wala nang iba. Ginawa natin ang librong ito para di natin makalimutan ang mga nangyari kung sakaling burahin ang ating memorya. Siya ang kalbong lalaking nakasalamin sa mga picture na kinuha ko, mo, natin ng palihim, matagal na ang panahon na ang nakalipas. Nakalagay sa librong ito lahat ng pag-aaral na ginawa mo o ako sa loob ng maraming taon tungkol sa kanya. Siya ay isang kaaway! Sa hindi ko malamang dahilan, ang nakasulat lang sa libro natin ay “Z” ang tawag sa kanya dahil sa isang pahina na may larawan niya ang may arrow at nakaturo nga ang pangalan niya. Ikaw, ako, Jasmine ang bumuo nitong libro na hindi mo maalala. Pinagaralan at sinusundan ko siya pero parati niya tayong nakikita. Kailangang mahinto ang kanyang ginagawa dahil nilalapastangan niya ang ating utak at ang iba pa niyang binibiktima. Kapag nakita ka niya makakalimutan mo na siya at lahat ng tungkol sa kinuha o binago niya sa iyo. Maski ang tape ng mga video camera ay napapalitan niya, pero hindi ang still camera na gamit ay film at kapag sa malayo mo kinuha ang litrato. Madalas siyang magpunta sa bookstore kung saan siya nagbabasa at nakikipagkita. Kakaiba ka dahil may kaunting ala-ala ang bumabalik at naaalalang nakita mo na siya dati pa kahit na nabura na niya ang memorya mo tungkol sa kanya. Isipin mong mabuti, nakita mo na siya sa bookstore na pinupuntahan niya di ba? Parang kilala mo siya di ba?


Higit sa lahat, nakita ko na lang sa unang pahina na siya pala ang pumatay kay Papa. Sinulat ng unang Jasmine ang lahat ng nangyari. Oo magugulat ka dahil pati yun ay akala mo hindi totoo. Isang gabi, pumasok siya sa Electronic Store ng Papa at di niya napansing pinalo siya ng malakas ni Papa sa ulo sa pag-aakalang nagnanakaw ito. Tinignan lang niya si Papa at hindi na ito kumilos. Tinakpan niya ang ilong at bibig ng Papa kaya hindi ito nakahinga. Dahil siya mismo ang pumatay kay Papa kaya siguro akala mo, pagpalit ng iyong memorya, ang Papa ay buhay pa nasa ibang bansa lang. Hindi ko alam kung paano ka niya nakita kaya nabura ang memoryang ito, pero naisulat mo na sa Libro ang nangyari bago niya burahin ang memorya mo. May mga kulang ding detalye sa libro. Hindi niya maaaring baguhin ang Libro dahil hindi niya alam ang tungkol dito. Ang hidden camera mo ay tinatago mo dahil sa ito ang ginagamit ng Papa sa kanyang Electronic Store noong siya ay pinatay. Kung mahilig kang pumwesto sa likuran ng tindahan mo, dahil sa dati pa lang nasa likuran ka rin ng tindahan. Doon natin nasaksihan ang nangyari. Ang lahat ng detalye ay nasa libro kung saan ko nabasa ito. Hindi ka dapat nagtyatyaga sa maliit mong tindahan dahil may malaking negosyo ang Papa mo.


Kinuha niya ang lahat ng sa atin. Ilang beses na tayong naburahan ng memorya at parating ang oras lang ng lahat ng nakita mo siya ang binabago niya o kaya niyang burahin at baguhin. Nakasulat ito sa libro natin ng maraming beses. Ang hidden camera mo ay hindi mo natanggap bilang regalo ng Papa na Seaman. Hindi Seaman ang Papa. Ang orihinal na Jasmine ang nakasaksi ng pagpatay sa kanya gamit ang Camera na yun na nakatago. Walang naniwala sa kanyang may lalaking ganito ang itsura ang pumatay sa Papa dahil nagbago ang laman ng Tape nung ipakita niya ito. Ang orihinal na Jasmine rin ang nakadiskubre kung paano niya kukunan ng litrato ang lalaking si Z at nadiskubre niya ang mga kakayahan nito. Naniniwala siyang hindi pa siya naburahan ng memorya bago ang pagpatay ni Z sa mahal mong Papa. Huwag mong isuko ang labang ito. Nakasulat lahat ito sa libro.
Huwag mong hahayaang makita niya ang librong ito! Ikaw lang ang nakakaalam na siya ay tunay. May nakilala ako at naging kaibigan ko siya, si Orly. Sa kanya galing ang pera na pinagpatayo mo ng Tindahan. Kayong dalawa ay magkasosyo sa Tindahan mo at hindi mo siya trabahador. Kung nabura niya ulit ang aking memorya, babalik ulit sa iyo ang unang akala mo na pinagipunan mo ang negosyong ito, yun ay maling memorya dahil sa totoo, sa mga panahong iyon, abala ka sa pagimbestiga kay Z at kapag nasulyapan ka lang ni Z, pumapalit ang memoryang ito kapalit ng memoryang iniimbestigahan mo si Z. Bigla kang nagiging Manager at si Orly ay trabahador mo lang. Isa lang ito sa madalas na nagbabago tuwing binubura ang memorya mo. Kaya siguro naisipan nating magpalagay ng tattoo sa pusod dahil hindi ito madaling makita at maintindihan. Hindi pa siguro tayo nadidiskubre ng taong si Z tungkol sa pag-iimbestiga natin sa kanya dahil kung makita ka niya, aksidente lang at hindi niya alam na pinag-aaralan natin siya.


Hanapin mo si Orly at pagusapan ninyo ito, ngayon na! Malaki ang naitulong ni Orly sa akin. Nakasubok na rin ng maraming pagbura ng memorya si Orly. Dati, siya ay maraming kaibigan, ngayon nabura na sa kanyang memorya ang dating siya. Nang hanapin ko ang mga kaibigan ni Orly, hindi na rin siya kilala ng mga ito. Ang mas naunang Jasmine sa akin ay niregaluhan siya ng magandang Relo ayon sa kanyang sulat pero siyempre hindi ko na naalala yun dahil kagaya mo, iba ang laman ng isip ko—pekeng memorya. Sinusundan namin ang mga kilos ng lalaking puti na si Z sa loob ng anim na buwan pero minalas kami ng nakita si Orly ng harap harapan sa hindi sinasadyang nakasalubong niya sa daan. Inobserbahan ko si Orly at nabago nga ang lahat ng memorya niya simula noong nakita niya ang lalaking puti. Simula noon, di raw ako ang nagbigay ng Relo niya. Nag-iba rin ng bahagya ang ugali niya, naging makulit siya. Tinanong ko siya kung naaalala niya ang ginawa niya simula noong sabihin ko ang tungkol kay Z hanggang sa oras na nakita siya nito, iba na ang kanyang naaalala. Nakalimutan na rin ni Orly ang lahat ng pagtulong na ginawa niya sa akin na may kinalaman kay Z kahit ang mga oras na kaming dalawa lang at pinagaaralan si Z o pinaguusapan siya sa pribadong lugar. Ang pinakamalaking misteryo ay hindi natin alam kung paano niya nagagawa ang lahat ng ito. Saka na natin problemahin kung paano niya nagagawa ang mga ito, ang dapat mong malaman ay ang kahinaan niya. Ang sa akin lang, tuwing binubura at pinapalitan niya ang aking ala-ala, parang pinapatay na rin niya ako. Dapat mauna mo siyang makita bago ka niya makita para maiwasan mo ang kanyang mga mata. Nadiskubre ko ang tattoo sa pusod at naisip ko rin ang naisip mo kaya nadiskubre ko ang libro. Pareho lang tayong nagsimula ulit . Simula noong Enero ng taong 1998 ako nagsimula ulit malaman ang katotohanan. Parati kang magsisimula sa simula, kaya maging maingat kay Z, huwag kang papakita sa kanya. Sa libro, nakalagay ang unang date ay 1988 pa! Simula noong 20 anyos ka o tayo, ilang ulit ka ng binura at binago ng taong ito.


Kung nagtataka ka kung saan at kailan mo nakuha ang tattoo mo sa pusod, ako rin hindi ko alam. May nakita lang akong picture sa loob ng Libro ng tattoo na yan pero walang nakasulat na patungkol dito. Hindi niya maaaring burahin ang memorya mo simula noong bata ka pa hanggang sa unang beses ka niyang nakita, noong panahong iniimbestigahan mo siya na pumatay sa Papa noong taong 1988. Sa unang beses at sa mga sumunod, hindi natin alam kung paano niya tayo nakita at kailan tayo naburahan ng memorya. Mag-ingat ka dahil posibleng alam na niyang nagiimbestiga tayo sa kanya. Simula noon ang librong ito na hindi alam ni Z ay nadaragdagan ng laman tuwing nadidiskubre mo. Ang lahat ng kailangan mong malaman ay nasa librong ito. Ito lang ang patunay na totoo siya. Ingatan mo ito.


Jasmine August 12, 1998


Natakot si Jasmine dahil bigla siyang nagkaroon ng mabigat na responsibilidad ngunit di siya nahirapang paniwalaan ang nakasulat dito. Nagulat rin siya na sa sulat na ito ay kahapon lang ang petsa ng pagkakagawa pero iba ang naaalala niyang ginawa niya kahapon. “Sulat ko ito. May tattoo akong di ko naaalalang pinagawa ko. Totoo ito. Dapat totoo ito,” ang sabi niya sa kanyang sarili.


May nagring ng doorbell ni Jasmine kaya agad agad niyang isinilid ang libro sa ilalim ng mga kahon ng sapatos sa isa pang cabinet, sinusian pa niya ito at tinago ang susi sa ilalim naman ng sofa. Nagmamadali siyang lumapit sa pinto.


“Sino po sila?” ang tanong ni Jasmine sa tabi ng pintuan.


“Dr. Mary ito Jasmine. Phychiatrist mo. Buksan mo ang pinto tignan natin kung may progress. Nagsho-short term memory loss ka pa rin ba? Gumagawa ka pa rin ba ng mga ilusyon sa isip mo? Pagusapan natin ang mga kinwento mo sa akin kahapon.”


“Ah ganun ba? Ilang sigundo lang po at bubuksan ko ang pinto.” Ang sabi ni Jasmine sa babaeng kumakatok. Dinampot niya ang pantalon at polo shirt at sinuot ng mabilis.


Binuksan ni Jasmine ang pinto. Si Z pala ang nasa kabila ng pinto. Hindi nagulat si Jasmine. Hindi man lang tumaas ang kanyang mga kilay o pumikit ang mata. Kalmado lang siyang nakatayo sa kanyang pintuan. Nakatulala siya ng ilang segudo, nakatitig sa salaming bilog na humaharang sa mga mata ni Z. Nakahawak sa doorknob si Jasmine habang nakatitig sa bisita.


“Hello Jasmine,” ang sabi ng taong puti.


“Tuloy po kayo,” ang sabi naman ni Jasmine. Pumasok sa silid si Z at isinara ang pinto.


“May mga ibibigay ka ba na para sa akin?” tanong ni Z.


“Opo, meron po. Sandali kukunin ko lang.”Nakayukong tumalikod si Jasmine at naglakad papalayo.


Ganadong ganadong pumunta si Jasmine sa may sofa, kinuha niya ang susi at inilabas ang Libro sa cabinet. Iniabot ni Jasmine ang Libro at ang sulat sa sobre sa taong puti. Binuksan ni Z ang libro, isinara ang pinto at mabilis niyang nilikas ang tirahan ni Jasmine. Nagbuntong hininga si Jasmine at binuksan ang pinto. Tumingin siya sa labas at walang tao. “Ang mga bata talaga dito, talaga naman oh. Ipapatanggal ko na talaga ang doorbell ko pinaglalaruan lang nila eh,” ang sabi ni Jasmine sa sarili. Nabura na naman sa isip niya ang lahat ng tungkol sa lalaking si Z.


Matapos ang ilang minuto, nagring ang telepono ni Jasmine at dinampot niya ito.


“Hello Jasmine, si Orly ito pupunta ka pa ba dito o magsasara na ako? Bilisan mo may ipapakita ako sa iyong napaka-importante. Makinig kang mabuti. Naaalala mo yung sinasabi mo sa akin kaninang umaga, yung tape na nagbabasa ako ng libro? Hahanapin ko sana ulit, pasensya na alam kong sa iyo yun, baka magalit ka, baka pwede ko kasing i-rewind doon sa part na kausap ko yung babaeng crush ko. Sa lalagyanan natin ng mga tapes, may mga disk dun akala ko pelikula dahil may mga pamagat ng pelikula. Kinuha ko yung isang CD na sci-fi pero nung pinanood ko sa VCD player mo, iba ang nadiskubre ko! Tayong dalawa ang nandoon at kausap natin ang sarili natin! Wala akong naaalala sa mga recordings na yun, pero tayo talaga ang gumawa! Di ka maniniwala sa sasabihin ko sa iyo! Marami pang tulad nito, pati yung ibang pelikula karamihan sa mga Science Fiction mo. Ang ibang disk na pelikula naman normal lang na pelikula, pero lahat ng pelikula na may pabalat na kakaibang Science Fiction yun ang may recordings natin! Di ko pa pinanood ng buo, pero mukhang importante ito. Nagkaka-amnisya ka ba? Tama nga bang amnisya ang tawag dito, teka, parang mali ako. Parang may sinasabi tayo tungkol sa memorya, mahina kasi ang sound at maingay ang ulan. Paano natin nagawa ito, di ko naaalala at wala tayong recorder? Paano nangyari ito? Imposible pero totoo, pinapanood ko pa ngayon. Basta pumunta ka na lang dito at magingat ka! Bye!”


Napailing na lang si Jasmine at sinabing, “Ha, talaga? Sandali! Ano yan? Puro ka talaga… hmp sige paalis na ako.” Binaba agad niya ang telepono. Napagisip isip ni Jasmine na kapag seryoso si Orly sa sinasabi, seryoso talaga siya. Dinampot ni Jasmine ang susi at lumabas ng bahay.


Pagbaba ni Jasmine ng kanyang apartment, may nakita’t narinig siyang nagkakapulong na tao sa daang hindi kalayuan sa kanyang lugar. May isang kalbong lalaking maputi ang nakatihaya sa daan. Kumalat ang kanyang dugo sa daanan ng mga tao at wasak ang kanyang mga binti. Napatakip ng bibig si Jasmine sa kanyang nakita. Nagtataka ang ilan kung bakit kulay abo ang mga mata ng lalaki. Nasagasaan raw ito ng isang SUV na sasakyan. Sinundan ni Jasmine ang mga tanod na nagtatalo at nagtataasan ng boses sa isa’t isa. Dinampot nila ang lalaki na sinasabing nakasagasa sa lalaking tumatawid. Tinanong siya ng mga tanod, “Bakit mo tinakbuhan ang nasagasaan mo, alam mo bang bibigat lang ang kaso mo niyan?”


Sumagot ang lalaking nakaposas, “Hindi ko po talaga nasagasaan yan. Malinaw na malinaw kong naaalala, ang dugo sa harap ng sasakyan ko sumayad yan sa nagbubuhat ng karne sa daan kanina sa trapik. Matandang babae, nabutas ang pinamalengke niya. Nainis pa nga ako eh. Malinaw na malinaw ko pong naaalala. Wala po akong nasagasaan kaya hindi ako huminto. Pasensya na po, di ko po ugali ang tumakbo kung may kasalanan akong nagawa.” Nasasaktan ang lalaki sa pagkakahawak sa kanyang mga kamay.


Sumisigaw naman ang nagpakilalang saksi, “Hindi! Hindi! Hindi, sinungaling ka! Nakita kita, nandoon ako sa malayo pero nakita ko ang sasakyang yan, sinigawan ka pa ng lalaking kalbo pero dirediretso ka lang na tumakas na parang nakasagasa ka lang ng pusa. Buti trapik, huli ka tuloy!” Sa gawing kalayuan, parating naman ang isang kotse ng pulis na sobrang lakas ng tunog ng sirena at busina nito. Ang mga tanod ay hinahanapan ng pitaka ang biktima at wala silang nakitang anuman sa kanyang mga bulsa. Marami ang nakakalat sa daan, kabilang na dito ang mga tsokolate, iba’t ibang pagkain, sunglass na bilog, kwintas at iba pa.


“Orly!” Ang isinigaw ng isang tanod. Bagay na kinagulat ni Jasmine dahil kamukha ng Relo ni Orly ang hawak ng mga tanod. “Orly ang pangalan niya!” Ang
sabi naman ng batang tanod. Lahat sila ay nakatingin sa magandang relo na inalis sa kamay ng lalaki.


Habang abala sila sa pagdepensa ng suspek sa kanyang sarili, naapakan ni Jasmine ang isang libro na may bahid ng dugo na may bakas ng mga paa ng mga taong dumaan sa pinangyarihan ng aksidente. Natatabunan ito ng iba pang nakakalat sa daan. Sulat kamay niya ang pangalan niyang nakalagay dito na hindi natatakpan ng dugo. Pinulot niya ito at binuksan sa huling pahina at ang nakita niya ay isang picture ng kanyang Papa at mga kamag-anak sa isang kasal na ngayon pa lang niya nakita. May bilog na guhit sa gawing malayo ng larawan at napansin niya sa loob ng bilog ang mukha na kamukha ng lalaking nakahilata sa daan—ang lalaking kalbo at may matang kulay abo. Nagmamadali siyang nawala sa eksena at sumakay sa loob ng kanyang kotse na nakaparada sa daan. Binuksan niya ang air-con. Siya ay pinapawisan at kinakabahan. Nakatitig lamang siya sa daan, punong puno siya ng pagkataka at takot.

Nagbuntong hininga siya, lumalaki ang kanyang mga mata, humawak sa manibela at nag-iisip isip dahil sa mga nangyari. Hindi pa siya nakakita ng taong namatay at kakaiba pa ang mga mata. Nag-isip isip siya. “Ano ang nangyayari, bakit may picture ni Papa sa Libro. Sa kanya ba itong librong ito? Mukhang akin dahil sulat kamay ko.” Kinuha niya ang Libro at binuksan niya sa bandang gitna. May isang ginupit na pahina ng pahayagan ang nakaipit dito. May larawan at nakabilog sa pulang guhit ang picture ng tatlong tao sa malayo, may petsa, at may maikling sulat na nakasulat kamay sa ibaba. Naintindihan niya ito at naalalang sulat kamay ni Orly ang nakasulat dito. Binasa niya ang sulat: “May dalawa pang katulad ni Z. Nadiskubre kong hindi pala siya nag-iisa. Kakampi mo ako, hinahanap ko rin sila. Wag kang magtiwala sa iba. Huwag kang magtiwala sa sarili mo. Huwag kang matakot. Hindi ka rin nag-iisa.”


Hindi ito naintindihan ni Jasmine at nagmadali siyang umalis.


June 23,2008 06:15

http://www.kwento.100megsfree5.com

Mga Maikling Kwento © E.L. Minell

4.6.08

Langit Sa Lupa

Langit Sa Lupa
By E.L. Minell

Septiembre taong 1974.
Si Alex, isang tahimik na binatilyo, ay nagtatanong sa nars kung saan tutungo papuntang kapilya ng ospital, “Miss, saan yung chapel dito?” itinuro naman ito ng nars sa kanya ng hindi umiimik. Lumiko siya sa kanan gaya ng itinurong direksyon sa kanya ng nars na pinagtanungan niya. May nakikita siyang mga halaman at sinag ng araw sa gawing kalayuan. “Mukhang nasa labas na yata ako.” ang sabi ni Alex. Pagdating niya sa dulo, ang labasan ng ospital ang kanyang nakita.

“Mali. Tsk!” ang sabi ni Alex ng madismayang wala doon ang kapilyang hinahanap niya. Kinamot niya ang kanyang ulong may napaka-kapal at medyo may kahabaang buhok. Nagtaka naman siya dahil hindi niya naaalalang may mga halaman sa labas ng ospital na kaniyang pinasukan. “Siguro ibang Entrance ito.” ang bulong niya sa sarili. Bumalik siya sa pinanggalingan at naghanap siya ng taong mapagtatanungan. Hindi na niya mahagilap ang nars na pinagtanungan niya kanina. Nagtataka rin siya na parang may nagbago sa kanyang paligid dahil sa mga halamang nasa paso na hindi niya naaalalang nakita niyang naroon kanina. Nagtanong siya sa information area, “Excuse me nurse, saan po ba ang kapilya ng hospital 'nyo?” Sinagot naman siya ng nars na nasa telepono ng isang senyas paturo sa gawing kaliwa.

“Ha? Hindi pwede yun,” ang sagot ni Alex. “Sa dulo ho, kwarto na ng kuya ko.”

Nagpaalam muna na may kakausapin ang nars sa kausap niya sa telepono bago siya sagutin nito. “I’m sorry, ano ho yun?” tanong ng nars kay Alex.

“Ang sabi ko ho, sa dulo na tinuro ninyo, doon naka-confine ang kuya ko. Wala po akong nadaanang kapilya dun.”

Napailing lang ang nars at bumalik sa kanyang kausap sa telepono. Ikinapagtaka naman ito ni Alex.

Naisipan na lamang niyang bumalik sa kinaroroonan ng kanyang kuya para doon magdasal kasama ng kanyang Lolo. Pagliko niya sa kaliwa, naramdaman niyang iba ang kanyang naaalala. Hindi ito ang ospital na pinanggalingan niya. Hindi niya maalala kung kailan at paano siya naligaw dito, subalit ang kanyang naaalala’y kaninang unang beses pa lang siyang nagtanong sa nars ay nasa ospital pa siya ng kanyang kuya. Paunti unting nagbabago ang paningin niya sa paligid.

Nakita nga niya ang isang kapilya sa dulo ng kaliwang direksyong itinuro ng nars sa kanya. Nakita niya roon ang nagdaraang babaeng Doktor sa kapilya kaya hinabol niya ito. “Doktora, sandali po!” ang sigaw ni Alex at saka nilapitan ang Doktor. “Ano po bang Hospital ito?”

“Philippine General Hospital.” ang sagot ng Doktor.

“Sigurado po ba kayo? Hindi po ba Makati Med dapat?”

“PGH. Hindi ito Makati Med, wala ka sa Makati.” Ngumiti na lang sa kanya ang Doktor at saka ito umalis.

Nagtaka naman siya at tumingala sa itaas. Mataas nga ang mga kisame at mukhang luma ang gusali na parang naaalala niyang hindi ganito ang ospital ng kanyang kuya. May mga nakapaskil pa ngayong mga lumang larawan sa pader ng gusali. Malaki ang pinagkaiba ng loob ng ospital ngayon kaysa kaninang nagtatanong siya sa nars. Hindi niya namalayang napunta siya sa ibang lugar sa hindi nalalamang dahilan. “Pano nangyari ito?” tanong ni Alex sa sarili.

“Alex,” ang sabi ng isang lalaking nakaupo sa loob ng kapilya at saka nagpatuloy, “Alex, ikaw ay si Alex.”

Kinilala muna ni Alex ang mukha kung ito ba’y kakilala niya ngunit wala siyang naaalalang kilala niya na ganito ang wangis ng mukha. “Sorry po, kilala ko ho ba kayo?”

“Hindi, hindi mo ako kilala at di rin kita kilala. Maupo ka. Ako si Adriel. Ang pangalan mo nga ba ay Alex?”

“Opo.”

“Sigurado ka?”

“Opo, ako si Alex bakit ho ba? Paano nyo nahulaan ang pangalan ko?”

“Ang sabi mo kasi kay Doktora, nasa ospital ka sa Makati at biglang hindi mo naalalang nandito ka ngayon, tama?”

“Opo. Ganun nga po. Bakit ho?”

“Alex, dinala ka rito ng isang anghel.”

“Paano nyo ho nasabing isang anghel ang nagdala sa akin dito eh wala namang nagdala sa akin dito bigla na lang ho akong napunta dito?” tugon ni Alex. “Alis na po ako at alamin ko lang paano ako napunta dito baka kasi hinahanap na ako ng Lolo.”

Siniyasat ni Adriel ang mukha ng kausap kung ito ba’y binibilog lamang ang kanyang ulo at pinapapaniwala siyang Alex nga ang pangalan nito. Si Adriel, ang mamang nakaupo sa kapilya ay isang apatnapu’t limang taong gulang na. Parati niyang ginagalaw ang malaking salamin sa kanyang mata sapagkat ito’y nahuhulog sa pagkakapit sa kanyang ilong. Nakasuot siya ng asul na polo na may naglalakihang kwelyo sa gilid ng kanyang nagsisimula nang magka-kulubot na leeg.

“Sandali lang Alex, wag kang umalis." sabi ni Adriel kay Alex. "Gusto kong marinig mo ito. Alam kong naligaw ka at alam ko ring kapag nakausap mo ako makakauwi ka na. Ipapaliwanag ko sa iyo ito pero kailangan mo munang malaman ang buong detalye kung bakit ako nagsasalita ng ganito. Sana intindihin mo, ako ma'y naguguluhan din. Simula nang sumakabilang-buhay ang aking asawa, hindi ko pa nasubukang makaranas ng isang bagay na papatotoo sa aking mga nakikita. Nakakaranas ako ng mga ala-ala sa dati kong buhay, mga nakikita ko kapag ako ay nag-iisang nakapikit o kapag nananaginip. Nang pumanaw ang aking mahal na asawa nagsimula akong makaranas makakita ng mga bagay na ako lang ang nakakakita. Walang naniniwala sa akin maging ang mga kilala kong mga nagtratrabaho sa simbahan. Ang mga kaanak at kaibigan naman ay natatawa lang sa mga sinasabi ko, kaya’t sinarili ko na lang ang lahat ng aking nakikita sapagkat wala rin akong matibay na ebidensya na magpapatunay na totoo ang mga ito. Dalawampung taon na akong nakakaranas ng ganito, ngayon pa lang ako nakaranas ng pwedeng pumatotoo sa aking mga nakikita at ikaw ang tinutukoy ko. ”

“Ano ho ang sinasabi ninyo? Hindi ko ho kayo maintindihan, pasensya na po.”

“Ang sinasabi ko ay ganito, hindi ko basta hinulaan ang iyong pangalan. Nakita ko ito sa isang panaginip. Gusto mo bang simulan ko sa pinakasimula o sa bandang huli kung saan ko nakita ang iyong pangalan?”

“Simulan po ninyo sa simula at makikinig lang ako.” tugon ni Alex. Pumasok at umupo naman si Alex sa loob ng kapilya sa bandang likuran ni Adriel, habang si Adriel ay nakapatong ang siko sa sandalan ng kanyang inuupuan at nakatingin siya sa kausap.

“Salamat sa pagsangayong makikinig ka. Nagsimula ito noong kami’y bagong kasal. Doon pa lang parang may mga nagpaparamdam sa akin kapag ako ay mag-isa at nakapikit ang mga mata. Matapos ang tatlong linggong aming pagsasama, nalaman namin na ang aking asawang si Irena ay nagdadalantao na. Walang kapantay ang ligaya naming dalawa noong kami’y nagsasama. Ngunit nabigo kaming ilabas sa mundo ang aming anak maging ang magsama kaming dalawa habang buhay ay hindi rin natupad. Kinuha ng Diyos ang asawa ko sa akin. Pagkatapos malaglag ng aming anak, sunod-sunod siyang nagkasakit. Matapos niyang gumaling sa isa, nagkakaroon siya ng dalawa at nadaragdagan parati ang mga karamdaman niya kahit na ako ay parating nagdarasal. Wala akong magawa para iligtas si Irena. Ikinamatay niya ang sakit sa kanyang atay. Dalawangpung taon na ang nakakalipas noong siya’y pumanaw ngunit para sa akin parang kahapon lang ang pangyayari.” sandaling huminto si Adriel, nagbuntong hininga at nagpatuloy,

“Ang kapilyang ito ay pansamantalang iniayos bilang kapilya habang nagkukumpuni ang mga tao sa kapilya ng ospital; ngunit ito ay dating kwarto ng mga may sakit at inaalagaan. Ito ay kwarto ng nasira kong kabiyak, ang pinakamamahal ko, kung saan ko siya hinawakan upang magpaalam. Ang Doktorang kausap mo kanina ay aking kaibigang Doktor dito, si Doktora Alma. Isa lang siya sa mga mababait kong kaibigang tumutulong sa akin at nagmamalasakit. Tumutulong rin siyang magpaliwanag kung ano ang maaaring sanhi ng mga nakikita ko. Sinabihan ko siya sa telepono tungkol sa aking panaginip kagabi, tungkol sa isang Alex na magpapakita sa akin, kaya’t nagduda akong ikaw ay kanyang kasabwat dahil isa si Doktora na nangungumbinsi sa aking ibaba ang pagluluksa ko sa aking mahal na nawala. Hindi rin kasi siya naniniwala sa aking mga sinasabi tungkol dito ngunit kahit papaano nakikinig siya. May gumawa na kasi nito sa akin dati, nagkukunwaring naniniwala sa sinasabi ko. Buti at nadiskubre kong niloloko lang niya ako, dahil seryoso ako sa aking mga sinasabi. Hindi ko rin magawang baliwalain ang aking mga nakikita o visions kung sa aking pakiramdam ay totoong-totoo ang mga ito, na parang ala-ala ng matagal na nakaraan. Gusto ko ring malaman sa sarili kung totoo ba ito o isang problemang medikal. Sabihin mo sa akin ang totoo, talaga bang lumitaw ka dito galing ng Makati at ang pangalan mo ay Alex? Hindi ba kayo magkasabwat lang ng Doktora? Sumasakay lang ba kayo sa mga istorya ko? Ang sinabi sa akin ng isang anghel sa aking nakita ay maliligaw ka Alex, ngunit makakauwi ka kung kakausapin kita. ”

“Opo, nagsasabi po ako ng totoo. Hindi ko pa rin ganap na maintindihan ang sinasabi nyo. Kayo po ano ang pangalan ninyo ulit?”

“Kung ganun eh, ipagpapatuloy ko ang aking kwento. Ako si Adriel Santos, nagtapos ako ng Industrial Engineering pero isa akong Pintor na nagtratrabaho sa isang Museo tuwing umaga. Kailangan ko kasing bumalik dito sa ospital para mapalapit lang ako kahit papaano. Nagtratrabaho rin ako sa isang kumpanya, sa isang pabrika sa hapon, malayo dito. Pero hindi ang tungkol sa aking gawain ang gusto kong sabihin sa iyo na tungkol sa akin. Tingin ko mahalaga ang pagpaparito mo kaya kailangan nating malaman ang dahilan. Nakakakita kasi ako ng mga bagay sa aking pag-iisa at tuwing ako ay nananaginip simula noong sumakabilang buhay ang aking mahal na asawa. Ang mga vision na ito ay parang totoo tuwing nararanasan ko. Sa mga naunang beses, nakita ko ang tungkol sa mga anghel na nasa langit. Parang tunay ang aking mga nakikita at napakalinaw ko itong nakikita. Ang iba sa kanila ay piniling manirahan sa lupa, sila’y naging tao sa laman, sa dugo at sa kaluluwa.”

“Paumanhin pero patirin ko lang sana kayo,” patid ni Alex, “Ako po kasi ay isang sakristan sa aming barrio. Narinig ko na po dati na ang mga anghel ay nasa langit lang, ang mga nagrerebelde naman sa kanila ay napupunta raw sa impyerno. Nakarinig na po ako ng tungkol sa mga anghel dela guardia, ngunit hindi ang anghel na naging tao.”

“Alex, hindi ko sinasabing totoo itong sinasabi ko. Yan ang dahilan kung bakit kita kinakausap. Hindi ko rin alam kung ang mga ito ba'y problema o tunay na may sinasabi sa aking mahalaga. Pinapaalam ko lang sa iyo ang mga nakikita ko at kasama ka kasi doon, kung ikaw nga ang Alex sa aking mga nakita.” Sinusuri ni Adriel si Alex sa kanyang mga mata at nagpatuloy, "May tatlong paraan para ang isang anghel ay pumasa-lupa. Ang una ay kapag siya ay may tungkuling dapat ganapin sa loob ng maikling oras at ang tungkuling ito ay may kinalaman sa kaligtasan ng sangkatauhan. Pangalawa, ang mga tinatawag nating anghel dela guardia na nandito ngunit hindi natin sila nakikita. Pangatlo, kung gusto ng isang anghel na makasubok kumain sa hapag-kainan ng mga tao, makisalamuha sa kanila, makasubok ng personal na ugnayan sa mga tao, kailangan niyang ipanganak bilang isang tao. Sapagkat, maging ang Anak ng Tao na siyang pinakasasamba ng lahat ay dapat sundin ang batas na itinalaga ng Maykapal dito sa lupa. Kaya maski Siya ay dapat mabinyagan rin at dapat nakalapag ang mga paa sa lupa. Walang sinomang galing sa langit ang maaaring mamuhay sa lupa kasama ng mga tao ang hindi magiging tao na may dugo’t laman na sumusunod sa batas ng Diyos dito sa lupa. Ang sinomang tao na pinanganak ng sinomang babae ay dapat tanggapin ang katotohanang dito sa lupa, kung may nais kang mangyari na babaluktot sa batas ng lupa ay dapat mo muna itong idasal sa itaas. Halimbawa, hindi mo maaaring gawing alak ang tubig ng walang pahintulot na galing sa itaas o ilipat ang isang bundok sa ibang lugar sa pamamagitan ng pananampalataya ng hindi dinarasal sa itaas. Hindi ka rin maaaring mamuhay na gaya ng tao kung hindi ka tao. Mas perpekto nga ang buhay ng mga anghel ngunit may iba’t ibang dahilan kung bakit ang iba sa kanila ay pinipiling maging tao. Yan ang mga nakikita ko, karamihan ay hindi ko ganap na maintindihan. ”

“Kung sila ay tao na at hindi na anghel, sa laman at kaluluwa gaya ng sabi mo, paano nila masasabing sila pa rin yun?” tanong ni Alex.

“Kaya may naiiwang gapatak ng kanilang kapangyarihan na dati’y kasing dami ng tubig sa dagat. Naiiwan ito bilang pagkilala sa kanilang sila pa rin kung sino sila dati ngunit iba na ang kanilang buong anyo maski ang pag-iisip. Hindi nila magagamit ang kapangyarihang ito na walang kasamang dasal. Hindi nila katulad ang Anak ng Tao na kaisa-isang pumarito’t pinanganak at nakisama sa tao nang hindi nawala ang kanyang buong anyo’t kapangyarihan na nasa langit. Lahat ng pinanganak ng tao ay dapat manalangin kung may nais siyang mangyari na hindi sumusunod sa kaayusan ng mga elemento sa mundo, kagaya ng milagro. Ang iba sa mga anghel na pumarito, ang pinipili nilang maiwang kapangyarihan at abilidad ay ang makaramdam ng mga pangyayaring mangyayari pa lang, ang iba naman ang abilidad na nakakaramdam ng damdamin at isip ng iba, ang iba nama’y iba ang pinipiling kapangyarihan. Lahat sila ay walang malay na may kakayahan silang ganito at lahat sila’y hindi alam ang tunay na kaanyuan nila dati.

Ako ay isa sa kanila, Alex. Nakakailang banggitin ito dahil nagmumukha akong isang taong wala sa sariling pag-iisip tuwing sasabihin kong 'Dati akong anghel'. Intindihin mo sanang ito'y pahirap sa akin. Ayon sa aking mga visions, ang maalala raw ang lahat ng ito ang tanging naiwang kapangyarihan sa akin na aking pinili. Kaya sa akin mo lang maririnig ang mga ito dahil ang iba'y hindi nila alam ang kanilang kakayahan at lahat ng tungkol sa dating sila dahil hindi ito ang kanilang piniling kakayahan. Kung kami ay mapalad at makababalik ng langit, magbabalik at mabubuo ulit sa amin ang lahat ng aming mga ala-ala na tunay na amin ngunit hindi ang aming pagka-anghel. Karamihan sa mga nahuhulog sa impyerno na iyong tinutukoy, ay mga tao na at may espiritu ng tao, na galing dito sa lupa. Ang mga nakita ko ay ala-ala ng dating ako noong ako’y naninirahan pa sa ibang kaharian. Hindi buo bagkus napakaliit lamang ang mga ala-alang aking mga nakita sa mga visions na ito. Karamihan ay paulit ulit ko lang nakikita. Sa una’y tinatawanan nila ako tuwing binabanggit ko ito sa mga tao, ngunit ngayon, kung totoo man ang iyong sinasabi, maaaring mapaniwala ko na sila kung ikaw ang magpapatunay. Nakita ko kasi kagabi lang sa aking pagtulog ang isang anghel na walang mukha, siya’y may hawak na dalawang bituin sa kanang kamay at sa kaliwa ay isang bato kung saan nakaukit ang iyong pangalan. Kilala ko ang anghel na iyon, siya ay isang anghel na pinili ang kapangyarihang makapagdala ng isang bagay sa ibang lugar na nasa malayo. Ang sabi mo, napunta ka dito ng hindi mo nalalaman. Bago pa man ito, dalawangpung taon ko nang nakikita ang iyong pangalan, ngunit hindi ko maintindihan ang mga nakikita ko. Ang anghel na yun siguro ang nagdala sa iyo dito.”


Iniisip ni Alex na nagsasabi ng totoo si Adriel dahil napag-isip isip niyang hindi siya nagmamalikmatang lumipat ng ibang lugar na nasa magkabilang lungsod at lalong hindi siya nananaginip lang. Napansin rin niya ang maletang hawak ni Adriel at ang ayos ng kanyang pananamit at buhok. Napagisip-isip ni Alex na si Adriel ay isang seryosong tao ngunit mukhang may problema nga siya. Siniyasat muna ni Alex ang kausap bago nagtanong,

“Paano ho ang ordinaryong mga tao, kagaya ko, wala po ba kaming kapangyarihang kagaya ninyo? Tunay ho ba itong nakikita ninyo na pwedeng maging tao ang isang anghel? Naniniwala po ba kayo dito?

Higit sa lahat, ano ho ba ang itsura ng langit?”.

“Huwag mong isiping hindi patas ang kahalagahan ng mga nilalang dito sa lupa.” sagot ni Adriel sa nagtatanong na binatilyo at saka nagpatuloy, “Pantay pantay lahat ng taong pinanganak. May kapangyarihan ka rin Alex, tuwing may nagagawa kang kabutihan sa kapwa tao mo at nagpapakita ka ng mabuting gawa sa Diyos kahit walang nakakakita, ito ay isa nang milagro. Ang pagiging mapagkumbaba ay isang kapangyarihan dahil naaagaw mo ang pansin ng mga anghel sa langit. Ang lahat ng tao ay kayang magpakumbaba kung pipiliin lang nila. Alam ko yun dahil isa sa mga ala-alang bumabalik sa akin ay ang ala-alang napapanood ng mga anghel ang ginagawa ng mga tao sa lupa, maski ang mga damo, halaman, insekto, mga hayop at mga ibon. Ang mga anghel na pumarito ay hindi na anghel, ganap na tao rin sila kagaya mo lang. Hindi rin nila magagamit ang kanilang kapangyarihan ng walang tulog sa itaas. Naalala kong ipinagdasal ko noon na sana may paraan para malaman ko kung nasaan si Irena noong siya ay pumanaw, kaya siguro doon nagsimula ang aking mga nakikita, ngunit dalawangpung taon na at wala pa akong malinaw na sagot. Kung may kaunting kapangyarihan man kami na wala sa inyo, may kahinaan naman kami o kaya’y may katumbas na kapalit ito. Sa aking lagay, ang maagang pagkamatay ni Irena ang naging kapalit ng aking mga nakikita.

Naitanong mo ang langit, yan rin ang madalas tanungin sa akin ng bawat taong makakausap ko tungkol dito, Alex, bagamat alam kong hindi sila naniniwala sa akin, sinasabi ko pa rin ang nalalaman ko. Ang langit bilang isang lugar, ayon sa mga nakita ko, hindi ito maipapaliwanag sa salita at hindi ito maiintindihan ng mata ng tao. Kung susubukan ko man itong ipaliwanag sa iyo, lalong lalayo ang iyong pagkakaintindi sa langit. Ito ang napakakapal na pader na humaharang sa lahat ng kaalaman ukol sa langit, sapagkat ang mga nararapat lamang ang makakapasok dito at tunay na makakakita sa buong kaanyuan ng langit. Ang tao ay dinidiktahan ng kanyang nakikita sa mata, ngunit sa langit, ang espiritu ay may mata rin na siya lang ang makakaintindi ng lahat ng nakikita roon. Ang masasabi ko lang, ang langit ay parang pinong puting asukal, bawat butil ay kay tamis at kay puti. Walang hanggang ligaya at kadakilaan ng Diyos ang iyong madarama kapag ikaw ay naroon. Kung ang iba sa amin ay masaya sa pagiging kumpleto na nila, kung sila'y gustong nasa langit, ang mga tulad namin ay gustong maging buhay na tao. Tungkol sa mga visions o mga nakikita ko, tungkol sa anghel na nagiging tao, hindi pa rin ako ganap na kumbinsado na ito ay tunay. Nagkaroon lang ako ng kaunting hinala ngayon sa posibilidad na tunay nga ito dahil ikaw nga ay biglang lumitaw sa araw na ito kung kailan ka dapat lilitaw. Ano man ang dahilan ng iyong paglitaw dito ay hindi ko alam. Maaaring aksidente lamang o hindi, basta sa aking pagkakaalam ay hindi ka nararapat dito ngunit nandito ka!

Tungkol naman sa iyong tanong sa pagiging tao ng mga anghel, ang mga anghel ay nararapat lamang sa langit ngunit mayroon talagang mga bagay bagay na hindi pinapaalam sa mga tao. Pinayagan kaming magkatawang tao sapagkat walang hiling na hindi pinapakinggan ng Ama natin sa langit, kung ito ay iyong hihilingin at idarasal dahil walang imposible sa Kanya. Kung dito sa lupa, sanay tayong limitado ang lahat ng kailangan natin kagaya ng pagkain at lakas na galing sa iyong katawan, doon sa langit ang kasanayan namin sa kaginhawaan ay walang hanggan maski hilingin mong ikaw ay maging tao ay ibinibigay. Ayon sa aking mga nakita, kung ito ma’y totoo at hindi gawa-gawa ng aking isip kapag ako’y tulog, ang aking dahilan upang maging tao ay para patunayan ang pagmamahal ko sa Diyos. Ang tao ay ang nilalang na pinakamamahal ng Diyos, sila ay malayang gumawa ng tama at mali, at sila ay pwedeng patawarin sa kasalanan kung magsisisi sila. Hindi ito ang aking dahilan, ang dahilan ko ay para maipakitang kaya kong labanan ang mga pagsubok at mga tukso ng daigdig, dito sa katawang napakarupok alang alang sa pag-ibig sa Panginoon. Mahirap na desisyon ito para sa isang espiritu ngunit ito ang aming pinili, nakita ko ito sa aking mga panaginip ng napakalinaw. May dalawang anghel doon na malapit sa akin, sila lang ang aking naaalalang nakikilala ko ng bahagya na para bang ala-ala mo na matagal nang nakalipas. Ngunit, kagaya ng aking sinabi kanina, maski ako ay hindi ganap na naniniwala rito, sa aking mga nakikita. Sabi nila, kaya ko raw ito nakikita dahil raw sa malubhang kalungkutan ko sa pagpanaw ng aking asawa. Sa tagal ng panahong aking hinintay, sila na ang aking pinakinggan, kaya nawala rin ang aking pananampalatayang dati’y malakas. Wala na rin akong tiwala sa aking sarili, maging sa sarili kong isip na gumagawa ng mga ganitong imahinasyon.”

Huminto sila sa paguusap sapagkat may dalawang babaeng pumasok sa loob ng kapilya upang doo’y magdasal. Ang isa rito’y ang Doktora na kakilala ni Adriel. Yumuko papalapit sa kanya si Alex at ito'y bumulong sa kanya.

“Alam ho ba ninyo, takot rin ako sa kamatayan.” ang sabi ni Alex “Ngunit dahil sa naniniwala ako sa buhay pagkatapos, hindi ko po ito kinalulungkot. Namatay na po kasi ang aking butihing ina noong bata pa ako. Sumunod naman sa kanya ang aking ama na isang aktibista. Malungkot rin ang mga pangyayari sa buhay namin. Isang gabi may dumampot sa tatay sa aming bahay, may nagsabi na lang sa aming patay na rin daw siya at tanggap na namin ito kahit hindi na nakita ang kanyang labi. Hindi naman po masamang alalahanin sila dahil yun po ang gusto nila ngunit ako ay naniniwalang nasa langit sila dahil sa aking mga dasal at pagkakakilala sa kanila. Tiwala po ako sa pananampalataya ko kaya hindi ko na po ikinalulungkot pa ang pagpanaw nila kung ang makakasama naman nila ay ang poong Diyos. Sa akin lang, sana kung malalim talaga ang pagmamahal mo sa asawa mo, ang masayang ala-ala niya ang tanging ilagay mo sa puso’t damdamin mo. Sabi kasi sa amin sa simbahan, ang Diyos dapat ang ating mahalin na higit sa kahit ano. Kung mahal ho ninyo ang Diyos dapat wala ho kayong duda sa mga salita niya. Sa tingin ko, ito ang dahilan kung bakit ako lumitaw dito, para masabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko pa rin alam kung paano makakauwi sa pamamagitan ng pakikipagusap sa inyo. ”

“Naniniwala naman akong may langit, Alex, pero kung siya ma’y ligtas ay hindi ko alam. Ang alam ko lang, makitid ang lagusan patungong langit. Maitanong ko lang sa iyo Alex, sino ba sa tingin mo ang nagmamahal sa iyo? Siya ang nagdala sa iyo dito, Alex. Siya ang anghel na ngayo’y ganap na ganap na tao na, ipinagdasal ka niya para mapunta dito! Siya ang anghel na walang mukha na nakita ko sa aking ala-ala.”

“Sa tingin ko po, diyan ho kayo nagkamali. Hindi ako nakakaramdam ng pagmamahal sa amin.” sagot ni Alex. “Hindi ako gusto ng aking mga kamag-anak, mga kapatid at mga kaibigan.”

“Bakit mo naman nasabi yun Alex? Mukhang ayos ka naman.”

“Kasi po ganito, ang palagi nilang sinasabi sa akin na dapat raw ay gayahin ko ang aking kuya dahil siya ay maraming tagumpay na nakamit na. Sa kolehiyo na po siya nag-aaral, sa La Salle. Malaki ang pakinabang niya sa kanila kaysa sa akin. Siya’y nasanay dito sa buhay Maynila at ako naman ay hindi rito nasanay. Naniniwala po silang lahat na siya ay magiging mayaman at matagumpay pa lalo pagkatapos ng kolehiyo. Marami siyang kaibigan, parating mataas ang kanyang mga grado sa iskul, maraming nagkakagustong mga kababaihan sa kanya kaya marami rin siyang naging nobya, captain siya sa kanilang basketball team at marami pang ibang pwede niyang ipagmayabang kaya nga po siya ay napakayabang at mapagmataas lalo na sa akin na ibang iba sa kanya. Isa lamang po akong mahiyain at mahina ang loob. Madalas niya akong batukan tuwing tumatanggi ako sa mga kagustuhan niya kagaya ng sumubok ng alak para raw maging tunay akong lalaki, maski na ang bawal na gamot ay pinapasubok rin niya sa akin minsan, tumatanggi lang ako. Hindi niya ako gusto kung hindi ako tutulad sa kanya. Maabilidad po siya at aktibong tao, kaya’t nakarating na siya sa iba’t ibang lugar. Sa aming Lolo na isang mayaman kasi siya lumaki, ako naman sa aking mga magulang. Nagkahiwlay kami noong bata pa dahil hindi kami kayang palakihing sabay sabay ng aming magulang na mahirap lang. Noong pumanaw ang aking mga magulang naging magkasama na kami sa iisang bubong, kasama ang kapatid naming babae na mas bata sa akin.

Ang kapatid ko namang babae, parating nakakulong sa kwarto, may kausap sa telepono at nagpapaganda sa harap ng salamin. Masama rin ang kanyang ugali sa akin dahil isa siyang laki sa layaw. Kinse anyos po ako at siya ay katorse anyos pa lang. Hindi kami malapit sa isa’t isa na parang hindi kami magkakapatid. Mas malapit kasi sila sa mga pinsan namin na nakatira malapit lang sa bahay ng Lolo, samantalang kaming magkakapatid, dati'y isang beses lang isang taon kung magkita. Ngunit gusto kong baguhin sana ito. Kagabi, sumama ako sa isang inuman ng mga barkada ng aking kuya para masubukan ko ang kanyang buhay. Nilasing po niya ako at pinakilala niya sa iba’t ibang babaeng kanyang kinaibigan sa eskwelahan. Ako na ang nagyayang umuwi dahil madaling araw na. Paguwi namin, napansin kong nawawala na sa sarili ang aking kuya sa pagkalasing. Sa takot na mapagalitan ng aming Lolo, ako na lang ang nagpumilit magmaneho ng kotse maski na may pagkalasing rin ako. May sumunod na pulis sa amin sa daan kaya’t inutusan ako ng kuya kong magpatakbo ng mabilis. Ito po ang huli kong naaalala, masakit kasi ang aking ulo sa kalasingan. Noong tumanggi akong bilisan ang pagmamaneho, inapakan niya ang aking paa para bumilis ang sasakyan. Nabunggo ang kotse sa poste kaya ang kuya ay naaksidente at dinala sa ospital, kung saan malinaw kong naaalalang naroon lang ako kanina lang. Galit na galit sila sa akin at sa akin lahat ang sisi. Walang nagmamahal sa akin sa amin, kaya alam kong hindi pwede ang sinasabi mo.”

“Alam mo Alex, napakabata mo pa para mamroblema ng ganyan. Maniwala ka sa akin, siguradong may nagmamahal sa iyo. Marami sa ngayon, hindi lang nila alam sa kanilang puso ang tunay na dahilan kung bakit mahal nila ang tao. Ang iba sa kanila, hindi lang nila ito sinasabi. Mahalagang sabihin mo sa tao na mahal mo siya bago huli ang lahat. Medyo lumilinaw na sa akin at naiintindihan ko na kung bakit ka nandito pero kulang pa rin. Hindi masama ang maging mabait, tatagan mo lang ang iyong loob at magpakagaling ka. May sasabihin ako sa iyo, isa sa mga madalas ko ring makita sa aking mga panaginip. Hindi ko naiisip ang kabuluhan nito, dahil madalas ko itong makita simula noong nagsimula ang mga visions na ito. May iba’t ibang mga anghel kasi ang tumitingin sa bawat nilalang na nasa lupa. Kami ay mga nilalang rin na kagaya mo, punong puno ng pagkasabik sa mga bagay na hindi pa namin nalalaman, ngunit mahalagang malaman mo na ang mga anghel ay nakakataas na nilalang sa mga tao. Hindi ko alam kung ito man ay may kinalaman sa iyo ngunit sasabihin ko na rin. Madalas ko kasing makita itong tatlong uri ng daga sa aking mga visions. Isang dagang siyudad na magaling at marunong maglambitin sa kawad para maabot ang tinapay sa lamesa, isang dagang marsupial naman o dagang sa mga damuhan nakatira na gumagawa ng maliit na pugad sa kanyang mga anak at isang dagang kosta na malinis at maputi, nakita ko itong nakakulong at naghihintay ng pagkain. Dito ko siguro maihahambing kayong magkakapatid. Alin sa tingin mo ang mas interesado ka sa tatlo?”

“Yung dagang sa Australia galing, yung marsupial na daga. Nakita ko po yun sa Magazine, sa National Geographic.” sagot ni Alex.

“Tignan mo? Ikaw na tao na nakakataas na nilalang sa mga daga, alam mo kung alin ang aagaw ng iyong pansin. Ganun din ang mga anghel sa langit, pati ang Diyos na mas mataas sa lahat. Sa mga populasyon ng mga daga, alin ba ang nakararami? Di ba ang dagang kalye o dagang kanal? Sila ang mga mas agresibo, oportunista, matatalino, mabibilis kumilos at mas mabilis dumami. Kung maglalagay ka ng katulad nila sa isang palayan na may mga dagang palay, di ba mauubos lang ang mga dagang palay dahil aagawin sa kanila ng mga dagang ito ang kanilang tirahan at pagkain? Ngunit mas interesado ka ba bilang tao sa kanila kaysa sa mga dagang palay? Nasa dami ba ng populasyon, lakas, bilis, talino ng mga dagang ito sila nagiging interesado para sa mga nag-aaral ng mga ito na nakikita mo sa Magasin? Sila ba ay kumikilos na tunay sa kanilang likas ayon sa mga nakakataas na nilalang, ang mga tao? Ang kapatid mong babae ay parang puting dagang kosta. Nakakulong naman siya sa kulungang hindi nakikita ng mata, ang mga kagaya niya ay mga taong madalas magsinungaling sa kapwa lalo na sa kanilang sarili. Naghihintay na lamang sila ng pagkaing ibibigay sa kanila ng mga taong mas mataas na nilalang sa kanila.

Nabubuhay sila sa mundong kanilang ginawa at hindi ang mundong ginawa para sa kanila ng Diyos. Ang mga tulad nila ay hindi alam ang tunay na kaligayahan, pati ang kanilang tunay na gusto at kailangan. Sila’y mga bulag sa tunay nilang likas bilang nilalang. Ang mga tao na kagaya ng dagang kosta ay naghihintay lamang ng biyaya sa itaas kahit na wala silang ginagawa na kagustuhan ng nasa itaas. Ang mga taong kagaya ng dagang siyudad naman, namumuhay sila sa pagkaing hindi nila tunay na pagkain. Hindi rin natin sila masisisi dahil naging matatag lang sila at sumusunod sa mundong ginagalawan nila. Ang mga taong maitutulad mo sa mga kakaunting marsupial na daga, sila man ay kaunti, sila ay may tunay na kalayaan at tunay na buhay ng isang daga. Nakakakain sila ng tunay na pagkain at hindi sila nakakulong sa sarili nilang mundo. Maliban sa mga dagang bukid na minsan ay dumarami at nagiging peste na rin. Ang ibig kong sabihin ay, ang mga kaunting dagang ito, sila ang mga tunay na daga. Hindi naman biscuit, keso, tsokolate o tirang pagkain ang tunay na kinakain ng mga daga di ba? Hindi naman kulungan ang tunay na tirahan nila di ba? Ganun din ang tao, dapat alamin ng bawat tao kung alin ang tunay na sa tao ayon sa mata ng Diyos. Ang tunay na pagkain ay ang salita ng Diyos at ikaw bilang isang maka-Diyos nakakakain ka nito, hindi mo ito kailangang baguhin. Hindi mahalaga ang tingin sa iyo ng kapwa mo tao, ang mahalaga ay ang tingin sa iyo ng mga nasa itaas. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ka narito, para lumabas sa akin ang mga kaalaman kong ito. Naiintindihan ko na rin ang halaga ng kapangyarihang ibinigay sa akin.”

“Salamat po at naluwangan na ang aking pakiramdam. Ang problema ko po kasi ay hindi nila nakikita ang pagiging tunay na tao ko sa kanila. Mahalaga rin palang isipin ko kung ano ang iniisip ng mga nilalang na mas mataas sa akin at lalo na ang iniisip ng Diyos higit pa sa iniisip ng kapwa ko tao.” tugon ni Alex. “Sana po, kayo rin magbalik na ang matibay ninyong pananampalataya sa Kanya. Wag kayong mag-alala naniniwala po ako sa mga sinasabi ninyo. Sana po magkaroon rin kayo ng oras para makapagbasa ng Bibliya kung hindi nga po kayo nakakapagsimba at nakakarinig ng Salita ng Diyos sa misa. Naniniwala po ako sa mga sinasabi ninyo, sana po minsan magtiwala rin kayo sa sinasabi ng inyong sarili. Kung lahat po ng nilalang ay dapat gawin kung ano ang lahat ng kabutihan, kagaya ng sinabi ninyo, maski na ang Anak ng Diyos ay dapat mabinyagan, siguro kayo rin dapat mas mapalapit pa kayo lalo sa Diyos. Nabanggit nyo po na ang kapalit ng inyong kapangyarihan na maalala ang lahat at inyo ngang naalala pati ang kapalit nito- ang pagkamatay ng maaga ng inyong asawa. Kung nawala man siya ng maaga dahil sa pinili ninyong maging isang tao, maaari ka namang maging sanhi ng pagkabuhay ng iba kung maniniwala kang kaya mo. Maaari pong ito ang inyong piniling buhay para patunayan na kaya ninyong mahalin ang Diyos na higit sa lahat, maging sa asawa ninyo. Lahat ho tayo ay may problema, kagaya ng sabi mo, dapat malaman natin ang tunay na likas ng tao. Kasama po sa likas ng tao ang nakikipagugnayan sa kapwa nila. Sana po, pakinggan nyo rin ang sinasabi ng iba, baka hindi po ninyo alam na kagaya nyo siya na bumaba galing sa langit. Huwag po kayong matakot, mayroon parating paraan para mahanap mo ang katotohanan kung hindi ka lang susuko.”

Napangiti naman si Adriel sa sinabi ng kausap. Napag-isip isip niyang ito nga ang Alex sa kanyang mga nakikita. Hinawakan ni Adriel ang kanyang malaking singsing at sinabi ng pabulong sa binata, “Napakabata mo pa para magsalita na parang matanda na. Alam mo Alex, ang singsing na ito ay binigay sa akin ng asawa ko bago siya mamatay. Binigay ko ito sa kanya noong kami’y napakabata pa, napulot ko lang ito. Binalik niya ito sa akin kasi dapat ko raw siyang maalala at dapat hindi ako malulungkot sa pag-alis niya. Hindi ko kayang tanggapin ang sinasabi niya, hindi ko kaya ngunit nagsinungaling ako sa kanya. Masakit pa hanggang ngayon sa akin ang pagkawala niya maski dalawampung taon na ang nakakalipas.” Napaluha ng bahagya si Adriel at tumalikod nang kanya itong inamin sa kausap. Pinunasan niya ang kanyang luha ng kanyang kamay. Lumingon siyang muli para kausapin si Alex.

“Nakita ko ang singsing na ito Alex,” ang patuloy ni Adriel, “hawak ito sa kaliwang kamay ng isang anghel na wala ring mukha. Iba pa ito sa tinutukoy kong anghel na nagdala sa iyo rito. Siya’y may hawak na tatlong bituin sa kanyang kanang kamay. Ang anghel na ito ay tao ring ganap na kasabayan kong bumaba sa lupa, ang kanyang kapangyarihan ay ang magpalitaw ng espiritu ng mga namatay para makausap ng mga taong buhay. Hinihintay ko ang espiritu at umaasa, baka si Irena ang magpakita sa akin. Ngunit siyempre, hindi ko katulad ang mga anghel na ito dahil hindi niya alam ang kapangyarihan niyang ganito.”

Nilapag ni Adriel ang singsing ng kanyang mahal na asawa sa ibabaw ng lapagan ng mga gamit sa luhuran; siya’y tumingin kay Alex at nagpatuloy, “Sa aking ala-ala nagkasundo kaming papanoorin niya ako dito sa lupa at babantayan ko rin siya. Ngunit sa aking panaginip nang siya’y magpakita muli sa aking ala-ala, tinanong ko siya kung ang aking asawa ba ay nasa langit, ang tanging sinabi sa akin ng anghel na may tatlong bituin ay ‘kung magkakatagpo tayo sa lupa’. Kung totoo ito, wala na akong pag-asang makuha ang kasagutan dahil alam kong sila, hindi nila alam ang kanilang kapangyarihan at hindi nila alam na sila’y dating anghel. Kung ganito, hindi ko alam kung nagkatagpo na kami ng anghel na ito o hindi o kung magkakatagpo pa kami. Ang tanging hiling ko lang naman sa langit ay malaman kung nasa langit ang aking asawa o hindi.”

“Tatagan po ninyo ang pananampalataya ninyo isipin na lang ninyong mabuti ang Diyos at siya'y nasa maayos na kalagayan na. Pero hihilingin ko pa ring sana po mahanap ninyo ang sagot na hinahanap ninyo.” tugon ni Alex. “Siguro po magpapaalam na ako sa inyo, baka hinahanap na ako ng Lolo ko.”

“Alex, yung isang anghel na may dalawang bituin na tinutukoy ko sa iyo, alamin mo kung sino siya. Siya lang ang maaaring nagdala sa iyo dito dahil yun ang kanyang kakayahan…”

“Shhhhh,” ang sabi ng Doktora na nakaluhod sa harapan nila sa kapilya. “We are praying.” Kasabay nito ang senyas ng hintuturo sa kanyang labi. Napatingin sa harapan si Adriel, sa kanyang kaibigang Doktora at sa babaeng katabi nito. “Sorry Doc.” ang paumanhin ni Adriel . Napansin ni Adriel ang panyo sa kanang kamay na ginamit sa pagsenyas sa kanya ni Doktora. May nakaguhit na tatlong bituin sa kanyang panyo. Hawak naman ng Doktor ang singsing ng kanyang asawa sa kaliwang kamay at nagsabing, “Adriel, nahulog mo itong singsing mo.” at saka inabot ito kay Adriel. Napangiti naman si Adriel dahil naisip niyang si Doktora pala ang anghel na may tatlong bituin sa kamay na kanyang nakita sa panaginip. Hindi niya inaasahang si Doktora Alma lang pala ang anghel, kagaya ng nakita niya sa kanyang panaginip ngunit hindi rin niya inaasahang sa panyo pala nakalagay ang tatlong bituin. “Sino ang espiritu na kanyang pinalitaw?” ang tanong ni Adriel sa sarili. Paglingon niya sa likuran, wala na sa kinauupuan si Alex. Lumabas pa si Adriel upang hagilapin si Alex sa labas ng kapilya. Tinanong niya ang isang lalaking naglalakad at hindi raw nito napansin si Alex. Bumalik si Adriel sa kanyang kinauupuan. Ngayon ay nabunutan na siya ng tinik sa kanyang lalamunan, alam niyang ang kanyang mahal ay nasa langit kagaya ng pangako ng anghel sa kanyang panaginip.

Samantala, sa malayong dako, sa ospital na Makati Medical Center, ang Lolo ni Alex ay mataimtim na nagdarasal nang dumating ang isang lalaking doktor sa kanila at sinabing “I’m sorry, he didn’t make it. Time of Death is 3:00 pm. I’m sorry for your loss. Nagtagal pa siya ng ilang oras bago tuluyang huminto ang tibok ng puso niya. I'm sorry.” Umalis lang ng nakayuko ang doktor na nagsabi nito. Hindi lumuluha ang Lolo ni Alex. Tinititigan lamang ng matandang lalaki ang larawan ng kanyang anak na babae at ang hawak nitong apo niyang si Alex.

“Kasalanan ko ang lahat Lolo, hindi ko dapat pinag-drive mag-isa si Alex.” ang sabi ng kanyang kuya sa matanda na naroon sa tabi niya.

"Ipinagdasal ko na lang siya," ang sabi ng Lolo, "na sana, mahanap niya ang daan papuntang langit."

Samantala, sa kapilya, nakaupo si Adriel at nakapikit na parang may nakikita. Tumayo sa pagkakaluhod si Doktora Alma at lumapit siya kay Adriel.

“Kamusta ka na diyan Adriel? Bakit di ka pa rin umuuwi?” ang tanong ng Doktor sa kaibigan. Binuksan ni Adriel ang kanyang mga mata sa kumakausap.

“Pwede ko bang malaman kung ano ang pinagdasal mo Alma?” tugon ni Adriel. “Kung maaari lang.”


“Ipinagdasal ko na sana mahanap mo ang mga kasagutan sa tanong mo, yung binanggit mo sa akin na gumugulo sa isip mo. Parati kong sinasama sa dasal ko yun, bakit?”


“Wala Doc. Ok na ako. Pwede bang isali mo na rin sa iyong dasal ang aking kaibigan? Hindi ko pa siya nakikita pero sana makita niya ang nawawala niyang mahal sa buhay na iniwan sila. Sigurado akong malungkot siya ngayon. Uwi na pala ako. See you again.”


“Wag kang mag-alala Adriel,” sagot ng Doktora, “gagawin ko ang pabor mo, magkikita pa naman tayo ulit.”


Iniwan ni Adriel ang singsing ng kanyang asawa sa harapan ng altar. Nagpasalamat siya sa isang maikling dasal at umuwi na si Adriel ng may ngiti na sa kanyang mukha.


July 04, 2008 16:22

http://www.kwento.100megsfree5.com

Mga Maikling Kwento © E.L. Minell